2010–2019
Lagi Siyang Aalalahanin
Abril 2016


12:6

Lagi Siyang Aalalahanin

Mapagkumbaba kong pinatototohanan at idinadalangin na lagi natin Siyang aalalahanin—sa lahat ng oras, sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar kung saan man tayo naroroon.

Mahal kong mga kapatid, nang maglingkod ako sa Asia, itinanong paminsan-minsan ng mga tao, “Elder Gong, ilan ang naninirahan sa Asia Area ng Simbahan?”

Sabi ko, “Kalahati ng populasyon ng mundo—3.6 na bilyong tao.”

May nagtanong, “Mahirap bang maalala ang lahat ng pangalan nila?”

Ang pag-alaala—at paglimot—ay bahagi ng araw-araw na buhay. Halimbawa, minsan, matapos hanapin ang kanyang bagong mobile phone sa lahat ng lugar, ipinasiya ng asawa ko na tawagan ito mula sa ibang phone. Nang marinig niyang tumunog ang kanyang phone, inisip ng asawa ko, “Sino kaya ang tumatawag sa akin? Hindi ko naman ibinigay kahit kanino ang numerong iyon!”

Ang pag-alaala—at paglimot—ay bahagi rin ng ating walang-hanggang paglalakbay. Ang panahon, kalayaan, at alaala ay tinutulungan tayong matuto, umunlad, at tumibay sa pananampalataya.

Sa mga titik ng isang paborito kong himno:

Tayo’y magpuri kay Jesus,

At S’ya’y parangalan. …

Mga banal sa pagtanggap,

Isipin S’yang tunay.1

Bawat linggo, sa pakikibahagi ng sakramento, nakikipagtipan tayo na lagi Siyang aalalahanin. Mula sa halos 400 talata sa banal na kasulatan na may salitang alalahanin, narito ang anim na paraan na lagi natin Siyang maaalala.

Una, lagi natin Siyang maaalala kapag nagtiwala tayo sa Kanyang mga tipan, pangako, at pagtiyak.

Naaalala ng Panginoon ang Kanyang mga walang-hanggang tipan—mula sa panahon ni Adan hanggang sa panahon na “niyakap ng [mga inapo ni Adan] ang katotohanan, at tumanaw sa kaitaasan, doon durungaw ang Sion, at ang buong kalangitan ay mayayanig sa tuwa, at ang lupa ay manginginig sa galak.”2

Naaalala ng Panginoon ang Kanyang mga pangako, kabilang na ang mga pangako na titipunin ang ikinalat na Israel sa pamamagitan ng Aklat ni Mormon: Isa pang Tipan ni Jesucristo at ang mga pangakong ibinigay sa bawat miyembro at missionary na naaalala ang kahalagahan ng mga kaluluwa.3

Nakakaalala ang Panginoon at nagbibigay ng katiyakan sa mga bansa at mga tao. Sa mga panahong ito ng kaligaligan at kaguluhan,4 “ang iba ay tumitiwala sa mga karo, at ang iba ay sa mga kabayo: ngunit babanggitin namin ang pangalan ng Panginoon naming Dios,”5 na “Diyos ang patnubay … at kalinga [sa hinaharap tulad noon].”6 Sa “mga panahong mapanganib,”7 ating “tandaan na hindi ang gawain ng Diyos ang nabibigo, kundi ang gawain ng mga tao.”8

Pangalawa, lagi natin Siyang maaalala kapag pinasasalamatan at kinikilala natin ang Kanyang impluwensya sa ating buhay.

Ang impluwensya ng Panginoon sa ating buhay ay pinakamadaling makita kapag tapos na ang mga pangyayari. Tulad ng sabi ng pilosopong Kristiyano na si Søren Kierkegaard: “Kailangang matutuhan ang kahapon. Ngunit … kailangan tayong mamuhay ngayon para sa hinaharap.”9

Ipinagdiwang ng mahal kong ina ang kanyang ika-90 kaarawan kamakailan. Nagpatotoo siya nang may pasasalamat sa pagpapala ng Diyos sa bawat mahalagang pangyayari sa kanyang buhay. Ang mga kasaysayan, tradisyon, at ugnayan ng pamilya ay tumutulong sa atin na alalahanin ang nakaraan, habang naglalaan ng mga huwaran at pag-asa para sa hinaharap. Ang mga priesthood line of authority at patriarchal blessing ay saksi sa impluwensya ng Diyos sa maraming henerasyon.

Naisip na ba ninyo na kayo mismo ang inyong buhay na aklat ng alaala—na nagpapakita kung ano ang pinipili ninyong maalala at paano ninyo pinipiling makaalala?

Halimbawa, noong bata pa ako, gusto ko talagang maglaro ng basketball sa paaralan. Praktis ako nang praktis. Isang araw itinuro ng coach ang aming ka-team na 6-foot-4-inch (1.93 m) all-state center at ang aming 6-foot-2-inch (1.88 m) all-star forward at sinabi sa akin, “Ilalagay kita sa team, pero baka hindi ka makapaglaro kahit kailan.” Naaalala ko kung paano niya ako magiliw na hinikayat, “Bakit hindi mo subukang sumali sa soccer? Magiging mahusay ka roon.” Naghiyawan sa tuwa ang pamilya ko nang makapuntos ako sa unang pagkakataon.

