Ang Pagpapala ng Patuloy na Paghahayag sa mga Propeta at Personal na Paghahayag Upang Gabayan ang Ating Buhay
Ang patuloy na paghahayag ay natanggap at natatanggap sa pamamagitan ng mga daluyang itinakda ng Panginoon.
Magsasalita ako ngayon tungkol sa patuloy na paghahayag sa mga propeta at patuloy na personal na paghahayag na gagabay sa ating buhay.
Kung minsan tumatanggap tayo ng paghahayag kahit di natin alam ang mga layunin ng Panginoon. Hindi nagtagal matapos tawagin si Elder Jeffrey R. Holland na maging Apostol noong Hunyo 1994, nagkaroon ako ng magandang karanasan ng paghahayag na tatawagin siya. Regional representative ako noon at wala akong makitang dahilan kung bakit ibibigay sa akin ang kaalamang iyon. Pero magkompanyon kami noong mga bata pa kaming missionary sa England sa simula ng 1960s, at mahal na mahal ko siya. Itinuring ko ang karanasan na magiliw na awa sa akin. Nitong ilang taon, napag-isip ko na baka inihahanda ako ng Panginoon na maging junior sa Labindalawa sa isang pambihirang missionary companion na junior companion ko noong bata pa kaming mga missionary.1 Kung minsan binabalaan ko ang mga batang missionary na maging mabait sa junior companion nila dahil di nila alam kung kailan nila magiging senior companion ito.
Matatag ang patotoo ko na itong ipinanumbalik na Simbahan ay pinamumunuan ng Tagapagligtas nating si Jesucristo. Alam Niya kung sino ang tatawagin bilang Kanyang mga Apostol at ang pagkakasunod ng pagtawag sa kanila. Alam din Niya kung paano ihanda ang Kanyang senior na Apostol upang maging propeta at Pangulo ng Simbahan.
Mapalad tayo kaninang umaga na marinig ang ating mahal na propeta, si Pangulong Russell M. Nelson, na nagbigay ng matinding bicentennial na pahayag sa mundo hinggil sa Pagpapanumbalik ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo.2 Nilinaw nitong napakahalagang pahayag ni Pangulong Nelson na utang ng Simbahan ni Jesucristo ang pinagmulan, pag-iral, at direksiyon nito sa hinaharap sa alituntunin ng patuloy na paghahayag. Ang bagong proklamasyon ay sumasagisag sa magiliw na pakikipag-ugnayan ng Ama sa Kanyang mga anak.
Sa mas naunang panahon, ipinahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball ang nadarama ko ngayon. Sabi niya: “Ang dapat nating lubos na ipagpasalamat ngayon ay ang tunay na nabuksan ang kalangitan at ang ipinanumbalik na simbahan ni Jesucristo ay nakatatag sa bato ng paghahayag. Ang patuloy na paghahayag ay totoong napakahalaga sa ebanghelyo ng buhay na Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo.”3
Nakinita ni propetang Enoc ang ating panahong ginagalawan. Ipinaalam ng Panginoon kay Enoc ang malaking kasamaan na mananaig at nagpropesiya tungkol sa “matinding paghihirap” na mangyayari. Gayunman, nangako ang Panginoon, “Subalit ang aking mga tao ay pangangalagaan ko.”4 “At kabutihan ang aking ipadadala mula sa langit; at katotohanan ay aking ipadadala sa lupa, upang magpatotoo sa aking Bugtong na Anak.”5
Si Pangulong Ezra Taft Benson ay makapangyarihang nagturo na ang Aklat ni Mormon, ang saligang bato ng ating relihiyon, ay lumabas mula sa lupa bilang katuparan ng pahayag ng Panginoon kay Enoc. Ang Ama at ang Anak at mga anghel at mga propeta na nagpakita kay Propetang Joseph Smith ay “inatasan ng langit na ipanumbalik ang mga kinakailangang kapangyarihan sa kaharian.”6
Ang Propetang Joseph Smith ay patuloy na tumanggap ng mga paghahayag. Ang ilan ay tinalakay sa kumperensyang ito. Ang maraming paghahayag na natanggap ni Propetang Joseph ay naipreserba para sa atin sa Doktrina at mga Tipan. Lahat ng pamantayang aklat ng Simbahan ay naglalaman ng kaisipan at kalooban ng Panginoon para sa atin dito sa huling dispensasyon.7
Bukod sa dakilang pundasyon na mga banal na kasulatang ito, binibiyayaan tayo ng patuloy na paghahayag sa mga buhay na propeta. Ang mga propeta ay “itinalagang mga kinatawan ng Panginoon na binigyan ng awtoridad na magsalita para sa Kanya.”8
Ang ilang paghahayag ay talagang napakahalaga, at lalong ipinauunawa sa atin ng iba pa ang mahahalagang banal na katotohanan at gumagabay sa ating panahon.9
Napakalaki ng pasalamat namin sa paghahayag na natanggap ni Pangulong Spencer W. Kimball na naggagawad ng pagkasaserdote at mga pagpapala sa templo sa lahat ng karapat-dapat na mga lalaking miyembro ng Simbahan noong Hunyo 1978.10.
