Pangkalahatang Kumperensya
Ang Kapangyarihang Magbuklod
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2023


14:25

Ang Kapangyarihang Magbuklod

Ang kapangyarihang magbuklod ay nagbibigay sa lahat ng anak ng Diyos ng pagkakataong matanggap ang indibiduwal na kaligtasan at kadakilaan ng pamilya.

Naipropesiya na magmula pa noong mga araw ni Isaias1 na sa mga huling araw, ang mga sinaunang pinagtipanang tao ng Panginoon, ang sambahayan ni Israel ay “titipunin sa matagal nilang pagkakakalat, mula sa mga pulo ng dagat, at mula sa apat na sulok ng mundo”2 at ipapanumbalik sa “mga lupaing kanilang mana.”3 Madalas banggitin nang buong tapang ni Pangulong Russell M. Nelson ang pagtitipun-tipong ito, tinatawag itong “pinakamahalagang nangyayari sa mundo ngayon.”4

Ano ang layunin ng pagtitipong ito?

Sa isang paghahayag kay Propetang Joseph Smith, tinukoy ng Panginoon na isa sa layunin nito ay ang pag-iingat sa mga pinagtipanan tao. Ang sabi Niya, “Ang pagtitipong sama-sama sa lupain ng Sion, at sa kanyang mga istaka, ay [magiging] isang tanggulan, at isang kanlungan mula sa bagyo, at mula sa poot sa panahong ito ay ibubuhos nang walang halo sa buong lupa.”5 Ang “poot” sa kontekstong ito ay maaaring ipagpakahulugan na likas na kahahantungan ng malawakang paglabag sa mga batas at kautusan ng Diyos.

Ang pinakamahalaga sa lahat, layunin ng pagtitipon na maghatid ng mga pagpapala ng kaligtasan at kadakilaan sa lahat ng tatanggap ng mga ito. Sa ganito natutupad ang mga pangakong ibinigay kay Abraham. Sinabi ng Panginoon kay Abraham na sa pamamagitan ng kanyang binhi at pagkasaserdote “ay pagpapalain ang lahat ng mag-anak sa mundo, maging ng mga pagpapala ng Ebanghelyo, na mga pagpapala ng kaligtasan, maging ng buhay na walang-hanggan.”6 Ganito ito ipinahayag ni Pangulong Nelson: “Kapag tinanggap natin ang ebanghelyo at bininyagan tayo, tinataglay natin sa [ating sarili] ang banal na pangalan ni Jesucristo. Ang binyag ang pasukan na humahantong sa pagiging kasamang tagapagmana ng lahat ng pangakong ibinigay ng Panginoon kina Abraham, Isaac, Jacob, at sa kanilang mga inapo noong sinaunang panahon.”7

Noong 1836, nagpakita si Moises kay Propetang Joseph Smith sa Kirtland Temple at “ipinagkatiwala … ang mga susi sa pagtitipon sa Israel mula sa apat na sulok ng mundo.”8 Sa parehong okasyon, nagpakita si Elias at “ipinagkatiwala ang dispensasyon ng ebanghelyo ni Abraham, sinasabi na sa pamamagitan namin at ng aming binhi lahat ng susunod na salinlahi sa amin ay pagpapalain.”9 Taglay ang awtoridad na ito, ipinaaabot natin ngayon ang ebanghelyo ni Jesucristo—ang mabuting balita ng pagtubos sa pamamagitan Niya—sa lahat ng dako at tao sa mundo at tinitipon ang lahat ng tatanggap sa tipan ng ebanghelyo. Sila ay magiging “binhi ni Abraham, at ng simbahan at kaharian, at ang hinirang ng Diyos.”10

Sa parehong okasyon sa Kirtland Temple, may ikatlong sugo mula sa langit na nagpakita kina Joseph Smith at Oliver Cowdery. Si propetang Elijah ang tinutukoy ko, at ang awtoridad at mga susing ipinanumbalik niya ang nais kong talakayin sa araw na ito.11 Ang kapangyarihang magbigay-bisa sa lahat ng ordenansa ng priesthood at ibigkis ang mga ito kapwa sa lupa at sa langit—ang kapangyarihang magbuklod—ay mahalaga sa pagtitipon at paghahanda sa mga pinagtipanang tao sa magkabilang panig ng tabing.

