Institute
32 Pilitin mang S’ya’y Yanigin ng Kadiliman


“Pilitin mang S’ya’y Yanigin ng Kadiliman,” kabanata 32 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)

Kabanata 32: “Pilitin mang S’ya’y Yanigin ng Kadiliman”

Kabanata 32

Palikong Bahagi ng Ilog

Pilitin mang S’ya’y Yanigin ng Kadiliman

Sa kalagitnaan ng Nobyembre 1838, ang mga Banal sa Far West ay nagdurusa dahil sa gutom at kawalan ng masisilungan. Winasak ng militia ng Missouri ang mga tahanan at inubos ang karamihan sa mga suplay ng pagkain sa lunsod. Ang mga pananim na naiwan sa mga bukirin ay nagyelo na.1

Si Heneral John Clark, na pumalit kay Heneral Lucas sa pagiging pinuno ng mga hukbo ng Missouri sa Far West, ay wala ring simpatiya para sa mga Banal tulad ng kanyang pinalitan.2 Pinaratangan niya sila ng pagiging mga mananalakay at ng pagsuway sa batas. “Dinala ninyo sa inyong sarili ang mga paghihirap na ito,” sinabi niya sa kanila, “dahil sa pagiging rebelde at sa pagtutol na magpasaklaw sa batas.”

Dahil halos taglamig na sa kanila, pumayag si Heneral Clark na pahintulutan ang mga Banal na manatili sa Far West hanggang tagsibol. Subalit sinabihan niya silang umalis pagkatapos niyon. “Huwag na kayong makipagpulong muli sa inyong mga bishop at pangulo,” babala niya, “kung hindi ay gigisingin ninyo ang inggit ng mga tao at isasailalim ninyo ang inyong mga sarili sa parehong mga kasawiang nasa inyo na ngayon.”3

Mas malala ang kalagayan sa Hawn’s Mill. Isang araw matapos ang pagpaslang, iniutos ng mga mandurumog sa mga Banal na lisanin ang estado o sila ay papatayin. Nais nina Amanda Smith at ng iba pang mga nakaligtas na umalis, ngunit ninakaw ng mga mandurumog ang mga kabayo, damit, pagkain, at iba pang mga suplay na kailangan nila para sa mahabang paglalakbay. Marami sa mga sugatan, tulad ng anak ni Amanda na si Alma, ang hindi maganda ang kalagayan sa ngayon para lumipat nang malayuan.4

Nagdaos ang kababaihan ng mga pulong ng pananalangin para hilingin sa Panginoon na pagalingin ang mga sugatan. Nang malaman ng mga kabilang sa mga mandurumog ang tungkol sa mga pulong na ito, nagbanta silang lilipulin ang pamayanan kung magpapatuloy ang mga babae. Pagkatapos nito, tahimik na nagdasal ang mga babae habang labis na sinisikap na hindi sila mapansin habang naghahanda silang umalis.

Pagkatapos ng ilang panahon, inilipat ni Amanda sa isang bahay ang kanyang pamilya mula sa kanilang tolda.5 Habang patuloy siyang nagluluksa para sa kanyang pinaslang na asawa at anak, mayroon siyang apat na maliliit na anak na kailangang alagaan nang mag-isa. Nag-aalala siya tungkol sa labis na matagal na panahong pananatili sa Hawn’s Mill habang nagpapagaling ang kanyang anak. Ngunit kahit maaari na silang umalis ng kanyang mga anak, saan naman sila pupunta?

Ito ang itinatanong ng mga Banal sa buong hilagang Missouri. Natakot silang isasakatuparan ng militia ang utos ng gobernador na pagpuksa kung hindi sila aalis sa tagsibol. Ngunit kung wala ang mga pinuno upang gumabay sa kanila, wala silang ideya kung paano maglalakbay palabas ng Missouri—o kung saan magtitipon kapag naglakbay na sila.6


