“Manatili sa Akin”
Para sumibol at pagpalain ng bunga ng ebanghelyo ang ating buhay, dapat tayong matatag na mabigkis sa Kanya, na Tagapagligtas nating lahat.
Noong dati madalas iulat ng mga Kapatid ang kanilang misyon sa pangkalahatang kumperensya. Alam kong 2004 na, hindi 1904, pero gusto kong sundin ang nakagawian noon at pag-isipan ang ilan sa magagandang karanasan namin ni Sister Holland sa Latin America. Sana’y kapulutan ninyong lahat ng aral sa buhay, saanman kayo naninirahan o naglilingkod.
Una sa lahat gusto kong pasalamatan ang lahat ng misyonerong naglingkod sa kahanga-hangang gawaing ito na ibinigay sa atin sa mga huling araw. Ang paglaganap ng ipinanumbalik na ebanghelyo ay isang tunay na himala, at ang malaking bahagi ng himalang ito ay bunga ng pagsisikap ng mga 19-na-taong gulang na kalalakihan! Habang nakikita namin ang inyong mga anak at apo, (at kung minsan ay ang inyong mga magulang at lolo’t lola!) na tapat na naglilingkod sa Chile, naisip ko ang libu-libo pang gaya nila na nakilala namin sa buong mundo. Mga misyonerong malilinis, dalisay, at maningning ang mga mata, na lumalakad nang dalawahan, ang naging buhay na simbolo ng Simbahang ito sa lahat ng dako. Sila mismo ang unang mensaheng nakikita ng kanilang mga investigator—at kaygandang mensahe niyon. Lahat ay kilala sila, at tayong higit na nakakakilala sa kanila, ang lubos na nagmamahal sa kanila.
Sana’y makilala ninyo ang misyonerang mula sa Argentina na kasama naming naglingkod. Sa kagustuhang gawin ang lahat upang tustusan ang pagmimisyon, ibinenta niya ang kanyang biyolin, ang pinakamahalaga at malamang na kaisa-isang pag-aari niya sa buhay. Sinabi lang niyang, “Bibiyayaan ako ng Diyos ng isa pang biyolin matapos kong biyayaan ang Kanyang mga anak ng ebanghelyo ni Jesucristo.”
Sana’y makilala ninyo ang elder na taga Chile, na nakatira nang malayo sa pamilya sa isang boarding school, na nakapulot ng isang Aklat ni Mormon at sinimulan itong basahin nang gabi ring iyon. Tulad ng karanasan ni Parley P. Pratt, walang sawa niya itong binasa—nang walang tigil sa buong magdamag. Nang mag-umaga, napuspos siya ng kapayapaan at bagong pag-asa. Ipinasya niyang hanapin ang pinagmulan ng aklat at kung sino ang nagsulat ng mga kahanga-hangang pahina nito. Makalipas ang labintatlong buwan siya’y nagmisyon.
Sana’y makilala ninyo ang isang kahanga-hangang lalaking dumating sa amin mula sa Bolivia—na walang ternong damit at triple ang laki ng sapatos sa kanya. Medyo matanda siya sa ibang misyonero dahil siya lang ang bumubuhay sa kanyang pamilya at matagal bago nakaipon para sa kanyang misyon. Nag-alaga siya ng manok at nagtinda ng itlog sa bahay-bahay. Tapos, pagdating ng tawag sa kanya, kinailangang maoperahan ang nanay niyang balo sa apendisitis. Ibinigay ng kaibigan natin ang lahat ng perang naipon niya para sa misyon para sa operasyon at mga kailangan matapos ang operasyon, tapos ay tahimik na tinipon ang mga nahingi niyang lumang damit sa mga kaibigan at dumating sa MTC sa Santiago sa takdang-oras. Tinitiyak ko sa inyo na magkaterno na ang mga damit niya ngayon, kasya na ang sapatos niya, at sila ng nanay niya ay ligtas at malusog, sa temporal at maging sa espiritwal.
At sila’y dumarating, mula sa inyong mga tahanan sa lahat ng dako ng mundo. Kabilang sa napakahabang listahan ng tapat na mga lingkod ng Panginoon ang dumaraming may edad nang mag-asawa na malaki ang kontribusyon sa gawain. Mahal na mahal namin at kailangan ang mga mag-asawang ito sa lahat ng misyon ng Simbahan! Kayo na maaari pang magmisyon, isantabi ang paglalaro ng golf, huwag alalahanin ang stock market, ang mga apo ninyo ay mananatiling inyo pag-uwi ninyo—at magmisyon! Magandang karanasan ang pangako namin sa inyo.
