Sa Araw na Ito
Ginagawa ng ating buhay na propeta ang kanyang bahagi sa pagpapalaganap ng Aklat ni Mormon sa mundo. Kailangan nating tularan ang kanyang halimbawa.
Mahal kong mga kapatid, sa Aklat ni Mormon, ang pariralang “sa araw na ito”1 ay paulit-ulit na ginagamit para maituon ang pansin sa mga payo, pangako, at turo. Sa kanyang huling talumpati, pinaalalahanan ni Haring Benjamin ang mga tao, “[Pakinggan ang] aking mga salita na sasabihin ko sa inyo sa araw na ito; … buksan ang inyong mga tainga upang kayo’y makarinig, at ang inyong mga puso upang kayo ay makaunawa, at ang inyong mga isipan upang ang mga hiwaga ng Diyos ay mabuksan sa inyong mga pananaw.”2 Katulad din niyon ang tagpo sa pangkalahatang kumperensya. Pumupunta tayo para pakinggan ang payo para “sa araw na ito,” nang tayo ay maging “matatapat sa lahat ng panahon”3 sa Panginoon at sa Kanyang ebanghelyo. Ang pumupukaw sa akin “sa araw na ito” ay ang kahalagahan ng pagpapanibago ng ating katapatan sa Aklat ni Mormon, na tinawag ni Joseph Smith na “pinakatumpak sa anumang aklat sa mundo.”4
May hawak akong isang kopya ng Aklat ni Mormon. Ito ang aking antigong edisyon noon pang 1970, at mahalaga ito sa akin. Sa tingin ay luma at gamit na gamit ito, ngunit walang ibang aklat na kasinghalaga nito sa buhay ko at sa aking patotoo. Nang mabasa ko ito, natamo ko ang pagsaksi ng Espiritu na si Jesucristo ang Anak ng Diyos,5 na Siya ang aking Tagapagligtas,6 na ang mga banal na kasulatang ito ang salita ng Diyos,7 at na ang ebanghelyo ay ipinanumbalik.8 Ang mga katotohanang iyon ay naging mahalagang bahagi ng aking pagkatao. Tulad ng sinabi ng propetang si Nephi, “Ang aking kaluluwa ay nalulugod sa mga bagay ng Panginoon.”9
Narito ang kuwento sa likod nito. Noong isa akong binatang missionary, sinunod ko ang payo ni Elder Marion D. Hanks, na bumisita sa amin sa Eastern States Mission. Siya ang dating pangulo ng British Mission, at dalawa sa kanyang mga missionary ang narito sa harapan ngayon: ang mahal kong mga kapatid na sina Elder Jeffrey R. Holland at Elder Quentin L. Cook.10 Tulad ng ginawa niya sa kanyang mga missionary sa England, hinamon niya kaming basahin ang isang wala pang markang kopya ng Aklat ni Mormon kahit dalawang beses lang. Tinanggap ko ang hamon. Sa unang pagbasa ay mamarkahan ko o guguhitan ang lahat ng nagtuturo o nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo. Gumamit ako ng pulang lapis, at ginuhitan ko ang maraming talata. Sa pangalawang pagbasa, sinabi ni Elder Hanks na kulayan ang mga alituntunin at doktrina ng ebanghelyo, at sa pagkakataong ito ay gumamit ako ng asul para markahan ang mga talata. Binasa ko ang Aklat ni Mormon nang dalawang beses, tulad ng iminungkahi, at pagkatapos ay dalawang beses pa, gamit ang dilaw at itim para markahan ang mga talatang namukod-tangi sa akin.11 Tulad ng nakikita ninyo, marami akong minarkahan.
