“Mga Katiwala sa Ministeryong Ito,” kabanata 19 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)
Kabanata 19: “Mga Katiwala sa Ministeryong Ito”
Kabanata 19
Mga Katiwala sa Ministeryong Ito
Nang naghiwalay ang Kampo ng Israel, lumaganap ang nakamamatay na kolera ang mga hanay nito. Ang mga Banal na malulusog ilang oras lamang ang nakararaan ay biglang tumumba, at hindi makagalaw. Sila ay paulit-ulit na sumuka at nakaranas ng matitinding pananakit ng tiyan. Ang mga daing ng maysakit ay maririnig sa kampo, at marami sa kalalakihan ang masyadong nanghihina para magbantay.
Si Nancy Holbrook ay isa sa mga unang nagkasakit. Ang kanyang hipag na si Eunice di naglaon ay nakasama na rin niya, nanghihina sa labis na pananakit ng mga kalamnan.1 Ginugol ni Wilford Woodruff ang halos buong gabi at sumunod na araw sa paggamot sa isang maysakit na lalaki sa kanyang pangkat.2 Si Joseph at ang mga elder sa kampo ay nagbigay ng basbas sa mga maysakit, ngunit hindi nagtagal ay tinamaan din ng sakit ang marami sa kanila. Nagkasakit si Joseph pagkaraan ng ilang araw at nanlupaypay sa kanyang tolda, hindi tiyak kung mabubuhay pa siya.3
Noong nagsimulang mangamatay ang mga tao, binalot ni Heber Kimball, Brigham Young, at ng iba pa ang mga bangkay sa kumot at inilibing ang mga ito sa isang kalapit na sapa.4
Tumagal ang sakit na kolera nang ilang araw, at tuluyang nawala noong unang bahagi ng Hulyo. Sa panahong iyon, mahigit animnapung mga Banal ang nagkasakit. Gumaling si Joseph, tulad nina Nancy, Eunice, at karamihan sa mga tao sa kampo. Subalit mahigit sa isang dosenang Banal ang pumanaw sa biglang pagkalat ng sakit, kabilang na sina Sidney Gilbert at Betsy Parrish, isa sa kababaihan sa kampo. Nagluksa si Joseph para sa mga biktima at kanilang mga pamilya. Ang huling taong namatay ay si Jesse Smith, ang kanyang pinsan.5
Ang muntik nang pagkamatay ni Joseph ay isang paalaala kung gaano kadaling mababawi ang kanyang buhay mula sa kanya. Sa edad na dalawampu’t-walong taong gulang, nagsisimula siyang mas mag-alala kung paano niya matatapos ang kanyang banal na misyon.6 Kung mamamatay na siya ngayon, ano ang mangyayari sa simbahan? Sapat na ba ang lakas nito upang manatili kahit wala na siya?
Alinsunod sa utos ng Panginoon, isinagawa na ni Joseph ang mga pagbabago sa pamunuan ng simbahan upang maibahagi ang mga pasanin ng administrasyon. Sa panahong ito, sina Sidney Rigdon at Frederick Williams ay naglilingkod kasama niya sa panguluhan ng simbahan. Itinakda rin niya ang Kirtland na maging isang stake ng Sion, o bilang isang opisyal na lugar para sa pagtitipon ng mga Banal.7
Kailan lamang, matapos tumanggap ng isang pangitain kung paano itinatag ni Pedro ang simbahan ng Panginoon noong sinaunang panahon, inorganisa ni Joseph ang isang mataas na kapulungan [high council] ng labindalawang high priest sa Kirtland para tulungan siyang pamahalaan ang stake at pamunuan ito kung wala siya.8
Matapos humupa ang kolera, inorganisa pang lalo ni Joseph ang simbahan. Pinulong ang mga lider ng simbahan sa Clay County noong Hulyo 1834, bumuo siya ng isang high council sa Missouri at itinalaga si David Whitmer na mamuno sa simbahan doon sa tulong ng dalawang tagapayo, sina William Phelps at John Whitmer.9 Pagkatapos ay umalis siya patungo sa Kirtland, sabik na matapos ang templo at matanggap ang kaloob na kapangyarihan na tutulong sa mga banal na tubusin ang Sion.
