Pagtigil sa Paulit-ulit na Paggamit ng Pornograpiya
Pakiramdam ko’y nag-iisa ako at walang magawa. Pero ipinaalala sa akin ng bishop ko ang ilang susi sa paghahanap ng pag-asa at tulong.
Una akong nalantad sa pornograpiya sa edad na 13. Aksidente ko itong nakita sa social media, na hindi alam kung ano iyon at hindi ko iyon maunawaan. Ang di-sadyang pagkalantad ko at pag-uusisa ay humantong sa sadyang paghahanap nito.
Noong panahong iyon, ang mga mensahe ng aking mga lider tungkol sa pornograpiya ay tila nagsasabi na isang bagay iyon na mga batang lalaki lang ang nakararanas. Nakadama ako ng matinding kahihiyan. Akala ko hindi ko masasabi kaninuman kahit kailan ang tungkol sa pakikibaka ko. Batid ko ang tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, pero dahil inakala ko na ako lang ang dalagitang may ganitong mahirap na pinagdaraanan, nadama ko na parang hindi ko kayang ihingi ng tulong sa Tagapagligtas ang sitwasyon ko. Pakiramdam ko ay ako ang eksepsyon.
Ang Opisina ng Bishop
Noong mga taon na iyon, sa mga lugar na tulad ng seminary o debosyonal—saanman naroon ang Espiritu—madalas kong madama na dapat akong makipagkita sa bishop ko. Sa loob ng mahabang panahon, ang nakahadlang sa akin na gawin ito ay ang ideya na may reputasyon akong dapat ingatan bilang isang mabuting bata mula sa isang aktibong pamilya. Akala ko ay titingnan niya ako kung sino ako—at hindi ako naniwala na kaibig-ibig ang taong iyon. Inakala ko na parurusahan ako kaagad.
Nang maisaayos ko sa wakas ang pakikipagkitang iyon, ibang-iba iyon sa inasahan ko. Sa halip na parusahan ako, sinabi sa akin ng bishop ko: “Anak ka pa rin ng Diyos. Mahal ka pa rin, at pinahahalagahan ka pa rin tulad ng dati.”
Naaalala ko na napuspos ako ng pagmamahal. Iyon ang unang pagkakataon na nadama ko nang matindi ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa buhay ko. Sa pagbabalik-tanaw, nauunawaan ko kung bakit napakahalaga ng mga sinabing iyon ng bishop ko.
Anak na Babae ng Diyos
Kapag nahihirapan kayong paglabanan ang pornograpiya, dumaranas kayo ng paulit-ulit na kahihiyan. Para sa akin, madarama ko na wala akong alam tungkol sa sarili kong pagkatao at pagkatapos ay gagamit ako ng pornograpiya para harapin ang mga negatibong emosyong iyon. Pagkatapos ay mahihiya ako at lumalayo ako sa iba, at mauulit na naman ito.
Sa napakatagal na panahon, sinikap kong umasa sa sarili kong kagustuhang “tumigil na lang.” Pero hindi ko magawa iyon nang mag-isa. Tinulungan ako ng bishop ko na maalala ang aking pagkatao—na ako ay minamahal na anak ng Diyos. Nang makausap ko siya at maalala ang katotohanang iyon, unti-unti akong tunay na umusad.
Ang Katotohanan tungkol sa Diyos at sa Tagapagligtas
Noong una, takot akong magdasal. Ang tingin ko sa Ama sa Langit ay Diyos ng katarungan at galit. Pero ang pagdaraan sa proseso ng patuloy na pagsisisi ay nagpaunawa sa akin sa likas na katangian ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Ang pagkaalam na hindi ako pinatitibay ng pagsisisi nang minsanan sa pakikibakang ito ay nagtulot sa akin na patuloy na umasa sa Kanilang banal na tulong. Alam at naunawaan na ng Ama sa Langit ang mga pagsubok sa buhay ko; kinailangan ko lang humingi ng tulong sa Kanya.