Babanggit ako ng ilang bagay tungkol sa mga kahanga-hangang miyembro mismo ng Simbahan. Sa muling pag-oorganisa ng isang malayong stake kamakailan, nadama ko ang paghihikayat ng Panginoon na tumawag ng isang lalaki sa stake presidency na ayon sa balita ko ay may bisikleta pero walang kotse. Maraming pinuno ng Simbahan ang walang sasakyan, gayunpama’y inalala ko kung ano ang magiging epekto nito sa taong ito sa stake na ito. Sa naglalaho kong Espanyol itinuloy ko ang interbyu, at sinabing, “Hermano, no tiene un auto?” Ngumiti siya at walang pag-aalinlangang tumugon, “No tengo un auto; pero yo tengo pies, yo tengo fe.” (“Wala akong kotse, pero may mga paa ako at pananampalataya.”) Sinabi pa niyang kaya niyang sumakay ng bus, magbisikleta, o maglakad, “como los misioneros,” ngumiti siya—“gaya ng mga misyonero.” At ginawa nga niya.
Nitong nakalipas na walong linggo nagdaos ako ng isang mission district conference sa pulo ng Chiloe, sa looban ng timog ng Chile na kakaunti ang bumibisita. Isipin ninyo ang bigat ng responsibilidad sa pagsasalita sa kahanga-hangang mga taong ito nang ipaalam sa akin na isang napakatandang lalaki na nakaupo malapit sa harapan ng kapilya ang naglakad nang apat na oras mula alas-singko ng umaga para makaupo nang alas nuebe, para sa miting na magsisimula nang alas onse. Sabi niya gusto niyang makapili ng magandang mauupuan. Tinitigan ko siya, inisip ang mga pangyayari sa buhay ko na binalewala ko o kaya’y huli akong dumarating, at naisip ang sinabi ni Jesus, “Kahit sa Israel man, ay hindi ako nakasumpong ng ganito kalaking pananampalataya.”1
Ang Punta Arenas Chile Stake ang pinakatimog na stake ng Simbahan sa daigdig na ito, ang pinakadulong hangganan nito ay umaabot patungong Antarctica. Kung may stake pa sa dulong katimugan, mga penguin na ang mamamahala roon. Sa mga Banal sa Punta Arenas ito’y 4,200-milyang balikang biyahe sa bus patungong templo ng Santiago. Sa mag-asawa 20 porsiyento na ng kita nila sa isang taon ang gugugulin sa pamasahe pa lang. Mga 50 tao lang ang kasya sa bus, pero sa bawat paglalakbay 250 iba pa ang dumadalo sa maikling serbisyo sa umaga bago umalis.
Tumigil sandali at tanungin ang sarili kung kailan kayo huling tumayo sa malamig at mahanging paradahan na katabi ng Straits of Magellan para lang awitan, ipagdasal, at batiin silang mga patungo sa templo, na umaasang may matira sa ipon ninyo para makabalik sa templo? Sandaan at sampung oras, na ang 70 sa oras na iyon ay dadaan sa maalikabok, baku-bako, at di-tapos na kalsada sa liblib na Patagonia sa Argentina. Ano ang pakiramdam ng nakasakay sa bus nang 110 oras? Hindi ko talaga alam, pero alam kong ang ilan sa atin ay kakabahan kung nakatira tayo nang mahigit 110 milya ang layo mula sa templo o kung ang mga serbisyo doon ay tumatagal nang mahigit 110 minuto. Habang tinuturuan natin sila ng alituntunin ng ikapu, ipinagdarasal sila, at nagtatayo tayo ng mas marami pang templo para sa ganito kalalayong mga miyembro, marahil ay marami pang magagawa ang iba sa atin upang palagiang tamasahin ang mga pagpapala at himala ng templo habang dumarami ang templong kaya nating marating.
At iyan ang huli kong tatalakayin. Para sa buong Simbahan, napakaraming bagay tayong maiisip dahil sa pamumuno ni Pangulong Gordon B. Hinckley, kabilang na (marahil ay lalo na) ang malawakang paglaganap at pagtatayo ng mga templo. Ngunit gusto kong sabihin para sa aming naririto sa harapan, na malamang na maaalala namin siya lalo na sa kanyang determinasyong pamalagiin ang mga miyembro sa Simbahang ito. Walang makabagong propetang nagpahayag sa isyung ito nang mas tuwiran ni umasa sa atin na tiyaking mangyari ito. Pabiro niyang hinampas ang mesa sa kanyang harap, at sinabi sa Labindalawa kamakailan, “Mga kapatid, pagkamatay ko at patapos na ang serbisyo sa lamay, babangon ako at dadaan, at titigan ko ang bawat isa sa inyo, at itatanong, ‘Kumusta na ang pamamalagi ng mga miyembro sa Simbahan?’”