Batid ni Joseph ang mabibigat na problemang haharapin. Nang umalis siya ng Kirtland noong tagsibol na iyon, ang mga dingding ng templo na yari sa sandstone ay apat na talampakan ang taas, at ang pagdating ng ilang mahuhusay na manggagawa sa bayan ay nagbigay sa kanya ng pag-asa na mapagtatanto ng mga Banal ang plano ng Panginoon para sa Kanyang bahay. Ngunit ang mga kawalan sa loob at paligid ng Independence—sa palimbagan, tindahan, at maraming acres ng lupa—ay nagpahirap sa pananalapi ng mga Banal. Sina Joseph, Sidney, at iba pang mga lider ng simbahan ay nabaon din sa utang, pumayag sa mabibigat na pautang upang mabili ang lupa para sa templo ng Kirtland at tustusan ang Kampo ng Israel.
Dahil ang mga negosyo ng simbahan ay nahinto o nahihirapan, at walang maaasahang sistema sa pagkolekta ng mga donasyon mula sa mga Banal, hindi makapagbayad ang simbahan para sa templo. Kung si Joseph at ang iba pang mga lider ay mabibigong ibigay sa oras ang kanilang mga bayad, maaaring mailit ng mga pinagkakautangan nila ang sagradong gusali. At kung mawawala ang templo, paano nila maaaring tanggapin ang kaloob na kapangyarihan at tubusin ang Sion?10
Samantala sa Kirtland, nababahala rin si Sidney Rigdon na gaya ni Joseph tungkol sa pagtatapos ng templo. “Dapat nating gawin ang lahat ng pagsisikap upang matapos ang gusaling ito sa oras na itinakda,” sinabi niya sa mga Banal. “Dito nakasalalay ang kaligtasan ng simbahan at ng mundo.”11
Sinubaybayan ni Sidney ang pagsulong ng pagtatayo sa templo habang si Joseph ay nasa Missouri. Dahil kulang sa mga binatang gagawa ng trabaho, si Artemus Millet, ang tagapamahala sa konstruksiyon, ay umupa ng mas may edad na kalalakihan, pati na mga babae at bata para magtrabaho sa gusali. Marami sa kababaihan ang gumawa ng mga trabahong karaniwang ginagawa ng mga lalaki, tumutulong sa mga mason at nagmamando ng mga bagon paroo’t parito sa lugar ng tibagan upang hilahin ang mga bato para sa templo. Nang nakabalik na si Joseph at ang Kampo ng Israel sa Kirtland, ang mga pader ay naitayo na nang ilang talampakan ang taas sa ibabaw ng pundasyon.
Ang pagbabalik ng kampo ay nagpabilis sa konstruksyon sa tag-init at taglagas ng 1834.12 Nagtibag ng bato ang mga Banal, binuhat ang mga ito papunta sa lote ng templo, at itinayo ang mga pader ng templo sa araw-araw. Si Joseph ay nagtrabaho kasama ng mga manggagawa sa pagtitibag nila ng mga bloke ng bato mula sa isang kalapit na sapa. Ang ilan ay nagtrabaho sa lagarian ng simbahan upang ihanda ang mga troso para sa mga tahilan, kisame, at sahig. Ang iba naman ay tumulong na magbuhat ng kahoy at bato sa puwesto kung saan ito kailangan.13
Samantala, si Emma at ang iba pang kababaihan ay gumagawa ng mga damit para sa mga manggagawa at parati silang pinakakain. Si Vilate Kimball, asawa ni Heber, ang nagpaikot ng isandaang libra ng lana upang maging sinulid, hinabi ito para maging tela, at nanahi ng mga damit para sa mga manggagawa, na hindi man lang gumagawa ng isang pares ng ekstrang medyas para sa kanyang sarili.
Ang sigasig ng mga Banal na makumpleto ang templo ang nagpalakas ng loob ni Sidney, ngunit ang utang ng simbahan ay lumalaki sa pagdaan ng mga araw, at sapagkat inilagda niya ang kanyang pangalan sa marami sa pinakamabibigat na pautang, alam niya na siya ay masisira sa pananalapi kung hindi makababayad ang simbahan. Nang makita niya ang kahirapan ng mga Banal at ang mga sakripisyong ginagawa nila para matapos ang templo, natakot din si Sidney na hindi sila magkakaroon ng mga mapagkukunan o paninindigan upang matapos ito.
