Si Jesucristo ang Inyong Lakas
Ano ang Inyong “Saloobin”?
Ang inyong saloobin ukol sa mga alituntunin sa gabay na Para sa Lakas ng mga Kabataan ay maaaring makatulong sa inyo na maging mas matagumpay sa buhay.
Tinutukoy ng mga piloto ang posisyon ng eroplano sa hangin bilang attitude o ang posisyon ng nguso at mga pakpak nito. Nakataas ba o nakababa ang nguso ng eroplano? Umiikot ba o lumilipad nang diretso at pantay? Sa Ingles, ang attitude ay maaari ding mangahulugan ng sitwasyon ng pag-iisip kung paano harapin ang mga kasiyahan at kalungkutan sa buhay. Ang isang lumang kasabihan tungkol sa paglipad at buhay ay ito: “Ang ating saloobin ang nagpapasiya ng taas na mararating natin.”
Ano ang magiging saloobin natin habang binabasa natin ang Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili? Ang ating saloobin tungkol sa mga alituntunin sa gabay ay maaaring magpabago ng buhay at makaapekto kung mas magtatagumpay ba tayo o mas mabibigo.
Binigyan tayo ng Tagapagligtas ng magandang lugar para makapagsimula. Sabi Niya, “Mapapalad ang mga mapagpakumbaba” (Mateo 5:5). Maaari tayong magsanay na maging maamo sa pamamagitan ng pagiging matwid, mapagpakumbaba, at handang sundin ang mga turo ng ebanghelyo. Narito ang tatlong tanong na nagpapahayag ng iba-ibang maaaring saloobin natin tungkol sa mga alituntuning naibigay sa atin.
Saloobin 1: Gaano ba Ako Kasama?
Sinasabi ng mga taong may ganitong saloobin, “Hanggang saan? Gusto kong mamuhay nang pinakamalapit dito hangga’t maaari nang hindi lumalampas dito.” Mapanganib ito na tulad ng isang skydiver na nagtatanong, “Gaano kalapit ako dapat sa lupa bago ko buksan ang parachute ko?”
Saloobin 2: Gaano ba Ako Dapat Magpakabuti?
Ang saloobing ito ay naghahanap ng pinakamaliit na posibleng pagsisikap. Para itong pagtatanong sa isang guro, “Ano ang pinakamaliit na magagawa ko para makapasa pa rin sa klase?“ Para itong skydiver na nagsasabing, “Gusto kong ibalot nang maayos ang parachute ko, pero hindi ganoon kaayos.”
Saloobin 3: Gaano ba Ako Kagiting?
Sinabing minsan sa akin ng isang batang lalaki na nagpunta siya sa seminary nang alas-5:00 n.u. Sabi ko, “Sobrang aga naman. Bakit ka nagpupunta?” Ang sagot lang niya, “Gusto ko po kasi. Gustung-gusto ko roon. Seminary ang pinakamagandang bahagi ng araw ko.” Ang saloobin niya ay “Gusto kong maging magiting!” Para sa kanya, ang pagsunod ay isang paghahanap, hindi isang pagkainis.
Parang ang skydiver na nagsasabing, “Ibinabalot ko nang maayos ang parachute ko at binubuksan ko ito kahit malayo pa ako sa lupa dahil gustung-gusto kong mag-skydive at gusto kong patuloy na gawin iyon.” Ang gayong uri ng saloobin ay makakatulong sa atin na magtagumpay.
Sa Aklat ni Mormon, nag-alay ang ama ni Haring Lamoni ng isang magandang panalangin na lubos na nagpapahayag ng ikatlong saloobin:
“O Diyos … maaari po bang ipakilala ninyo ang inyong sarili sa akin, at tatalikuran ko ang lahat ng aking mga kasalanan upang makilala kayo” (Alma 22:18).
Hindi sinabi ng hari na, “Gaano ba ako kasama at makilala kayo?” o “Gaano ba talaga ako dapat magpakabuti para makilala ko kayo?” Hindi, ang kanyang saloobin ay “Tatalikuran ko ang lahat ng aking mga kasalanan upang makilala kayo.”
Mas Mataas at Mas Banal na mga Gawi
Nagtitiwala ang Panginoon na hindi tayo maghahanap ng mga palusot kundi sa halip ay maghahanap tayo ng mas mataas at mas banal na mga gawi. Kung may isang bagay sa gabay na hindi kasinglinaw ng inaasahan natin, huwag nating itanong ang, “Ano ang pahihintulutan ng Diyos” kundi “Ano ang mas gusto ng Diyos?” Ang pangalawang tanong ay naghahayag ng pusong handa na nais ng Panginoon na taglayin ng bawat isa sa atin habang tinuturuan Niya tayong magpakumbaba.
Kung sumakay ako sa isang eroplano, ayaw kong magtanong ang piloto ng “Gaano ba ako kasama?” o maging ng “Gaano ba ako dapat magpakabuti?” Gusto ko siyang magtanong ng, “Gaano ba ako kagiting?” Sa paglipad at sa buhay, saloobin ang magtatakda ng ating taas. Ang gabay na Para sa Lakas ng mga Kabataan ay hindi isinulat para ipaliwanag ang pinakamaliliit na katanggap-tanggap na pag-uugali kundi ang doktrina para sa pagkadisipulo. Ito talaga ang kahanga-hanga.