Pangkalahatang Kumperensya
Makabuluhang mga Pag-uusap
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2021


11:24

Makabuluhang mga Pag-uusap

Hindi natin maaaring hintaying basta na lamang mangyari ang pagbabalik-loob sa ating mga anak. Ang hindi-sadyang pagbabalik-loob ay hindi alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Naisip ba ninyo kung bakit “Primary” ang tawag natin sa Primary? Bagama’t ang pangalan ay tumutukoy sa espirituwal na kaalamang natatanggap ng mga bata sa kanilang murang edad, para sa akin isang paalala rin ito ng isang makapangyarihang katotohanan. Para sa ating Ama sa Langit, ang mga bata ay hindi kailanman naging pangalawa—sila palagi ang “pinakauna.”1

Nagtitiwala Siya na pahahalagahan, igagalang, at poprotektahan natin sila bilang mga anak ng Diyos. Ibig sabihin niyan, hindi natin sila kailanman pisikal, berbal, o emosyonal na sasaktan sa anumang paraan, kahit dumaranas tayo ng matinding tensyon o hirap. Sa halip pinahahalagahan natin ang mga bata, at ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya para labanan ang mga kasamaan ng pang-aabuso. Ang pangangalaga sa kanila ay pinakauna sa atin—tulad sa Kanya.2

Isang bata pang ina at ama ang nakaupo sa tabi ng kanilang mesa sa kusina at pinag-uusapan ang mga nangyari sa maghapon. Mula sa pasilyo, narinig nila ang isang kalabog. Tanong ng ina, “Ano ‘yon?”

Pagkatapos ay narinig nila ang mahinang pag-iyak mula sa kuwarto ng kanilang apat-na-taong-gulang na anak na lalaki. Nagtakbuhan sila sa pasilyo. Naroon ito, nakahandusay sa sahig sa tabi ng kanyang kama. Binuhat ng ina ang batang lalaki at tinanong ito kung ano ang nangyari.

Sabi nito, “Nahulog po ako sa kama.”

Sabi niya, “Bakit ka nahulog?”

Nagkibit-balikat ito at sinabing, “Hindi ko po alam. Baka po hindi ako nakapuwesto nang maayos.”

Itong “pagpuwesto nang maayos” ang gusto kong talakayin ngayong umaga. Pribilehiyo at responsibilidad nating tulungan ang mga bata na “makapuwesto nang maayos” sa ebanghelyo ni Jesucristo. At dapat natin itong simulan nang maaga.

May espesyal na panahon sa buhay ng mga bata na protektado sila mula sa impluwensya ni Satanas. Ito ang panahong sila ay inosente at walang kasalanan.3 Ito ay sagradong panahon para sa magulang at anak. Ang mga anak ay dapat turuan, sa salita at halimbawa, bago at matapos sila “sumapit sa hustong gulang ng pananagutan sa Diyos.”4

Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring: “Nasa atin ang pinakamalaking oportunidad sa mga bata. Pinakamainam magturo nang maaga, habang ang mga bata ay hindi pa tinatablan ng mga tukso ng kanilang mortal na kaaway at bago pa man humirap na marinig nila ang katotohanan sa gitna ng sarili nilang mga problema.”5 Tutulungan sila ng gayong pagtuturo na maunawaan ang kanilang banal na identidad, layunin, at ang saganang mga pagpapalang naghihintay sa kanila kapag gumawa sila ng mga sagradong tipan at tumanggap ng mga ordenansa sa landas ng tipan.

Hindi natin maaaring hintaying basta na lamang mangyari ang pagbabalik-loob sa ating mga anak. Ang hindi-sadyang pagbabalik-loob ay hindi alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang pagiging katulad ng ating Tagapagligtas ay hindi nangyayari nang walang ginagawa. Ang sadyang pagmamahal, pagtuturo, at pagpapatotoo ay makatutulong sa mga bata na magsimulang madama ang impluwensya ng Espiritu Santo sa murang edad. Ang Espiritu Santo ay mahalaga sa patotoo at pagbabalik-loob ng ating mga anak kay Jesucristo; nais natin na sila “sa tuwina ay aalalahanin siya, nang mapasakanila ang kanyang Espiritu upang makasama nila.”6

Pag-uusap ng pamilya

Isipin ang kahalagahan ng mga pag-uusap ng pamilya tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo, makabuluhang mga pag-uusap, na makapag-aanyaya ng Espiritu. Kapag gayon ang mga pag-uusap natin ng ating mga anak, tinutulungan natin silang lumikha ng isang saligan, “na tunay na saligan, isang saligan na kung sasandigan [nila] ay hindi sila maaaring bumagsak.”7 Kapag pinalalakas natin ang isang anak o bata, pinalalakas natin ang pamilya.

