At Hindi na Magkakaroon ng Kamatayan
Para sa lahat ng nagdalamhati sa pagkamatay ng mahal nila sa buhay, ang Pagkabuhay na Mag-uli ang pinagmumulan ng malaking pag-asa.
Noong isang Linggo ay Pasko ng Pagkabuhay, at ang ating isipan ay natuon muli sa nagbabayad-salang sakripisyo at Pagkabuhay na Mag-uli ng Panginoong Jesucristo. Nitong nakaraang taon pinag-isipan at pinagnilayan ko ang tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli nang higit kaysa sa karaniwan.
Halos isang taon na ang nakalipas, pumanaw ang aming anak na si Alisa. Siya ay nakipaglaban sa kanser nang halos walong taon, at dumaan sa ilang operasyon, maraming iba’t ibang panggagamot, kapana-panabik na mga himala, at matinding kabiguan. Nakita namin ang unti-unting paglubha ng kundisyon ng kanyang pisikal na katawan habang nalalapit ang pagwawakas ng kanyang buhay. Napakasakit na makita na nangyayari iyon sa iyong pinakamamahal na anak—ang munting anak namin na iyon na may maningning na mga mata na lumaking matalino, mabuting babae, asawa, at ina. Pakiramdam ko’y madudurog ang puso ko.
Noong nakaraang taon sa Pasko ng Pagkabuhay, mahigit isang buwan bago siya pumanaw, isinulat ni Alisa: “Ang Pasko ng Pagkabuhay ay isang paalaala ng lahat ng inaasam ko para sa aking sarili. Na balang-araw ako ay gagaling at magiging buo muli. Na balang-araw ay hindi na ako magkakaroon ng anumang metal o plastik sa loob ng aking katawan. At ang aking puso ay hindi na mangangamba at ang aking isipan ay hindi na mag-aalala. Hindi ko ipinagdarasal na mangyari ito agad, ngunit masaya ako na talagang naniniwala ako sa isang magandang kabilang-buhay.”1
Ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo ay tumitiyak sa mismong mga bagay na inaasam ni Alisa at itinitimo sa bawat isa sa atin ang “katuwiran [para] sa pagasang nasa [atin].”2 Itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley na ang Pagkabuhay na Mag-uli ay “pinakadakila sa lahat ng pangyayari sa kasaysayan ng sangkatauhan.”3
Naisakatuparan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang Pagkabuhay na Mag-uli at ito ay napakahalagang bahagi ng dakilang plano ng kaligtasan.4 Tayo ay mga espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit.5 Nang tayo ay isinilang sa mundo, ang ating espiritu at katawan ay nagsama. Naranasan natin ang lahat ng kagalakan at hamon na kaakibat ng mortal na buhay. Kapag namatay ang isang tao, ang kanyang espiritu ay mahihiwalay sa kanyang katawan. Dahil sa Pagkabuhay na Mag-uli, ang espiritu at katawan ng isang tao ay magsasamang muli, at sa pagkakataong ito ang katawang iyan ay magiging imortal at perpekto—hindi na daranas ng sakit, karamdaman, o ng iba pang mga problema.6
Pagkatapos ng pagkabuhay na mag-uli, ang espiritu at katawan ay hindi na muling maghihiwalay dahil ang Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas ay lubos na nagtagumpay sa kamatayan. Upang makamtan ang ating walang hanggang tadhana, kailangan natin ang imortal na kaluluwang ito—ang espiritu at katawan—na magkasama magpakailanman. Dahil tayo ay may espiritu at imortal na katawang hindi na maghihiwalay, makatatanggap tayo ng ganap na kagalakan.7 Sa katunayan, kung walang Pagkabuhay na Mag-uli hindi natin kailanman matatanggap ang ganap na kagalakan kundi magiging kaaba-aba magpakailanman.8 Itinuturing din ng matatapat at matwid na tao na isang pagkabihag ang pagkahiwalay ng kanilang katawan at espiritu. Lumalaya tayo sa pagkabihag na ito sa pamamagitan ng Pagkabuhay na Mag-uli, na katubusan mula sa mga gapos o tanikala ng kamatayan.9 Walang kaligtasan kung wala kapwa ang ating espiritu at ating katawan.
Bawat isa sa atin ay may mga pisikal, mental, at emosyonal na limitasyon at kahinaan. Ang mga problemang ito, na ang ilan ay tila imposibleng makayanan ngayon, ay malulutas kalaunan. Wala ni isa sa mga problemang ito ang makakaapekto sa atin pagkatapos nating mabuhay na mag-uli. Sinaliksik ni Alisa ang bilang ng mga taong nakaligtas sa uri ng kanser na nasuri sa kanya, at nakapanglulumo ang estatistika nito. Isinulat niya: “Ngunit may lunas, kaya hindi ako natatakot. Pinagaling na ni Jesus ang aking kanser, at ang sa inyo. … Ako ay magiging maayos. Masaya ako na alam ko ito.”10
Mapapalitan natin ang salitang kanser ng alinman sa iba pang pisikal, mental o emosyonal na karamdaman na maaari nating maranasan. Dahil sa Pagkabuhay na Mag-uli, ang mga ito ay pinagaling na. Ang himala ng pagkabuhay na mag-uli, ang pinakamahusay na lunas, ay hindi kaya ng makabagong medisina. Ngunit magagawa ito ng kapangyarihan ng Diyos. Alam natin na maisasagawa ito dahil ang Tagapagligtas ay nabuhay na mag-uli at isasakatuparan din nito ang Pagkabuhay na Mag-uli ng bawat isa sa atin.11
Pinatunayan ng Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas na Siya ang Anak ng Diyos at na ang itinuro Niya ay totoo. “Siya’y nagbangon, ayon sa sinabi niya.”12 Wala nang mas matibay na katunayan ng Kanyang pagiging Diyos kaysa sa paglabas Niya sa libingan na may imortal na katawan.
