Paano Gawing Mas Makabuluhan ang Kumperensya para sa Iyo
Subukan ang tatlong ideyang ito para sa mas makabuluhang karanasan sa kumperensya.
Mga larawang-guhit ni Jarom Vogel
Paparating na ang pangkalahatang kumperensya, at layon nitong magkaroon ng epektong nagtatagal hanggang sa makalipas ang kumperensya sa katapusan ng linggo! Ang tatlong tip na ito ay maaaring gawing mas makabuluhan ang kumperensya para sa iyo.
1. Ihanda ang Iyong Sarili sa Espirituwal
Bago ang pangkalahatang kumperensya, maaari mong ihanda ang iyong espiritu sa pamamagitan ng mga simpleng bagay gaya ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan at taimtim na panalangin. Maaari ka pa ngang mag-ayuno sa social media o gumawa ng espesyal na paglalakbay papunta sa templo. Tutulungan ka ng paghahanda sa espirituwal na madama ang gumagabay na impluwensya ng Espiritu Santo.
2. Magkaroon ng Tanong sa Isipan
Ano ang nasa isipan mo nitong mga nakaraang araw? Maaaring mayroon kang isang mahalagang desisyon na gagawin, isang problema sa pamilya, o isang tanong tungkol sa ebanghelyo. Ipagdasal iyon sa Ama sa Langit, at pakinggan ang patnubay sa oras ng pangkalahatang kumperensya.
Tingnan ang naging karanasan ni James noong nakaraang taon!
Nang sumapit ang kumperensya, ginusto kong malaman kung paano ko mas magagamit ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Cristo sa aking buhay. Mapanalangin kong hiniling sa Ama sa Langit na tulungan akong makinig sa Espiritu, malaman kung paano gumawa ng mas mabubuting pagpapasiya, at mapatawad sa aking mga maling pagpapasiya.
Habang nagsasalita si Elder Dieter F. Uchtdorf, natanim ito sa aking isipan:
“Sa sandaling magpasiya kayong bumalik at lumakad sa landas ng ating Tagapagligtas at Manunubos, ang Kanyang kapangyarihan ay papasok sa inyong buhay at [babaguhin] ito.”
Alam ko na ito ang nais ng Panginoon na marinig ko, at nadama ko na pinatototohanan sa akin ng Espiritu ang katotohanan nito. Sa paghahanda nang may tanong sa isipan, nakatanggap ako ng personal na sagot sa aking mga dalangin.
James M., 16, North Dakota, USA
3. Isabuhay ang Isang Alituntunin o Paanyaya
Makinig sa isang turo o alituntunin na natanim sa iyong isipan. Pagkatapos ay magtakda ng mithiin na isabuhay ito. Maaari ka ring makinig na mabuti sa mga tuwirang paanyaya mula sa mga propeta at apostol. Isulat at sikaping gawin ang kahit isa man lang sa mga paanyayang iyon. Ipadarama sa iyo ng pagkilos nang may pananampalataya ang katotohanan at kapangyarihan ng mga turo ng propeta.