Kasama kong naglingkod ang marami sa Labindalawa na naroon at nakibahagi nang matanggap ang mahalagang paghahayag na iyon. Bawat isa sa kanila, sa personal na mga pag-uusap, ay pinagtibay ang makapangyarihan at nagbibigkis na espirituwal na patnubay na naranasan nila at ni Pangulong Kimball. Marami ang nagsabi na iyon ang pinakamakapangyarihang paghahayag na natanggap nila bago at pagkatapos ng panahong iyon.11
Kami na kasalukuyang naglilingkod sa Korum ng Labindalawang Apostol ay pinagpala sa ating panahon habang dumarating ang mahahalagang paghahayag sa mga propeta nitong huli.12 Si Pangulong Russell M. Nelson ay itinalagang kinatawan ng Panginoon lalo na hinggil sa mga paghahayag upang tulungan ang mga pamilya na bumuo ng mga santuwaryo ng pananampalataya sa kanilang mga tahanan, tipunin ang nakalat na Israel sa magkabilang panig ng tabing, at pagpalain ang mga miyembrong tumanggap ng endowment sa sagradong mga ordenansa sa templo.
Nang ibalita ang mahahalagang pagbabago na magpapala sa ating mga tahanan sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2018, nagpatotoo ako “na sa mga pag-uusap ng Konseho ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol sa templo, … matapos na magsumamo sa Panginoon ang minamahal nating propeta para sa paghahayag … , isang makapangyarihang kumpirmasyon ang natanggap ng lahat.”13
Noong panahong iyon, natanggap ang iba pang mga paghahayag hinggil sa mga sagradong ordenansa sa templo pero hindi ito ibinalita o ipinatupad.14 Ang patnubay na ito ay nagsimula sa indibiduwal na paghahayag sa propeta na si Pangulong Russell M. Nelson at sa magiliw at makapangyarihang pagpapatibay sa mga nakikilahok sa proseso. Partikular na isinama ni Pangulong Nelson ang mga sister na namumuno sa organisasyon ng Relief Society, Young Women, at Primary. Ang huling patnubay, sa loob ng templo, sa Unang Panguluhan at sa Korum ng Labindalawang Apostol ay talagang nakapa-espirituwal at makapangyarihan. Alam ng bawat isa sa amin na natanggap namin ang kaisipan, kalooban, at tinig ng Panginoon.15
Buong taimtim kong sinasabi na ang patuloy na paghahayag ay natanggap at natatanggap sa pamamagitan ng mga daluyang itinakda ng Panginoon. Pinatototohanan ko na ang bagong pahayag na ibinigay ni Pangulong Nelson sa umagang ito ay isang paghahayag upang pagpalain ang lahat ng tao.
Ipinaaabot Namin ang Paanyaya sa Lahat na Magpakabusog sa Hapag ng Panginoon
Ipinapahayag din namin ang taos-pusong hangarin namin na muling makasama ang mga may problema sa kanilang patotoo, naging di-gaanong aktibo, o nagpatanggal ng kanilang pangalan mula sa mga talaan ng Simbahan. Nais naming magpakabusog na kasama kayo, “sa mga salita ni Cristo” sa hapag ng Panginoon, upang malaman ang mga bagay na dapat gawin nating lahat.16 Kailangan namin kayo! Kailangan kayo ng Simbahan! Kailangan kayo ng Panginoon! Ang taos-puso naming dasal ay na samahan ninyo kami sa pagsamba sa Tagapagligtas ng daigdig. Alam namin na ang ilan sa inyo ay maaaring nasaktan, ginawan ng hindi mabuti, o iba pang asal na hindi kay Cristo. Alam din namin na ang ilan ay maaaring may nakaharap na hamon sa kanilang pananampalataya na hindi lubusang napahalagahan, naunawaan, o nalutas.
