Mga Kaharian ng Kaluwalhatian
Mga Sipi
Itinuturo ng inihayag na doktrina ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na lahat ng mga anak ng Diyos—maliban sa iilan na hindi ko na babanggitin pa rito—ay magmamana sa huli ng isa sa [tatlong] kaharian ng kaluwalhatian, maging ang pinakamababa na “walang maaaring makaunawa” [Doktrina at mga Tipan 76:89]. …
Ang isa pang natatanging doktrina at gawain ng ipinanumbalik na Simbahan ay ang inihayag na mga kautusan at tipan na nagbibigay sa lahat ng mga anak ng Diyos ng sagradong pribilehiyo na maging karapat-dapat sa pinakamataas na antas ng kaluwalhatian sa kahariang selestiyal. Ang pinakamataas na destinasyong iyan—kadakilaan sa kahariang selestiyal—ang pokus ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. …
… Sa kaluwalhatiang “selestiyal” may tatlong antas, kung saan ang pinakamataas ay kadakilaan sa kahariang selestiyal. …
Hinihingi sa plano ng Diyos, na nakasalig sa walang hanggang katotohanan, na ang kadakilaan ay makakamit lamang sa pamamagitan ng katapatan sa mga tipan ng walang-hanggang kasal ng isang lalaki at ng isang babae sa banal na templo, isang kasal na makakamtan sa huli ng lahat ng matatapat. …
Ang Huling Paghuhukom ay hindi lamang pagsusuri ng lahat-lahat ng mabubuti at masasamang gawa—na ginawa natin. Ito ay batay sa huling epekto ng mga ginawa at inisip natin—kung ano ang naging tayo. Nagiging karapat-dapat tayo sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng proseso ng pagbabalik-loob. …
Dahil kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, kapag nagkasala tayo sa buhay na ito, maaari tayong magsisi at muling tahakin ang landas ng tipan na humahantong sa nais ng ating Ama sa Langit para sa atin.