Para sa Lakas ng mga Kabataan
5 Tip para sa Mas Mabuting Kalusugan ng Damdamin
Setyembre 2024


5 Tip para sa Mas Mabuting Kalusugan ng Damdamin

Mas matatag tayo kung magkakasama.

mga kamay na may hawak na dilaw na bola na may nakadrowing na smiley face.

Naglingkod kami ng asawa kong si Scott bilang mga mission leader sa Australia Sydney Mission mula 2018 hanggang 2021. Tuwing nakasaad sa mga talaan ng isang bagong missionary na nahihirapan siya sa kalusugan ng kanyang damdamin, agad kong ipinapaalam sa kanya na nagdaan na ako sa mga panahon ng depresyon sa buong buhay ko bilang adult. Nais kong maunawaan niya na magtutulungan kami kaya hindi niya kailangang harapin itong mag-isa.

Nais kong ibahagi sa inyo ang mensahe ring ito! Napakaraming tao ang nagdaranas ng mga hamon sa kalusugan ng damdamin, subalit maaari nating tulungang lahat ang isa’t isa. Para malinaw: Hindi ako health professional. Pero gusto kong magbahagi ng ilang praktikal at espirituwal na tip para sa mas mabuting kalusugan ng damdamin na nakatulong sa akin, gayundin sa mga taong kilala at mahal ko.

Si Cristo na Ibinabangon ang Anak na Babae ni Jairo

Christ Raising the Daughter of Jairus [Si Cristo na Ibinabangon ang Anak na Babae ni Jairo], ni Greg K. Olsen

Tip 1: Panatilihin Nating Nasa Sentro si Cristo

Lumaki ako malapit sa San Francisco, California, USA, at naaalala ko na gustung-gusto ko ang isang sakay sa perya sa tabi ng dalampasigan! Binuo ito ng isang malaking disc na kahoy na uupuan mo at pipilitin mong kumapit habang pabilis nang pabilis ang pag-ikot ng disc. Ang mga nakaupo nang paharap sa labas ang karaniwang unang umiitsa. Gayunman, umupo malapit sa gitna ang mga nakaunawa sa centrifugal force.

Palagay ko ay magandang analohiya iyan para panatilihin si Cristo sa sentro habang nagdaraan tayo sa ilan sa mahihirap na sitwasyong ito—pagkabalisa man ito, depresyon, OCD, o kapareho nito. Kailangan natin si Cristo sa sentro ng ating buhay.

Sa mga panahon ng mga pakikibaka sa kalusugan ng pag-iisip, maaaring mayroon tayong nabawasang koneksyon sa langit o nahihirapan tayong madama na malapit tayo sa Tagapagligtas. Hindi nito ibig sabihin na pinarurusahan tayo o hindi tayo karapat-dapat sa pagmamahal ng Diyos. Para sa akin, ang pagtitiwala na nariyan Siya habang naghihintay na maibalik ang koneksyon ay sulit! Patuloy na manalangin, pahalagahan ang mga salita ng Tagapagligtas, magtiwala sa Kanyang mga pangako, tumanggap ng sakramento, at gawin ang lahat na nagpapanatili sa inyo na nakasentro sa Kanya.

binatilyong nagdarasal

Tip 2: Umasa Tayo sa Panginoon Araw-araw

Ang mga anak ng Israel na nasa ilang ay kinailangang umasa sa Panginoon para sa manna bawat araw. Kung minsan kapag nahaharap tayo sa mga bagay-bagay na kasintindi ng mga panic attack o iba pang mga emosyonal na pasakit, nais nating permanenteng mawala ang mga ito. At marahil ay mawawala ang mga ito—pero siguro ay hindi sa paraan o sa panahong nais natin. Hindi ibig sabihin niyan na wala nang pag-asa. Kailangang umasa tayo sa Diyos bawat araw habang tayo ay nagtatrabaho at umaasam sa mas maningning na mga panahong darating.

Ang isang paraan ay ang humingi ng tulong sa Ama sa Langit at subukan ang iba’t ibang estratehiya para matuklasan kung ano ang epektibo para sa inyo. Pagkatapos ay matutulungan Niya kayong maalala, sa malulungkot na sandali o sa isang panic attack, kung paano parang nakakatulong ang nagpapakalmang musika sa gayon ding sitwasyon o kung paano ipinadama sa inyo ng pagkonekta sa isang taong pinagkakatiwalaan ninyo na ligtas kayo. Tinutulutan kayo nitong mangolekta ng isang set ng mga napatunayang kasangkapang masusubukan sa susunod na mahirapan kayo. Anuman ang gawin ninyo, humingi ng tulong sa Panginoon araw-araw.

