2010–2019
Bukas ay Gagawa ng mga Kababalaghan ang Panginoon sa Inyo
Abril 2016


19:24

Bukas ay Gagawa ng mga Kababalaghan ang Panginoon sa Inyo

Patuloy na magmahal. Patuloy na magsikap. Patuloy na magtiwala. Patuloy na manalig. Patuloy na umunlad. Palalakasin ng langit ang inyong loob ngayon, bukas, at magpakailanman.

Mga kapatid, may ideya ba kayo—may pakiwari ba kayo kahit katiting man lang—kung gaano namin kayo kamahal? Sa loob ng 10 oras kayo ay nanood, na nakatutok ang mga mukha ninyo sa pulpito, ngunit sa parehong 10 oras na iyon, nakaupo kaming nakatutok din sa inyo. Pinasisigla ninyo ang kaibuturan ng aming mga puso, kayo man ay ang 21,000 na nasa Conferrence Center, o ang nasa mga meetinghouse at chapel, o sa huli ang milyun-milyong nasa tahanan sa buong mundo, na marahil ay sama-samang nakaupo sa harapan ng family computer screen. Heto kayo, nariyan kayo, bawat oras, suot ang Sunday best, at nagpapakabuti. Kayo ay umaawit at nagdarasal. Kayo ay nakikinig at naniniwala. Kayo ang himala ng Simbahang ito. At mahal namin kayo.

Napakaganda ng pangkalahatang kumperensya natin. Napagpala tayo ng presensya ni Pangulong Monson at ng kanyang mga mensahe. President, mahal namin kayo, ipinapanalangin namin kayo, nagpapasalamat kami sa inyo, at higit sa lahat, sinusuportahan namin kayo. Salamat at tinuruan ninyo kami, ng inyong mga tagapayo, at ng marami sa ating mahuhusay na kalalakihan at kababaihang lider. Napakagandang musika ang narinig natin. Tayo ay taimtim na ipinagdasal at pinakiusapan. Ang Espiritu ng Panginoon ay narito at lubos na nadarama. Puno ng inspirasyon ang Sabado at Linggong ito sa bawat aspeto.

Ngayon, dalawa ang nakikita kong problema. Ang isa ay ang katotohanang ako na lang ang pumipigil sa inyo na kainin ang ice cream na lagi ninyong inihahanda sa pagtatapos ng pangkalahatang kumperensya. Ang isa pang problema ay nasa larawang ito na nakita ko kamakailan sa Internet.

Dinosaur na hinahabol ang mga bata

Paumanhin sa lahat ng batang nagtatago na ngayon sa ilalim ng sopa, ngunit ang sinasabi ko sa inyo ay walang sinuman sa atin ang gustong masira ang magandang nadama natin ngayong Sabado at Linggo. Gusto nating mapanatili ang espirituwal na impresyon na nasa atin at ang mga inspiradong turo na narinig natin. Ngunit di-maiiwasang matapos ang espirituwal na sandaling iyon sa ating buhay, kinakailangan nating bumalik sa mundo, kung saan muli nating makakaharap ang mga di-kasiya-siyang sitwasyon.

Binalaan tayo ng may-akda ng Sa Mga Hebreo tungkol dito nang isulat niya, “Alalahanin ang mga nakaraang araw, na sa mga yaon, pagkatapos na kayo’y maliwanagan, ay nangagtiis kayo ng malaking pakikilaban ng mga pagbabata.”1 Ang pakikilaban na iyan sa paghihirap matapos maliwanagan ay dumarating sa maraming paraan, at dumarating sa ating lahat. Tiyak na natanto agad ng lahat ng missionary na ang buhay sa misyon ay hindi magiging tulad ng kaaya-ayang buhay sa missionary training center. Gayon din para sa ating lahat matapos ang isang kasiya-siyang session sa templo o matapos ang isang espirituwal na sacrament meeting.