Habang naghahanda ang mga Banal na lisanin ang Far West, si Phebe Woodruff ay nakahiga sa isang bahay-tuluyan sa isang daanan sa kanlurang Ohio, nagdurusa dahil sa matinding pananakit ng ulo at lagnat. Siya at si Wilford ay dalawang buwan nang naglalakbay patungong kanluran kasama ng mga Banal mula sa Fox Islands, pakaladkad na sumusuong sa niyebe at ulan para makapunta sa Sion. Dinapuan ng karamdaman ang marami sa mga bata, kabilang ang kanyang anak na si Sarah Emma.7 Dalawang pamilya na ang umalis sa grupo, naniniwalang hindi sila makararating sa Sion noong taglamig na iyon.8

Bago huminto sa bahay-tuluyan, dumaranas si Phebe ng matinding sakit sa tuwing tumatalbog ang bagon sa baku-bakong daan.9 Pagtapos ng isang araw na halos tumigil na siya sa paghinga, pinatigil ni Wilford ang grupo para makabawi siya ng kalusugan.

Nakatitiyak si Phebe na siya ay papanaw na. Binasbasan siya ni Wilford at sinubukan ang lahat para mapawi ang kanyang paghihirap, subalit mas lumala ang lagnat. Sa huli ay tinawag niya si Wilford sa kanyang tabi, pinatotohanan ang ebanghelyo ni Jesucristo, at hinimok siya na magkaroon ng pananampalataya sa gitna ng kanyang mga pagsubok. Kinabukasan, tuluyang tumigil ang kanyang paghinga, at nadama niyang nilisan siya ng kanyang espiritu.10

Minasdan niya si Wilford na tinitigan ang kanyang walang buhay na katawan. Nakita niya ang dalawang anghel na pumasok sa silid. Sinabi sa kanya ng isa sa kanila na kinailangan niyang magpasiya. Maaari siyang sumama sa kanila at mamahinga sa daigdig ng mga espiritu o muling mabuhay at tiisin ang mga pagsubok na naghihintay sa hinaharap.

Alam ni Phebe na kung mananatili siya, ang landas ay hindi magiging madali. Nais ba niyang balikan ang kanyang buhay na puno ng pag-aalala at hinaharap na walang katiyakan? Nakita niya ang mga mukha nina Wilford at Sarah Emma, at mabilis siyang sumagot.

“Opo,” sabi niya, “gagawin ko ito!”

Nang magdesisyon si Phebe, muling napanibago ang pananampalataya ni Wilford. Pinahiran niya siya ng inilaang langis, ipinatong ang kanyang kamay sa kanyang ulo, at sinaway ang kapangyarihan ng kamatayan. Nang matapos siya, nanumbalik ang paghinga ni Phebe. Binuksan niya ang kanyang mga mata at nakita ang dalawang anghel na umalis sa silid.11


Sa Missouri, sina Joseph, Hyrum, at ang iba pang mga bilanggo sa piitan ng Liberty ay nagsiksikan, sinusubukan na manatiling mainit. Ang halos kabuuan ng maliit at mamasa-masang piitan ay nasa ilalim ng lupa, napalilibutan ng mga pader na bato at kahoy na apat na talampakan ang kapal. Ang dalawang maliliit na bintana na malapit sa kisame ay nakapagpapapasok ng kaunting liwanag subalit halos walang nagagawa para alisin ang mabahong amoy ng kulungan. Ang mga tambak ng dayami sa sahig na bato ang nagsisilbing higaan ng mga bilanggo, at kapag naging desperado na ang mga lalaki para kainin ang nakasusulasok na mga pagkaing ibinibigay sa kanila, kung minsan ay nasusuka sila dahil sa pagkain.12

Bumisita si Emma kay Joseph noong simula ng Disyembre, na nagpapaabot ng balita tungkol sa mga Banal sa Far West.13 Nang marinig ni Joseph ang mga kuwento ng kanilang mga paghihirap, lalong tumindi ang pagngingitngit niya sa mga nagtaksil sa kanya. Idinikta niya ang isang liham para sa mga Banal, kinokondena ang kataksilan ng mga taong ito at hinihikayat ang mga Banal na patuloy na magsikap.

