2023
Ginawa Niya Akong Isang Mamamalakaya ng mga Tao
Pebrero 2023


“Ginawa Niya Akong Isang Mamamalakaya ng mga Tao,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Peb. 2023.

Ginawa Niya Akong Isang Mamamalakaya ng mga Tao

Si Colby Merryman ng Topsham, Maine, USA, ay isang mamamalakaya ng mga lobster at ng mga tao.

binatilyong may hawak na mga lobster

Simula noong mga unang taon niya bilang tinedyer, tumutunog na ang alarm clock ni Colby tuwing alas-4:00 n.u., na nagsasabi sa kanya na bumangon na para makasakay siya sa bangka pagsapit ng alas-5:00. Alam ninyo, si Colby ay ikatlong-henerasyon na lobsterman mula sa Maine, USA. Kinailangan niyang maglayag sa dagat na kasama ng kanyang ama pagsapit ng alas-5:00 n.u. para marami silang mahuling lobster sa araw ng pamamalakaya.

Ang Lobstermen

Kinailangan ni Colby na maglaan ng maraming oras at magpakasipag para makakuha ng sarili niyang lisensya sa panghuhuli ng lobster. Gumugol siya ng 200 araw at 1,000 oras na training sa dagat sa loob ng ilang taon. Kinailangan niyang matutong mag-alaga ng mga bangka sa panghuhuli ng mga lobster at maglayag, at pinag-aralan din niya ang mga regulasyon sa kaligtasan at mga tuntunin ng industriya.

binatilyo at lalaki sa bangka

Sabi niya, “Anim na taong gulang ako nang isama ako ng tatay ko sa pamamalakaya sa unang pagkakataon. Kahit sa edad na iyon, binigyan ako ng trabahong ‘talian’ ang mga lobster, o lagyan ng makakapal na goma ang mga sipit ng lobster.”

Nang mag-14 anyos si Colby, kinuha siya ng kanyang ama bilang sternman, at sa edad na 15, bumili si Colby ng sarili niyang bangka sa pamamalakaya. Nag-aral din siya tungkol sa pagkukumpuni ng maliliit na makina at sa pagkakarpintero para ihanda siyang maging bahagi ng negosyong panghuhuli ng mga lobster.

Ang pagiging isang lobsterman ay naging isang masayang bahagi ng edukasyon sa buhay ni Colby. Itinuro nito sa kanya na pamahalaan ang sarili niyang bangka at maging responsable sa mga desisyong ginagawa niya habang nasa dagat at kapag wala sa dagat. “Ang panghuhuli ng lobster ay mahirap na pisikal na trabaho at maaaring maging mapanganib,” sabi niya.

Ang mga tuntunin sa kaligtasan na itinuro sa kanya ng kanyang ama ay nagpoprotekta sa kanya sa pisikal, tulad ng mga utos ng Panginoon na nagpoprotekta sa kanya sa espirituwal. Kung magsusumikap sila at ligtas sa buong panahon ng panghuhuli ng lobster, nagtitipon ang kanilang pamilya para magdaos ng isang salu-salo para “kumain ng malaking lobster” tuwing summer para gunitain ang pamana ng pamilya na panghuhuli ng lobster.

Kadalasan ay isinusunod ng mga mamamalakaya ang pangalan ng kanilang bangka sa pangalan ng isang babaeng mahalaga sa kanilang buhay. Pinangalanan ni Colby ng “Angelica Jewel” ang kanyang bangka, na isinunod niya sa pangalan ng dalawang kapatid niyang babae. Kalaunan ay ibinenta niya ang bangka, trak, at kagamitan para makatulong sa pagbabayad para sa kanyang misyon.

binatilyo

Seminary sa Tubig

Noong nasa tamang edad na si Colby para magsimula sa seminary, kinailangang iangkop ang iskedyul nito sa kanya. Nagsisimula nang alas-5:00 n.u. ang pamamalakaya at tumatagal nang maraming oras. Ang seminary ay alas-6:00 n.u. Hindi siya posibleng makapunta sa dalawang lugar nang sabay … o kaya ba niya?

Nagsimulang sumali si Colby sa seminary sa isang video call tuwing alas-6:00 ng umaga para magampanan niya kapwa ang mga tungkulin niya sa pamamalakaya at maisulong ang kanyang espirituwal na edukasyon. “Naramdaman ko palagi na sinisimulan ko ang araw na may espirituwal na lakas,” sabi niya. “Gustung-gusto kong magpunta sa dagat para sa seminary. Panatag at payapa iyon, at nadama ko roon ang Espiritu ng Panginoon.”