Ang ilan sa ating magigiting at matatapat na miyembro ay dumanas ng hamon sa kanilang pananampalataya sa isang pagkakataon. Gustung-gusto ko ang tunay na kuwento ni W. W. Phelps, na tumalikod sa Simbahan at sumaksi laban kay Joseph Smith sa isang hukuman sa Missouri. Pagkatapos magsisi, sumulat siya kay Joseph, “Alam ko ang sitwasyon ko, alam ninyo, at alam ito ng Diyos, at gusto kong maligtas kung tutulungan ako ng aking mga kaibigan.”17 Pinatawad siya ni Joseph, muli siyang pinagtrabaho, at magiliw na sumulat, “Magkaibigan sa una, magkaibigan pa rin sa wakas.”18
Mga kapatid, anuman ang inyong sitwasyon, sana malaman ninyo na malugod kayong tatanggapin ng Simbahan at ng mga miyembro nito!
Personal na Paghahayag na Gagabay sa Ating Buhay
Ang personal na paghahayag ay matatanggap ng lahat ng mapagpakumbabang humihingi ng patnubay mula sa Panginoon. Kasing-halaga ito ng paghahayag ng propeta. Ang personal, espirituwal na paghahayag mula sa Espiritu Santo ay nagbunga ng pagtanggap ng milyun-milyong tao ng patotoo na kailangan upang mabinyagan at makumpirmang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Ang personal na paghahayag ay ang malaking biyayang natatanggap kasunod ng binyag kapag tayo ay “[pinababanal] sa pamamagitan ng pagtanggap sa Espiritu Santo.”19 Naaalala ko pa ang espesyal na espirituwal na paghahayag noong ako’y 15 taong gulang. Ang mahal kong kapatid ay humihingi ng patnubay mula sa Panginoon kung paano tutugon sa aming mahal na ama, na ayaw pumayag na magmisyon ang kapatid ko. Taimtim din akong nagdasal at tumanggap ng personal na paghahayag sa katotohanan ng ebanghelyo.
Ang Papel ng Espiritu Santo
Ang personal na paghahayag ay batay sa mga espirituwal na katotohanang natatanggap mula sa Espiritu Santo.20 Ang Espiritu Santo ang tagapaghayag at nagpapatotoo sa lahat ng katotohanan, lalo na ang tungkol sa Tagapagligtas. Kung wala ang Espiritu Santo, hindi natin talaga malalaman na si Jesus ang Cristo. Ang Kanyang mahalagang papel ay magpatotoo tungkol sa Ama at sa Anak at sa Kanilang mga titulo at sa Kanilang kaluwalhatian.
Maaaring maimpluwensyahan ng Espiritu Santo ang lahat sa makapangyarihang paraan.21 Ang impluwensyang ito ay hindi magpapatuloy maliban kung mabinyagan ang tao at matanggap ang kaloob na Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo ay nagsisilbi ring tagalinis sa proseso ng pagsisisi at pagpapatawad.
Ang Espiritu ay nakikipag-ugnayan sa mga kagila-gilalas na paraan. Ginamit ng Panginoon ang magandang deskripsyon na ito:
“Sasabihin ko sa iyo sa iyong isipan at sa iyong puso, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na pasasaiyo at mananahanan sa iyong puso.
“Ngayon, masdan, ito ang diwa ng paghahayag.”22
Bagamat ang epekto nito ay maaaring napaka-makapangyarihan, kadalasan ay dumarating ito sa banayad at munting tinig.23 Napapaloob sa mga banal na kasulatan ang maraming halimbawa kung paano naiimpluwensyahan ng Espiritu ang ating isipan, pati na ang pangungusap ng kapayapaan sa ating isipan,24 sumasaklaw sa ating isipan,25 pagbibigay-liwanag sa ating isipan,26 at maging tinig sa ating isipan.27
Ang ilang alituntunin na naghahanda sa atin sa pagtanggap ng paghahayag ay kinabibilangan ng:
-
Pananalangin para sa espirituwal na patnubay. Dapat mapitagan at mapagpakumbaba tayong maghangad at magtanong28 at maging matiyaga at masunurin.29
-
Paghahanda para sa inspirasyon. Kailangan nito na nakaayon tayo sa mga turo ng Panginoon at sumusunod sa Kanyang mga utos.