Naaalala ninyo noong bumaba si Moises matapos ang kanyang natatanging karanasan sa Bundok ng Sinai, nakita niya na ang kanyang mga tao ay “nangagsisama” at “humiwalay na madali.”2 Doon sa paanan ng bundok, abala silang gumagawa ng ginintuang guya, sa }mismong oras na si Jehova, sa tuktok ng bundok, ay sinasabi kay Moises, “Huwag kang magkakaroon ng ibang mga dios sa harap ko,” at “Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan.”3Hindi masaya si Moises sa ginawa ng kanyang kawan ng mga nagpagala-galang Israelita noong araw na iyon!

Sa Kanyang ministeryo sa buhay na ito, isinama ni Jesus sina Pedro, Santiago, at Juan sa Bundok ng Pagbabagong-anyo, kung saan, nakasaad sa mga banal na kasulatan na, “nagliwanag ang kaniyang mukha na katulad ng araw, at pumuting tulad sa ilaw ang kaniyang mga damit.”4 Ang kalangitan ay bumukas, dumating ang mga sinaunang propeta, at nangusap ang Diyos Ama.

Pagkatapos ng gayong selestiyal na karanasan, ano ang nakita ni Jesus pagbaba Niya sa bundok? Una niyang nakita na nagtatalo ang Kanyang mga disipulo at ang pagkakagulo nila ay ang kabiguang pagalingin ang isang batang lalaki. Pagkatapos ay sinikap Niyang sabihin sa Labindalawa—ngunit hindi sila gaanong nakaunawa—na Siya kalaunan ay dadalhin sa mga pinuno na papatay sa Kanya. At may isang nagsabing kailangan nang bayaran ang buwis, na binayaran na. At pinagsabihan Niya ang ilan sa mga disipulo dahil pinagtatalunan nila kung sino ang magiging pinakadakila sa Kanyang kaharian. Lahat ng ito ay humantong sa pagsasabi Niya ng, “Oh lahing walang pananampalataya, … hanggang kailan titiisin ko kayo?”5 May pagkakataong madalas Niyang itanong iyan noong Kanyang ministeryo. Hindi kataka-takang ninais Niyang umakyat sa tuktok ng bundok upang manalanging mag-isa!

Dahil alam kong lahat tayo ay babalik sa karaniwan nating buhay sa araw-araw matapos ang espirituwal na karanasang ito, nais kong bigyan kayo ng lakas ng loob at pag-asa sa pagtatapos ng pangkalahatang kumperensyang ito.

Una sa lahat, kung sa mga darating na araw ay hindi lamang kayo nakakita ng mga kahinaan sa mga nasa paligid ninyo kundi nakakita rin sa sarili ninyong buhay ng mga bagay na hindi lubos na nakaayon sa mga mensaheng narinig ninyo nitong Sabado’t Linggo, huwag panghinaan ng loob at huwag sumuko. Ang ebanghelyo, ang Simbahan, at ang magagandang pangkalahatang kumperensya ay nilayong magbigay ng pag-asa at inspirasyon. Hindi nito layon na magpahina ng loob. Ang diyablo lamang, ang kaaway nating lahat, ang magtatangkang kumbinsihin tayo na ang mga pamantayang binanggit sa pangkalahatang kumperensya ay hindi makatotohanan, na ang mga tao ay talagang hindi na magbabago pa, na walang sinumang umuunlad. At bakit kukumbinsihin tayo ni Lucifer tungkol sa bagay na iyan? Dahil alam niya na siya ay hindi na uunlad, na siya ay hindi na susulong, at sa mga daigdig na iyon na walang katapusan siya ay hindi magkakaroon ng magandang bukas. Siya ay isang kaaba-abang nilalang na may walang-hanggang limitasyon, at nais niyang maging kaaba-aba rin tayo. Huwag magpatangay sa tuksong iyan. Dahil sa kaloob na Pagbabayad-sala ni Jesucristo at sa lakas ng langit na tutulong sa atin, tayo ay maaaring umunlad, at ang kahanga-hanga sa ebanghelyo ay napagpapala tayo sa ating mga pagsisikap, kahit hindi tayo laging nagtatagumpay.