Nadadaig ng pag-aalala, minsan ay umaakyat siya sa ibabaw ng mga pader ng templo at nagsusumamo sa Diyos na ipadala sa mga Banal ang mga pondo na kailangan nila para matapos ang templo. Habang nanalangin siya, tumulo ang luha sa kanyang mga mata sa mga bato sa ilalim ng kanyang paa.14
Limang daang milya sa hilagang-silangan ng Kirtland, ang dalawampu’t-isang taong gulang na si Caroline Tippets ay maingat na nagtatabi ng malaking halaga ng pera sa mga damit at iba pang mga bagay na kanyang dadalhin mula sa New York patungong Missouri. Siya at ang kanyang nakababatang kapatid na si Harrison ay lilipat pakanluran, umaasang makapaninirahan sa isang lugar malapit sa Jackson County. Narinig nila ang tungkol sa pag-uusig sa mga Banal doon, ngunit nais nilang sundin ang utos ng Panginoon na magtipon sa Missouri at bumili ng lupain sa Sion bago ito inagaw ng mga kaaway ng simbahan.15
Ang kautusan ay bahagi ng paghahayag na natanggap ni Joseph matapos niyang malaman ang tungkol sa pagpapaalis sa mga Banal mula sa Sion. “Bilhin ang lahat ng lupain,” mababasa roon, “na maaaring bilhin sa Jackson County, at sa mga county sa paligid.” Ang pondo ay darating sa pamamagitan ng mga donasyon. “Tipunin ng buong simbahan ang lahat ng kanilang salapi,” iniatas ng Panginoon, “at ang mararangal na tao ay italaga, maging ang matatalinong tao, at isugo sila upang bilhin ang mga lupaing ito.”16
Nang nalaman ng mga lider ng branch ni Caroline ang tungkol sa paghahayag, tinawag nila ang maliit na grupo ng mga Banal upang mag-ayuno at manalangin para sa tulong ng Panginoon sa pagkolekta ng pera para makabili ng mga lupain sa Missouri. Ang ilang miyembro ng branch ay nagbigay ng malalaking donasyon ng salapi at mga ari-arian sa pondo. Ang iba naman ay nagbigay ng ilang dolyar.
Si Caroline ay may humigit-kumulang $250 na maaari niyang ilagay sa pondo. Ito ay higit pa sa perang ipinagkaloob ninuman sa branch at marahil higit pa sa inaasahan ninuman na kaya niyang ibigay, ngunit alam niyang makakatulong ito sa mga Banal na tubusin ang lupang pangako. Nang idinagdag niya ang kanyang donasyon sa pondo, ang kabuuang halaga ay umabot sa halos $850, isang malaking halaga ng pera.
Pagkatapos ng pulong, si Harrison at ang kanyang pinsang si John ay pinili na maglakbay sa Missouri upang bumili ng lupain. Nagpasiyang sumama si Caroline sa kanila at pangalagaan ang kanyang parte sa mga donasyon. Matapos ilagay sa ayos ni John ang ilang negosyo at inihanda ng mga miyembro ng pamilya ang pangkat at mga bagon para sa kanila, ang tatlo ay handa nang tumungo sa Missouri.
Sa kanyang pagsakay sa bagon, inasam ni Caroline na magsimula ng bagong buhay sa Kanluran. Dahil ang mga Tippets ay nagplanong humimpil sa Kirtland sa kanilang paglalakbay, binigyan sila ng kanilang mga lider ng branch ng liham ng pagpapakilala sa propeta, ipinaliwanag kung saan nanggaling ang pera nila at kung ano ang balak nilang gawin dito.17
Sa buong taglagas ng 1834, si Joseph at iba pang mga lider ng simbahan ay patuloy na naantala sa kanilang mga pagbabayad sa lupa ng templo, at ang interes sa pautang ay patuloy na lumaki. Ang ilang manggagawa ay nagboluntaryo ng kanilang oras na gumawa sa templo, na nakapagpagaan kahit paano sa pinansiyal na pasanin ng simbahan. Kapag ang mga pamilya ay may sobrang pera o produkto, minsan ay inaalok nila ito sa simbahan para sa proyekto sa templo.18
Ang iba naman, kapwa sa loob at labas ng simbahan, ay nagpaabot ng pautang, nagpapahiram ng pera upang panatilihin ang pagsulong ng konstruksyon. Ang mga donasyon at pautang, sa gayon, ang ipinambabayad sa mga materyales at nagtutulot sa mga tao na walang hanapbuhay na makapagtrabaho.19
Ang mga pagsisikap na ito ang nagpataas pang lalo sa mga pader ng templo, at sa mga huling buwan ng taon, ang mga ito ay sapat na ang taas para sa mga karpintero na simulan ang paglalagay ng mga tahilan ng itaas na palapag. Ngunit ang pera ay laging salat, at panay ang dasal ng mga lider ng simbahan para sa karagdagang pondo.20
Sa unang bahagi ng Disyembre, ang pamilya Tippets ay dumating sa Kirtland, at ibinigay nina Harrison at John ang sulat ng kanilang branch sa high council. Halos paparating na sa kanila ang taglamig, tinanong nila ang konseho kung dapat ba silang magpatuloy sa Missouri o magpalipas ng panahon sa Kirtland. Pagkaraan ng kaunting talakayan, inirekomenda ng high council na ang pamilya ay manatili muna sa Ohio hanggang sa tagsibol.