-
Karapat-dapat na pakikibahagi sa sakramento. Kapag ginagawa natin ito, tayo ay sumasaksi at nakikipagtipan sa Diyos na tataglayin sa ating sarili ang pangalan ng Kanyang Banal na Anak at aalalahanin natin Siya at susundin ang Kanyang mga utos.
Inihahanda tayo ng mga alituntuning ito na matanggap, makilala, at sumunod sa mga pahiwatig at paggabay ng Espiritu Santo. Kasama rito ang “mapayapang bagay … na nagdadala ng kagalakan [at] … buhay na walang-hanggan.”30
Ang ating espirituwal na paghahanda ay lalong napaiigi kapag regular nating pinag-aaralan ang mga banal na kasulatan at ang mga katotohanan ng ebanghelyo at pinagnilayan sa ating isipan ang patnubay na hangad natin. Ngunit alalahaning maging matiyaga at magtiwala sa takdang panahon ng Panginoon. Ang patnubay ay ibinibigay ng Panginoon na nakakaalam sa lahat kapag “kusa Niyang pinipili na turuan tayo.”31
Paghahayag sa Ating mga Katungkulan at Takdang-Gawain
Ang Espiritu Santo ay magbibigay rin ng paghahayag sa ating mga katungkulan at takdang-gawain. Sa aking karanasan, ang mahahalagang espirituwal na patnubay ay madalas dumarating kapag sinisikap nating pagpalain ang iba sa pagtupad sa ating mga responsibilidad.
Naaalala ko pa noong bata akong bishop na nakatanggap ako ng tawag mula sa mag-asawang humihingi ng tulong ilang sandali na lang bago ako sumakay ng eroplano papunta sa isang kausap sa negosyo. Nagsumamo ako sa Panginoon bago sila dumating na malaman kung paano ko sila mapagpapala. Inihayag sa akin kung ano ang problema at ang sagot na dapat kong ibigay. Dahil sa gumagabay na paghahayag ay nagampanan ko ang sagradong mga responsibilidad ng aking tungkulin bilang bishop sa kabila ng limitadong oras. Ang mga bishop sa buong mundo ay may ganito ring uri ng karanasan na tulad ko. Bilang stake president, hindi lang ako nakatanggap ng mahalagang paghahayag kundi tumanggap din ng personal na pagtutuwid na kailangan upang maisagawa ang mga layunin ng Panginoon.
Tinitiyak ko sa inyo na maaaring matanggap ng bawat isa ang pumapatnubay na paghahayag kapag mapagpakumbaba tayong gumagawa sa ubasan ng Panginoon. Karamihan sa ating patnubay ay nagmumula sa Espiritu Santo. Kung minsan at sa kung anong dahilan, ito ay direktang nagmumula sa Panginoon. Pinatototohanan ko na ito ay totoo. Ang patnubay para sa Simbahan sa kabuuan ay dumarating sa Pangulo at propeta ng Simbahan.
Kami, bilang makabagong mga Apostol, ay nagkaroon na ng pribilehiyong makatrabaho at makasama sa paglalakbay ang propeta natin ngayon na si Pangulong Nelson. Inuulit ko ang sinabi ni Wilford Woodruff tungkol kay Propetang Joseph Smith; totoo rin ito kay Pangulong Nelson. Nakita ko “ang mga pagkilos ng Espiritu ng Diyos sa kanya, at ang mga paghahayag ni Jesucristo sa kanya at ang katuparan ng mga paghahayag na iyon.”32
Ang mapagpakumbaba kong pakiusap ngayon ay hangarin ng bawat isa sa atin ang patuloy na paghahayag upang gabayan ang ating buhay at sundin ang Espiritu sa pagsamba natin sa Diyos Ama sa pangalan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, na pinatototohanan ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.