Mapasainyo ang Kanyang Espiritu
Dalangin ko nang buong puso na maririnig ninyo ang tinig ng Espiritu, na saganang ipinadala sa inyo.
Mga kapatid, nagpapasalamat ako sa pagkakataon na magsalita sa inyo ngayon sa Sabbath ng Panginoon, sa pangkalahatang kumperensya ng Kanyang Simbahan, sa panahong ito ng Pasko ng Pagkabuhay. Nagpapasalamat ako sa Ama sa Langit para sa kaloob ng Kanyang Pinakamamahal na Anak, na boluntaryong pumarito sa mundo upang maging Manunubos natin. Nagpapasalamat ako na nalaman ko na nagbayad-sala Siya para sa ating mga kasalanan at bumangon sa Pagkabuhay na Mag-uli. Araw-araw ay napagpapala ako na nalaman ko na, dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala, mabubuhay akong muli balang-araw upang mabuhay magpakailanman kasama ang isang mapagmahal na pamilya.
Nalalaman ko ang mga bagay na iyon sa pamamagitan ng tanging paraan para malaman ng sinuman sa atin ang mga iyon. Ang Espiritu Santo ay nangusap sa aking isipan at puso na ang mga ito ay totoo—hindi lamang nang minsan kundi nang madalas. Kinailangan ko ang patuloy na kapanatagang iyan. Lahat tayo ay dumaranas ng trahedya kung saan kailangan natin ang pagtiyak ng Espiritu. Nadama ko iyan noong naroon akong nakatayo sa tabi ng aking ama sa ospirtal. Minasdan namin ang aking ina na sandaling naghingalo—at pagkatapos ay wala na. Nang masdan namin ang kanyang mukha, nakangiti siya nang maglaho ang sakit. Pagkaraan ng ilang tahimik na sandali, unang nagsalita si Itay. Sinabi niya, “Nakauwi na ang batang musmos.”
Mahina niyang sinabi iyon. Tila panatag siya. Sinabi niya ang isang bagay na alam niyang totoo. Tahimik niyang inayos ang mga personal na gamit ni Inay. Lumabas siya papunta sa pasilyo ng ospital upang pasalamatan ang bawat isa sa mga nars at mga doktor na nag-asikaso kay Inay nang maraming araw.
Nasa aking ama ang patnubay ng Espiritu Santo nang sandaling iyon para madama, malaman, at magawa ang ginawa niya ng araw na iyon. Natanggap niya ang pangako tulad ng iba: “Nang mapasakanila ang kanyang Espiritu upang makasama nila” (D at T 20:79).
Umaasa ako ngayon na madagdagan ang inyong hangarin at inyong kakayahan na matanggap ang Espiritu Santo. Tandaan, Siya ang pangatlong miyembro ng Panguluhang Diyos. Ang Ama at ang Anak ay mga nilalang na nabuhay na mag-uli. Ang Espiritu Santo ay isang personaheng espiritu. (Tingnan sa D at T 130:22.) Kayo ang magpapasiya kung malugod ninyo Siyang tatanggapin sa inyong puso at isipan.
Ang mga kundisyon para matanggap ang pagpapalang iyan ng mula sa langit ay nilinaw sa mga salita na binabanggit tuwing Linggo ngunit marahil ay hindi palaging tumitimo sa ating puso’t isipan. Upang mapasaatin ang Espiritu dapat nating “laging alalahanin” ang Tagapagligtas at “sundin ang kanyang mga kautusan” (D at T 20:77).
Ang panahong ito ng taon ay tumutulong sa atin na maalaala ang sakripisyo ng Tagapagligtas at ang Kanyang pagbangon mula sa libingan bilang nilalang na nabuhay na mag-uli. Marami sa atin ang nailalarawan ang mga senaryong iyon sa ating isipan. Minsan ay naroon akong nakatayo kasama ang aking asawa sa labas ng libingan sa Jerusalem. Maraming naniniwala na iyon ang libingan kung saan lumabas ang ipinakong Tagapagligtas bilang nabuhay na muli at buhay na Diyos.
Sumenyas ang magalang na tour guide at sinabi sa amin, “Halikayo, tingnan ninyo ang libingang walang laman.”