Ang mahahalagang talakayang ito ay maaaring umakay sa mga bata na:

  • Maunawaan ang doktrina ng pagsisisi.

  • Manampalataya kay Cristo, ang Anak ng Diyos na buhay.

  • Piliing magpabinyag at tanggapin ang kaloob na Espiritu Santo pagsapit ng walong taong gulang.8

  • At manalangin at “magsilakad nang matwid sa harapan ng Panginoon.”9

Iniutos ng Tagapagligtas, “Samakatwid, ako ay nagbibigay sa iyo ng isang kautusan, na malayang ituro ang mga bagay na ito sa iyong mga anak.”10 At ano ang nais Niyang ituro natin nang malaya?

  1. Ang Pagkahulog ni Adan

  2. Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo

  3. Ang kahalagahan ng maisilang na muli11

Sabi ni Elder D. Todd Christofferson, “Tiyak na natutuwa ang kaaway kapag kinaligtaang turuan at sanayin ng mga magulang ang kanilang mga anak na manampalataya kay Cristo at espirituwal na maisilang na muli.”12

Sa kabilang dako, nais ng Tagapagligtas na tulungan natin ang mga bata na “magtiwala [sila] sa Espiritung yaon na nag-aakay sa paggawa ng mabuti.”13 Upang magawa ito, matutulungan natin ang mga bata na makahiwatig kapag nadarama nila ang Espiritu at matuklasan kung anong mga kilos ang nagiging dahilan ng pag-alis ng Espiritu. Sa gayon ay natututo silang magsisi at bumalik sa liwanag sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Nakatutulong itong maghikayat ng espirituwal na katatagan.

Maaari tayong maging masaya sa pagtulong sa ating mga anak na magkaroon ng espirituwal na katatagan anuman ang edad nila. Hindi kailangang maging kumplikado ito o gumugol ng maraming oras. Ang simple at magiliw na mga pag-uusap ay maaaring mag-akay sa mga bata na malaman hindi lamang kung ano ang pinaniniwalaan nila, kundi ang pinakamahalaga, kung bakit nila pinaniniwalaan ito. Ang magiliw na mga pag-uusap, na likas at palaging nangyayari, ay maaaring humantong sa higit na pagkaunawa at mga sagot. Huwag nating hayaang makahadlang ang mga electronic device sa pagtuturo at pakikinig natin sa ating mga anak at sa pagtingin sa kanilang mga mata.

Pag-uusap ng ina at ng anak na babae

Ang karagdagang mga oportunidad para sa makabuluhang mga pag-uusap ay maaaring gawin sa pamamagitan ng pagdudula-dulaan. Maaaring isadula ng mga miyembro ng pamilya ang mga sitwasyon na tinutukso o pinipilit silang gumawa ng masama. Ang gayong aktibidad ay maaaring magpatibay sa mga bata para maging handa sa isang mahirap na sitwasyon. Halimbawa, maaari nating isadula ito at pagkatapos ay pag-usapan ito habang tinatanong natin ang mga bata kung ano ang gagawin nila:

  • Kung natutukso silang labagin ang Word of Wisdom.

  • Kung malantad sila sa pornograpiya.

  • Kung natutukso silang magsinungaling, magnakaw, o mandaya.

  • Kung may marinig sila mula sa isang kaibigan o guro sa paaralan na laban sa kanilang mga paniniwala o pinahahalagahan.

Kapag isinadula nila ito at pinag-usapan pagkatapos, sa halip na mahuling hindi handa sa pagtuligsa ng mga barkada, masasandatahan ang mga bata ng “kalasag ng pananampalataya at sa pamamagitan nito ay masusubuhan [nila] ang lahat ng nag-aapoy na sibat ng masama.”14

Natutuhan ng isang personal kong kaibigan ang mahalagang aral na ito noong siya ay 18 taong gulang. Sumali siya sa hukbo ng Estados Unidos noong labanan sa pagitan ng Estados Unidos at Vietnam. Itinalaga siya sa basic training sa infantry para maging foot soldier. Ipinaliwanag niya na nakakapagod ang training. Inilarawan niya na malupit at di-makatao ang kanyang drill instructor.

