“Umasa sa Propeta,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Peb. 2023.
Umasa sa Propeta
May kapanatagan at kaligtasan sa pagtitiwala, paniniwala, at pagsunod sa propeta.
Parang karaniwang umaga ang pakiramdam ko noon habang naglalakad ako papasok sa paaralan. Pero ang tila hindi kakaibang araw na ito noong 13-anyos ako ay naging medyo kakaiba nang makarating ako roon.
“Narinig mo ba ang balita?” tanong ng kaibigan ko.
“Hindi,” sagot ko. “Ano ang nangyayari?”
Nang pumasok kami sa unang klase namin, binuksan ng guro ang TV. Noon ko nakita ang balita tungkol sa nakakatakot na mga kaganapan noong umaga ng Setyembre 11, 2001, sa Estados Unidos. Pinalipad ang na-hijack na mga eroplano at tinumbok ang World Trade Center sa New York City at ang Pentagon malapit sa Washington, D.C. Isa pang eroplano ang bumagsak sa isang bukirin sa Pennsylvania. Libu-libo ang namatay o nasaktan. Nakakatakot at nakapanlulumo ang araw na iyon.
Sa panahong ito, isang fighter pilot ang tatay ko na sakay ng isang aircraft carrier sa isang regular na anim-na-buwang deployment para sa United States Navy. Sa mga araw na sumunod, patuloy kong nakita ang balita tungkol sa mga pag-atake. Narinig ko rin ang mga kaklase ko na nagpapahayag ng takot at galit. Pinag-alala ako ng lahat ng ito tungkol sa hinaharap at sa maaaring mangyari sa tatay ko.
Kapanatagan mula sa Isang Panalangin ng Propeta
Idinaos ang pangkalahatang kumperensya pagkaraan ng tatlong linggo. Habang nakikinig ako, sinabi ng propetang si Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) na nabubuhay tayo sa mapanganib na mga panahon, ngunit “ang Diyos na sinasamba ko … [ay] Diyos ng awa. Siya ay Diyos ng pag-ibig. Siya ay Diyos ng kapayapaan at katiyakan, at umaasa ako sa Kanya sa mga oras na tulad nito para sa ginhawa at kalakasan.”1
Sa huling sesyon, tinapos ni Pangulong Hinckley ang kanyang mensahe sa isang panalangin. Nanalangin Siya para sa mga pagpapala ng pananampalataya, pagmamahal, pag-ibig sa kapwa, at “diwa ng pagsusumigasig na lipulin ang matinding kasamaan sa mundong ito.” Ipinagdasal niya na bigyan ng Diyos ng “proteksyon at patnubay ang mga nasasangkot sa digmaan ngayon. Pagpalain po Ninyo sila at iligtas; ilayo po Ninyo sila sa kapahamakan at kasamaan. Dinggin po Ninyo ang dalangin ng kanilang mga mahal sa buhay para sa kanilang kaligtasan.” Nanalangin din Siya sa Diyos na “iligtas at tulungan Ninyo kaming lumakad na[ng may p]ananampalataya sa Inyo magpakailanman at sa Inyong Minamahal na Anak.”2
Narinig ko na nang madalas na sinasabi ng propeta na nagdarasal siya para sa maraming bagay, pero kakaiba ang karanasang ito. Noon ko lang narinig na talagang umusal ng panalangin ang propeta sa pangkalahatang kumperensya. Ang marinig na manalangin ang propeta ay naghatid sa akin ng kapanatagang hindi ko nadama sa loob ng ilang linggo. Ipinagdasal niya ang aking mga alalahanin. Nadama ko na ipinagdasal niya ang aking pamilya. Bagama’t para sa mundo ang kanyang panalangin, namangha ako na ang panalangin ng isang propeta ay maaari ding maging para sa akin.
Isang Espesyal na Liham
Makalipas ang ilang buwan, nakatanggap ng liham ang aming pamilya mula sa tatay ko. Isinulat niya na noong araw ng panalangin ni Pangulong Hinckley, siya at lahat ng nakasakay sa aircraft carrier ay nakapagsimula ng isang misyon na pigilan ang iba pang mga pag-atake ng mga sumalakay sa Amerika.
