2023
Kapag Nahihirapang Makamtan ang mga Mithiin
Pebrero 2023


“Kapag Nahihirapang Makamtan ang mga Mithiin,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Peb. 2023.

Kapag Nahihirapang Makamtan ang mga Mithiin

Kung nagtakda ka ng mga mithiin at hindi mo makamit ang mga ito, para sa iyo ang artikulong ito.

Nakapagtakda ka na ba ng mithiin para simulan ang bagong taon at naganyak nang husto na gawin iyon … sa isang araw? At pagkatapos ay sumapit ang Ika-3 ng Enero at hindi mo iyon nagawa. Nawala ang tuon mo sa iyong mithiin. Mas mabuting maghintay sa susunod na taon at magsimulang muli. [Side note: Huwag mag-alala. Naranasan naming lahat iyan.] Narito ang ilang tip para tulungan kang magtuon sa iyong mga mithiin!

Gabay sa Pagtatakda ng Mithiin

  • taong nagdarasal

    Mga larawang-guhit ni Bárbara Tamilin

    Ipagdasal kung ano ang pagtutuunan. Alam ng Ama sa Langit kung gaano mo kailangang magpakabuti. Bumaling sa Kanya! Isipin kung ano ang nais Niya para sa iyo, at bigyang-pansin ang mga ideya o impresyong pumapasok sa iyong isipan.

  • mga hugis ng puso

    Piliin ang mga mithiing interesado kang makamtan. Pagsikapang gawin ang isang bagay na gustung-gusto mo na, o subukan ang isang bagong bagay. Alinman dito, pumili ng isang bagay na mukhang nakakatuwa!

  • Magtakda ng partikular na mga mithiin.

    • Hindi-gaanong-magandang mithiin: Magpakahusay sa basketball.

    • Magandang mithiin: Magpraktis ng 1,000 free-throw hanggang sa katapusan ng buwan.

  • dalagitang may clipboard

    Magplano.

    • Halimbawa: Magsu-shoot ako ng mga free-throw sa loob ng 30 minuto tuwing Lunes, Miyerkules, at Biyernes paglabas ko ng paaralan. [Side note: Ang pagpili ng oras ay mas mainam kaysa sabihin lang na “kapag may oras ako,” dahil magpakatotoo tayo—maaaring hindi ka mag-ukol ng oras maliban kung maglaan ka ng oras.]

  • Logo ng programang Mga Bata at Kabataan

    Lumago sa espirituwal, sosyal, pisikal, at intelektuwal. Tingnan ang mga ideya sa mithiin sa gabay na aklat para sa mga kabataan o sa childrenandyouth.ChurchofJesusChrist.org.

  • Alamin kung bakit. [Side note: Ang “dahil sinabi sa akin ng nanay ko” ay maaaring hindi lubos na makaganyak sa iyo.] Bakit mo gustong pagsikapang makamtan ang mithiing ito? Matutulungan ka ba nitong maging higit na katulad ng Tagapagligtas? Matutulungan ka ba nitong maging tao na gusto mong kahinatnan?

Masyado Ka Bang Abala?

Maaaring ginagawa mo na ito pero kailangan mong gawin ito nang mas tuluy-tuloy: Marami ka nang pinagsisikapang gawin araw-araw. Ngayon, isulat ang isa sa mga bagay na iyon at kung paano mo ito mapagbubuti pa. Ngayo’y isa na itong opisyal na mithiin!

Mag-isip ng simpleng mithiin: Ang pagsisikap na makamtan ang mga mithiin ay hindi kailangang pag-ukulan ng napakaraming oras. Magsimula ka sigurong mag-ukol ng 5 minuto sa isang araw para gawin ang isang bagay. [Side note: Magtiwala ka sa akin dito. Mas malamang na gagawin mo ito.]

Napakahirap bang Makamtan ng mga Mithiin Mo?

Pagpasensyahan ang sarili mo. Ang subukan at mabigo at subukang muli ay bahagi ng buhay. Kung hindi mo ito nagawa sa isang araw, subukang muli kinabukasan. Kaya mo ito!

Humingi ng tulong sa panalangin! Alam ng Ama sa Langit ang kailangan mong gawin para makamtan ang iyong mithiin. Magtiwala sa Kanya.

Pag-isipang muli ang iyong mithiin: Kung napakahirap ng iitinakda mong mithiin, subukang magtakda ng sunud-sunod na mga simpleng mithiin na tutulong sa iyo na makamtan iyon. [Side note: Kung gusto mong magpraktis ng ukulele araw-araw, magsimula ka siguro sa 15 minuto sa halip na isang oras.]

Mga Paraan para Makamtan ang mga Mithiin

Mga ideya para tulungan kang makamtan ang iyong mga mithiin

  • Gamitin ang cell phone mo. Subaybayan ang iyong mga mithiin gamit ang isang app sa cell phone mo tulad ng Gospel Living app. Puwede mo ring subukang palitan ng iyong mithiin ang screensaver o password ng cell phone mo para matandaan mo iyon.

  • Gamitin ang salamin mo. Idikit ang mga mithiin mo sa salamin ng inyong banyo para maipaalala sa iyo ang mga iyon tuwing magsisipilyo ka.

  • Gumamit ng garapon. Kapag pinagsisikapan mong makamit ang isang mahirap na mithiin, isulat ang maliliit na “panalo” sa mga piraso ng papel o sa mga popsicle stick at ilagay ang mga iyon sa garapon. Kapag pinanghihinaan ka ng loob, basahin ang tungkol sa mga bagay na naging maayos.

  • Ibahagi ang iyong mithiin. Sabihin sa isang tao kung ano ang pinagsisikapan mong makamtan. Hilingin sa kanila na panagutin ka!