Yumukod kami para makapasok. Nakakita kami ng isang batong upuan sa may dingding. At sa aking isipan ay nakita ko ang isang pang senaryo, na totoong-totoo tulad ng nakita namin ng araw na iyon. Iyon ay tungkol kay Maria, na iniwan ng mga Apostol sa libingan. Iyan ang ipinakita sa akin ng Espiritu at narinig sa aking isipan, na napakalinaw na parang naroon ako:
“Ngunit si Maria ay nakatayo sa labas ng libingan na umiiyak: sa gayon, samantalang siya’y umiiyak, siya’y yumuko at tumingin sa loob ng libingan,
“At nakita niya ang dalawang anghel na nararamtan na nangakaupo, ang isa’y sa ulunan, at ang isa’y sa paanan, ng kinalalagyan ng bangkay ni Jesus.
“At sinabi nila sa kaniya, Babae, bakit ka umiiyak? Sinabi niya sa kanila, Sapagka’t kinuha nila ang aking Panginoon, at hindi ko maalaman kung saan nila inilagay siya.
“Pagkasabi niya ng gayon, siya’y lumingon, at nakitang nakatayo si Jesus, at hindi nalalaman na yaon ay si Jesus.
“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Babae, bakit ka umiiyak? sino ang iyong hinahanap? Siya, sa pagaakalang yao’y maghahalaman, ay nagsabi sa kaniya, Ginoo, kung ikaw ang kumuha sa kaniya, ay sabihin mo sa akin kung saan mo siya inilagay, at akin siyang kukunin.
“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Maria. Lumingon siya, at nagsabi sa kaniya sa wikang Hebreo, Raboni; na ang ibig sabihin ay, Guro.
“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Huwag mo akong hipuin; sapagka’t hindi pa ako nakakaakyat sa Ama, nguni’t pumaroon ka sa aking mga kapatid, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, at aking Dios at inyong Dios” (Juan 20:11–17).
Nanalangin ako na tulutan akong madama kahit bahagya ang nadama ni Maria sa libingan at ang nadama ng dalawang disipulo sa daan patungong Emaus habang naglalakad sila na kasama ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas, inaakalang Siya ay bumibisita lamang sa Jerusalem:
“At siya’y kanilang pinigil, na sinasabi, tumuloy ka sa amin, sapagka’t gumagabi na, at kumikiling na ang araw. At pumasok siya upang tumuloy sa kanila.
“At nangyari, nang siya’y nakaupo na kasalo nila sa dulang ng pagkain, ay kaniyang dinampot ang tinapay, at binasbasan; at ito’y pinagputolputol, at ibinigay sa kanila.
“At nangabuksan ang kanilang mga mata, at siya’y nakilala nila; at siya’y nawala sa kanilang mga paningin.
“At sila-sila’y nangagsabihan, Hindi baga nagaalab ang ating puso sa loob natin, habang tayo’y kinakausap niya sa daan, samantalang binubuksan niya sa atin ang mga kasulatan?” (Lucas 24:29–32).
Ilan sa mga salitang iyon ay binanggit sa sacrament meeting na dinaluhan ko mahigit 70 taon na ang nakararaan. Noong mga panahong iyon ang mga sacrament meeting ay ginaganap sa gabi. Madilim na sa labas. Inawit ng kongragasyon ang pamilyar na mga salitang ito. Narinig ko na ang mga ito nang maraming beses. Ngunit ang hindi ko malilimutan ay ang nadama ko sa isang partikular na gabi na iyon noon. Mas napalapit ako sa Tagapagligtas dahil dito. Marahil kung babanggitin ko ang mga salita ay muli nating magugunita ang mga ito:
Manatili sa ’king tabi
’Pagkat gumagabi:
Anino ng takipsilim
Ang s’yang nalalabi.
Sa puso ko at tahanan,
Maging panauhin.
Manatili sa ’king tabi
Aking Panginoon;
Paglalakbay sa piling N’yo
Sa puso ko’y tugon.
Ligaya ng aking buhay
Ang wika N’yo’t tinig.
Ang higit na mahalaga kaysa sa alaala ng mga pangyayari ay ang alaala ng Espiritu Santo na umaantig sa ating mga puso at ang Kanyang patuloy na pagpapatibay sa katotohanan. Ang higit na mahalaga kaysa makita ng ating mga mata, o maalaala ang mga salitang sinabi o nabasa, ay ang paggunita sa damdaming kalakip ng banayad na tinig ng Espiritu. Bibihira kong madama ang eksaktong nadama ng mga naglakbay sa daan patungo sa Emaus—na banayad na pag-aalab sa puso. Kadalasan, ito ay damdaming banayad at tahimik na katiyakan.
