“Ano ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin Niyang, ‘Kayo nga’y maging sakdal’?,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Peb. 2023.
Tuwirang Sagot
Ano ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin Niyang, “Kayo nga’y maging sakdal”?
Sabi ng Tagapagligtas, “Kayo nga’y maging sakdal, gaya ng inyong Ama sa langit na sakdal” (Mateo 5:48). Hindi ito isang paanyayang gawin ang lahat ng bagay nang walang mali. Ito ay isang paanyayang mas unawain ang plano ng Ama sa Langit at sundan Siya.
Sa Bagong Tipan, ang kahulugan ng salitang Griyego para sa sakdal ay kumpleto, buo, o ganap na buo, matapos makamtan ang isang mithiin. Inaanyayahan tayo ni Jesucristo na pagsumikapan ang gayong uri ng pagiging sakdal. At Siya lamang ang makakatulong sa atin na makamtan iyon—kalaunan.
Nais ng ating Ama sa Langit na magkaroon tayo ng pisikal at espirituwal na kasakdalang taglay Niya. Sa gayo’y maaari tayong magkaroon ng ganap na kagalakan tulad Niya. Sa pamamagitan ng Pagkabuhay na Mag-uli at nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo, maaari tayong magawang sakdal—kalaunan.
Alam ng Ama sa Langit na hindi tayo maaaring maging sakdal sa buhay na ito. Pero sa Kanyang plano, maaari nating piliing manampalataya kay Jesucristo, gumawa ng mga tipan, magpunyaging sundin ang mga utos ng Diyos, at magsisi tuwing magkakamali tayo. Sa gayo’y mapagpapala Niya tayo sa buhay na ito at—kalaunan, pagkatapos ng buhay na ito—magawa tayong sakdal.