Nang magkaroon ng pagtatalo sa Simbahan noong araw tungkol sa kung sino ang tatanggap o hindi tatanggap ng mga pagpapala ng langit, inihayag ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, [ang mga kaloob ng Diyos] ay ibinigay para sa kapakinabangan ng mga yaong nagmamahal sa akin at sumusunod … [sa] aking mga kautusan, at [para sa kanila] na naghahangad na gumawa nito.”6 Tiyak na nagpapasalamat tayong lahat na idinagdag Niya ang mga katagang “at … naghahangad na gumawa nito”! Isang pagpapala iyan dahil kung minsan iyan lamang ang maibibigay natin! Napanatag tayo dahil sa katotohanang kung gagantimpalaan lamang ng Diyos ang matatapat na perpekto, kakaunti ang nasa listahan Niya.

Kaya’t alalahanin bukas, at sa lahat ng araw na darating, na pagpapalain ng Panginoon ang mga taong nais umunlad at magpakabuti, na tinatanggap na kailangan ang mga kautusan at nagsisikap na sundin ito, na pinahahalagahan ang mga katangiang tulad ng kay Cristo at nagsisikap nang buong puso na taglayin ang mga ito. Kung kayo ay nabibigo paminsan-minsan sa adhikaing iyan, gayon din naman ang ibang tao; nariyan ang Tagapagligtas upang tulungan kayong magpatuloy na umunlad at magpakabuti. Kung kayo ay madapa, hilingin ang Kanyang lakas. Magsumamo tulad ni Alma, “O Jesus, … kaawaan ako.”7 Tutulungan Niya kayong makabangon. Tutulungan Niya kayong magsisi, ayusin ang sarili, ayusin ang anumang kailangan ninyong ayusin, at magpatuloy. Kalaunan, mapapasainyo ang tagumpay na inyong hinahanap.

“Anuman ang naisin mo sa akin ito ay mapapasaiyo,” ang sabi ng Panginoon.

“… Magtiwala ka sa Espiritung yaon na nag-aakay sa paggawa ng mabuti—oo, ang gumawa ng makatarungan, lumakad nang may pagpapakumbaba, maghatol nang matwid. …

“… [Pagkatapos] anuman ang naisin mo sa akin, na nauukol sa mga bagay ng kabutihan, … ay [iyong] [ma]tatanggap.8

Gustung-gusto ko ang doktrinang iyan! Muling binanggit dito na pagpapalain tayo sa pagnanais natin na gumawa ng mabuti, kahit habang nagsisikap pa lang tayong magpakabuti. At nagpapaalala ito sa atin na upang maging karapat-dapat sa mga pagpapalang iyon, dapat nating tiyakin na hindi natin ipagkakait ang mga ito sa iba: makitungo nang makatarungan, maging patas sa tuwina; maging mapagpakumbaba, huwag magyabang kailanman; humatol nang makatwiran, huwag magmalinis.

Mga kapatid, ang una at dakilang utos sa kawalang-hanggan ay ang mahalin ang Diyos nang buo nating puso, kakayahan, pag-iisip at lakas—iyan ang una at dakilang utos. Subalit ang una at dakilang katotohanan sa kawalang- hanggan ay mahal tayo ng Diyos nang buo Niyang puso, kakayahan, pag-iisip at lakas. Ang pagmamahal na iyon ay saligang bato ng kawalang-hanggan, at ito ay dapat na maging saligang bato ng ating buhay araw-araw. Katunayan sa katiyakan lamang na iyon na nag-aalab sa ating kaluluwa tayo magkakaroon ng kumpiyansang patuloy na manalig, patuloy na magsikap na magpakabuti pa, patuloy na humingi ng kapatawaran ng ating mga kasalanan, at ipakita ang gayon ding kabutihan sa ating kapwa.