Nasa atin ang walang katumbas na pangako ng Espiritu Santo na Siya ay mapapasaatin at binigyan din tayo ng tamang paraan para makamtan ang kaloob na iyan. Ang mga salitang ito ay sinabi ng awtorisadong tagapaglingkod ng Panginoon habang nakapatong sa ating ulunan ang kanyang mga kamay: “Tumanggap ng Espiritu Santo.” Sa sandaling iyon, makatitiyak tayo na Siya ay isusugo. Ngunit ang obligasyon natin ay piliing buksan ang ating mga puso para matanggap ang tulong ng Espiritu, habambuhay.
Ang mga karanasan ni Propetang Joseph Smith ay makatutulong sa atin. Sinimulan at ipinagpatuloy niya ang kanyang paglilingkod na isinasaisip na ang kanyang sariling karunungan ay hindi sapat upang malaman kung anong landas ang tatahakin niya. Pinili niyang magpakumbaba sa harapan ng Diyos.
Pagkatapos, nagpasiya si Joseph na magtanong sa Diyos. Nanalangin siya nang may pananampalataya na sasagot ang Diyos. Dumating ang sagot noong siya ay bata pa. Dumating ang mga mensaheng iyon nang kinailangan niyang malaman kung paano nanaisin ng Diyos na itatag ang Kanyang Simbahan. Pinanatag at pinatnubayan siya ng Espiritu Santo sa buong buhay niya.
Sinunod niya ang inspirasyon kahit mahirap ito. Halimbawa, tumanggap siya ng utos na ipadala ang Labindalawa sa England sa panahong kailangang-kailangan niya sila. Ipinadala niya sila.
Tinanggap niya ang pagwawasto at kapanatagan mula sa Espiritu noong siya ay nakabilanggo at ang mga Banal ay dumaranas ng matinding pang-uusig. At siya ay sumunod nang magpunta siya sa Carthage kahit alam niya na nanganganib ang kanyang buhay.
Si Propetang Joseph Smith ay nagpakita ng halimbawa para sa atin kung paano tatanggap ng patuloy na espirituwal na patnubay at kapanatagan sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Ang unang ginawa niya ay magpakumbaba sa harapan ng Diyos.
Ang pangalawa ay manalangin nang may pananampalataya sa Panginoong Jesucristo.
Ang pangatlo ay ganap na sumunod. Ang pagsunod ay maaaring mangahulugang pagkilos kaagad. Maaaring mangahulugang maghanda. O maaaring matiyagang maghintay para sa karagdagang tagubilin.
At ang pang-apat ay manalangin para malaman ang mga pangangailangan at nasa puso ng iba at kung paano sila tutulungan para sa Panginoon. Nanalangin si Joseph para sa mga Banal na dumaranas ng pighati noong siya ay nakabilanggo. Nagkaroon ako ng pagkakataon na makita ang mga propeta ng Diyos habang sila ay nananalangin, humihingi ng inspirasyon, tumatanggap ng tagubilin, at kumikilos ayon dito.
Nakita ko kung gaano nila kadalas ipinagdarasal ang mga taong minamahal at pinaglilingkuran nila. Ang pagmamalasakit nila sa iba ang tila nagbubukas ng kanilang mga puso para matanggap ang inspirasyon. Maaaring maging ganyan din sa inyo.
Tutulungan tayo ng inspirasyong matatanggap natin na maglingkod sa iba para sa Panginoon. Naranasan na ninyo iyan, tulad ko. Minsan ay sinabi ng bishop ko sa akin—noong panahong may nadaramang hirap sa kanyang sariling buhay ang aking asawa—“Tuwing nababalitaan ko na may isang tao sa ward na nangangailangan ng tulong, at kapag pumunta na ako roon, naroon na ang asawa mo. Paano niya nagagawa iyon?”