Kilala natin ang mga saksi sa Pagkabuhay na Mag-uli sa panahon ng Bagong Tipan. Bukod pa sa kababaihan at kalalakihan na nabasa natin sa Mga Ebanghelyo, tinitiyak sa atin sa Bagong Tipan na napakaraming tao ang tunay na nakakita sa Nabuhay na Mag-uling Panginoon.13 At nakasaad sa Aklat ni Mormon ang maraming iba pang nakasaksi: “Ang maraming tao ay lumapit, at inihipo ang kanilang mga kamay sa kanyang tagiliran, … at nakita ng kanilang mga mata at nadama ng kanilang mga kamay, at nalaman nang may katiyakan at nagpatotoo, na ito ay siya nga, na siyang isinulat ng mga propeta, na paparito.”14
Ang mga saksing iyon noon ay naragdagan ng mga saksi sa mga huling araw. Sa katunayan, sa umpisa ng dispensasyong ito, nakita ni Joseph Smith ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas kasama ang Ama.15 Ang mga buhay na propeta at mga apostol ay nagpatotoo sa katotohanan ng nabuhay na mag-uli at buhay na Cristo.16 Kaya masasabi nating, “Nakukubkob tayo ng makapal na bilang ng mga saksi.”17 At bawat isa sa atin ay maaaring mapabilang sa makapal na bilang ng mga saksi na nakaaalam, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, na ang ipinagdiriwang natin sa Pasko ng Pagkabuhay ay talagang nangyari—na ang Pagkabuhay na Mag-uli ay totoo.
Nadaig ng katunayan ng Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas ang ating kalungkutan at napalitan ito ng pag-asa, dahil kalakip nito ang katiyakan na lahat ng iba pang mga pangako ng ebanghelyo ay totoo rin—mga pangakong mahimala rin tulad ng Pagkabuhay na Mag-uli. Alam natin na may kapangyarihan Siyang linisin tayo mula sa lahat ng ating mga kasalanan. Alam natin na inako Niya ang lahat ng ating mga kahinaan, pasakit, at mga kaapihang dinanas natin.18 Alam natin na Siya ay “[bumangon] mula sa patay, na may pagpapagaling sa kanyang mga bagwis.”19 Alam natin na mapapagaling Niya tayo anuman ang nasira sa atin. Alam natin na “papahirin [Niya] ang bawa’t luha sa [ating] mga mata; at hindi na magkakaroon ng kamatayan, hindi na magkakaroon pa ng dalamhati, o ng pananambitan man, o ng hirap pa man.”20 Alam natin na maaari tayong “maging ganap sa pamamagitan ni Jesus …, na nagsakatuparan ng ganap na pagbabayad-salang ito,”21 kung mananampalataya tayo at susunod sa Kanya.
Sa pagtatapos ng nagbibigay-inspirasyong oratorio na Messiah, nilapatan ng musika ni Handel ang mga salita ni Apostol Pablo na nagsasaya sa Pagkabuhay na Mag-uli.
“Narito, sinasaysay ko sa inyo ang isang hiwaga: hindi tayong lahat ay mangatutulog, nguni’t tayong lahat ay babaguhin,
“Sa isang sangdali, sa isang kisap-mata, sa huling pagtunog ng pakakak: … tutunog ang pakakak, at ang mga patay ay mangabubuhay na maguli na walang kasiraan, at tayo’y babaguhin.
“Sapagka’t kinakailangan na itong may kasiraan ay magbihis ng walang kasiraan, at itong may kamatayan ay magbihis ng walang kamatayan.
“… Kung magkakagayon ay mangyayari ang wikang nasusulat, Nilamon ng pagtatagumpay ang kamatayan.
“Saan naroon, Oh kamatayan, ang iyong tibo? “Saan naroon, Oh kamatayan, ang iyong pagtatagumpay? …
“Datapuwa’t salamat sa Dios, na nagbibigay sa atin ng pagtatagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo.”22
Nagpapasalamat ako para sa mga pagpapalang napasaatin dahil sa Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ng Panginoong Jesucristo. Para sa lahat ng naghimlay o naglagak ng anak sa libingan o tumangis sa tabi ng kabaong ng kanyang asawa o nagdalamhati sa pagkamatay ng magulang o ng mahal sa buhay, ang Pagkabuhay na Mag-uli ay pinagmumulan ng malaking pag-asa. Isang napakasayang karanasan ang muli silang makita—hindi lamang bilang mga espiritu kundi may mga katawang nabuhay na mag-uli.
Nasasabik akong makitang muli ang aking ina at madama ang kanyang magiliw na haplos at makita ang kanyang mga mata na puno ng pagmamahal. Gusto kong makita ang ngiti ng aking ama at marinig ang kanyang tawa at makita siyang nabuhay na mag-uli at perpektong nilalang. Nang may pananampalataya, nakikinita ko si Alisa na walang anumang alalahanin ng mundo o anumang tibo ng kamatayan—isang nabuhay na mag-uli at perpektong Alisa na matagumpay at puno ng kagalakan.
Ilang Pasko ng Pagkabuhay na ang lumipas, simpleng isinulat niya: “May buhay dahil sa Kanyang pangalan. Ako’y lubos na umaasam. Sa tuwina. Sa lahat ng bagay. Gustung-gusto ko ang Pasko ng Pagkabuhay na nagpapaalala sa akin.”23
Pinatototohanan ko na tunay ang Pagkabuhay na Mag-uli. Si Jesucristo ay buhay, at dahil sa Kanya, lahat tayo ay mabubuhay na mag-uli. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.