Itinuro minsan ni Pangulong George Q. Cannon: “Gaano man kabigat ang pagsubok, gaano man katindi ang lungkot, ang hirap, hindi tayo kailanman pababayaan ng [Diyos]. Hindi Niya ito ginagawa, at hindi Niya kailanman gagawin. Hindi Niya ito magagawa. Wala sa katangian Niya [na gawin] ito. … [Lagi] Siyang susuporta sa atin. Maaaring dumaan tayo sa nagniningas na hurno; lumusong sa malalalim na tubig; ngunit hindi tayo matutupok ni malulunod. Tayo ay lalabas mula sa mga pagsubok at paghihirap na ito nang mas mabuti at mas dalisay dahil sa mga ito.”9

Kung ang dakilang pagmamahal na iyan mula sa Diyos ay nasa buhay natin tuwina, na ipinakita nang buong kadalisayan at kasakdalan sa buhay, kamatayan, at Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo, matatakasan natin ang mga bunga ng kasalanan at kahangalan—ng ating sarili o ng iba—sa anumang anyo nito kapag dumating ang mga ito sa araw-araw na buhay natin. Kung ibibigay natin ang ating puso sa Diyos, mamahalin ang Panginoong Jesucristo, at gagawin ang lahat ng ating makakaya upang ipamuhay ang ebanghelyo, kung gayon ang bukas—at ang bawat araw—ay magiging napakaganda, hindi man natin ito napapansin sa tuwina. Bakit? Dahil iyon ang nais ng ating Ama sa Langit! Nais Niya tayong pagpalain. Ang maganda, masagana, at walang hanggang buhay ang pinakalayunin ng Kanyang maawaing plano para sa Kanyang mga anak! Ito ay isang plano na nakabatay sa katotohanan “na ang lahat ng mga bagay ay nagkakalakip na gumagawa sa ikabubuti ng mga nagsisiibig sa Dios.”10 Kaya patuloy na magmahal. Patuloy na magsikap. Patuloy na magtiwala. Patuloy na manalig. Patuloy na umunlad. Palalakasin ng langit ang inyong loob ngayon, bukas, at magpakailanman.

“Hindi mo baga naalaman? hindi mo baga narinig?” ang sabi ni Isaias.

“Ang [Diyos ay] nagbibigay ng lakas sa mahina; at ang walang kapangyarihan ay pinananagana niya sa kalakasan. …

“… Silang nangaghihintay sa [Kanya] ay mangagbabagong lakas; sila’y paiilanglang na may mga pakpak na parang mga aguila. …

“Sapagka’t … [ang] Panginoon[g] … Dios, ay hahawak ng [kanilang] kanang kamay, na magsasabi sa [kanila], huwag [kayong] matakot; aking tutulungan [kayo].”11

Mga kapatid, nawa’y pagpalain tayo bukas ng mapagmahal na Ama sa Langit upang maalaala natin ang naramdaman natin sa araw na ito. Nawa’y pagpalain Niya tayo na naisin at sikapin natin nang may pagtitiis at sigasig na maisagawa ang mga pamantayan na narinig nating ipinahayag sa pangkalahatang kumperensyang ito, batid na ang Kanyang banal na pagmamahal at walang-maliw na tulong ay mapapasaatin kapag nahihirapan tayo—oo, mapapasaatin lalo na kapag nahihirapan tayo.

Kung tila napakataas ng pamantayan at ang pagpapaunlad na kinakailangan sa sarili sa mga darating na araw ay tila imposibleng makamtan, alalahanin ang panghihikayat ni Josue sa kanyang mga tao nang kakaharapin nila ang nakakatakot na bukas. “Magpakabanal kayo,” sabi niya, “sapagkat bukas ay gagawa ng mga kababalaghan ang Panginoon sa inyo.”12 Ipinapahayag ko ang pangako ring iyon. Ito ang pangako ng kumperensyang ito. Ito ang pangako ng Simbahang ito. Ito ang pangako Niya na nagsasagawa ng mga kababalaghan, na Siya mismong “Kahanga-hanga, Tagapayo, ang Makapangyarihang Diyos, … Ang Prinsipe ng Kapayapaan.”13 Pinatototohanan ko Siya. Saksi Niya ako. At sa Kanya ang kumperensyang ito ay sagisag ng Kanyang patuloy na gawain sa dakilang mga huling araw. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.