Ilang taon na ang nakalipas, nilinaw ni Moroni kay Joseph Smith na maghahatid si Elijah ng kinakailangang awtoridad ng priesthood: “Ipapahayag ko sa inyo ang Pagkasaserdote, sa pamamagitan ng kamay ni Elijah, ang propeta.”12 Kalaunan, ipinaliwanag ni Joseph Smith: “Bakit isinugo si Elijah? Dahil hawak niya ang mga susi ng awtoridad na mangasiwa sa lahat ng ordenansa ng Priesthood; at [maliban kung] ibigay ang awtoridad, hindi maisasagawa sa kabutihan ang mga ordenansa”13—ibig sabihin, walang bisa ang mga ordenansa sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.14

Sa isang turo na ngayon ay itinuturing na na banal na kasulatan na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan, sinabi ng Propeta: “Ito tila baga sa iba ay magiging napakapangahas na doktrina na ating pinag-uusapan—isang kapangyarihan na nagtatala o nagbubuklod sa lupa at nagbubuklod sa langit. Gayunman, sa lahat ng panahon sa daigdig, kapag ang Panginoon ay nagbibigay ng isang dispensasyon ng pagkasaserdote sa sinumang tao sa pamamagitan ng aktuwal na paghahayag, o sa anumang pangkat ng mga tao, ang kapangyarihang ito ay tuwinang ibinibigay. Dahil dito, anuman ang ginawa ng mga taong yaon na may karapatan, sa pangalan ng Panginoon, at ginawa itong talaga at matapat, at nag-ingat ng isang wasto at matapat na talaan ng gayon din, ito ay nagiging batas sa lupa at sa langit, at hindi maaaring mapawalang-bisa, alinsunod sa mga utos ng dakilang Jehova.”15

Maaaring iniisip natin na ang kapangyarihang magbuklod ay may kaugnayan lamang sa ilang partikular na ordenansa sa templo, ngunit ang awtoridad na iyon ay kailangan upang magkaroon ng bisa ang anumang ordenansa nang lampas pa sa kamatayan.16 Ang kapangyarihang magbuklod ay naglalagay ng selyo ng pagkalehitimo sa inyong binyag, halimbawa, kaya kinikilala iyon dito at sa langit. Sa huli, lahat ng mga ordenansa ng priesthood ay ginagawa sa ilalim ng mga susi ng Pangulo ng Simbahan, at tulad ng ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith, “Binigyan [tayo ng Pangulo ng Simbahan] ng awtoridad, inilagay niya sa ating priesthood ang kapangyarihang magbuklod dahil hawak niya ang mga susing iyon.”17

May isa pang mahalagang layunin sa pagtitipon ng Israel na may espesyal na kahulugan kapag pinag-uusapan natin ang pagbubuklod sa lupa at sa langit—iyon ay ang pagtatayo at pagpapatakbo ng mga templo. Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith: “Ano ang layunin ng pagtitipon ng … mga tao ng Diyos sa alinmang panahon ng mundo? … Ang pangunahing layunin ay magtayo ng bahay para sa Panginoon kung saan maihahayag Niya sa Kanyang mga tao ang mga ordenansa ng Kanyang bahay at ang mga kaluwalhatian ng Kanyang kaharian, at maituturo sa mga tao ang daan tungo sa kaligtasan; sapagkat may ilang partikular na ordenansa at alituntunin na, kapag itinuro at isinagawa, ay kailangang gawin sa isang lugar o bahay na itinayo para sa layuning iyon.”18

Ang bisang ibinibigay ng kapangyarihang magbuklod sa mga ordenansa ng priesthood, mangyari pa, ay kinabibilangan ng mga ordenansang isinasagawa sa lugar na itinalaga ng Panginoon—ang Kanyang templo. Dito natin nakikita ang karingalan at kasagraduhan ng kapangyarihang magbuklod—na nagbibigay sa lahat ng anak ng Diyos ng pagkakataong matanggap ang indibiduwal na kaligtasan at kadakilaan ng pamilya saanman at kailanman sila nabuhay sa mundo. Walang iba pang teolohiya o pilosopiya o awtoridad ang makapapantay sa gayong oportunidad na laan sa lahat. Ang kapangyarihang magbuklod ay perpektong pagpapakita ng katarungan, awa, at pagmamahal ng Diyos.