Masasabi pa nga natin nang malakas: “Kapag umasa ako sa Panginoon araw-araw, babangon ako at makasusumpong ng lakas na hindi ko alam na mayroon ako!”

bote ng tubig na nakataas sa hangin

Tip 3: Maaari Ninyong Pangalagaan ang Inyong Katawan

Ang pag-iisip ay bahagi ng ating mortal na katawan at samakatwid ay madaling maapektuhan ng maraming pagkakaiba-iba at kakulangan sa buhay sa mundo. Pero magandang balita: may mga napatunayang hakbang na maaari nating gawin para palakasin ang ating pag-iisip na maaari ding makabuti sa kalusugan ng ating damdamin. Narito ang ilan sa mga hakbang na iyon:

  • Pagtatamasa ng sikat ng araw o maningning na artipisyal na liwanag sa umaga

  • Paglabas sa kalikasan, pagkonekta sa lupa

  • Pag-eehersisyo nang regular

  • Pagkain ng masusustansyang pagkain

  • Pag-inom ng maraming tubig

  • Pagtulog nang sapat gabi-gabi

Maaari ding maging mabisa ang mga pamamaraan ng paghinga. Subukang huminga nang malalim nang minsan sa inyong ilong, at pagkatapos ay minsan pa. Pigilan ang paghinga nang ilang segundo, at, sa huli, puwersahin ang lahat ng iyong hininga sa iyong bibig.

Ginagawa ko ito nang ilang beses pagkagising ko, sa mga sandali ng matinding damdamin (parang bago lang magbigay ng isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya!), at bago matulog.

dalawang taong magkahawak-kamay

Tip 4: Maaari Tayong Humingi ng Tulong

Kung nawala kayo sa hiking at may nakita kayong isang guide, masyado ba kayong mahihiyang magtanong ng direksyon tungo sa kaligtasan? Palagay ko’y hindi. Ang paghingi ng tulong ay hindi tanda ng kahinaan. Madalas nating gawin ito sa iba pang mga aspeto ng ating buhay.

Tumulong na buwagin ang stigma laban sa paghingi ng tulong sa mga hamon sa damdamin.

Kailangan man ninyo ng tulong mula sa Diyos, mga kaibigan, pamilya, o medical professional, hindi kayo mas mahinang tao sa paghingi ng dagdag na tulong na kailangan ninyo. Sa katunayan, nagpapakita pa kayo ng tapang!

isang linya ng mga taong magkaakbay sa isa’t isa

Tip 5: Manatili Tayong Konektado

Mahalagang kumonekta sa inyong Ama sa Langit sa araw-araw na panalangin.

Nadarama ko rin na mahalagang manatiling konektado sa mga taong sa pakiramdam natin ay ligtas tayo at mapagkakatiwalaan. Tawagan ang inyong ina! Makipag-usap sa isang kaibigan nang harapan. Makipag-usap sa isang kapatid. Mas malakas tayo kapag tinutulungan natin ang isa’t isa. Pareho kayong lumalakas. Kailangan ng lahat ang isang tao. Ang paghiwalay at depresyon ay kadalasang nagpapalala sa isa’t isa. Ang pagkonekta sa mga mahal natin at kasama sa bahay at nakakakita at yumayakap sa atin ay isang malaking panlaban sa napakaraming pasakit na nararanasan natin.

Maaari Nating Tiisin ang Hurno na kasama Siya!

Kung minsa’y kailangan lang tayong paalalahanan na kasama natin ang Diyos.

Sa Lumang Tipan, inihagis ni Haring Nebukadnezar sina Shadrac, Meshac, at Abednego sa isang hurnong napakainit na kahit ang mga bantay sa labas ay hindi matiis ang init.

Kung gayo’y paano nakaligtas ang tatlong ito?

Itinuturo sa mga banal na kasulatan na may ikaapat na taong nakita sa gitna ng apoy na kasama nila na “gaya ng isang anak ng mga Diyos” (Daniel 3:25).

Naniniwala ako na ang ibig sabihin nito ay kasama natin si Cristo sa gitna ng pinakamahihirap na pagsubok, lalo na habang tinitiis natin ang mga iyon. At ang mga paghihirap sa kalusugan ng pag-iisip ay tiyak na parang nag-aapoy na hurno sa pakiramdam. Si Cristo ay si Emmanuel, na ang literal na kahulugan ay “kasama natin ang Diyos.”

Huwag kalimutan, si Jesucristo ang ating lakas, hindi lamang sa dulo ng landas, kapag malaya tayo mula sa mga damdaming hindi natin hiniling. Talagang kasama natin Siya sa ating buong paglalakbay. Siya ang ating lakas at ating ginhawa ngayon mismo.

Sama-sama tayong tumayo nang mas matatag!