Ang paksang ito ay nagbabalik sa atin sa gawaing misyonero, pinag- uugnay ang uri ng tunay at malalim na paniniwala na nagsisikap ang mga misyonero na dalhin nang may matinding pangako at pagmamahal na nakikita sa kahanga-hangang miyembro sa buong Simbahan.
Sabi ni Cristo, “Ako ang tunay na puno ng ubas, at … kayo ang mga sanga.”2 “Kayo’y manatili sa akin, at ako’y sa inyo. Gaya ng sanga na di makapagbunga sa kaniyang sarili maliban sa nakakabit sa puno; gayon din naman kayo, maliban na kayo’y manatili sa akin.”3
Ang “abide in me” ay isang konseptong nauunawaan at sapat ang ganda sa eleganteng Ingles ng King James Bible, subalit ang “abide” ay hindi na natin gaanong ginagamit. Kaya lalo akong humanga sa payong ito mula sa Panginoon nang malaman ko ang pagsasalin ng talatang ito sa ibang wika. Sa Espanyol ang pamilyar na pariralang iyon ay “permaneced en mi.” Gaya ng pandiwang Ingles na “abide,” ang ibig sabihin ng “permanecer” ay “manatili, mamalagi” ngunit maging ang dayuhang gaya ko ay maririnig doon ang salitang ugat na “permanence” sa salitang Ingles. Nangangahulugan ito ngayon ng “manatili—ngunit manatili magpakailanman.” Iyon ang panawagan ng mensahe ng ebanghelyo sa mga taga Chile at sa lahat ng tao sa mundo. Lumapit, ngunit lumapit upang manatili. Lumapit nang may paniniwala at pagtitiis. Mamalagi kayo, para sa inyong kapakanan at sa lahat ng henerasyong kasunod ninyo, at magtutulungan tayong maging malakas hanggang sa wakas.
“Siya na pinupulot ang isang dulo ng patpat, pinupulot ang kabilang dulo,” ang turo sa amin ng kahanga-hangang mission president ko sa kauna-unahan niyang mensahe sa amin.4 At iyon ang dapat kapag sumapi tayo rito sa tunay at buhay na Simbahan ng tunay at buhay na Diyos. Kapag sumapi tayo sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, lumululan tayo sa Mabuting Barkong Sion at kasama itong naglalayag saanman magtungo hanggang sa makarating sa milenyal na daungan nito. Manatili tayo sa barko, malakas man ang hangin o payapa, may bagyo man o tag-init, dahil iyon ang tanging daan tungo sa lupang pangako. Ang Simbahang ito ang kasangkapan ng Panginoon para sa mahahalagang doktrina, ordenansa, tipan, at susing kailangan sa kadakilaan, at ang tao’y hindi lubos na magiging tapat sa ebanghelyo ni Jesucristo nang hindi nagsisikap maging tapat sa Simbahan, na siyang itinatag na organisasyon nito sa lupa. Sa mga bago at matatagal nang miyembro, ipinahahayag namin sa diwa ng makapangyarihang pagsamo ng pamamaalam ni Nephi: “Kayo ay nakapasok na sa pasukan; … [ngunit] ngayon, … matapos na kayo ay mapasamakipot at makitid na landas, itatanong ko kung ang lahat ay nagawa na? Masdan, sinasabi ko sa inyo, Hindi; … magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, … at [magtiis] hanggang wakas, masdan, … kayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.”5
Sinabi ni Jesus, “Sapagka’t kung kayo’y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa.”6 Ako ay nagpapatotoo na iyan ay katotohanan ng Diyos. Siya ang lahat-lahat sa atin at dapat tayong “manatili” sa Kanya nang palagian, matatag, matibay, magpakailanman. Para sumibol at pagpalain ng bunga ng ebanghelyo ang ating buhay, dapat tayong matatag na mabigkis sa Kanya, na Tagapagligtas nating lahat, at dito sa Kanyang Simbahan, na nagtataglay ng Kanyang banal na pangalan. Siya ang punong tunay na pinagmumulan ng ating lakas at tanging pinanggagalingan ng buhay na walang hanggan. Sa Kanya hindi lang tayo makakatiis kundi mananaig tayo at magtatagumpay sa banal na layuning ito na hindi bibigo sa atin. Nawa’y hindi tayo mabigo ni huwag natin Siyang biguin ang dalangin ko sa sagrado at banal na pangalan ni Jesucristo, amen.