Dahil sa pagkakaroon ng kapangyarihang magbuklod, ang ating puso ay likas na bumabaling sa mga taong namayapa na. Ang pagtitipon sa tumatanggap sa tipan sa mga huling araw ay sumasakop sa mga nasa kabilang panig ng tabing. Sa perpektong plano ng Diyos, hindi mararanasan ng taong nabubuhay ang buhay na walang-hanggan sa kasakdalan nito nang hindi nagpapanday ng mga kawing na mag-uugnay sa atin sa habang panahon sa “mga ama,” na ating mga ninuno. Gayundin, hindi magiging ganap ang pag-unlad ng mga taong nasa kabilang buhay na, o sila na patawid pa lamang sa tabing ng kamatayan na hindi pa nakikinabang sa mga pagbubuklod, hangga’t hindi naisasagawa ang mga ordenansa na magbibigkis sa kanila sa atin na kanilang mga inapo, at tayo sa kanila ayon sa banal na orden.19 Ang matibay na pangakong tulungan ang isa’t isa sa magkabilang panig ng tabing ay maituturing na isang pangako sa tipan, bahagi ng bago at walang-hanggang tipan. Ayon sa mga salitang sinabi ni Joseph Smith, nais nating “ibuklod ang ating mga [patay] upang magbangon [na kasama natin] sa unang pagkabuhay na mag-uli.”20

Ang pinakamataas at pinakabanal na pagpapahayag ng kapangyarihang magbuklod ay nasa walang hanggang pagbibigkis ng isang lalaki at isang babae sa kasal at sa pag-uugnay ng sangkatauhan sa lahat ng kanilang henerasyon. Dahil ang awtoridad na mangasiwa sa mga ordenansang ito ay napakasagrado, ang Pangulo ng Simbahan mismo ang nangangasiwa sa pagbibigay nito sa iba. Sinabi minsan ni Pangulong Gordon B. Hinckley, “Maraming ulit ko nang sinabi na kung wala nang iba pang ibinunga ang lahat ng pinagdaanang kalungkutan at paghihirap at pasakit ng pagpapanumbalik maliban sa kapangyarihang magbuklod ng banal na priesthood upang ibigkis nang magkakasama ang mga pamilya magpakailanman, sulit na ito sa lahat ng pinagdaanan nito.”21

Kung wala ang mga pagbubuklod na lumilikha ng mga walang-hanggang pamilya at nag-uugnay sa mga henerasyon dito at sa kabilang buhay, maiiwan tayo sa kawalang-hanggan na walang mga ugat ni mga sanga—ibig sabihin, walang mga ninuno ni inapo. Itong mag-isa at walang-kaugnayang katayuan ng mga indibiduwal, at itong mga pagsasama na sumasalungat sa kasal at relasyon ng pamilya na itinalaga ng Diyos,22 ang sisira sa mismong layunin ng paglikha sa mundo at sa ating karanasan dito sa lupa. Kung iyan ang magiging normal na sitwasyon, katumbas na nito ang pagbagabag sa mundo ng isang sumpa o “lubusang pagkawasak” sa pagparito ng Panginoon.23

Makikita natin kung bakit “ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at ng isang babae ay inorden ng Diyos at ang mag-anak ang sentro ng plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak.”24 Kasabay nito, alam natin na sa di-perpektong kasalukuyang panahon, hindi ito ang realidad o kaya’y makatotohanang posibilidad para sa ilan. Ngunit may pag-asa tayo kay Cristo. Habang naghihintay tayo sa Panginoon, pinapaalalahanan tayo ni Pangulong M. Russell Ballard na “pinatutunayan ng mga banal na kasulatan at ng mga propeta ng mga huling araw na lahat ng matapat sa pagtupad sa mga tipan ng ebanghelyo ay may oportunidad para sa kadakilaan.”25

Ang ilan ay nakaranas ng malungkot at hindi magandang sitwasyon sa pamilya at katiting lamang ang nadaramang pagnanais na magkaroon ng walang-hanggang kaugnayan sa pamilya. Sinabi ni Elder David A. Bednar: “Sa inyo na nakaranas ng sakit ng diborsyo sa inyong pamilya o nakadama ng pagdurusa ng nasirang tiwala, alalahanin sana na [ang huwaran ng Diyos para sa mga pamilya ay] nagsisimulang muli sa inyo! Maaaring naputol ang isang dugtong sa kawing ng inyong mga henerasyon, ngunit ang iba pang matitibay na dugtong at ang natitira sa kawing ay walang hanggan din ang kahalagahan. Maaari mong mapatibay ang iyong kawing at marahil ay maibalik pa ang naputol na mga dugtong. Magagawa iyan nang paisa-isa.”26