Siya ay tulad ng lahat ng mga dakilang tagapaglingkod sa kaharian ng Panginoon. Tila dalawang bagay ang ginagawa nila. Ang mga dakilang tagapaglingkod ay naging karapat-dapat sa Espiritu Santo at sa tuwina ay kasama nila ito. At naging karapat-dapat sila sa kaloob na pag-ibig sa kapwa, na siyang dalisay na pag-ibig ni Cristo. Ang mga kaloob na iyon ay lalo pang nag-iibayo sa kanila kapag ginamit nila ang mga ito sa paglilingkod dahil sa pagmamahal sa Panginoon.
Ang paraan kung paano nakatutulong ang panalangin, inspirasyon, at pagmamahal ng Panginoon sa ating paglilingkod ay mahusay na isinalarawan sa mga salitang ito:
“Kung kayo’y magsisihingi ng anoman sa pangalan ko, ay yaon ang aking gagawin.
“Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos.
“At ako’y dadalangin sa Ama, at kayo’y bibigyan niya ng ibang Mangaaliw, upang siyang suma inyo magpakailan man,
“Sa makatuwid baga’y ang Espiritu ng katotohanan; na hindi matatanggap ng sanglibutan, sapagka’t hindi nito siya nakikita, ni nakikilala man siya: siya’y nakikilala ninyo; sapagka’t siya’y tumatahan sa inyo, at sasa inyo.
“Hindi ko kayo iiwang magisa; ako’y paririto sa inyo.
“Kaunti pang panahon, at hindi na ako makikita ng sanglibutan; nguni’t inyong makikita ako: sapagka’t ako’y nabubuhay, ay mangabubuhay rin naman kayo.
“Sa araw na yao’y makikilala ninyong ako’y nasa aking Ama, at kayo’y nasa akin, at ako’y nasa inyo.
“Ang mayroon ng aking mga utos, at tinutupad ang mga yaon, ay siyang umiibig sa akin: at ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama, at siya’y iibigin ko, at ako’y magpapakahayag sa kaniya” (Juan 14:14–21).
Ibinabahagi ko ang aking personal na patotoo na ang Ama sa sandaling ito ay inaalala kayo, alam ang inyong nadarama, at ang mga espirituwal at temporal na pangangailangan ng lahat ng nakapaligid sa inyo. Nagpapatotoo ako na isinusugo ng Ama at ng Anak ang Espiritu Santo sa lahat ng mayroon ng kaloob na iyan, hinihiling ang pagpapalang iyan, at sa lahat ng nagsisikap na maging karapat-dapat para dito. Hindi ipinipilit ng Ama, ni ng Anak, at ng Espiritu Santo ang Kanilang Sarili sa ating buhay. Malaya tayong makakapili. Sinabi ng Panginoon sa lahat:
“Narito ako’y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinoman ay duminig ng aking tinig at magbukas ng pinto, ako’y papasok sa kaniya, at hahapong kasalo niya, at siya’y kasalo ko.
“Ang magtagumpay, ay aking pagkakaloobang umupong kasama ko sa aking luklukan, gaya ko naman na nagtagumpay, at umupong kasama ng aking Ama sa kaniyang luklukan.
“Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu” (Apocalipsis 3:20–22).
Dalangin ko nang buong puso na maririnig ninyo ang tinig ng Espiritu, na saganang ipinadala sa inyo. At dalangin ko na palagi ninyong buksan ang inyong puso upang matanggap Siya. Kung kayo ay hihingi ng patnubay nang may tunay na layunin at nang may pananampalataya kay Jesucristo, tatanggapin ninyo ito sa paraan ng Panginoon at sa Kanyang panahon. Ginawa iyan ng Diyos sa batang si Joseph Smith. Ginagawa Niya iyan ngayon sa ating buhay na propeta na si Pangulong Russell M. Nelson. Inilagay niya kayo sa buhay ng iba pang mga anak ng Diyos para mapaglingkuran sila para sa Kanya. Alam ko iyan hindi lamang dahil sa nakita ng aking mga mata kundi dahil higit sa lahat ibinulong ito ng Espiritu sa aking puso.
Nadama ko na noon pa man ang pagmamahal ng Ama at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak para sa lahat ng anak ng Diyos sa daigdig na ito at para sa Kanyang mga anak sa daigdig ng mga espiritu. Nadama ko na noon pa man ang kapanatagan at patnubay ng Espiritu Santo. Dalangin ko na makadama kayo ng kagalakan dahil nasa inyo ang Espiritu Santo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.