Ang mga Propeta ay Nagsasalita sa Pamamagitan ng Kapangyarihan ng Espiritu Santo
Ang pagkakaroon ng mga propeta ay pagpapamalas ng pagmamahal ng Diyos sa Kanyang mga anak. Ipinapaalam nila ang mga pangako at tunay na katangian ng Diyos at ni Jesucristo.
Mahal kong mga kapatid, saan man kayo naroroon, nais kong ipahayag ang aking tapat at taimtim na pasasalamat sa inyong pagsang-ayon kahapon. Tulad ni Moises dama ko ring hindi ako mahusay magsalita, ngunit inaalo ko ang aking sarili sa salita ng Panginoon sa kanya:
“Sinong gumawa ng bibig ng tao? o sinong gumawa ng pipi, o bingi, o may paningin, o bulag sa tao? Hindi ba akong Panginoon?
Ngayon nga’y yumaon ka, at ako’y sasaiyong bibig, at ituturo ko sa iyo kung ano ang iyong sasalitain” (Exodo 4:11–12; tingnan din sa talata 10).
Nakakaramdan din ako ng kaginhawahan sa pagmamahal at pagsuporta ng aking mahal na asawa. Isa siyang halimbawa ng kabutihan, pagmamahal, at tunay na katapatan sa Panginoon at para sa akin at sa aming pamilya. Mahal ko siya sa bawat tibok ng aking puso, at nagpapasalamat ako sa kanyang positibong inpluwensya sa amin.
Mga kapatid, nais kong patotohanan sa inyo na si Pangulong Russell M. Nelson ay ang propeta ng Diyos sa mundo. Wala akong nakitang ibang tao na mas mabuti at mapagmahal kaysa sa kanya. Nakakaramdam man ako ng kahinaan para sa sagradong tungkuling ito, ang kanyang mga salita at mahabaging tingin nang ibinigay niya sa akin ang resposibilidad na ito ay nagpadama sa akin ng yakap ng pagmamahal ng Panginoon. Salamat, Pangulong Nelson. Sinasang-ayunan ko kayo at mahal ko kayo.
Hindi ba isang biyaya ang magkaroon ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag sa mundo sa mga araw na nabubuhay tayo, na hinahangad ang kagustuhan ng Panginoon at susundin ito? Nakakapanatag malaman na hindi tayo nag-iisa sa mundo, sa kabila ng mga pasubok na kinakaharap natin sa buhay. Ang pagkakaroon ng mga propeta ay pagpapamalas ng pagmamahal ng Diyos sa Kanyang mga anak. Pinapakita nila ang mga pangako at tunay na katangian ng Diyos at ni Jesucristo sa Kanilang mga tao. Natutunan ko iyon sa aking mga karanasan.
Labingwalong taon na ang nakaraan, ako at ang aking asawa ay nakatanggap ng tawag sa telepono mula kay Pangulong James E. Faust, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan noon. Tinawag niya kami upang maglingkod bilang mission president at companion sa Portugal. Sinabi Niya sa amin na mayroon lamang kaming anim na linggo bago kami magsimula sa mission. Bagama’t naramdaman namin na hindi kami handa, tinanggap namin ang tawag na maglingkod. Ang aming pinakamalaking pag-aalala noong panahong iyon ay ang pagkakaroon ng visa sa bansa na aming paglilingkuran dahil, ayon sa nakaraang karanasan, alam namin na ang proseso ay tatagal ng anim hangang walong buwan bago matapos.
Tinanong ni Pangulong Faust kung mayroon kaming pananamapalataya na gagawa ng himala ang Panginoon at mas mabilis naming maaayos ang problema sa visa. Ang sagot namin ay malaking “opo,” at kaagad kaming kumilos. Inihanda namin ang mga dokumento na kinakailangan para sa visa, dinala ang aming tatlong maliliit na anak, at nagpunta agad sa konsulado. Sinalubong kami ng isang mabait na babae roon. Sa pagsusuri sa aming mga papeles at pag-alam sa kung ano ang gagawin namin sa Portugal, tinanong niya kami, “Tutulungan ba tagala ninyo ang mga tao sa aking bansa?” Matatag kaming sumagot ng “oo” at ipinaliwanag na kami ay magiging kinatawan ni Jesucristo at magpapatotoo kami tungkol sa Kanya at sa Kanyang dakilang misyon sa mundo. Bumalik kami roon matapos ang apat na linggo, tinanggap ang aming mga visa at nakarating sa mission field sa loob ng anim na linggo, tulad ng ipinagawa sa amin ng propeta ng Panginoon.
Mga kapatid, taos-puso kong pinatototohanan na ang mga propeta ay nagsasalita sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Pinatototohanan nila si Cristo at ang kanyang dakilang misyon sa mundo. Kinakatawan nila ang isip at puso ng Panginoon at tinawag sila upang kumatawan sa Kanya at turuan tayo ng kung ano ang dapat nating gawin upang makabalik sa presensya ng Diyos at ng Kanyang Anak, na si Jesucristo. Pinagpapala tayo sa pamumuhay natin ng ating pananampalataya at pagsunod sa kanilang mga turo. Sa pagsunod sa kanila, ang ating buhay ay magiging mas masaya at hindi masyadong komplikado, ang ating mga pagsubok at problema ay mas gagaan, at makakagawa tayo ng espirituwal na baluti sa paligid natin na poprotekta sa atin mula sa mga pagsalakay ng kalaban sa panahon natin ngayon.
Ngayong Pasko ng Pagkabuhay, mataimtim kong pinatototohanan na si Jesucristo ay nagbangon, Siya ay buhay, at pinamumunuan Niya ang Kanyang Simbahan sa mundo sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta, tagakita, at mga tagapaghayag. Pinatototohanan ko na Siya ang Tagapagligtas at ang Manunubos ng mundo at sa pamamagitan Niya tayo ay maliligtas at madadakila sa presensya ng ating mahal na Diyos. Minamahal ko Siya, sinasamba ko Siya. Nais kong sumunod sa Kanya at gawin ang kagustuhan Niya at maging higit na katulad Niya. Sinasabi ko ang mga bagay na ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.