Desperado sa pera, hinilingan din ng kapulungan ang mga binata na pahiramin ng pera ang simbahan, nangangakong babayaran ito bago sila umalis sa tagsibol. Sina Harrison at John ay pumayag na ipahiram sa simbahan ang bahagi ng $850 mula sa kanilang branch. Dahil malaking bahagi ng perang ito ay kay Caroline, tinawag siya sa pulong ng kapulungan at ipinaliwanag ang mga kasunduan ng pautang, kung saan kusang-loob niya itong tinanggap.
Kinabukasan, nagalak sina Joseph at Oliver habang nagpasalamat sila sa Panginoon para sa mga pinansyal na kaluwagan na dala ng pamilya Tippets.21
Mas maraming pautang at donasyon ang dumating sa simbahan noong taglamig na iyon, ngunit alam ni Joseph na hindi pa rin sapat ang mga ito para sa lumalaking gastusin ng templo. Gayunman, ipinakita ni Caroline Tippets at ng kanyang pamilya, na maraming Banal mula sa mga liblib na lugar na may branch ng simbahan ang nais gawin ang kanilang bahagi sa gawain ng Panginoon. Sa pagsisimula ng bagong taon, natanto ni Joseph na kailangan niyang humanap ng paraan upang mapalakas ang mga branch na ito at hingin ang kanilang tulong sa pagtapos sa templo nang sa gayon ang mga Banal ay mapagkalooban ng kapangyarihan.
Ang solusyon ay dumating mula sa isang paghahayag na natanggap ni Joseph ilang taon na ang nakararaan na nag-atas kina Oliver Cowdery at David Whitmer na maghanap ng labindalawang apostol upang ipangaral ang ebanghelyo sa mundo. Tulad ng mga apostol sa Bagong Tipan, ang mga lalaking ito ay kikilos bilang mga natatanging saksi ni Cristo, nagbibinyag sa Kanyang pangalan at nagtitipon ng mga miyembro sa Sion at sa mga branch nito.22
Bilang isang korum, ang labindalawang apostol ay gaganap din bilang isang naglalakbay na high council at magministro sa mga lugar na nasa labas ng nasasakupan ng mga high council sa Ohio at Missouri.23 Sa kapasidad na ito, maaari nilang patnubayan ang gawaing misyonero, pangasiwaan ang mga branch at mangalap ng pondo para sa Sion at sa templo.
Isang araw ng Linggo sa unang bahagi ng Pebrero, inanyayahan ni Joseph sina Brigham at Joseph Young sa tahanan niya. “Nais kong ipaalam ninyo sa lahat ng kapatid na nasa mga branch, na di kalayuan sa lugar na ito, na magtipon sa pangkalahatang kumperensya sa susunod na Sabado,” sabi niya sa magkapatid. Sa kumperensyang iyon, paliwanag niya, labindalawang lalaki ay itatalaga sa bagong korum.
“At ikaw,” sabi ni Joseph kay Brigham, “ay magiging isa sa kanila.”24
Noong sumunod na linggo, Pebrero 14, 1835, nagtipon ang mga Banal sa Kirtland para sa kumperensya. Sa ilalim ng pamamahala ni Joseph, sina Oliver, David, at ang kapwa nila saksi sa Aklat ni Mormon, na si Martin Harris, ay ipinahayag ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ang bawat isa sa mga lalaking tinawag ay naglingkod na nangangaral sa mga misyon, at walo sa kanila ay sumama sa Kampo ng Israel.25
Sina Thomas Marsh at David Patten, na kapwa nasa kalagitnaan ng kanilang ikatlong dekada, ang pinakamatatanda sa Labindalawa. Si Thomas ay isa sa mga unang nabinyagan, matapos magkaroon ng patotoo sa Aklat ni Mormon nang ang unang mga kopya ay inililimbag pa lamang. Naglingkod si David sa ilang misyon sa loob ng tatlong taon mula nang siya ay nabinyagan.26
Tulad ng sinabi ni Joseph isang linggo bago iyon, tinawag din si Brigham sa korum. At tinawag din ang kanyang pinakamatalik na kaibigang si Heber Kimball. Ang dalawang lalaki ay tapat na naglingkod bilang kapitan sa Kampo ng Israel. Ngayon ay muling lilisanin ni Brigham ang kanyang kagamitan sa pagkakarpintero at si Heber ang kanyang gulong ng magpapalayok upang magpatuloy sa paglilingkod sa Panginoon.