Isang partikular na araw ay nakasuot ng kumpletong damit-pandigma ang kanyang pangkat, na naglalakad sa napakatinding init. Biglang sumigaw ang drill instructor at inutusan silang dumapa at huwag gumalaw. Nag-abang ang instructor ng kahit bahagyang galaw. Anumang galaw ay papatawan ng mabigat na parusa kalaunan. Tiniis ng grupo nang mahigit dalawang oras ang init nang may tumitinding galit at hinanakit sa kanilang lider.

Makalipas ang maraming buwan natagpuan ng aming kaibigan na pinamumunuan niya ang kanyang pangkat sa kagubatan ng Vietnam. Totoo na ito, hindi lang training. Nagsimulang marinig ang mga putok mula sa itaas sa nakapaligid na mga puno. Agad nagdapaan sa lupa ang buong pangkat.

Ano ang inaabangan ng kaaway? Galaw. Anumang galaw man lang ay papuputukan. Sabi ng kaibigan namin, habang pawisan siyang nakadapa at hindi gumagalaw sa lupa ng kagubatan, at naghihintay na dumilim sa loob ng ilang mahabang oras, naalala niya ang kanyang basic training. Naalala niya ang matinding pagkainis niya sa kanyang drill instructor. Ngayon ay nakadama siya ng matinding pasasalamat—sa itinuro nito sa kanya at kung paano siya naihanda nito para sa kritikal na sitwasyong ito. Matalinong nasandatahan ng drill instructor ang kaibigan namin at ang kanyang pangkat ng kakayahang malaman ang gagawin kapag tumitindi ang labanan sa digmaan. Nailigtas niya, dahil dito, ang buhay ng kaibigan namin.

Paano natin ito espirituwal na magagawa para sa ating mga anak? Bago pa sila pumasok sa pakikibaka sa buhay, paano natin mas lubos na mapagsisikapang turuan, patibayin, at ihanda sila?15 Paano natin sila hihikayating “pumuwesto nang maayos”? Hindi ba natin mas gugustuhing “pagpawisan” sila sa pag-aaral nang ligtas sa tahanan kaysa maubusan ng dugo sa mga pakikibaka sa buhay?

Sa aking paggunita, may mga pagkakataon na pakiramdam naming mag-asawa ay para kaming mga drill instructor sa matinding hangarin naming tulungan ang aming mga anak na ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo. Tila ganitong damdamin din ang ipinahayag ng propetang si Jacob nang sabihin niya: “Inaalaala ko ang kapakanan ng inyong mga kaluluwa. Oo, labis ang aking pag-aalala sa inyo; at nalalaman din ninyo na noon pa man ay nag-aalala na ako.”16

Habang natututo at umuunlad ang mga bata, masusubok ang kanilang mga paniniwala. Ngunit kapag sila ay nasandatahan nang wasto, lalago ang kanilang pananampalataya, tapang, at tiwala, maging sa gitna ng matinding oposisyon.

Itinuro sa atin ni Alma na “[ihanda] ang mga isipan ng [mga bata].”17 Inihahanda natin ang bagong henerasyon na maging mga tagapagtanggol ng pananampalataya sa hinaharap, na maunawaan “na [sila] ay malayang makakikilos para sa [kanilang] sarili—ang piliin ang daan ng walang hanggang kamatayan o ang daan ng buhay na walang hanggan.”18 Nararapat maunawaan ng mga bata ang dakilang katotohanang ito: hindi tayo dapat magkamali tungkol sa kawalang-hanggan.

Nawa’y makatulong sa ating mga anak ang ating simple ngunit makabuluhang mga pakikipag-usap upang sila ay “magtamasa ng mga salita ng buhay na walang hanggan” ngayon, upang matamasa nila ang buhay na walang hanggan sa daigdig na darating, maging ang walang kamatayang kaluwalhatian.”19

Habang pinangangalagaan at inihahanda natin ang ating mga anak, tinutulutan natin silang gamitin ang kanilang kalayaang pumili, minamahal natin sila nang buong puso, itinuturo natin sa kanila ang mga utos ng Diyos at ang Kanyang kaloob na pagsisisi, at hindi natin sila kailanman isinusuko. Hindi ba ganito naman pinangangalagaan ng Panginoon ang bawat isa sa atin?

“Magpatuloy [tayo] sa paglakad nang may katatagan kay Cristo,” nababatid na magkakaroon tayo ng “ganap na kaliwanagan ng pag-asa”20 sa pamamagitan ng ating mapagmahal na Tagapagligtas.

Pinatototohanan ko na Siya palagi ang sagot. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa 3 Nephi 17:23–24.