Maaalala natin ang mga taong nagbigay sa atin ng pagkakataon, at ng pangalawang pagkakataon, nang may katapatan, kabaitan, tiyaga, at panghihikayat. At maaari tayong maging isang tao na maaalala ng iba kapag kailangang-kailangan nila ng tulong. Ang mapagpasalamat na pag-alaala sa tulong ng iba at sa gumagabay na impluwensya ng Espiritu ay isang paraan na naaalala natin Siya. Isang paraan ito na nabibilang natin ang maraming pagpapala sa atin at nakikita natin ang nagawa ng Diyos.10

Pangatlo, lagi natin Siyang maaalala kapag nagtiwala tayo sa pagtiyak ng Panginoon na “siya na nagsisi ng kanyang mga kasalanan, ay siya ring patatawarin, at ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalaala ang mga ito.”11

Kapag lubos tayong nagsisi, kabilang na ang pagtatapat at pagtalikod sa ating mga kasalanan, maitatanong natin tulad ni Enos, kapag nalinis na tayo sa ating kasalanan, “Panginoon, paano ito nangyari?” at maririnig natin ang sagot na “Dahil sa iyong pananampalataya kay Cristo”12 at ang Kanyang paanyaya na “[alalahanin] mo ako.”13

Kapag nagsisi tayo at ipinahayag ng mga priesthood leader na karapat-dapat na tayo, hindi na natin kailangan pang paulit-ulit na ipagtapat ang nakaraang mga kasalanang ito. Ang maging karapat-dapat ay hindi nangangahulugang maging perpekto. Ang plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit ay inaanyayahan tayo na mapagkumbabang pumayapa sa paglalakbay natin sa buhay upang balang-araw ay maging ganap tayo kay Cristo,14 na hindi palaging balisa, matamlay, o malungkot sa ating mga kahinaan ngayon. Tandaan, alam Niya ang lahat ng bagay na ayaw nating malaman ng iba tungkol sa atin—at mahal pa rin Niya tayo.

Kung minsan ay sinusubok ng buhay ang tiwala natin sa awa, katarungan, at paghatol ni Cristo, at sa Kanyang nagpapalayang paanyaya na tulutan nating pagalingin tayo ng Kanyang Pagbabayad-sala kapag pinatawad natin ang iba at ang ating sarili.

Isang dalaga mula sa ibang bansa ang nag-apply ng trabaho bilang journalist, ngunit walang habag ang opisyal na nagbibigay ng trabaho. Sinabi nito sa kanya, “Sa paglagda ko rito, ginagarantiyahan kong hindi ka magiging isang journalist kundi isang tagahukay ng mga kanal.” Siya lamang ang babaeng naghuhukay ng mga kanal sa grupo ng kalalakihan.

Pagkalipas ng ilang taon naging opisyal ang babaeng ito. Isang araw lumapit sa kanya ang isang lalaking nangangailangan ng kanyang lagda para sa isang trabaho.

Tanong niya, “Naaalala mo ba ako?” Hindi siya maalala nito.

Sabi niya, “Hindi mo ako maalala, pero naaalala kita. Sa paglagda mo, ginarantiyahan mong hindi ako magiging journalist kailanman. Sa paglagda mo, ginawa mo akong tagahukay ng mga kanal, ang tanging babae sa grupo ng kalalakihan.”

Sabi niya sa akin, “Nadama ko na dapat kong gandahan ang pagtrato sa lalaking iyon kaysa pagtrato niya sa akin noon—pero wala akong lakas na gawin iyon.” Kung minsan ang lakas na iyon ay hindi natin taglay, ngunit matatagpuan iyan sa pag-alaala sa Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo.

Kapag nasira ang tiwala, nawasak ang mga pangarap, paulit-ulit na nadurog ang mga puso, kapag nais natin ng katarungan at kailangan ng awa, kapag nakakuyom ang ating mga kamao at dumadaloy ang ating mga luha, kapag kailangan nating malaman kung ano ang kakapitan at ano ang pawawalan, maaari natin Siyang alalahanin sa tuwina. Ang buhay ay hindi naman palaging malupit na tulad ng inaakala natin. Ang Kanyang walang-katapusang habag ay makakatulong sa atin na mahanap ang ating daan, katotohanan, at buhay.15

Kapag inalala natin ang Kanyang mga salita at halimbawa, hindi tayo mananakit ng damdamin o magdaramdam.

Mekaniko ang tatay ng kaibigan ko. Nakita ang tapat niyang pagtatrabaho maging sa kanyang mga kamay na hinugasang mabuti. Isang araw ay may isang tao sa templo na nagsabi sa tatay ng kaibigan ko na dapat siyang maghugas ng kamay bago maglingkod doon. Sa halip na magdamdam, sinimulang hugasan ng mabait na taong ito ng tubig na may sabon ang mga pinagkainan ng pamilya bago pumunta sa templo. Naging halimbawa siya ng mga yaong “aahon sa bundok ng Panginoon” at “tatayo sa kaniyang dakong banal” na may pinakamalinis na mga kamay at pinakadalisay na puso.16

Kung tayo ay may mga kinaiinisan, sama ng loob, o hinanakit, o kung may dapat tayong ihingi ng tawad sa iba, ngayon na ang panahon para gawin ito.