“Mananatiling buhay ang Sion, bagaman siya ay tila pumanaw na,” pagtitiyak niya sa kanila. “Ang mismong Diyos ng kapayapaan ay makakasama ninyo at gagawa ng paraan para sa inyong pagtakas mula sa mga kalaban ng inyong mga kaluluwa.”14

Noong Pebrero 1839, ang asawa ni Hyrum, si Mary, at ang kanyang kapatid na si Mercy ay bumisita sa mga bilanggo kasama ang bagong panganak na anak na lalaki ni Hyrum na si Joseph F. Smith. Hindi pa nakikita ni Mary si Hyrum simula pa noong bago siya manganak noong Nobyembre. Ang panganganak at ang malubhang sipon ay nagpahina sa kanya na halos hindi niya makayanang maglakbay patungong Liberty. Subalit hiniling ni Hyrum na muli siyang makita, at hindi niya alam kung magkakaroon siya ng isa pang pagkakataon na makita ito.15

Sa loob ng bilangguan, binuksan ng bantay ng kulungan ang maliit na pinto at bumaba ang mga babae sa kulungan upang makasamang magdamag ang mga bilanggo. Pagkatapos ay isinara niya ang pinto sa ibabaw nila at nilagyan ito ng isang malaking kandado.16

Walang masyadong nakatulog noong gabing iyon. Ang kalagayan nina Joseph, Hyrum, at ng iba pang bilanggo—nanghihiluka at marumi sa kanilang masikip na tirahan—ay bumigla sa mga babae.17 Kinarga ni Hyrum ang kanyang sanggol na anak at tahimik na nakipag-usap kay Mary. Siya at ang iba pang mga bilanggo ay balisa. Laging nakaalerto ang bantay ng kulungan at ang mga guwardiya, nakatitiyak na sina Joseph at Hyrum ay nagpaplanong tumakas.

Kinaumagahan, nagpaalam sina Mary at Mercy sa mga bilanggo at umakyat papalabas ng kulungan. Nang ihatid sila palabas ng mga guwardiya, nagngitngitan ang mga bisagra ng maliit na pinto nang pabagsak itong isinara.18


Noong taglamig na iyon sa Far West, tumanggap sina Brigham Young at Heber Kimball ng liham mula kay Joseph. “Ang pangangasiwa ng mga gawain sa simbahan ay ipinapasa sa inyo, ibig sabihin, ang Labindalawa,” sabi niya. Iniutos niya sa kanila na italaga ang pinakaunang natawag sa mga orihinal na apostol na palitan si Thomas Marsh bilang pangulo ng korum.19 Si David Patten ang pinakanaunang natawag, ngunit namatay siya pagkatapos na mabaril sa Crooked River, ibig sabihin si Brigham, na ngayon ay tatlumpu’t pitong taong gulang, ang mamumuno sa mga Banal palabas ng Missouri.

Nagpatulong na si Brigham sa mataas na kapulungan ng Missouri na panatilihin ang kaayusan sa simbahan at gumawa ng desisyon habang wala si Joseph.20 Subalit marami pang kailangang gawin.

Binigyan ni Heneral Clark ang mga Banal nang hanggang tagsibol para lisanin ang estado, subalit ang mga armadong mandurumog ay nangangabayo ngayon sa buong lunsod, sumusumpang papaslangin ang sinumang maiiwan doon sa katapusan ng Pebrero. Sa takot, maraming Banal na may kabuhayan ang kaagad na umalis, iniiwang umaasa ang mahihirap sa kanilang sarili.21

Noong Enero 29, hinikayat ni Brigham ang mga Banal sa Far West na gumawa ng tipan na tulungan ang bawat isa na lumikas mula sa estado. “Hindi natin kailanman pababayaan ang mga dukha,” sinabi niya sa kanila, “hanggang sa sila ay ligtas na mula sa utos na pagpuksa.”

Upang matiyak na ang bawat Banal ay napangalagaan, siya at ang iba pang mga lider sa Far West ay nagtalaga ng isang komite na binubuo ng pitong kalalakihan na mangangasiwa ng paglikas.22 Nangolekta ang komite ng mga donasyon at suplay para sa mga maralita at gumawa ng isang masusing pagsusuri sa pangangailangan ng mga Banal. Ang ilang tao ay naghanap ng mga daraanan sa buong estado, karamihang nanatili sa mga kilala nang daan at umiiwas sa mga lugar na may galit sa mga Banal. Ang mga napiling ruta ay papuntang lahat sa Mississippi River, sa silangang hangganan ng estado, 160 milya ang layo.

