Para sa Lakas ng mga Kabataan
Ano ang Dapat Kong Gawin Kapag Dumaranas Ako ng mga Hamon sa Aking Pananampalataya?
Setyembre 2024


Digital Lamang: Mga Sagot mula sa Isang Apostol

Ano ang Dapat Kong Gawin Kapag Dumaranas Ako ng mga Hamon sa Aking Pananampalataya?

Mahalaga kung paano mo haharapin ang mga pagdududa. Kaya mong humanap ng mga sagot sa iyong mga tanong at lutasin ang iyong mga pag-aalinlangan.

Alma at Corianton

Bawat henerasyon ay nahaharap sa mga sitwasyong maaaring humantong sa hamon ng kanilang pananampalataya. Kapag sinasaliksik natin ang mga banal na kasulatan at muling pinag-aaralan ang mga pagtugon ng Diyos sa Kanyang mga anak, dalawang tema ang binibigyang-diin:

  1. Una, dahil may pagsalungat sa lahat ng bagay at may kaaway na ayaw tayong manampalataya sa Diyos, bawat henerasyon ay kailangang tumuklas at magtamo ng sarili nilang kaalaman at patotoo tungkol sa Diyos.

  2. Pangalawa, bawat henerasyon ay kailangang maunawaan kung sino sila at ang kanilang walang hanggang identidad. Ang mga ito ay kapwa mahirap mahiwatigan dahil ayaw ng kaaway na magkaroon kayo ng malinaw na pang-unawa tungkol sa Diyos Ama at kay Jesucristo at sa Kanilang plano ng kaligayahan para sa inyo at sa kaugnayan ninyo sa Kanila.

Noon pa man ay mayroon nang mga tanong tungkol sa pananampalataya. Nang dumalaw si Apostol Pablo sa Atenas, sinikap niyang ituro ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo. Mababasa natin ang pagsisikap na ito sa Mga Gawa, “Lahat ng mga taga-Atenas at ang mga dayuhang naninirahan doon ay walang pinaggugulan ng panahon kundi ang mag-usap o makinig ng mga bagong bagay.”

Hindi ba ito katulad ng social media world ngayon?

Nang malaman ng mga tao ang simpleng mensahe ni Pablo tungkol sa pananampalataya, kabilang ang patotoo niya kay Jesucristo, tinanggihan nila ito.

Ang Hamon sa Pagkakakilanlan

Bukod sa pananampalataya sa Diyos, ang pag-aalala tungkol sa ating tunay na identidad ay hinamon din sa buong kasaysayan. Ngunit hindi kailanman nagbabago ang sagot. Lahat tayo ay mga anak ng isang mapagmahal na Ama sa Langit. Itinuro ito ni Pangulong Russell M. Nelson sa di-malilimutang paraan. Binigyang-diin niya ang tatlong walang hanggang titulo: “anak ng Diyos,” “anak ng tipan,” at “disipulo ni Jesucristo.”

Hinikayat din niya tayo na huwag bansagan ang ating sarili o ang iba. Marami sa mga problemang kinakaharap natin ay malulutas kung kikilalanin natin ang ating sarili bilang mga anak ng mapagmahal na Ama sa Langit.

Ang Hamon sa “Kaugnayan”

Yaong mga nagnanais na sirain ang pananampalataya ay madalas na iginigiit na hindi na ito mahalaga. Gusto nilang ipalit sa paghahayag at mga kautusang bigay ng Diyos ang kanilang mga personal na kagustuhan na nauugnay sa mga isyu sa lipunan. Ipinapalagay at iginigiit nila na maraming tao ang may ganitong kagustuhan sa lipunan at tumigil na sa pagiging matatapat na miyembro.

Para sa inyong impormasyon, ang bilang ng mga kabataan at young adult na di-gaanong aktibo o umaalis sa Simbahan ay nababawasan kumpara sa dati na taliwas sa inaakala ng marami. Nadagdagan nang malaki ang bilang ng mga missionary na tinawag na maglingkod. Ang porsiyento ng pakikibahagi sa simbahan para sa bagong henerasyon ay nagpapakita ng patuloy na pagtaas. Bukod pa rito, dumarami rin ang bilang ng mga young adult na dumadalo sa institute.

Paano Haharapin ang mga Tanong at Pag-aalinlangan

Mangyaring unawain na hindi ko pinupuna ang mga nag-aalinlangan; gayunman, iminumungkahi ko na mahalaga kung paano ninyo hinaharap ang inyong mga pag-aalinlangan. Ang sagot sa hamong ito ay ang ebanghelyo ni Jesucristo.

Ipinapangako ko sa inyo: Kung tapat ninyong babasahin ang mga banal na kasulatan, mananalangin, at ipamumuhay ang inyong relihiyon, makahahanap kayo kalaunan ng kasagutan sa inyong katanungan at malulutas ang mga pag-aalinlangan ninyo na maaaring dumating paminsan-minsan.

Isa sa mga paborito kong tala sa banal na kasulatan ay matatagpuan sa ebanghelyo ni Marcos tungkol sa ama na nagnanais na mailigtas ang kanyang anak mula sa masamang espiritu. Sa tala sa banal na kasulatan, itinanong ng Tagapagligtas sa ama kung naniniwala siya na mapagagaling ang kanyang anak. Sinabi ng ama, na may luha sa kanyang mga mata, “Nananampalataya ako; tulungan mo ang kawalan ko ng pananampalataya.” Ito ay katanggap-tanggap sa Panginoon, at sinaway Niya ang espiritu at pinagaling ang anak.

Ang aral dito ay huwag hayaang madaig ng mga pag-aalinlangan o kawalan ng paniniwala ang ating pananampalataya. Ang masigasig na pag-aaral ng mga banal na kasulatan, taimtim na panalangin, matapat na pagsunod sa relihiyon, at pagsunod sa payo ng propeta ng Panginoon ay magtutulot sa inyo na madaig ang mga hamon sa pananampalataya.

Mga Tala

  1. Mga Gawa 17:21.

  2. Russell M. Nelson, “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” (pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Mayo 15, 2022), Gospel Library.

  3. Ang porsiyento ng mga taong nagtatanggal ng kanilang mga pangalan mula sa mga rekord ng Simbahan ay nabawasan sa bawat dekada mula noong dekada 90. Bagama’t nais naming manatili ang lahat, ang bilang ng umaalis ay maliit na porsiyento ng taunang bilang ng pagdami ng nagbabalik-loob. (Jeff Anderson and Institute information.)

  4. Marcos 9:24.