2004
Pagiging Ama, Isang Walang Hanggang Tungkulin
Mayo 2004


Pagiging Ama, Isang Walang Hanggang Tungkulin

Nawa’y pakinggan natin ang tinig ng mga propeta, na, mula pa sa simula, ay nagbabala na sa atin tungkol sa kahalagahan ng mga ama sa tahanan.

Habang pinagmamasdan nating mabuti ang daigdig ngayon, kitang-kita nating higit na masigasig ang pagkilos ni Satanas kaysa noon para alipinin ang kaluluwa ng mga tao. Una niyang puntirya ang pangunahing yunit ng lipunan—ang pamilya.

Nitong nagdaang ilang dekada, matindi ang pangangampanya ni Satanas para maliitin at hamakin itong pangunahin at pinakamahalaga sa lahat ng organisasyon. Ang kanyang tagumpay ay kitang-kita—ang kakila-kilabot na katotohanan ay nakikita, nababalita, at naririnig sa araw-araw at dahilan ng pagkasira ng maraming pamilya. Sa unti-unting pagkawasak ng pamilya, kitang-kita ang masamang epekto sa lipunan—paglaganap ng krimen, di-normal na pag-uugali, kahirapan, paggamit ng droga, at nadaragdagan pa ang listahang ito.

Sa tingin ko ang pagsisikap na ito ni Satanas ay nakapokus sa mga asawang lalaki at ama. Halimbawa, ang media ngayon ay walang tigil sa pag-atake—pagtuligsa at panlalait sa mga asawa at mga ama, sa mga tungkuling ibinigay sa kanila ng Diyos.

Mga Halimbawa mula sa mga Banal na Kasulatan

Makabubuting salungatin ang paglalarawan ng media sa mga asawang lalaki at ama gamit ang banal na kasulatan. Napakarami nating mabubuting halimbawa dito.

Ang Ama at ang Tagapagligtas. Sa Bagong Tipan, nasusulyapan natin ang kaugnayan ng Tagapagligtas sa Ama. Ang isa sa mga pinakamalinaw ay noong Siya’y nasa hardin bago Siya ipagkanulo:

“[Si Jesus ay] nanikluhod at nanalangin,

“Na sinasabi, Ama, kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang sarong ito: gayon ma’y huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo.

“At nagpakita sa kaniya ang isang anghel na mula sa langit, na nagpalakas sa kaniya.”1

Sina Moises at Jethro. May halimbawa tayo sa Exodo tungkol kay Jethro, biyenan ni Moises, na nagmamasid kung paano pinamumunuan ni Moises ang mga Anak ni Israel:

“At nang makita ng biyanan ni Moises ang lahat ng kaniyang ginagawa sa bayan, ay nagsabi, Anong bagay itong ginagawa mo sa bayan? bakit nauupo kang magisa, at ang buong bayan ay nakatayo sa palibot mo mula sa umaga hanggang sa hapon?

“At sinabi ni Moises sa kaniyang biyanan, sapagkat ang bayan ay lumalapit sa akin, upang sumangguni sa Dios: …

“At sinabi ng biyanan ni Moises sa kaniya, Ang bagay na iyong ginagawa ay hindi mabuti.

“Tunay na ikaw ay manghihina, ikaw at ang bayang ito, na nasa iyo: sapagkat ang bagay ay totoong mabigat sa iyo; hindi mo makakayang magisa.”2

At pagkatapos ay tinuruan ni Jethro si Moises kung paano ipakakatawan ang responsibilidad na ito sa pamamagitan ng pagtawag ng mahuhusay na kalalakihan na may takot sa Diyos at hahatol bilang mga pinuno sa Israel:

“At pahatulan mo sa kanila ang bayan sa buong panahon: at mangyayari, na bawa’t malaking usap ay dadalhin nila sa iyo, datapuwa’t bawat munting usap, ay silasila ang maghahatulan: sa ganyan ay magiging magaan sa iyo, at magpapasan silang katulong mo.”3

Si Alma. Sa Aklat ni Mormon ay may kuwento kay Alma, ang anak ni Alma na ibinilang sa mga hindi naniniwala at gumagawa ng lahat ng uri ng kasamaan. Si Alma, ang ama, ay nanalangin nang may labis na pananampalataya na malaman ng kanyang anak ang katotohanan. Isang panalanging nasagot sa espesyal na paraan:

“At ngayon ito ay nangyari na, habang siya ay nagpapalibut-libot kanyang isinasagawa ang pagwasak sa simbahan ng Diyos, … ang anghel ng Panginoon ay nagpakita sa kanila; at siya ay bumaba na waring nasa ulap; at siya ay nangusap na katulad ng tinig ng kulog …;

“At labis ang kanilang panggigilalas, kung kaya’t bumagsak sila sa lupa, at hindi naunawaan ang mga salitang kanyang sinabi sa kanila.