“Nang mapagnilayan ko ang panalanging inialay ng propeta,” pagsulat ng tatay ko, “natanto ko ang ilang pambihirang bagay. Walang nasugatan o namatay sa amin sa buong operasyon. Paminsan-minsan, milya-milya ang layo namin ng mga kapwa ko piloto mula sa carrier, at lumilipad kami sa ibabaw ng malupit na teritoryo sa 12-oras na mga misyon. Kapag pabalik na kami sa aircraft carrier para ilapag ang aming mga fighter jet sa gabi, nanatiling kalmado ang karagatan at panahon nang lagpas pa sa panahon na karaniwang nagiging masungit sa bahaging iyon ng mundo. Ang maiuwi ang lahat ay isang mahimalang pagpapala. Alam ko mula sa personal na karanasan na sinagot ang panalanging inialay ng propeta para sa amin.”
Nang mabasa ko ang patotoo ng tatay ko tungkol sa isang sagot sa panalangin ng propeta, napuspos ng Espiritu ang puso ko at pumasok ang mga salitang ito sa aking isipan: “Umasa sa propeta, at magiging OK ka.”
Patnubay para sa mga Panahong Puno ng Hamon
Ngayon, maraming nakalilito at negatibong tinig ang nagtatangkang iligaw tayo at ginagawang tila iba ang mga bagay-bagay sa kung ano talaga ang mga iyon sa pamamagitan ng pagbabaligtad at pagbabaluktot sa katotohanan.
Naipropesiya rin na sa ating panahon ay “sasalantahin [ni Satanas] ang puso ng mga anak ng tao, at pupukawin sila na magalit laban sa yaong bagay na mabuti” (2 Nephi 28:20). Magkakaroon ng “mga digmaan at ng mga bali-balita ng mga digmaan” (Mateo 24:6) at ng pagkabalisa at kalituhan sa mga bansa (tingnan sa Lucas 21:25), at “lahat ng bagay ay magkakagulo” (Doktrina at mga Tipan 88:91). Dahil dito, manlulupaypay ang puso ng maraming tao dahil sa takot (tingnan sa Lucas 21:26).
Mabuti na lang at alam ng Panginoon “ang wakas mula sa simula” (Abraham 2:8) at hindi pa Niya tayo iniwan nang walang tulong. Bilang tanda ng Kanyang pagmamahal sa atin, tumawag Siya ng mga propeta para pagpalain at gabayan tayo.3
Itinuturo ng propeta ngayon, si Pangulong Russell M. Nelson, ang mga utos ng Diyos at tumatanggap ng paghahayag para gabayan ang Simbahan. Nakikita Niya ang mga bagay na hindi natin nakikita at nagbibigay ng patnubay na nagpoprotekta at tumutulong sa atin. Halimbawa, nangako siya na kung may pananampalataya kayo kay Jesucristo, “hindi kayo kailangang matakot.”4
May kapanatagan at kaligtasan sa pagtitiwala, paniniwala, at pagsunod sa propeta, sa kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan, at sa mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Kung magtutuon tayo sa kanila at sa kanilang mga salita, hindi nila tayo ililigaw at hindi maaaring iligaw. 5 Ipinahayag ng Tagapagligtas, “Maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa” (Doktrina at mga Tipan 1:38).
Malalaman Mo ang Katotohanan
Hindi palaging madaling sundin ang propeta at mga apostol. Kapag ang kanilang mga turo ay hindi popular o tila hindi tanggap sa lipunan, maaaring nakatutuksong piliin kung aling mga turo ang tatanggapin. Pero ang kanilang mga salita ay batay sa di-nagbabagong doktrina at mga walang-hanggang katotohanan na kailangan nating malaman. “Maaaring hindi namin palaging sinasabi sa mga tao ang gusto nilang marinig,” pagtuturo ni Pangulong Nelson. “Bihirang maging popular ang mga propeta. Ngunit palagi naming ituturo ang katotohanan!”6
Maaari nating malaman mismo ito. Itinuro din ni Pangulong Nelson: “Itanong sa inyong Ama sa Langit kung tunay nga kaming mga apostol at propeta ng Panginoon. Itanong kung nakatanggap na kami ng paghahayag [na pamunuan ang Simbahan].”7 Mapagtitibay sa inyo ng Espiritu Santo ang mga katotohanang itinuturo nila. Ang isa pang paraan para malaman kung totoo ang kanilang mga salita ay ang ipamuhay ang mga ito “nang buong pagtitiis at pananampalataya” (Doktrina at mga Tipan 21:5). Basta gawin lang ito! Kumilos ayon sa itinuturo nila, at tingnan kung ano ang mangyayari.
Nagpapasalamat ako sa pagsaksi ng Espiritu Santo na natanggap ko noong 13-taong-gulang ako tungkol sa banal na tawag ng isang propeta. Mas sigurado ako ngayon tungkol dito. Kung aasa tayo sa propeta at susundin ang kanyang mga turo, magiging OK tayo anumang mga hamon ang umiikot sa ating paligid.