Noong Hulyo, sa serbisyo sa burol para kay Sister Pat Holland, ang asawa ni Elder Jeffrey R. Holland, itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Darating ang panahon, sina Patricia at Jeffrey ay muling magkakasama. Kalaunan, sasamahan sila ng kanilang mga anak at ng kanilang mga inapo na tumutupad sa tipan upang maranasan ang ganap na kagalakan na inilalaan ng Diyos para sa Kanyang matatapat na anak. Nang nalalaman ito, nauunawaan natin na ang pinakamahalagang petsa sa buhay ni Patricia ay hindi ang petsa ng kanyang kapanganakan o petsa ng kanyang kamatayan. Ang pinakamahalagang petsa sa buhay niya ay Hunyo 7, 1963, nang siya at si Jeff ay ibinuklod sa St. George Temple. … Bakit napakahalaga nito? Dahil ang pinakadahilan na nilikha ang mundo ay upang bumuo ng mga pamilya at mabuklod sa isa’t isa. Ang kaligtasan ay nasa tao, ngunit ang kadakilaan ay nasa pamilya. Walang sinuman ang dadakilain nang nag-iisa.”

Kamakailan lamang, sinamahan naming mag-asawa ang isang malapit na kaibigan sa sealing room ng Bountiful Utah Temple. Una kong nakilala ang kaibigang ito noong bata pa siya sa Córdoba, Argentina. Kinokontak namin ng kompanyon ko noon ang mga tao sa isang kapitbahayan na ilang bloke lamang ang layo mula sa mission office, at siya ang nagbukas ng pinto nang pumunta kami sa bahay niya. Dumating ang panahon na sumapi siya at ang kanyang ina at mga kapatid sa Simbahan, at nanatili silang matatapat na miyembro. Isa na siyang magandang babae ngayon, at sa araw na iyon ay nasa templo kami upang ibuklod ang kanyang mga yumaong magulang sa isa’t isa at pagkatapos ay ibuklod siya sa kanila.

Isang mag-asawa na naging malalapit na kaibigan sa paglipas ng panahon ang kumatawan sa kanyang mga magulang sa altar. Iyon ay isang emosyonal na sandali na pinatamis pa nang mabuklod ang kaibigan naming Argentine sa kanyang mga magulang. Anim lamang kami na naroon sa isang tahimik na hapon na malayo sa mga tao, at magkagayunman, naganap noon ang isa sa pinakamahahalagang bagay na maaaring mangyari sa mundo. Nasiyahan ako sa naging papel at kaugnayan ko sa mga pangyayari, mula sa pagkatok sa pinto niya noon bilang isang bata pang missionary hanggang ngayon, pagkatapos ng maraming taon, nagsasagawa ng mga ordenansa ng pagbubuklod na magdurugtong sa kanya sa kanyang mga magulang at sa nakalipas na mga henerasyon.

Ito ay isang tagpong nagaganap sa tuwina sa iba’t ibang panig ng mundo sa mga templo. Ito ang huling hakbang sa proseso ng pagtitipon sa mga pinagtipanang tao. Ito ang pinakamataas na pribilehiyo ng inyong pagiging miyembro sa Simbahan ni Jesuscristo. Ipinapangako ko na kapag tapat ninyong hinangad ang pribilehiyong iyan, makakamtan ninyo ito sa buhay na ito o sa kawalang-hanggan.

Pinatototohanan ko na ang kapangyarihang magbuklod at awtoridad na ipinanumbalik sa lupa sa pamamagitan Joseph Smith ay totoo, na ang ibinubuklod sa lupa ay tunay na nabubuklod sa langit. Pinatototohanan ko na si Pangulong Russell M. Nelson, na Pangulo ng Simbahan, ang tanging nilalang sa mundo ngayon na sa pamamagitan ng kanyang mga susi ang namamahala sa paggamit sa hindi pangkaraniwan na kapangyarihang ito. Pinatototohanan ko na naging katotohanan ang immortalidad at posibleng maabot ang kadakilaan ng relasyon ng pamilya dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.