Pang-apat, inaanyayahan Niya tayong alalahanin na lagi Niya tayong malugod na tatanggapin.

Natututo tayo sa pagtatanong at paghahanap. At sana’y huwag kayong tumigil sa paggalugad hanggang sa makarating kayo—sabi nga ni T. S. Eliot—“kung saan kayo nagsimula at nalaman ninyo ang lugar sa unang pagkakataon.”17 Kapag handa na kayo, buksang muli ang inyong puso sa Aklat ni Mormon, sa unang pagkakataon. Manalanging muli nang may tunay na layunin, sa unang pagkakataon.

Magtiwala sa naglalahong alaalang iyon. Hayaang palakasin nito ang inyong pananampalataya. Sa Diyos, hindi imposibleng bumalik.

Ang mga propeta noon at ngayon ay nagsusumamo na huwag hayaan ang mga kahangalan, kamalian, o kahinaan ng tao—ng iba o ng ating sarili—na maging dahilan upang hindi natin makita ang mga katotohanan, tipan, at nakatutubos na kapangyarihan sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo.18 Mahalaga ito lalo na sa simbahan kung saan bawat isa sa atin ay lumalago sa pamamagitan ng ating di-perpektong pakikibahagi. Sabi ni Propetang Joseph, “Kahit kailan hindi ko sinabi sa inyong perpekto ako; ngunit walang mali sa paghahayag na itinuturo ko.”19

Panglima, lagi natin Siyang maaalala sa araw ng Sabbath sa pamamagitan ng sakramento. Sa pagtatapos ng Kanyang ministeryo sa lupa at pagsisimula ng Kanyang ministeryo nang Siya ay mabuhay na mag-uli—sa dalawang pagkakataong ito—ang ating Tagapagligtas ay kumuha ng tinapay at alak at hiniling na alalahanin natin ang Kanyang katawan at dugo,20 “sapagkat kasindalas na gagawin ninyo ito, maaalaala ninyo ang oras na ito na ako ay nasa piling ninyo.”21

Sa ordenansa ng sakramento, pinatototohanan natin sa Diyos Ama na handa tayong taglayin sa ating sarili ang pangalan ng Kanyang Anak at lagi Siyang aalalahanin at susundin ang Kanyang mga kautusan, na ibinigay Niya sa atin, nang sa tuwina ay mapasaatin ang Kanyang Espiritu upang makasama natin.22

Tulad ng itinuro ni Amulek, naaalala natin Siya kapag ipinagdarasal natin ang ating bukid, mga kawan, at sambahayan at kapag naaalala natin ang mga nangangailangan, hubad, maysakit at naghihirap.23

Ang huli at pang-anim, inaanyayahan tayo ng Tagapagligtas na lagi Siyang alalahanin tulad ng pag-alaala Niya sa atin.

Sa Amerika, inanyayahan ng ating nabuhay na mag-uling Tagapagligtas ang mga naroon na lumapit, nang isa-isa, at ihipo ang kanilang mga kamay sa Kanyang tagiliran at salatin ang bakas ng mga pako sa Kanyang mga kamay at paa.24

Inilarawan sa mga banal na kasulatan ang pagkabuhay na mag-uli na “bawat biyas at kasu-kasuan ay magbabalik sa … kanilang wasto at ganap na anyo,” at “maging isang buhok sa ulo ay hindi mawawala.”25 Dahil diyan, pag-isipan kung bakit naroon pa rin sa perpekto at nabuhay na mag-uling katawan ng ating Tagapagligtas ang mga sugat sa Kanyang tagiliran at ang bakas ng mga pako sa Kanyang mga kamay at paa.26

Kung minsan sa kasaysayan, ang mga mortal na tao ay pinarusahan ng kamatayan sa pamamagitan ng pagpapako sa krus. Ngunit ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo lamang ang yumayakap sa atin na kakikitaan ng mga marka ng Kanyang dalisay na pagmamahal. Siya lamang ang nagsasakatuparan ng propesiya na maipako sa krus upang mailapit Niya ang bawat isa sa atin sa Kanya, na tinatawag tayo sa pangalan.27

Ipinahayag ng ating Tagapagligtas:

“Oo, maaaring makalimot [sila], gayon pa man hindi kita malilimutan.

“Narito, aking inanyuan ka sa mga palad ng aking mga kamay.”28

Pinatotohanan Niya: “Ako ang siyang itinaas. Ako si Jesus na ipinako sa krus. Ako ang Anak ng Diyos.”29

Mapagkumbaba kong pinatototohanan at idinadalangin, na lagi natin Siyang aalalahanin—sa lahat ng oras, sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar kung saan man tayo naroroon.30 Sa sagrado at banal na pangalan ni Jesucristo, amen.