Para sa Lakas ng mga Kabataan
Mamuhay sa Liwanag ng Tagapagligtas
Setyembre 2024


Mamuhay sa Liwanag ng Tagapagligtas

Kapag lumapit kayo kay Jesucristo at nagsisi, aakayin kayo ng Kanyang nagpapagaling at nagpapalakas na kapangyarihan palabas ng kadiliman.

eroplanong papel

Sa isang mahabang pagbiyahe ko bilang kapitan ng eroplano, lilipad ako mula sa Germany nang alas-11:00 n.u. at lalapag sa California nang ala-1:00 n.h. sa araw ding iyon. Sa pagkukumpara sa mga oras ng paglipad at paglapag, maaaring magmukhang dalawang oras lang ang pagtawid ng eroplano sa Atlantic Ocean at sa North American continent.

Mabilis ang Boeing 747, pero hindi ganoon kabilis! Ang totoo, umabot ng halos 11 oras ang paglipad, depende sa hangin, para lakbayin ang 5,600 milya (9,000 km).

Dahil lumilipad kami pakanluran, hinding-hindi lumubog ang araw sa oras ng paglipad namin. Natuwa kami sa liwanag ng araw mula Germany hanggang California. Gayunman, ibang-iba ang nangyari pabalik ng Germany. Habang lumilipad kami pasilangan, mas mabilis na lumubog ang araw kaysa karaniwan, at bago pa namin nalaman, gumabi na.

Kahit habang lumilipad sa gabi, sa ganap na kadiliman, tiyak ko na ang araw ay naroon palagi, matatag, at maaasahan. Alam ko na sisikat ang araw kalaunan, at babalik ang maningning na liwanag para maghatid ng init at buhay sa isang bagong araw bago matapos ang aming paglalakbay.

Kung minsan, ang mga bagay sa ating paligid ay maaaring mukhang hindi matatag, hindi mahuhulaan, at madilim. Lubos akong nagpapasalamat kay Jesucristo. Siya ang ilaw at ang buhay ng sanlibutan. Dahil sa Kanya, may pag-asa tayo para sa hinaharap, may access sa Kanyang banal na liwanag, at sa pangako ng tagumpay laban sa kasalanan at kamatayan sa huli.

Ang Pagmamahal at Kapangyarihan ng Tagapagligtas

Dahil sa pagmamahal sa atin, ibinuwis ni Jesucristo ang Kanyang buhay para sa lahat ng mga anak ng Diyos at binuksan ang pintuan ng kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan.

Sa kabila ng nais ni Satanas na paniwalaan ninyo, kaya pa rin kayong sagipin ng Tagapagligtas. Lagi kayong “nayayakap magpakailanman ng mga bisig ng kanyang pagmamahal” (2 Nephi 1:15).

Ang pinakadakila sa lahat ng kaloob ay nagmumula sa nagbibigay-kakayahan at nakatutubos na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Dahil sa pagdurusa ng Tagapagligtas sa Getsemani at Golgota, alam Niya kung paano kayo tutulungan sa anuman at lahat ng hamong kinakaharap ninyo (tingnan sa Alma 7:11–12).

Si Jesucristo ang inyong lakas!

si Jesucristo na yakap ang isang lalaki

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Noong nagbayad-sala ang Tagapagligtas para sa buong sangkatauhan, binuksan Niya ang daan upang ang Kanyang mga tagasunod ay makatanggap ng Kanyang nagpapagaling, nagpapalakas, at mapantubos na kapangyarihan.”

Ang kapangyarihang iyon, gaya ng araw, ay laging nariyan. Hindi ito nagbabago o nagmamaliw. Ang pagsunod sa mga yapak ng Tagapagligtas ay parang paglabas mula sa kadiliman tungo sa sikat ng araw, kung saan ninyo matatanggap ang mga pagpapala ng liwanag, init, at pagmamahal ng Diyos.

Isang Maliwanag na Bagong Simula

Nakasaad sa Aklat ni Mormon kung paano ginugol ng mga Nephita ang tatlong araw sa pinakamalalim na kadiliman kasunod ng Pagpapako sa Krus sa Tagapagligtas. Ang pisikal na kadiliman sa paligid nila ay simbolo ng espirituwal na kadilimang nararanasan natin dahil sa kasalanan. Pagkatapos ay narinig nila ang tinig ni Cristo na nag-aanyaya sa kanila na lumabas sa kadiliman at magtungo sa Kanyang liwanag:

“Hindi pa ba kayo ngayon magbabalik sa akin, at magsisisi sa inyong mga kasalanan, at magbabalik-loob, upang mapagaling ko kayo?” (3 Nephi 9:13).