“Gayon pa man sumigaw siyang muli, sinasabing: Alma, magbangon ka at tumindig, sapagkat bakit mo inuusig ang Simbahan ng Diyos? Sapagkat sinabi ng Panginoon: Ito ang aking simbahan, at aking itatatag ito; at walang anumang makapagpapabagsak dito, maliban sa pagkakasala ng aking mga tao.

“At muli, sinabi ng anghel: Masdan, napakinggan ng Panginoon ang mga panalangin ng kanyang mga tao, at gayon din ang mga panalangin ng kanyang tagapaglingkod na si Alma, na iyong ama; sapagkat nanalangin siya nang may labis na pananampalataya hinggil sa iyo na baka sakaling madala ka sa kaalaman ng katotohanan; anupa’t dahil sa layuning ito ako ay naparito upang papaniwalain ka sa kapangyarihan at karapatan ng Diyos, upang ang mga panalangin ng kanyang mga tagapaglingkod ay matugon alinsunod sa kanilang pananampalataya.”4

Matapos mahimasmasan ang Nakababatang Alma sa karanasang ito, siya’y nagbago na.

Ang Lumiliit na Tungkulin ng mga Ama

Si Satanas, sa kanyang tusong plano na wasakin ang pamilya, ay naghangad na paliitin ang tungkulin ng mga ama. Ang dagdag na karahasan at krimen ng mga kabataan, matinding kahirapan at pagkasira ng ekonomiya, at mababang bilang ng mga batang nag-aaral ay malinaw na ebidensya ng kakulangan ng positibong impluwensya ng ama sa mga tahanan.5 Kailangan ng pamilya ang isang ama para patatagin ito.

Dapat natuto na tayo ngayon, sa karanasan ng mga nakaraang siglo, na ang pamilya ang naglalaan ng pinakamatatag at siguradong pundasyon sa lipunan at siyang pinakamahalaga sa paghahanda sa mga kabataan sa mga responsibilidad nila sa hinaharap. Dapat alam na natin ngayon na ang kaibang mga estilo ng pagbuo ng pamilya ay hindi epektibo at di kailanman magiging epektibo. Ito’y maliwanag na ipinahayag ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol sa: “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”:

“Kami, ang Unang Panguluhan at ang Kapulungan ng Labindalawang Apostol ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa Huling Araw, ay taimtim na nagpapahayag na ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at ng isang babae ay inordena ng Diyos at ang mag-anak ang sentro ng plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak.

“Lahat ng tao—lalaki at babae—ay nilalang sa larawan ng Diyos. Bawat isa ay minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit, at, bilang gayon, bawat isa ay may katangian at tadhana na tulad ng sa Diyos. Ang kasarian ay isang mahalagang katangian ng pagkakakilanlan at layunin ng isang tao sa kanyang buhay bago pa ang buhay niya sa mundo, sa buhay niyang mortal, at sa walang hanggan… .

“Ang unang kautusan na ibinigay ng Diyos kina Adan at Eva ay tungkol sa kanilang posibilidad bilang mag-asawa na maging magulang. Ipinapahayag namin na ang kautusan ng Diyos na magpakarami at kalatan ang lupa ay nananatiling may bisa. Amin pang karagdagang ipinapahayag na ang banal na kapangyarihang lumikha ng bata ay nararapat lamang gawin ng lalaki at babae, na ikinasal bilang mag-asawa ayon sa batas… .

“… Sa plano ng Diyos, ang mga ama ang mangungulo sa kanilang mga mag-anak sa pagmamahal at kabutihan at ang may tungkuling maglaan ng mga pangangailangan sa buhay at kaligtasan ng kanilang mga mag-anak. Ang mga ina ang may pangunahing tungkulin na mag-aruga ng kanilang mga anak. Sa mga banal na tungkuling ito, ang mga ama at ina ay may pananagutang magtulungan bilang magkasama na may pantay na pananagutan… .

“Kami ay nagbababala sa mga taong lumalabag sa mga tipan ng kalinisang-puri, nagmamalabis sa asawa o anak, o bigo sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin sa mag-anak, na isang araw sila ay pananagutin sa harap ng Diyos. At gayon din, kami ay nagbababala na ang pagkakawatak-watak ng mag-anak ay magdudulot sa mga tao, mga komunidad, at mga bansa ng mga kapahamakang sinabi na noon pa ng mga sinauna at makabagong propeta.”6

Mga Tungkulin ng Ama

Dahil binigyan tayo ng mahahalagang babala tungkol sa mga anak ng ating Ama sa Langit, dapat suriin ng mga ama at ina ang kanilang kaluluwa para matiyak na sinusunod nila ang bilin ng Panginoon sa pagtatatag ng walang hanggang pamilya. Sa mga ama, ano ang inaasahan ng Panginoon na gagawin natin?

