“Kailangan ba Tayong Maging Sakdal Ngayon?” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Peb. 2023.
Panghuling Salita
Kailangan ba Tayong Maging Sakdal Ngayon?
Ang mga banal na kasulatan ay isinulat para pagpalain at hikayatin tayo, at tiyak na ginagawa iyan ng mga ito. Ngunit napansin ba ninyo na paminsan-minsan ay isang talata ng banal na kasulatan ang bigla nating mapapansin na nagpapaalala sa atin na nagkukulang tayo? Halimbawa: “Kayo nga’y maging sakdal, gaya ng inyong Ama sa langit na sakdal” (Mateo 5:48). Sa kautusang iyan, gusto nating bumalik sa higaan at magtalukbong ng kumot. Tila hindi natin kayang makamtan ang gayong selestiyal na mithiin. Ngunit siguradong hindi tayo bibigyan ng Panginoon ng isang utos na alam Niyang hindi natin masusunod.
“Oo, lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya,”’ pakiusap ni Moroni. “Ibigin ang Diyos nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip at lakas, kung magkagayon … sa pamamagitan ng kanyang biyaya kayo ay ma[gi]ging ganap kay Cristo” (Moroni 10:32; idinagdag ang pagbibigay-diin). Ang tanging pag-asa natin para tunay na maging sakdal ay tanggapin ito bilang isang kaloob mula sa langit—hindi natin ito “matatamo sa sariling sikap.”
Maliban kay Jesus, wala nang mga pagtatanghal na walang mali sa paglalakbay natin sa mundong ito, kaya habang nasa mortalidad ay sikapin nating patuloy na magpakabuti at iwasan ang labis na pag-asa sa ating sarili at sa iba.
Kung tayo ay magsusumigasig, sa isang lugar sa kawalang-hanggan ay matatapos at malulubos ang ating kadalisayan—na siyang kahulugan sa Bagong Tipan ng pagiging sakdal.