Ang aking pagbabasa ay hindi lamang para markahan ang mga talata sa banal na kasulatan. Sa bawat pagbabasa ng Aklat ni Mormon, mula harap hanggang likod, napuspos ako ng matinding pagmamahal sa Panginoon. Nadama ko ang malalim na nakaugat na pagsaksi sa katotohanan ng Kanyang mga turo at kung paano naaangkop ang mga iyon “sa araw na ito.” Ang aklat na ito ay bagay sa pamagat nito, “Isa pang Tipan ni Jesucristo.”12 Sa pag-aaral na iyon at sa espirituwal na pagsaksing natanggap, naging isang missionary ako na nagmamahal sa Aklat ni Mormon at isang disipulo ni Jesucristo.13
“Sa araw na ito,” ang isa sa pinakamahuhusay na missionary na nagmamahal sa Aklat ni Mormon ay si Pangulong Russell M. Nelson. Noong siya ay bagong tawag na Apostol, nagbigay siya ng sermon sa Accra, Ghana.14 May dumalong mga opisyal, kabilang na ang isang African na hari ng tribo, na kinausap niya sa tulong ng isang interpreter. Ang hari ay isang masigasig na estudyante ng Biblia at nagmamahal sa Panginoon. Kasunod ng mensahe ni Pangulong Nelson, nilapitan siya ng haring iyon, na nagtanong sa perpektong Ingles, “Sino ka ba talaga?” Ipinaliwanag ni Pangulong Nelson na isa siyang inorden na Apostol ni Jesucristo.15 Ang sumunod na tanong ng hari ay “Ano ang maituturo mo sa akin tungkol kay Jesucristo?”16
Kinuha ni Pangulong Nelson ang Aklat ni Mormon at binuksan ito sa 3 Nephi 11. Magkasamang binasa ni Pangulong Nelson at ng hari ang sermon ng Tagapagligtas sa mga Nephita: “Masdan, ako si Jesucristo, na siyang pinatotohanan ng mga propeta na paparito sa daigdig. … Ako ang ilaw at ang buhay ng sanlibutan.”17
Ibinigay ni Pangulong Nelson sa hari ang kopyang iyon ng Aklat ni Mormon, at tumugon ang hari, “Maaari mo sana akong bigyan ng mga diyamante o rubi, ngunit walang mas mahalaga sa akin kaysa sa dagdag na kaalamang ito tungkol sa Panginoong Jesucristo.”18
Hindi lamang ito ang nag-iisang halimbawa kung paano ibinabahagi ng ating mahal na propeta ang Aklat ni Mormon. Nakapagbigay na siya ng mga kopya ng Aklat ni Mormon sa daan-daang tao, na laging nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo. Kapag kinakausap ni Pangulong Nelson ang mga panauhin, pangulo, hari, pinuno ng bansa, lider ng negosyo at organisasyon at ang iba’t ibang relihiyon, sa headquarters man ng Simbahan o sa sarili nilang mga lokasyon, mapitagan niyang ibinibigay ang aklat na ito ng inihayag na banal na kasulatan. Napakarami sana niyang maaaring ibigay sa kanila na nakabalot ng mga laso na maaaring ilapag sa isang mesa o desk o sa mga kabinet bilang alaala ng kanyang pagbisita. Sa halip, ibinibigay niya ang pinakamahalaga sa kanya, na higit pa sa mga rubi at diyamante, tulad ng inilarawan ng hari.
“Ang mga katotohanan ng Aklat ni Mormon,” sabi ni Pangulong Nelson, “ay may kapangyarihan na pagalingin, panatagin, ipanumbalik, tulungan, palakasin, aluin, at pasayahin ang ating kaluluwa.”19 Namasdan ko habang ang mga kopyang ito ng Aklat ni Mormon ay hawak ng mga taong nakatanggap ng mga ito mula sa ating propeta ng Diyos. Wala nang ibang regalong mas gaganda pa rito.
Kamakailan lamang ay nakausap niya ang unang ginang ng The Gambia sa kanyang tanggapan at mapagpakumbaba niyang inabutan ito ng Aklat ni Mormon. Hindi siya tumigil doon. Binuklat niya ang mga pahina nito para mabasa nila, magturo at magpatotoo tungkol kay Jesucristo, sa Kanyang Pagbabayad-sala, at sa Kanyang pagmamahal para sa lahat ng anak ng Diyos—sa lahat ng dako.
Ginagawa ng ating buhay na propeta ang kanyang bahagi para punuin ng Aklat ni Mormon ang mundo.20 Ngunit hindi niya kayang gawin itong mag-isa. Kailangan nating tularan ang kanyang halimbawa.
Nabigyang-inspirasyon ng kanyang halimbawa, matagal ko nang sinusubukang mapagpakumbaba at mas taimtim na ibahagi ang Aklat ni Mormon.