Kapag nagkaroon na ng pamilya, ang mga tungkulin ng ama ay kinapapalooban ng sumusunod:

1. Ang ama ang namumuno sa kanyang pamilya.

“Ang pagiging ama ay pamumuno, ang pinakamahalagang uri ng pamumuno. Ito’y ganito na; at mananatiling gayon. Mga ama, sa tulong at payo at panghihikayat ng inyong asawa, kayo’y mamumuno sa inyong tahanan. Hindi pinag-uusapan dito kung kayo ang pinakanararapat o pinakamagaling, kundi ang mahalaga’y itinalaga ito ng Diyos.”7

Dapat kasama sa pamumuno ninyo sa tahanan ang pag-akay sa pamilya sa pagsamba.

“Kayo ang mangungulo sa hapag-kainan, sa panalangin ng pamilya. Kayo ang mangungulo sa family home evening; at, sa patnubay ng Espiritu ng Panginoon, tiyaking naituturo sa inyong mga anak ang mga tamang alituntunin. Kayo ang dapat magtagubilin sa mga bagay na may kaugnayan sa buhay-pamilya.

“Magbigay kayo ng basbas ng ama. Aktibong makibahagi sa pagtatatag ng mga tuntunin at disiplina sa pamilya. Bilang namumuno sa inyong tahanan, magplano at magsakripisyo kayo upang matamo ang pagpapala ng buo at masayang pamilya. Para magawa ang lahat ng ito, kailangang nakatuon ang inyong buhay sa pamilya.”8

Gaya ng payo ni Pangulong Joseph F. Smith: “Mga kapatid, kakaunti ang debosyon sa relihiyon, pagmamahal at takot sa Diyos, sa tahanan; sobra ang kamunduhan, kasakiman, kapabayaan at kakulangan ng paggalang sa pamilya dahil kung hindi ang mga ito’y hindi makikita sa labas ng tahanan. Dahil dito, kailangan ng tahanan ng pagbabago. Sikapin ngayon at bukas na makagawa ng pagbabago sa inyong tahanan.”9

Tandaan, mga kapatid, na sa tungkulin ninyo bilang pinuno ng pamilya, ang asawa ninyo ang inyong kompanyon. Gaya ng itinuro ni Pangulong Hinckley: “Sa Simbahang ito ang lalaki ay hindi lumalakad nang nauuna o nahuhuli sa kanyang asawa kundi sa tabi niya. Pantay ang pananagutan nila.”10 Noon pa man, inutos na ng Diyos sa mga tao na dapat pagbuklurin ng kasal ang mag-asawa.11 Samakatwid walang pangulo at pangalawang pangulo sa isang pamilya. Magkasamang gagawa sa walang hanggan ang mag-asawa para sa kapakanan ng kanilang pamilya. Sila’y iisa sa salita, sa gawa, at sa kilos, habang sila’y namumuno, gumagabay at pumapatnubay sa kanilang pamilya. Pantay ang pananagutan nila. Pinaplano at inoorganisa nila ang mga gawain ng pamilya nang magkasama at nang buong pagkakaisa habang sila’y sumusulong.

2. Ang ama ay isang guro.

Ang payo ni Pangulong Joseph F. Smith ay angkop sa atin ngayon: “Huwag ninyong ipaubaya ang inyong mga anak sa mga dalubhasa … , sa halip, turuan sila sa pamamagitan ng sarili ninyong tuntunin at halimbawa. Kayo mismo’y maging dalubhasa sa katotohanan.”12

“Kapag natanto na ninyo ang kahalagahan ng pagtuturo sa inyong mga anak, kayo’y nagiging mapagpakumbaba, sapagkat nalaman ninyo na ito’y maisasakatuparan sa pamamagitan ng alituntunin at halimbawa. Hindi puwedeng iba ang ginagawa ninyo sa itinuturo ninyo. Kailangang ipamuhay ninyo ang mga alituntunin at mag-aral at manalangin para sa palagiang pagsama ng Espiritu Santo. Kailangang dalisayin at ayusin ninyo ang inyong buhay upang ang inyong halimbawa at pamumuno ay maghatid ng liwanag ng ebanghelyo ni Jesucristo.

