Para sa Lakas ng mga Kabataan
Samantalahin ang Iyong mga Araw
Setyembre 2024


Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Helaman 7

Samantalahin ang Iyong mga Araw

Ninanais mo ba na sana’y nabuhay ka noong araw? Huwag.

kamay na may hawak na kumikinang na bola

Larawang-guhit ni Alyssa Petersen

Naisip mo ba na magiging mas madali o mas maganda ang buhay mo kung isinilang ka noong araw? Nadama na ito ng iba noon—maging ng isang propeta, minsan.

Nakita ng propetang si Nephi (sa aklat ni Helaman) ang walang-tigil na kasamaan ng kanyang mga tao at ibinulalas: “O, na ang akin sanang mga araw ay nasa mga araw noong unang lisanin ng aking amang si Nephi ang lupain ng Jerusalem … — … sa gayon ang kaluluwa ko ay nagkaroon sana ng kagalakan” (Helaman 7:7–8).

Nahihirapan siyang mabuhay noong panahon niya. Sa huli, siyempre, kinailangan niyang harapin ang realidad: “Subalit … ito ang aking … mga araw” (Helaman 7:9).

Ang Iyong mga Araw

Ang mga panahong ito ang iyong mga araw. Maaaring may dalang mga hamon ang mga ito, pero nagbibigay rin ang mga ito ng mga pagkakataon. Halimbawa, sa iyong mga araw, maaari mong:

  • Tipunin ang Israel sa magkabilang panig ng tabing. Ito “ang pinakamahalagang nangyayari sa mundo ngayon.” Maraming paraan para maibahagi mo ang ebanghelyo at maanyayahan ang iba na mas mapalapit kay Jesucristo at sa Kanyang Simbahan. Maaari kang tumulong na tumuklas ng mga ninuno sa kamangha-manghang mga paraan at tumulong na matanggap ng mga taong pumanaw na ang mga ordenansa sa templo.

  • Gumamit ng teknolohiya sa mga positibong paraan. Binigyan ka lalo na ng kakayahang ipakita sa mundo kung paano maaaring gamitin ang modernong teknolohiya para sa kabutihan.

  • Labanan ang poot, panlalait, at pagkakahati-hati. Habang pinepeste ng mga kasamaang ito ang ating mundo, maaari kang magpakita ng mas magandang paraan—ang paraan ng Tagapagligtas na kabaitan, pagkahabag, pagpapayapa, at pagmamahal.

  • Huwag magbago sa isang pabagu-bagong mundo. Kapag tapat ka kay Jesucristo, sa Kanyang ebanghelyo, at sa Kanyang Simbahan, pagpapalain ka ng Panginoon, at aasa ang iba sa iyong halimbawa sa mga unos ng buhay.

Ang Iyong mga Himala

Hindi ito naging madali palagi para kay Nephi, pero naroon siya kung saan (at kung kailan) siya kinailangan ng Panginoon. Naging matapat siya. Dahil dito, nakakita siya ng mga himala at kababalaghan sa kanyang panahon at pinatibay siya ng Panginoon. (Tingnan sa Helaman 7–16.)

Makikita mo ang sarili mong mga himala at kababalaghan kapag ikaw ay tapat sa iyong mga araw.

Tala

  1. Russell M. Nelson, “Pag-asa ng Israel” (pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018), Gospel Library.