Nagpasya silang simulan kaagad ang pag-alis sa Missouri.23


Sa unang bahagi ng Pebrero, nilisan ni Emma ang Far West kasama ng kanyang apat na anak—ang walong taong gulang na si Julia, ang anim na taong gulang na si Joseph III, ang dalawang taong gulang na si Frederick, at ang pitong buwang gulang na si Alexander.24 Halos lahat ng pag-aari nila Joseph ay ninakaw o naiwan sa Far West, kaya naglakbay siyang kasama ang mga kaibigan na nagbigay ng isang bagon at mga kabayo para sa paglalakbay. Dala rin niya ang mga mahahalagang papeles ni Joseph.25

Naglakbay ang pamilya sa nagyeyelong lupa ng Missouri nang mahigit na isang linggo. Habang nasa daan, ang isa sa kanilang mga kabayo ay namatay. Nang marating nila ang Mississippi River, nalaman nilang ang napakaginaw na taglamig ay nakalikha ang isang tipak na yelo sa kabuuan ng malawak na ilog. Walang lantsang bumibiyahe, ngunit ang yelo ay may sapat na kapal para makalakad patawid ang grupo.

Bitbit sina Frederick at Alexander sa kanyang mga bisig, lumakad si Emma sa yelo. Kumapit ang maliit na si Joseph sa isang gilid ng kanyang palda at mahigpit na kumapit si Julia sa kabila. Ang tatlo ay maingat na naglakad sa madulas na daan hanggang sa wakas ay narating ng kanilang mga paa ang malayong pampang.26

Ligtas na nakaalis sa Missouri, nalaman ni Emma na ang mga tao sa kalapit na bayan na Quincy, Illinois, ay mas mabait kaysa sa inaasahan niya. Tinulungan nila ang mga Banal na makatawid sa nagyeyelong ilog, naghandog ng pagkain at damit, at nagbigay ng tirahan at trabaho sa mga higit na nangangailangan.27

“Nabubuhay pa rin ako at handa pa ring magdusa nang higit pa rito, kung ito ang kalooban ng mabait na langit na dapat kong gawin, para sa iyong kapakanan,” agad niyang isinulat sa kanyang asawa pagkarating niya. Maayos rin ang mga bata, maliban kay Frederick na may sakit.

“Walang sinuman maliban sa Diyos ang nakaaalam ng mga pinagninilayan ng aking isip at mga nadarama ng aking puso,” pahayag niya, “nang lisanin ko ang ating bahay at tahanan at ang halos lahat ng bawat bagay na ating pag-aari, maliban sa ating maliliit na anak, at naglakbay palabas ng estado ng Missouri, iniiwan kang bilanggo sa malungkot na bilangguang iyan.”

Gayunpaman, nagtiwala siya sa banal na katarungan at umasa sa mas magagandang araw. “Kung hindi itinatala ng Diyos ang ating mga pagdurusa at ipinaghihiganti ang mga pagkakamali sa atin ng mga nagkasala,” isinulat niya, “ako’y malungkot na nagkamali.”28


Habang tumatakas ang mga Banal sa Missouri, ang mga sugat ni Alma Smith ang humadlang sa kanyang pamilya na lisanin ang Hawn’s Mill. Inalagaan ni Amanda ang kanyang anak na lalaki, patuloy na nagtitiwala na pagagalingin ng Panginoon ang kanyang balakang.

“Sa palagay po ba ninyo ay kaya ng Panginoon, Inay?” tanong ni Alma sa kanya isang araw.

“Oo, anak ko,” sabi niya. “Ipinakita Niya ang lahat ng ito sa akin sa isang pangitain.”29

Paglipas ng panahon, ang mga mandurumog na malapit sa pamayanan ay naging mas malulupit at nagtakda ng huling araw ng pag-alis ng mga Banal. Pagsapit ng araw na iyon, hindi pa gaanong magaling ang balakang ni Alma, at tumangging umalis si Amanda. Dahil sa takot at pagnanais na manalangin nang malakas, siya ay nagtago sa isang bungkos ng tangkay ng mais at humingi ng lakas at tulong sa Panginoon. Nang matapos niya ang kanyang panalangin, isang tinig ang nagsalita sa kanya, inuulit ang isang pamilyar na linya mula sa isang himno:

Ang kaluluwang kay Jesus nagtiwala.

