Mga Tinig ng mga Kabataan
Ang Aking Eating Disorder Bersus ang Aking Tunay na Pagkatao
Matagal akong nakibaka sa eating disorder na tinatawag na anorexia nervosa, kung saan paunti nang paunti ang kinakain mo at nag-aalala ka na baka tumaba ka. Nakakaapekto ito sa iyong isipan—unti-unti kang nakokonsiyensyang kumain at hindi mo maunawaan ang mga pangangailangan ng iyong katawan. Hindi nakatulong na palagi kong nakikita noon ang di-makatotohanang mga pamantayan online o sa paaralan, at inihahambing ko ang sarili ko sa aking pamilya at sa iba pa sa paligid ko.
Talagang itinago ko ang eating disorder ko. Pero napansin ng nanay ko ang mga pagbabago sa mga gawi ko sa pagkain. Tinabihan niya ako at binigyan ako ng lahat ng oras na kailangan ko para sabihin sa kanya kung ano ang nangyayari. Maraming iyakang nangyari, pero sa palagay ko ay tinulungan siya ng Espiritu na malaman na kailangan ko ng tulong. Magkasama kaming bumuo ng plano at dahan-dahan naming pinagsikapan iyon.
Noong panahong iyon, nagpasiya rin akong kumuha ng aking patriarchal blessing. Ninais kong malaman kung ano kaya ang magiging buhay ko sa kabila ng kadilimang nararanasan ko. Nagsimula ako sa pagtatanong sa Diyos ng, “Sino ako?,” “Mahal po ba Ninyo ako?,” at “Bakit ako narito?” Ang unang sinabi ng patriarch ay naging sagot sa mga tanong na iyon. Tinulungan ako ng aking blessing na malaman ang aking tunay na pagkatao at kung ano ang inilalaan ng Diyos para sa akin. Tuwing babasahin ko iyon, nadarama ko ang pagmamahal ng Tagapagligtas para sa akin at naaalala ko kung ano ang maaari kong kahinatnan na kasama Niya.
Kahit sa suporta ng aking patriarchal blessing, ng aking pamilya, ng aking Ama sa Langit, at ng aking Tagapagligtas, kinailangan ko ng mahabang panahon para lubos na maunawaan ang damdamin ko tungkol sa aking katawan. Mahirap pa rin kung minsan na tanggapin ang sarili ko kung sino ako at ang hitsura ko. Pero dahil sa aking mahihirap na panahon, sinisimulan kong pahalagahan ang paglago at liwanag na nagmumula sa pagkilala sa aking tunay na pagkatao. Ako ay isang anak na babae ng Ama sa Langit. Ako ay isang disipulo ni Jesucristo. Tinitingnan Nila ako nang may pagmamahal at panghihikayat, at mas mahalaga iyan kaysa sa opinyon ng ibang tao.
Annalise B., edad 17, Georgia, USA
Nasisiyahan sa pagtatrabaho sa kanyang internship sa ospital at sa paglikha ng sining at musika para igalang ang Diyos at ang Kanyang mga nilikha.