Nakikinig siya at nagninilay-nilay, nagbabasa ng mga banal na kasulatan, at nakikilahok sa talakayan kasama ang kanyang mga guro at kaklase. Pagkatapos, sa ganap na alas-6:45 n.u., bumabalik na siya sa pamamalakaya.

Siguradong hindi palaging perpekto ang seminary habang sakay ng bangkang pangisda. Malakas at nakakagambala ang ingay ng makina. Madalas ay maalon ang dagat, at abala sa trabaho ang bangka sa madaling araw. Kung minsa’y nakakahadlang kay Colby ang masamang panahon dahil hirap siyang makakonekta nang maayos para makasali sa video call. “Mahirap dumalo sa seminary habang sakay ng bangkang panghuli ng lobster,” sabi niya. “Mas madali sanang hindi gawin iyon. Pero tuwang-tuwa ako dahil nakapag-ukol ako ng oras bawat araw na makalahok sa seminary.”

binatilyong nagbabasa ng mga banal na kasulatan habang nakasakay sa isang bangka

Mga Espirituwal na Aral sa Pamamalakaya

Hindi lahat ng aral na natutuhan ni Colby sa bangka ay tungkol sa pamamalakaya. “Marami kang natututuhan tungkol sa ebanghelyo habang nagtatrabaho sa dagat na nakasakay sa isang bangka,” sabi niya. “Napakaraming pagkakatulad. Ang isa sa mga bagay na itinuro sa akin ng tatay ko ay ang magtiwala sa dagat at sa panahon at magtiwala sa kagamitan mo sa paglalayag.”

Ikinumpara niya ito sa pagsunod sa Espiritu Santo sa kabila ng mga unos sa buhay, na sinasabi na ang Espiritu Santo ay gumagana bilang ating kagamitan sa paglalayag. “Nauunawaan ko na ngayon kung bakit napakahalaga na matutong makinig at sumunod sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo at sa tinig ng Panginoon.”

“Palagay ko hindi laging magiging madali ang maging isang disipulo ni Jesucristo,” sabi niya, “pero palagay ko sulit ito.”

Mga Mamamalakaya ng mga Tao

Ngayon ay naglilingkod si Colby bilang isang full-time missionary sa Utah Provo Mission. Talagang nararanasan niya ang kahulugan ng maging isang “mamamalakaya ng mga tao.” Si Cristo ay tumawag ng regular at karaniwang mga mamamalakaya para maging mga Apostol Niya at tumulong na ipangaral ang Kanyang ebanghelyo. Sabi ni Colby, na Elder Merryman na ngayon: “Tinutulungan ako niyan na malaman na maaaring sumunod sa Tagapagligtas ang isang karaniwang taong katulad ko kapag tumawag Siya. May nadarama akong koneksyon sa Tagapagligtas na tinawag Niya akong maging isang mamamalakaya ng mga tao, na ihagis ang lambat ng liwanag ng ebanghelyo at kunin ang pansin ng mga taong handang sumunod sa Kanya.”

si Jesucristo na tinatawag ang mga mangingisda na maging mga mamamalakaya ng mga tao

Habang ginugunita ni Elder Merryman ang kanyang karanasan sa seminary habang sakay ng bangkang pangisda, sinabi niya na iyon ay “nakagawa ng kaibhan sa misyon ko.” Itinuro sa kanya sa kanyang klase sa seminary ang “maraming mahahalagang kuwento mula sa mga banal na kasulatan.” Ang mga kuwento at aral na iyon naman ang naghanda sa kanya na ituro ang ebanghelyo sa pamamagitan ng Espiritu. “Araw-araw ay ginagamit ko ang mga aral na natutuhan ko sa seminary.”

Kinikilala rin ni Elder Merryman ang espirituwal na impluwensya ng kanyang ina sa pagdadala ng sarili niyang pamilya sa ebanghelyo. Sabi niya: “Ang nanay ko ang unang naging mamamalakaya ng mga tao. Ibinahagi niya ang liwanag ng ebanghelyo sa tatay ko. Dahil sa kanya, natatamasa ng pamilya namin ang mga pagpapala ng templo at ang ebanghelyo ni Jesucristo sa aming tahanan.”

“Alam ko na ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay totoo,” sabi ni Elder Merryman. “Binabago nito ang buhay magpakailanman. Nakita ko nang mangyari ito sa mga taong naturuan ko habang nasa misyon ako. Ang pagsunod sa ebanghelyo ay nakatulong sa akin na magsisi at mas mapalapit kay Jesucristo.”