Kahit kailanman ay ‘di ko itatatwa.

Pilitin mang sya’y yanigin ng kadiliman,

‘Di magagawang talikuran kailanman!30

Nagpalakas kay Amanda ang mga salitang ito, at nadama niya na tila walang anumang makapipinsala sa kanya.31 Hindi nagtagal, habang umiigib siya ng tubig sa isang sapa, narinig niya na tumitili ang kanyang anak sa bahay. Nagmadali siyang pumunta sa pinto sa takot—at nakita si Alma na tumatakbo sa loob ng silid.

“Magaling na ako, Inay, magaling na ako!” sigaw niya. Nabuo ang nababaluktot na kartilago sa kanyang balakang na nakapagpalakad sa kanya.

Dahil makapaglalakbay na si Alma, nag-empake si Amanda kasama ng kanyang pamilya, nagtungo sa taga-Missouri na nagnakaw ng kanyang kabayo, at pinilit na kunin ang hayop. Sinabi niya sa kanya na makukuha niya ito kung magbabayad siya ng limang dolyar bilang kabayaran niya sa pagpapakain dito.

Hindi pinapansin ang lalaki, pumasok si Amanda sa bakuran, kinuha ang kanyang kabayo at tumulak sa Illinois kasama ng kanyang mga anak.32


Dahil parami nang parami ang mga Banal na umaalis sa Far West araw-araw, nag-alala si Drusilla Hendricks na siya at ang kanyang pamilya ay maiiwan. Tiniyak sa kanya ni Isaac Leany, na kapwa Banal na tinamaan ng apat na bala sa Hawn’s Mill, na hindi sila pababayaan. Subalit hindi alam ni Drusilla kung paano makapaglalakbay ang kanyang asawa.

Paralisado pa rin si James dahil sa kanyang sugat sa leeg sa Crooked River. Nang matapos ang labanan, natagpuan siya ni Drusilla na nakahigang kasama ng iba pang mga sugatang lalaki sa tahanan ng isang kapitbahay. Bagamat labis na nalulungkot, inayos niya ang kanyang sarili, iniuwi ng bahay si James, at sinubukan ang ilang gamot upang maibalik ang pakiramdam ng kanyang mga braso at binti. Tila walang nakatutulong.

Ilang linggo matapos ang pagsuko ng Far West, ipinagbili niya ang kanilang lupa at nagtrabaho upang kumita ng pera para sa paglipat sa silangan, kumikita nang sapat para makabili ng ilang suplay at isang maliit na bagon, ngunit hindi ng isang kawan ng hayop na hihila nito.

Kung walang paraan para hilahin ang bagon, alam ni Drusilla na hindi sila makaaalis sa Missouri. Muli nang naigagalaw nang kaunti ni James ang kanyang mga balikat at binti matapos tumanggap ng basbas ng priesthood, ngunit hindi pa siya makalakad nang malayo. Upang ligtas siyang makaalis ng estado, kailangan nila ng isang kawan.

Dahil papalapit na ang huling araw ng paglikas, naging mas balisa si Drusilla. Nagsimula na siyang makatanggap ng mga banta mula sa mga mandurumog, binabalaan siya na darating sila para paslangin ang kanyang asawa.

Isang gabi, habang inaalagaan ni Drusilla ang kanyang anak sa kama sa tabi ni James, narinig niyang tumatahol ang aso sa labas. “Ina!” sigaw si William, ang kanyang panganay na anak. “Paparating ang mga mandurumog!” Ilang sandali pa ay narinig nilang kumalabog ang pinto.

Tinanong ni Drusilla kung sino ang naroon. Sinabi ng tinig sa labas na wala na siyang pakialam rito at nagbanta itong sisirain ang pinto kung hindi niya ito bubuksan. Sinabi ni Drusilla sa isa sa kanyang mga anak na buksan ang pinto, at di nagtagal ay napuno ang silid ng mga armadong lalaking nakasuot ng mga pekeng balbas para baguhin ang kanilang mga mukha.

“Tumayo ka,” utos nila kay Drusilla.

