Paghingi—at Pagbibigay—ng Tulong sa Kalusugan ng Pag-iisip
Pagdating sa kalusugan ng pag-iisip, maaari kayong humingi ng tulong at magbigay rin nito sa iba.
Ano ang dapat ninyong gawin kapag kayo ay malungkot, pinanghihinaan-ng-loob, balisa, nag-aalala, o namomroblema?
Maaaring ang sagot na inaasahan ninyo ay parang ganito: Isabuhay ang ebanghelyo. Magdasal. Magbasa ng mga banal na kasulatan. Tumanggap ng sakramento. At ang patuloy na paggawa ng mga bagay na iyon ay mabuti at kailangan at totoong nilulutas (at hinahadlangan) ang maraming problema. Ngunit ang ilang problema ay nangangailangan ng dagdag na mga pagsisikap.
Nababalisa o nalulungkot ang lahat kung minsan, siyempre. Bahagi iyan ng buhay. Maraming mainam na paraan para makayanan ang mga bagay na iyon. Pero kung ang pagkabalisa o depresyon ay napakatindi o pangmatagalan kaya nakakasagabal ito sa inyong buhay at hinahadlangan kayong madama ang Espiritu, maaaring nasa yugto kayo kung saan hindi makatotohanang umasa na bubuti ang lahat nang walang dagdag na tulong.
Ang kalusugan ng pag-iisip ay pisikal na kalusugan (tingnan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili [2022], 29). Ang mga kemikal sa ating utak ay tumutulong na kontrolin ang ating damdamin, at ang utak ay bahagi ng katawan. Sinumang nagsasabi na ang depresyon o pagkabalisa ay “pawang nasa isip mo lang” ay tama lang sa literal na kahulugan: sa totoo lang, ang inyong utak ang kumokontrol sa iyong pag-iisip. Pero ang mga problema ay kasing totoo na tulad ng isang baling binti o apendisitis.
Humingi ng Tulong
Sinabi sa Aklat ni Mormon na ang mga Nephita ay pinagpala ng “labis na kainaman ng maraming halaman at ugat na inihanda ng Diyos upang maalis ang sanhi ng mga karamdaman” (Alma 46:40). Ngayon, maaari nating tawagin ang mga bagay na ito na gamot.
Ngayon, naghanda na ang Diyos ng mas marami pang paraan ng paglaban sa karamdaman at pinsala, pati na sa mga pasakit sa isipan at damdamin. May mga panggagamot na tayo ngayon na pinangarap lang ng mga Nephita—at ng ating mga lolo’t lola, sa totoo lang—noon. Nabubuhay tayo sa isang panahon ng mga himala! At nais ng Ama sa Langit na gamitin natin ang mga ito.
Hindi iyan nangangahulugan na lahat ng nahihirapan sa depresyon o pagkabalisa ay nangangailangan ng gamot o therapy. Lahat ay magkakaiba. Pero anuman ang inyong sitwasyon, isang bagay ang tiyak: Walang dahilan para magdusang mag-isa. Nasasabik ang inyong Ama sa Langit na tumulong.
Alam ng inyong Ama sa Langit kung ano ang makakatulong sa inyo. Malulutas man ang inyong mga paghihirap sa pamamagitan ng panalangin at pananampalataya, o kung kailangan din ninyong hingin ang Kanyang mga pagpapala sa pamamagitan ng kumbinasyon ng mga gamot, therapist, magulang, kaibigan, bishop, lider ng mga kabataan, guro, sariwang hangin, at ehersisyo para makayanan ninyo ang mahihirap na panahon, humingi ng tulong sa Kanya. Huwag masyadong mag-alala kung paano nilutas ng iba ang gayon ding mga problema. Tutulungan kayo ng Ama sa Langit na makahanap ng mga solusyon na akma sa inyong sitwasyon.
Maging Matulungin
Ang ebanghelyo ay tungkol sa pagtulong sa iba, paggaya sa paraan ng pagtulong sa atin ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Dapat ay palagi ninyong sikaping “tulungan ang mga taong nalulungkot, nag-iisa, o walang magawa. Ipadama sa kanila ang pagmamahal ng Ama sa Langit sa pamamagitan ninyo” (Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili, 12). Maaaring hindi kayo doktor o therapist, pero kayo ay disipulo ni Cristo, at ang mga disipulo ni Cristo ay “[naki]kidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati, oo, at [inaalo] ang mga yaong nangangailangan ng pag-alo” (Mosias 18:9).
Ang isa sa pinakamahahalagang bagay na magagawa ninyo kapag ang isang taong mahal ninyo ay nakikibaka sa depresyon, pagkabalisa, o iba pang problema sa kalusugan ng pag-iisip ay ang makinig.
Kadalasan, ang nais ng lahat ng taong nahihirapan sa kalusugan ng damdamin ay makiramay kayo at magbahagi ng inyong pagmamahal. Hindi nila inaasahan na mayroon kayong mahiwagang sagot na lulutas sa lahat ng bagay. Maaaring kailangan lang nilang maglabas ng sama-ng-loob. Gusto nilang may makasama sila, makikinig sa kanila, at makikiramay—na magsasabing, “Sang-ayon ako, talagang hindi maganda ang pinagdaraanan mo. Sorry. Sana ay kaya kong ayusin iyan. Sabihin mo sa akin kung paano ako makakatulong.”
At Tandaan …
Ikaw man ang tumutulong o ang nangangailangan ng tulong, tandaan na may ilang bagay na Diyos lamang ang makagagawa. Hayaang gawin Niya ang mga iyon. Samantala, gawin ang makakaya ninyo para mapangalagaan ang inyong sarili at ang mga taong nakapaligid sa inyo.