“Gabay sa Pananatiling Buhay para sa Klase at Korum,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Peb. 2023.
Gabay sa Pananatiling Buhay para sa Klase at Korum
1. Pagiging Mahusay sa Pakikipagkilala
Subukan ang mga mungkahing ito para makilala ang mga tao sa inyong korum o klase!
-
Lakasan ang loob mo. Kung may kumatok sa pintuan mo para makilala ka, maiinis ka ba? Hindi siguro. Kaya lakasan ang loob mo. Subukang mag-text, tumawag, o kumatok.
-
Tandaan ang pangalan nila. Sa susunod na may magsabi sa iyo ng pangalan nila, sikaping tandaan iyon. May katunog ba iyon? Kapangalan ba sila ng pinsan mo? Ngayon, huwag mong kalimutan iyon!
-
Piliin ang upuan mo nang may katalinuhan. Sa oras ng klase o isang aktibidad, subukang umupo sa tabi ng isang taong hindi mo gaanong kilala. Batiin siya at magpakilala ka. Pagkatapos ay pakinggan at kilalanin sila! Ano ang gusto nilang gawin? Kumusta na sila?
-
Gumawa ng isang bagay na maganda! Ano ang iyong pahahalagahan? Isang treat, isang ngiti, isang papuri? Isipin kung paano mo gustong tratuhin ka at gawin iyon sa iba.
2. Pagpapadama sa Iba na Tanggap Sila
Kung titingnan mong mabuti, maaari mong mapansin ang isang tao sa inyong korum sa klase na nahihirapang makibagay. Baka hindi sila madalas dumalo sa mga aktibidad o magsimba, o baka kakaunti lang ang mga kaibigan nila sa grupo. Makakagawa ka ng kaibhan. Maaari mong:
-
Anyayahan sila sa simbahan o sa mga lingguhang aktibidad.
-
Anyayahan silang tumabi sa iyo sa upuan sa mga klase sa araw ng Linggo o sa isang aktibidad.
-
Batiin sila sa labas ng simbahan.
-
Tiyakin na mahalin sila kung sino sila. Tiyakin na alam nilang nariyan ka para sa kanila anuman ang mangyari.
3. Pakikisama sa iba
Nahihirapang makisama sa ilang tao sa inyong korum o klase? Normal lang iyon. Pero hindi nangangahulugan na mabuti iyon. Itinuro sa atin ni Jesucristo na mahalin ang iba, tulad ng pagmamahal Niya sa atin. Hindi mo kailangang maging matalik na kaibigan ng lahat. Pero maaari kang maging isang taong maaasahan ng iba sa inyong grupo sa kabaitan, paggalang, at pakikipagkaibigan.
Kapag hindi mabait sa iyo ang iba: Itinuro sa atin ni Jesus na “ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, [pagpalain sila na sumusumpa sa inyo, gawan ninyo ng mabuti ang napopoot sa inyo, at] idalangin ninyo ang umuusig sa inyo” (Mateo 5:44). Hindi iyon palaging madali, pero tutulungan ka ng Ama sa Langit kapag ginagawa mo ang lahat ng makakaya mo para maging mabait.
Kapag naiiba sa iyo ang ibang mga tao: OK lang kung magkakaiba kayo ng interes o personalidad. Ang totoo, maaaring mabuting bagay iyon (tingnan sa Bahagi 4). Hindi kailangang maging magkatulad kayo talaga para suportahan ninyo ang isa’t isa. Maaari mong subukang dumalo sa laro, konsiyerto, o aktibidad ng isang tao para ipakita na nagmamalasakit ka.
4. Ang Katawan ni Cristo
Itinuro ni Apostol Pablo na tayong lahat ang bumubuo sa katawan ni Cristo. Maaaring tila medyo nakakalito iyan, pero hindi isang literal na katawan ang ibig niyang sabihin. Ipinaliliwanag niya na tayo ay parang mga bahagi ng isang katawan dahil magkakaiba tayong lahat pero lahat tayo ay mahalaga sa kabuuan (tingnan sa 1 Corinto 12:16–18). Sabi niya, “Huwag magkaroon ng pagkakagulo [hindi pagkakaunawaan] sa katawan; kundi ang mga bahagi ay magkaroon ng magkatulad na malasakit sa isa’t isa. Kapag ang isang bahagi ay naghihirap, lahat ay naghihirap na kasama niya; o kapag ang isang bahagi ay pinararangalan, sama-samang nagagalak ang mga bahagi” (1 Corinto 12:25–26).
Bilang miyembro ng isang klase o korum, responsibilidad mong pangalagaan ang iba sa inyong grupo. Sino ang nahihirapan? Sino ang maaari mong “[samahan sa paghihirap]” o “[samahang magalak]”? Sino ang kailangang makadama na siya ay sinusuportahan, kabilang, at minamahal? (Hint: lahat siguro!)
Ngayon, mag-ukol ng sandali para pagpasiyahan ang isang bagay na magagawa mo para sa isang tao at planuhing gawin ito. Ang mga ideyang iyon ay kadalasang nagmumula sa Espiritu Santo.
5. Para sa mga Quorum at Class Presidency
Bagama’t lahat ay may responsibilidad na pangalagaan ang iba pang mga miyembro ng korum o klase, ikaw ang natawag at naitalagang gawin iyon. Makakatulong ang personal na paghahayag. Ipagdasal na malaman kung sino ang nangangailangan at ano ang magagawa mo. Pagkatapos ay kumilos ayon sa mga pahiwatig na natatanggap mo.