  2. Tingnan sa Michaelene P. Grassli, “Behold Your Little Ones,” Ensign, Nob. 1992, 93: “Para sa akin, ang salitang masdan ay mahalaga. Hindi lang nito ipinahihiwatig na basta ‘tingnan para makita.’ Nang utusan ng Panginoon ang mga Nephita na masdan ang kanilang mga musmos, naniniwala ako na sinabihan niya silang pagtuunan ng pansin ang kanilang mga anak, isipin sila, tingnan ang kanilang kinabukasan at ang kanilang mga walang-hanggang posibilidad.”

    Tingnan din sa Russell M. Nelson, “Listen to Learn,” Ensign, Mayo 1991, 22: “Ang puwersahang pamumuno sa mga anak ay paraan ni Satanas, hindi ng Tagapagligtas. Hindi, hindi natin pag-aari ang ating mga anak. Ang pribilehiyo natin bilang mga magulang ay mahalin sila, akayin sila, at hayaan silang magpasiya para sa kanilang sarili.”

  3. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 29:46–47.

  4. Doktrina at mga Tipan 20:71.

  5. Henry B. Eyring, “The Power of Teaching Doctrine,” Liahona, Hulyo 1999, 87.

  6. Doktrina at mga Tipan 20:79.

  7. Helaman 5:12.

  8. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 68:25; tingnan din sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:4.

  9. Doktrina at mga Tipan 68:28.

  10. Moises 6:58; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  11. Tingnan sa Moises 6:59; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 20:29–31.

  12. D. Todd Christofferson, “Bakit Dapat Mag-asawa at Bumuo ng Pamilya,” Liahona, Mayo 2015, 52.

  13. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 11:12–13; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 93.

  14. Doktrina at mga Tipan 27:17; idinagdag ang pagbibigay-diin; tingnan din sa Marion G. Romney, “Home Teaching and Family Home Evening,” Improvement Era, Hunyo 1969, 97: “Si Satanas, ang ating kaaway, ay inaatake nang husto ang kabutihan. Ang kanyang organisadong puwersa ay napakarami. Ang ating mga bata at kabataan ang pinakaunang inaasinta ng kanyang pag-atake. Sila ay sumasailalim sa masama at mapanirang propaganda sa lahat ng dako. Sa bawat lugar na puntahan nila, sinasalakay sila ng kasamaan, na tusong ipinlano para manlinlang at wasakin ang bawat sagradong bagay at bawat mabubuting alituntunin. … Kung nais nating mapalakas nang sapat ang ating mga anak para malabanan ang pag-atakeng ito ni Satanas, kailangan silang turuan at sanayin sa tahanan, tulad ng utos ng Panginoon.”

  15. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Children of the Covenant,” Ensign, Mayo 1995, 32.

    Maraming taon na ang nakalipas bilang isang bata pang estudyante sa medisina nakita ko ang maraming pasyenteng may mga sakit na maiiwasan na ngayon. Ngayon posible nang mabakunahan ang mga indibiduwal laban sa mga sakit na dati-rati ay nakakabalda—nakamamatay pa. Ang isang paraang medikal para magkaloob ng immunity ay pagbabakuna. Ang katagang magbakuna ay kamangha-mangha. Nanggaling ito sa dalawang salitang-ugat na Latin: in, ibig sabihin ay ‘sa loob’; at oculus, ibig sabihin ay ‘isang mata.’ Ang pandiwang magbakuna, kung gayon, ay literal na nangangahulugang ‘maglagay ng isang mata sa loob’—para sumubaybay laban sa pinsala.

    “Ang isang sakit na gaya ng polio ay nagpapalumpo o nakapipinsala sa katawan. Ang isang karamdaman na gaya ng kasalanan ay nagpapalumpo o nakapipinsala sa espiritu. Ang mga pamiminsala ng polio ay maiiwasan na ngayon sa pamamagitan ng pagbabakuna, ngunit ang mga pamiminsala ng kasalanan ay nangangailangan ng ibang mga paraan ng pag-iwas. Hindi maaaring magbakuna ang mga doktor laban sa kasamaan. Ang espirituwal na proteksyon ay nagmumula lamang sa Panginoon—at sa kanyang sariling paraan. Pinipili ni Jesus na hindi magbakuna, kundi ang magturo ng doktrina. Ang kanyang pamamaraan ay hindi gumagamit ng bakuna; gumagamit ito ng pagtuturo ng banal na doktrina—isang namamahalang ‘mata sa loob’—para protektahan ang walang-hanggang mga espiritu ng kanyang mga anak.”

  16. 2 Nephi 6:3.

  17. Alma 39:16.

  18. 2 Nephi 10:23.

  19. Moises 6:59; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  20. 2 Nephi 31:20.