Nalaman ko na kapwa ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay maawain at maunawain. Kapag bumaling kayo sa Kanila, susuportahan at gagabayan Nila kayo sa bawat hakbang.
Paglaban sa mga Taktika ni Satanas
Ang pag-unawa sa likas na katangian ng Diyos ay nakatulong din sa akin na maunawaan si Satanas at ang kanyang mga kasangkapan at kung paano nila kinakalaban nang tuwiran ang Diyos. Ang isa sa pinakamabibisang kasangkapan ni Satanas ay ang kahihiyan, na naiiba sa pagkabagabag ng konsiyensya o “kalungkutang naaayon sa Diyos” (2 Corinto 7:10). Kapag binabagabag kayo ng inyong konsiyensya, natatanto ninyo na nakagawa kayo ng pagkakamali. Pero iniuugnay ng pagkapahiya ang inyong mga negatibong damdamin tungkol sa inyong sarili kapag nagkasala kayo sa inyong pagkatao, na para bang kayo mismo ang mga damdaming iyon.
Gusto akong paniwalain ni Satanas na madaraig kong mag-isa ang hamong ito. Ang kasinungalingang ito ang nakahadlang sa akin na kausapin ang bishop ko tungkol sa pakikibaka ko sa pornograpiya. Pakiramdam ko ay hindi ko siya kayang kausapin hanggang sa makaya kong sabihin na isang bagay iyon na talagang nagpahirap sa akin noon. Ginagamit ni Satanas ang inyong mga indibiduwal na kahinaan para ipadama sa inyo na hindi kayo karapat-dapat na maghangad ng nagpapagaling na kapangyarihan ng Tagapagligtas.
Nalaman ko na iniimpluwensyahan tayo ni Satanas kapag nag-iisa tayo, kaya ang pinakamainam nating depensa ay ang koneksiyon o pakikipag-ugnayan. Kung minsa’y kasing-simple ito ng pagtulong sa iba at pag-uukol ng makabuluhang oras sa mabubuting kaibigan. Ang pakikipag-ugnayan sa Ama sa Langit, sa inyong sarili, at sa iba (lalo na sa mga taong ang tingin sa inyo ay katulad ng pagtingin ng Ama sa Langit) ang pinakamainam na paraan para maalala ang inyong tunay na pagkatao: isang pinahahalagahang anak ng Diyos.
Isang Mas Mataas na Layunin
Kalaunan nagsimula akong makatanggap ng mga pahiwatig na tulungan ang iba pang mga kabataang babae na nakikibaka sa pornograpiya. Nakadama ako ng mas mataas na layunin. Nagpasiya ako na mas pahalagahan ang iniisip ng Ama sa Langit kaysa maaaring isipin ng iba sa aking paligid, kaya nagsimula akong magsalita nang hayagan tungkol sa aking mga karanasan.
Kapag nadama ninyo ang di-maikakailang kagalakan ng patuloy na pagsisisi, nanaisin ninyong ibahagi iyon sa iba! Ngayon ay patuloy kong ibinabahagi ang kagalakang ito habang naglilingkod ako bilang full-time missionary.
Ang Aking Mensahe
Hindi kayo nag-iisa kailanman, at may pag-asa.
Ang pakikibakang ito ay isang bagay na maaari ninyong daigin sa tulong ng Tagapagligtas, mapagkakatiwalaang mga mahal sa buhay at mga lider, at ng mga tamang kasangkapan. Huwag ninyong ihiwalay ang inyong sarili at tumulong sa isang tao na ang tingin sa inyo ay ayon sa pagtingin ng Diyos. Tanungin sila kung ano ang nakikita nila sa inyo!
Anuman ang inyong pakikibaka, kaya kayong tulungan ng Tagapagligtas at ng Kanyang Pagbabayad-sala sa lahat ng oras. Lubos kayong minamahal ng Ama sa Langit, at sulit na patuloy na magsisi.