“Kailangang planuhin ninyo ang maghapon ayon sa patnubay ng Espiritu ng Panginoon, na masigasig na hinahangad ang kapakanan ninyo at ng inyong pamilya bago kayo mabulag ng iba pa ninyong gawain sa pangunahing mga responsibilidad na ito. Tulad ng itinuro sa atin ng mga buhay na propeta, ‘Walang anumang tagumpay sa buhay na makapupuno sa kabiguan sa tahanan’ (David O. McKay, sa Conference Report, Abr. 1964, 5; sinipi mula sa J. E. McCulloch, Home: The Savior of Civilization [1924], 42).”13

3. Ang ama ay tagapaglaan ng mga temporal na bagay.

Ito’y nilinaw ni Pangulong Ezra Taft Benson: “Binigyan ng Panginoon ang kalalakihan ng responsibilidad na maglaan para sa kanilang pamilya nang sa gayon magampanan ng babae ang kanyang tungkulin bilang ina ng tahanan… . Kung minsan ang ina’y nagtatrabaho sa labas ng tahanan dahil sa panghihikayat, o kaya’y pamimilit ng kanyang asawa … [para sa] ginhawang maidudulot ng dagdag na suweldo. Hindi lamang magdurusa ang pamilya sa gayong kalagayan, mga kapatid, kundi mapipigilan din nito ang inyong espirituwal na pag-unlad at pagsulong.”14

Mga ama, sa utos ng Diyos, kayo ang namumuno sa inyong pamilya. Ito’y mabigat na responsibilidad at isa sa mga pinakamahalaga, sapagkat ito’y walang hanggang responsibilidad. Unahin ang inyong pamilya. Ito’y bahagi ng inyong buhay na madadala ninyo sa kabilang buhay. Pinatototohanan ko na tunay ang kasunod na pahayag:

“Ang posisyong taglay ng kalalakihan sa pamilya, lalo na ng mga mayhawak ng Melchizedek Priesthood, ay isa sa mga pinakamahalaga at dapat kilalanin at panatilihing gayon at ayon sa awtoridad na ipinagkaloob ng Diyos sa tao sa paglalagay sa kanya bilang puno ng kanyang sambahayan.

“… Walang mas mataas na awtoridad sa mga bagay na may kaugnayan sa pamilya, at lalo na kung ang samahang iyon ay pinamumunuan ng isang taong may mataas na priesthood, maliban sa ama… . Banal ang pinagmulan ng orden ng patriarch at magpapatuloy ito sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. Kung gayon may partikular na dahilan kung bakit dapat maunawaan ng kalalakihan at kababaihan ang orden at karapatang ito sa sambahayan ng mga tao ng Diyos. Dapat nilang sikaping gawin ang layon ng Diyos dito, ang gawing karapat- dapat at handa para sa pinakamataas na kadakilaan ang Kanyang mga anak. Sa tahanan ang awtoridad ng pamumuno ay laging nasa ama, at sa lahat ng bagay na nauukol sa tahanan at pamilya ay walang iba pang awtoridad na mas mataas pa rito.”15

May nabanggit akong ilang sipi na hindi ko natukoy kung kanino galing. May dahilan kung bakit ginawa ko ito. Malinaw na isusulat ang mga ito sa talababa ng Ensign at Liahona sa Mayo. Inaanyayahan ko kayo na pag-aralan ito habang binabasa ninyo ang mga mensaheng ito ng kumperensya. Dapat mayroon kayo sa bahay ng magagandang magasing ito. Ito’y upang manatiling buhay ang diwa ng kumperensyang ito sa buong taon sa mga pahina ng ating mga magasin.

Nawa’y pakinggan natin ang tinig ng mga propeta, na, mula pa sa simula, ay nagbabala na sa atin tungkol sa kahalagahan ng mga ama sa tahanan. Nawa’y mas sikapin nating gampanan ang mga tungkulin at responsibilidad na ibinigay ng Panginoon sa atin bilang mga ama sa Sion, ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga tala

  1. Lucas 22:41–43.

  2. Exodo 18:14–15, 17–18.

  3. Exodo 18:22.

  4. Mosias 27:10–14.

  5. Tingnan sa David Blankenhorn, Fatherless America: Confronting Our Most Urgent Social Problem (1995), pambungad, 25–48; David Popenoe, Life without Father (1996), 52–78.

  6. Liahona, Okt. 1998, 24; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  7. Ang Korum ng Labindalawang Apostol, Father Consider Your Ways: A Message from The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints (polyeto, 1973); muling inilimbag sa Ensign, Hunyo 2002, 16.

  8. Ensign, Hunyo 2002, 16.

  9. “Worship in the Home,” Improvement Era, Dis. 1903, 138.

  10. Sa Conference Report, Okt. 1996, 68; o Ensign, Nob. 1996, 49.

  11. Tingnan sa Genesis 2:24.

  12. Improvement Era, Dis. 1903, 138.

  13. Ensign, Hunyo 2002, 14.

  14. Sa Conference Report, Okt. 1987, 60–61; o Ensign, Nob. 1987, 49.

  15. Joseph F. Smith, “The Rights of Fatherhood,” Juvenile Instructor, 1 Mar. 1902, 146.