“[Mag-alay] kayo bilang hain sa akin ng isang bagbag na puso at nagsisising espiritu” (3 Nephi 9:20).

“[Magsisi at magbalik] sa akin nang may buong layunin ng puso” (3 Nephi 10:6).

Ipinapaabot ng Tagapagligtas ang mga paanyaya ring iyon sa inyo kapag natagpuan ninyo ang inyong sarili na naliligaw sa kadiliman. Tulad ng ang bawat bukang-liwayway ay tanda ng pagsisimula ng isang bagong araw, tuwing nagsisisi kayo, tumatanggap kayo ng bagong simula, isang maningning na bagong simula.

Sa pamamagitan ng inyong taos-pusong pagsisisi, “papalitan [ni Jesucristo] ng kapayapaan at kagalakan ang inyong pagkakasala. Hindi na Niya maaalala pa ang inyong mga kasalanan. Sa Kanyang lakas, madaragdagan ang hangarin ninyong sundin ang Kanyang mga utos.”

Sa sandaling gawin ninyo ang unang hakbang para magsisi, sisimulan ng Tagapagligtas na “[baguhin] ang inyong puso at inyong buhay. Unti-unti, kayo ay lalago at magiging lalong katulad Niya” at “magbibigay [Siya] sa inyo ng higit na pagtanggap sa Kanyang kapangyarihan.”

Maghanap ng Pangmatagalang Paggaling

Ang Tagapagligtas ang Dalubhasang Manggagamot. Ang isa sa pinakamagagandang pagpapamalas ng Kanyang nagpapagaling na kapangyarihan ay matatagpuan sa Kanyang personal na ministeryo sa Aklat ni Mormon:

“Mayroon bang may karamdaman sa inyo?” tanong Niya. “Mayroon bang … nahihirapan sa anumang dahilan? Dalhin sila rito at akin silang pagagalingin, sapagkat ako ay nahahabag sa inyo. …

“At ito ay nangyari na nang makapagsalita siya nang gayon, ang lahat ng tao ay magkakaayong humayo … ; at pinagaling niya ang bawat isa sa kanila na dinala sa kanya” (3 Nephi 17:7, 9).

Tuwing may pinagagaling ang Tagapagligtas, kapwa bago at matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, pinatotohanan Niya ang Kanyang pinakadakilang kapangyarihang pagalingin ang ating kaluluwa. Bawat mahimalang pagpapagaling ay nakatuon sa Kanyang pangakong pangmatagalang pisikal at emosyonal na pagpapagaling na darating sa atin sa Pagkabuhay na Mag-uli.

Kung minsan, ang inyong mga panalangin para sa paggaling ay maaaring hindi nasagot sa paraang inaasam ninyo, pero hindi binabalewala ang mga iyon kailanman. Ang panahon ng paggaling ay darating kalaunan sa sariling paraan at panahon ng Ama sa Langit, tulad ng ang dilim ng gabi ay laging nagbibigay-daan sa maluwalhating pagsikat ng araw.

Mahal kong kaibigan, pinatototohanan ko na si Jesucristo ang Manggagamot sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. Ang Kanyang awa ay sapat para pagalingin ang iyong mga sugat, linisin ka mula sa kasalanan, palakasin ka sa mga pagsubok, at biyayaan ka ng pag-asa, karunungan, at kapayapaan. Ang Kanyang kapangyarihan ay laging nariyan—hindi nagbabago at maaasahan—kahit na sa pakiramdam mo, sa maikling panahon, ay malayo ka sa Kanyang pagmamahal, liwanag, at init.

binatilyong nakamasid sa paglubog ng araw

Nawa’y huwag mawala kailanman ang iyong pagkamangha at malaking pasasalamat sa lahat ng nagawa ni Jesucristo para sa iyo. Dapat mong malaman na sakdal ang pagmamahal sa iyo. Tandaan kung ano ang naipangako sa iyo sa walang hanggan. At “nawa ay ipagkaloob sa [iyo] ng Diyos na gumaan ang [iyong] mga pasanin, sa pamamagitan ng kagalakan sa kanyang Anak” na si Jesucristo (Alma 33:23).