Dahil natatakot na papaslangin ng mga lalaki si James kung aalis siya sa kanyang tabi, hindi gumalaw si Drusilla. Isang lalaki ang kumuha ng kandila mula sa malapit na mesa at nagsimulang halughugin ang bahay. Sinabi ng mga mandurumog na may hinahanap silang isang Danite sa lugar.

Hinalungkat nila ang ilalim ng kama at ang likod ng bahay. Pagkatapos ay hinila nila ang nakakumot kay James at sinubukang tanungin siya, subalit napakahina pa niya para makapagsalita. Sa malamlam na ilaw, mukha siyang mahina at maputla.

Ang mga mandurumog ay humingi ng tubig, at sinabi ni Drusilla kung saan makakakuha nito. Habang umiinom ang mga lalaki, kinargahan nila ng bala ang kanilang mga pistola. “Handa na ang lahat,” sabi ng isa sa kanila.

Pinanood ni Drusilla ang paglalagay ng mga daliri ng lalaki sa gatilyo ng kanilang mga baril. Tumayo sila, at inihanda ni Drusilla ang kanyang sarili sa putok ng baril. Isang minuto pang nagtagal ang mga lalaki sa silid, pagkatapos ay lumabas sila at nangabayo palayo.

Hindi nagtagal pagkaraan niyon, naawa ang isang doktor kay James at binigyan si Drusilla ng payo kung paano siya tulungan. Unti-unting lumakas si James. Nakahanap din ang kanilang kaibigang si Isaac ng mga baka para sa pamilya.

Iyon na lamang ang kailangan nila para makaalis na nang tuluyan sa Missouri.33


Nang dumating sina Wilford at Phebe Woodruff sa Illinois kasama ng Fox Islands branch, nalaman nila ang pagpapaalis sa mga Banal sa Missouri. Sa kalagitnaan ng Marso, habang mas maraming miyembro ng simbahan ang nanirahan sa Quincy, tumulak ang mga Woodruff sa masiglang bayang malapit sa ilog upang muling makasama ang mga Banal at katagpuin ang mga lider ng simbahan.34

Si Edward Partridge, na nagdusa nang ilang linggo sa isang kulungan sa Missouri bago pinakawalan, ay tumutulong na pamunuan ang simbahan sa Quincy sa kabila ng kanyang mahinang kalusugan. Samantala, si Heber at ang iba pang mas naunang tinawag na mga pinuno ay pinangangasiwaan pa rin ang paglikas mula sa Missouri.35

Natagpuan nina Wilford at Phebe sina Emma at ang kanyang mga anak na nakatira sa tahanan ni Sarah at John Cleveland na isang lokal na hukom. Nakita rin nila na nakatira na ngayon sa loob at paligid ng Quincy ang mga magulang at kapatid ng propeta, gayun din sina Brigham at Mary Ann Young at John at Leonora Taylor.36

Kinabukasan, ipinahayag ni Brigham na kailangan ng komite sa paglikas sa Far West ng pera at mga kawan ng hayop para matulungan ang limampung maralitang pamilya na lisanin ang Missouri. Kahit na mahihirap din ang mga Banal sa Quincy, hiniling niya sa kanila na magkawang-gawa sa mga mas naghihirap. Bilang tugon, nagbigay ang mga Banal ng limampung dolyar at ilang kawan.37

Nagtungo si Wilford sa pampang ng Mississippi River kinabukasan upang bisitahin ang isang kampo ng mga bagong dating na mga miyembro ng simbahan. Ang araw ay malamig at maulan, at ang mga pinalikas ay nagsisiksikan sa putik, pagod at gutom.38 Bagamat naging mababait ang mga tao sa Quincy, alam ni Wilford na hindi magtatagal ay mangangailangan ang mga Banal ng sariling tirahan.

Sa kabutihang palad, si Bishop Partridge at ang iba pa ay nakikipag-usap sa isang lalaking nagngangalang Isaac Galland, na nais ibenta sa kanila ang ilang latian sa may kahabaan ng paliko ng ilog sa hilaga ng Quincy. Malayo ito sa lupain ng gatas at pulot na nakinita nila na magiging Sion, ngunit ito ay madaling makuha at makapaglalaan ng isang bagong lugar ng pagtitipon para sa mga Banal.39