Kamakailan ay nagpunta ako sa Mozambique para sa isang assignment. Ang mga mamamayan ng magandang bansang ito ay nagdaranas ng kahirapan, mahinang kalusugan, kawalan ng trabaho, mga bagyo, at kaguluhan sa pulitika. Nagkaroon ako ng karangalang makausap ang pangulo ng bansa na si Filipe Nyusi. Sa kanyang kahilingan, ipinagdasal ko siya at ang kanyang bansa; sinabi ko sa kanya na nagtatayo tayo ng isang templo ni Jesucristo21 sa kanyang bansa. Sa pagtatapos ng aming pag-uusap, binigyan ko siya ng kopya ng Aklat ni Mormon sa Portuguese, ang kanyang katutubong wika. Nang buong pasasalamat niyang tanggapin ang aklat, nagpatotoo ako tungkol sa pag-asa at pangako para sa kanyang mga tao, na matatagpuan sa mga salita ng Panginoon sa mga pahina nito.22
Sa isa pang pagkakataon, nakausap namin ng asawa kong si Melanie si Haring Letsie III ng Lesotho at ang kanyang asawa sa kanilang tahanan.23 Para sa amin, ang tampok ng aming pag-uusap ay ang pagbibigay namin sa kanila ng kopya ng Aklat ni Mormon at pagkatapos ay ibinabahagi ko ang aking patotoo. Kapag ginugunita ko ang karanasang iyon at ang iba pa, pumapasok sa isip ko ang isang talata ng makabagong banal na kasulatan: “Ang kabuuan ng aking ebanghelyo ay maihayag ng mahihina at ng mga pangkaraniwang tao sa mga dulo ng daigdig, at sa harapan ng mga hari at namamahala.”24
Naibahagi ko na ang Aklat ni Mormon sa Ambassador ng India sa United Nations sa Geneva na si Indra Mani Pandey25; sa Kanyang Kabanalan Patriarch Bartholomew26 ng Eastern Orthodox Church; at sa marami pang iba. Nadama ko na sumasaamin ang Espiritu ng Panginoon nang personal kong iabot sa kanila itong “saligang bato ng ating relihiyon”27 at ipahayag ko ang aking patotoo tungkol kay Jesucristo, ang batong panulok ng ating pananampalataya.28
Ngayon, mga kapatid, hindi ninyo kailangang magpunta sa Mozambique o India o kausapin ang mga hari at pinuno para ibigay sa isang tao ang aklat na ito ng mga sagradong turo at pangako. Inaanyayahan ko kayo, sa araw na ito, na magbigay ng Aklat ni Mormon sa inyong mga kaibigan at kapamilya, sa inyong mga kasamahan sa trabaho, sa inyong soccer coach, o sa tindero sa inyong palengke. Kailangan nila ang mga salita ng Panginoon na matatagpuan sa aklat na ito. Kailangan nila ng mga sagot sa mga tanong tungkol sa pang-araw-araw na buhay at tungkol sa buhay na walang hanggan na darating. Kailangan nilang malaman ang landas ng tipan na nakalatag sa kanilang harapan at ang matibay na pagmamahal ng Panginoon para sa kanila. Naritong lahat iyon sa Aklat ni Mormon.
Kapag inabutan ninyo sila ng Aklat ni Mormon, binubuksan ninyo ang kanilang puso’t isipan sa salita ng Diyos. Hindi ninyo kailangang magdala ng nakalimbag na mga kopya ng aklat. Madali ninyo itong maibabahagi mula sa inyong mobile phone sa bahaging mga banal na kasulatan ng Gospel Library app.29
Isipin ang lahat ng taong maaaring mapagpala ng ebanghelyo sa kanilang buhay, at pagkatapos ay padalhan sila ng kopya ng Aklat ni Mormon mula sa inyong cell phone. Tandaang isama ang inyong patotoo at kung paano napagpala ng aklat na ito ang inyong buhay.
Mahal kong mga kaibigan, bilang isang Apostol ng Panginoon, inaanyayahan ko kayong tularan ang ating mahal na propetang si Pangulong Nelson, at punuin ng Aklat ni Mormon ang mundo. Napakalaki ng pangangailangan dito; kailangan na nating kumilos ngayon. Nangangako ako na makakalahok kayo sa “pinakadakilang gawain sa mundo,” ang pagtitipon ng Israel,30 dahil nabigyang-inspirasyon kayong tumulong sa mga taong “napagkakaitan … ng katotohanan sapagkat hindi nila alam kung saan ito matatagpuan.”31 Kailangan nila ang inyong patotoo at pagsaksi kung paano nabago ng aklat na ito ang inyong buhay at mas nailapit kayo sa Diyos, sa Kanyang kapayapaan,32 at sa Kanyang “mga balita ng dakilang kagalakan.”33
Pinatototohanan ko na ayon sa banal na plano ay inihanda ang Aklat ni Mormon sa sinaunang Amerika para lumabas at ipahayag ang salita ng Diyos, magdala ng mga kaluluwa sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo “sa araw na ito.” Sa pangalan ni Jesucristo, amen.