Tulad ng mga apostol sa Bagong Tipan na sina Pedro at Andres at Santiago at Juan, dalawang pares ng mga magkakapatid ang tinawag sa Labindalawa. Ipinalaganap nina Parley at Orson Pratt ang ebanghelyo sa silangan at kanluran at ngayon ay ilalaan ang kanilang sarili sa paglilingkod sa mga branch ng simbahan sa lahat ng dako. Sina Luke at Lyman Johnson ay nangaral sa timog at hilaga at muling hahayo, ngayon ay may karapatan bilang apostol.27
Pinili ng Panginoon ang kapwa mga edukado at ang mga hindi nakapag-aral. Sina Orson Hyde at William McLellin ay nagturo sa Paaralan ng mga Propeta at dinala ang kanilang matalas na isipan sa korum. Bagama’t dalawampu’t-tatlong taong gulang lamang, si John Boynton ay nakakamit ng malaking tagumpay bilang missionary at isa lamang sa iilang apostol na nakapag-aral sa unibersidad. Ang nakababatang kapatid ng propeta na si William ay hindi nakatamasa ng parehong benepisyo ng pormal na edukasyon, ngunit siya ay isang marubdob na tagapagsalita, walang takot sa harap ng oposisyon, at mabilis na ipinagtatanggol ang mga nangangailangan.28
Matapos ang pagtawag sa mga apostol, binigyan sila ni Oliver ng isang mahalagang utos. “Huwag kailanman tumigil sa pagsisikap hanggang sa makita ninyo ang Diyos, nang harap-harapan,” sinabi niya sa kanila. “Palakasin ang inyong pananampalataya, iwaksi ang inyong mga pagdududa, inyong mga kasalanan, at lahat ng inyong kawalang-paniniwala, at walang makahahadlang sa inyo na lumapit sa Diyos.”
Ipinangako niya sa kanila na sila ay mangangaral ng ebanghelyo sa malalayong bansa at titipunin ang marami sa mga anak ng Diyos tungo sa kaligtasan ng Sion.
“Kayo ay magiging mga katiwala sa ministeryong ito,” kanyang patotoo. “May gawain tayong gagawin na walang ibang taong makagagawa. Dapat ninyong ipahayag ang ebanghelyo sa kadalisayan at kasimplihan nito, at pinupuri namin kayo sa Diyos at sa salita ng Kanyang biyaya.”29
Dalawang linggo pagkatapos ang pagbubuo sa Labindalawa, bumuo si Joseph ng isa pang korum ng priesthood upang makasama ng mga apostol sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, pagpapalakas ng mga branch, at pagkolekta ng mga donasyon para sa simbahan. Ang mga miyembro ng bagong korum na ito, tinawag na Korum ng Pitumpu, ay pawang mga beterano ng Kampo ng Israel. Sila ay maglalakbay sa malalayong lugar, alinsunod sa halimbawa sa Bagong Tipan ng pitumpung disipulo na naglalakbay nang dala-dalawa sa bawat lunsod upang ipangaral ang salita ni Jesus.30
Pumili ang Panginoon ng pitong kalalakihan upang mamuno sa korum, kabilang na sina Joseph Young at Sylvester Smith, ang kapitan ng pangkat na nakipag-away sa propeta noong lumakad ang Kampo ng Israel. Sa tulong ng high council ng Kirtland, nalutas ng dalawang lalaki ang kanilang mga hindi pagkakaunawaan noong tag-init na iyon at pinunan ang kanilang mga pagkukulang.31
Matapos ang kanilang pagkahirang, nagsalita ang propeta sa mga bagong korum. “Ang ilan sa inyo ay galit sa akin dahil hindi kayo lumaban sa Missouri,” sabi niya. “Ngunit hayaan ninyong sabihin ko sa inyo, hindi nais ng Diyos na makipag-away kayo.” Sa halip, paliwanag ni Joseph, tinawag sila ng Diyos sa Missouri upang subukan ang kanilang pagpayag na magsakripisyo at ilaan ang kanilang buhay sa Sion, at patatagin ang kapangyarihan ng kanilang pananampalataya.
“Hindi Niya maaaring itatayo ang Kanyang kaharian sa pamamagitan ng labindalawang kalalakihang magbubukas ng mga pinto ng ebanghelyo sa mga bansa sa daigdig, at pitumpung kalalakihan sa ilalim ng pangangasiwa ng mga ito na sumunod sa kanilang landas,” itinuro niya, “maliban lamang kung kinuha Niya ang mga ito mula sa kalalakihang inialay ang kanilang mga buhay, at gumawa ng sakripisyong kasing dakila ng ginawa ni Abraham.”32