2023
Anatomiya ng Isang Tagapamayapa
Pebrero 2023


“Anatomiya ng Isang Tagapamayapa,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Peb. 2023.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Mateo 5:9

Anatomiya ng Isang Tagapamayapa

Narito ang ilan sa mga prosesong nangyayari sa kalooban ng isang taong nagsisikap na magkaroon ng kapayapaan.

Larawan
dalagita

Paglalarawan ni Spencer Hale

Nais ng karamihan ng kapayapaan—para sa kanilang sarili, sa kanilang tahanan, sa kanilang komunidad, at sa mundo.

Itinuro sa atin ng Tagapagligtas na nagsisimula ito sa atin. Hinimok Niya tayong maging mga tagapamayapa (tingnan sa Mateo 5:9). At hinikayat tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na “wakasan ang mga tunggaliang namamayani sa inyong puso, sa inyong tahanan, at sa inyong buhay” (“Ang Kapangyarihan ng Espirituwal na Momentum,” pangkalahatang kumperensya ng Abr. 2022 [Liahona, Mayo 2022, 97]).

Kaya, ano ang mangyayari kapag hindi kayo nagkaunawaan ng isang tao tungkol sa isang bagay na mahalaga sa inyo? Paano ninyo mapapanatili ang kapayapaan habang ipinagtatanggol ninyo ang isang matibay na opinyon o pinaninindigan ang isang alituntunin ng ebanghelyo tulad ng pananatiling dalisay ang puri o hindi pandaraya sa paaralan?

Mga Prosesong Nangyayari sa Kalooban

Kung talagang sinisikap ninyong maging tagapamayapa, mapapalakas ninyo ang ilang prosesong nangyayari sa inyong kalooban sa emosyonal, mental, at espirituwal kapag nagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan. Bahagi ito ng anatomiya ng isang tagapamayapa. Narito ang ilan sa mga iyon.

Pakikinig

Ang pakikinig ay nangangahulugan ng pagbibigay-pansin sa sinasabi ng mga tao at hindi lamang pag-iisip kung ano ang susunod na sasabihin ninyo. Kapag alam ng isang tao na pinakikinggan siya, mas malamang na hindi siya magalit.

Kamalayan sa Inyong Sarili

Ang magkaroon ng kamalayan ay pagiging maingat sa sinasabi ninyo at ikinikilos ninyo—at pagtanto kung ano ang magiging dating niyon sa iba. Nangangahulugan din ito ng pagtanto kung bakit ninyo sinasabi at ginagawa ang mga bagay na iyon—ang inyong mga motibo.

Pakikiramay

Ang pakikiramay ay nangangahulugan ng pagdama sa nadarama ng iba. Sinisikap ninyong isipin ang nadarama nila kapag naririnig nila ang sinasabi ninyo at nakikita kung paano kayo kumikilos.

Kaalaman

Ang kaalaman ay isang imbakan ng impormasyon at mga katotohanan na mapaghuhugutan. Pero ang pinakamahalaga, kabilang dito ang espirituwal na natututuhan at nararanasan na maaari ninyong ipamuhay at ibahagi.

Panghihikayat

Ang panghihikayat ay ang kasanayang tumulong sa mga tao na baguhin ang paraan ng pag-iisip at pagdama nila tungkol sa isang bagay. Sabi ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang mga tagapamayapa … ay mapanghikayat sa paraan ng Tagapagligtas” (pangkalahatang kumperensya ng Abr. 2022 [Liahona, Mayo 2022, 18]). Ang paraan ng Tagapagligtas ay hindi lamang tungkol sa pagiging tama. Tungkol iyon sa pagmamahal sa katotohanan at sa mga taong gusto ninyong bahaginan nito. Ang paraan ng Tagapagligtas ay hindi tungkol sa pagsasabing tama ka at mali ang iba. Tungkol iyon sa pagbabahagi kung ano ang tama sa isang paraang tunay na makakarating sa mga tao. Ang ibig sabihin nito ay mahalin ang katotohanan at ang mga taong gusto ninyong bahaginan nito.

Pagtitiis

Sa paghahatid ng kapayapaan, ang pagpapasensya ay nangangahulugan ng pagpipigil sa sarili. Kadalasa’y nangangahulugan ito ng pagpapaalala sa inyong sarili na hindi ninyo kailangang sumabad. Hindi ninyo kailangang magalit o mainis. Hindi ninyo kailangang taasan ang inyong boses o lakasan ang inyong tono. OK lang na hayaang sabihin ng mga tao ang sasabihin nila, kahit lubos kayong hindi sumasang-ayon. Ang pagpapasensya ay hindi kahinaan. Bahagi iyon ng paraan ng Tagapagligtas.

Karunungan

Para sa mga tagapamayapa, ang karunungan ay nangangahulugan ng kakayahang humatol kung ano ang pinakamainam na gawin sa anumang sitwasyon. Dapat ba kayong makialam o hindi? Dapat ba kayong mangatwiran, emosyonal na sumuporta, magpatawa, magpatotoo? Makikita ninyo ang mga posibleng kahihinatnan ng iba’t ibang pagpili. Ang karunungan ay isang kaloob mula sa Diyos na maaaring dumating sa pamamagitan ng karanasan, pag-aaral, at pagsunod sa Kanyang payo.

Pagpapakumbaba

Ang magpakumbaba ay nangangahulugan ng pagkilala na hindi ninyo alam ang lahat ng bagay at hindi ninyo alam ang lahat ng sagot. Nangangahulugan din ito ng pagkilala na alam ng Diyos ang lahat ng bagay at mabibigyan kayo ng mga sagot. Ang pagpapakumbaba ay tumutulong sa atin na matiyak na “hindi nararapat hayaan ang kapalaluan ni ang pagkamapanghamak na gambalain ang [ating] kapayapaan; na dapat pahalagahan ng bawat tao ang kanyang kapwa tulad sa kanyang sarili” (Mosias 27:4).

Pananampalataya

Ang pagsampalataya kay Jesucristo ay nangangahulugan ng pagtitiwala sa Kanya at pagsisikap na sundin ang Kanyang mga utos, pati na kung paano ninyo tinatrato ang mga tao. Makatitiyak kayo na kapag naghangad kayo ng kapayapaan sa Kanyang paraan, “lahat ng bagay ay sama-samang gagawa para sa inyong ikabubuti” (Doktrina at mga Tipan 105:40).

Pagmamahal

Ang pagkakaroon ng pagmamahal sa Diyos sa ating puso ay humahantong sa kapayapaan (tingnan sa 4 Nephi 1:15). Tinutulungan tayo nitong mahalin ang ating kapwa-tao at ipinapaalala sa atin na sila ay mga anak ng Diyos.

Patuloy na Magsikap

Hindi laging madali ang maging tagapamayapa, at maaari kayong makagawa ng mga pagkakamali. Lahat naman tayo ay ganoon. Pero sinabi sa atin ng Tagapagligtas na kung tayo ay mga tagapamayapa, pagpapalain tayo at “tatawaging mga anak ng Diyos” (Mateo 5:9).

Sulit ang patuloy na sikaping makipagbati. Mabibiyayaan tayo ng Panginoon ng anatomiya ng tagapamayapa upang maging pangalawang likas na katangian natin iyon. Sa gayo’y tunay tayong matatawag na mga anak ng Prinsipe ng Kapayapaan.

Print