Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Makikinig Ka Ba?
Ang patnubay ng propeta ay maaaring magprotekta, magpala, at tumulong sa atin—kung hahayaan natin ito.
“Parating na ang pagkawasak!”
Nakalulungkot na matanggap ang mensaheng iyan. Pero isipin na ikaw ang tinawag na magpahayag nito!
Si Samuel na Lamanita ay tinawag ng Panginoon para balaan ang mga Nephita sa kanilang kasamaan. Habang nakatayo sa ibabaw ng pader, ipinahayag ni Samuel na isang araw ay “lubos na pagkalipol … [ang] tiyak na magaganap maliban kung magsisisi kayo” (Helaman 13:10).
Ipinropesiya rin ni Samuel na sa loob ng limang taon ay magkakaroon ng isang gabi na walang kadiliman at isang bagong bituin sa langit bilang tanda ng pagsilang ng Tagapagligtas (tingnan sa Helaman 14:2–5).
Paano tumugon ang mga Nephita sa mensahe ni Samuel?
Ayaw nilang makinig. “Pinagbabato nila [si Samuel] … at … marami rin ang pumana sa kanya habang nakatayo siya sa ibabaw ng pader” (Helaman 16:2). Mabuti na lang at hindi binabato o pinapana ng mga tao ang propeta ngayon, pero marami pa ring tumatanggi at kumukutya sa kanyang mga salita kapag itinuturo niya ang mga walang-hanggang katotohanan ng ebanghelyo ng Tagapagligtas.
Kapag nagsasalita ang propeta, paano ka tutugon? Makikinig ka ba?
Narito ang tatlong paalala tungkol sa mga pagpapalang nagmumula sa pagkakaroon ng propeta sa lupa at pakikinig sa kanya.
Minamahal at Ipinagdarasal Tayo ng Propeta
Sa maraming mensahe sa pangkalahatang kumperensya, sinabi na sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson:
“Mahal ko kayo.” “Palagi kayo sa isipan ko at sa mga panalangin ko.”
Kaylaking pagpapalang malaman na mahal at ipinagdarasal tayo ng propeta!
Halos limang taon matapos ang mga propesiya ni Samuel na Lamanita, sinabi ng ilang Nephita na lumipas na ang panahon para matupad ang kanyang mga salita. Kinutya nila ang mga naniwala at pumili pa ng isang araw para patayin ang mga mananampalataya kung hindi darating ang mga palatandaan ng pagsilang ng Tagapagligtas (tingnan sa 3 Nephi 1:6–9). Sa nakakikilabot na panahong ito, maghapong nagdasal ang propetang si Nephi “para sa kapakanan ng kanyang mga tao … [na] maaaring mapahamak dahil sa kanilang pananampalataya” (3 Nephi 1:11).
Ngayon, ang mga panalangin ng propeta ay tumutulong sa atin sa mas maraming paraan kaysa natatanto natin. Ang espirituwal na patnubay na tinatanggap niya sa pamamagitan ng panalangin ay nagpapala sa buong mundo.
Ginagabayan Tayo ng Propeta Patungo sa Tagapagligtas
“Itaas mo ang iyong ulo at magalak,” sabi ng Panginoon kay Nephi. “Dumating na ang panahon, at sa gabing ito ay makikita ang palatandaan, at kinabukasan, paparito ako sa daigdig” (3 Nephi 1:13).
Nang lumubog ang araw, hindi nagdilim. Dumating na ang palatandaan! (Tingnan sa 3 Nephi 1:15.) Kinaumagahan, nalaman ng lahat na ito ang araw na isisilang ang Tagapagligtas, at isang bagong bituin ang lumitaw (tingnan sa 3 Nephi 1:19, 21). Lahat ng naipropesiya ng Panginoon sa pamamagitan ni Samuel tungkol sa pagsilang ng Tagapagligtas ay natupad tulad ng sinabi ng Panginoon na matutupad.
Agad na iniligtas ng pagparito ng Tagapagligtas sa mundo ang mga mananampalataya mula sa kamatayan. Pero hindi lamang sila ang iniligtas nito. Pumarito si Jesucristo para iligtas tayong lahat mula sa kasalanan at kamatayan, bigyan tayo ng lakas sa oras ng pangangailangan, at bigyan tayo ng pag-asa at kagalakan sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Ito ang naging pangunahing mensahe ng bawat propeta “na nagpropesiya mula pa sa simula ng daigdig” (Mosias 13:33). Ginagabayan tayo ng mga propeta patungo sa Tagapagligtas, na “ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay” (Juan 14:6).
Ipinapahayag ng Propeta ang Katotohanan
Nang una kong basahin ang Aklat ni Mormon noon sa hayskul, isang turo mula kay Samuel na Lamanita ang natanim sa aking isipan. Sinabi niya sa mga Nephita na kung patuloy nilang ipagpapaliban ang kanilang pagsisisi ay darating ang panahon na ito ay magiging “lubusang naging huli na.” Sabi Niya, “Sapagkat inyong hinangad sa lahat ng araw ng inyong buhay ang yaong hindi ninyo matatamo; … kayo ay naghangad ng kaligayahan sa paggawa ng kasamaan,” na salungat sa likas na katangian ng ating Ama sa Langit (Helaman 13:38).
Sa ating panahon, ganito rin ang itinuro ni Pangulong Nelson:
“Narito ang dakilang katotohanan: habang iginigiit ng mundo na ang kapangyarihan, kayamanan, katanyagan, at mga kasiyahan ng laman ay naghahatid ng kaligayahan, hindi tama iyon! Hindi nila kaya iyon! …
“Ang katotohanan ay mas nakapapagod maghanap ng kaligayahan kung saan hindi ninyo ito matatagpuan kailanman! … [Si Jesucristo] … , at Siya lamang, ang may kapangyarihang hilahin kayo palayo sa impluwensya ng mundong ito.”
Pinili ng ilang Nephita na makinig at maniwala sa mga salita ni Samuel; maraming iba pa ang hindi ginawa ito (tingnan sa Helaman 16:1–8). Sa maraming paraan, hindi ito naiiba ngayon.
Ano ang iyong pipiliin? Makikinig ka ba sa propeta?
Itinuro ni Pangulong Nelson:
“Maaaring hindi … palaging sinasabi [ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag] sa mga tao kung ano ang gusto nilang marinig. Ang mga propeta ay bihirang tanggapin ng lahat. Ngunit palagi naming ituturo ang katotohanan!”
Habang nakikinig kayo sa propeta at kumikilos ayon sa kanyang mga salita, makikita ninyo na habambuhay kayong poprotektahan, pagpapalain, at tutulungan ng kanyang patnubay bilang propeta.