2004
Paano Mamuhay nang Maayos sa Gitna ng Tumitinding Kasamaan
Mayo 2004


Paano Mamuhay nang Maayos sa Gitna ng Tumitinding Kasamaan

Sa patuloy na pagtuon ng puso’t isipan ninyo sa [Panginoon], tutulungan Niya kayong mabuhay nang mayaman at masagana anuman ang mangyari sa inyong paligid.

Maiinam na mungkahi ang ibinigay sa atin sa kumperensyang ito kung paano lalabanan ang lumalalang sitwasyon ng daigdig. Bilang propeta ng Diyos, nilinaw na mabuti ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang kalagayan ng mundo at mga oportunidad natin. Dalawa sa mga komentaryo niya sa mga pinuno ng priesthood at auxiliary kamakailan ang naglalarawan ng pangitaing iyon. Una hinggil sa hamong kinakaharap natin:

“Matindi ang pag-atake sa tradisyonal na pamilya. Di ko alam na malala pala ito noong kapanahunan ng Sodoma at Gomorra… . Ganito rin ang nakikita nating nangyayari ngayon. Laganap ito sa buong mundo. Palagay ko’y tumatangis ang ating Ama habang nakatunghay Siya sa mga suwail Niyang anak.”1

Ngayon patungkol sa ating di-pangkaraniwang mga oportunidad:

“Sino ang mag-aakala noong kasisimula pa lang ng Simbahan na magkakaroon tayo ng ganitong oportunidad? … Kahanga-hanga ang kalagayan ng Simbahan… . Uunlad ito at lalakas… . Oportunidad at hamon para sa atin ang ipagpatuloy ang dakilang gawaing ito, at ang kahihinatnan nito ay di natin halos maisip.”2

Makakapili kayo. Maaari kayong mabagabag at mag-alala para sa hinaharap o piliin ninyong dinggin ang payo ng Panginoon na mamuhay nang mapayapa at maligaya sa mundong nababalot ng kasamaan. Kung pipiliin ninyong tumuon sa kasamaan ng mundo iyon ang makikita ninyo. Halos buong mundo ay nalulunod sa umaapaw na imoralidad, sa pagtalikod sa dangal, kabutihan, personal na integridad, tradisyonal na pag-aasawa, at buhay-pamilya. Ang Sodoma at Gomorra ang halimbawa ng buhay na walang kabanalan sa Lumang Tipan. Bukod-tangi ito noon; ngayon ay laganap na sa buong daigdig ang kalagayang iyon. Sanay gumamit si Satanas ng kapangyarihan ng lahat ng uri ng media at komunikasyon. Ang kanyang tagumpay ay lalong nagpaibayo sa lawak at paggamit ng gayong nakahihiya at mapaminsalang impluwensya sa buong mundo. Noong araw mahirap makita ang gayong uri ng kasamaan. Ngayo’y talamak na ito sa halos lahat ng sulok ng mundo. Hindi natin mapipigil ang pagdami ng impluwensya ng kasamaan dahil gawa ito ng taong ginagamit ang kalayaan nilang pumili, kalayaang ipinagkaloob sa kanila ng ating Ama sa Langit. Ngunit kaya natin at dapat tayong magbabala sa kahihinatnan ng paglapit sa nakatutukso at mapaminsalang impluwensya nito.

Tingnan natin ngayon ang mabuti. Sa kabila ng manaka-nakang kasamaan, ang mundo sa kabuuan ay napakaganda, puno ng maraming mabubuti at tapat na tao. Naglaan ng daan ang Diyos para mabuhay sa mundong ito nang hindi nahahawa sa nakapagpapababa ng pagkatao na mga impluwensyang nagkalat dito. Mabubuhay kayo nang matwid, sagana, mabuti, sa pamamagitan ng pagsunod sa plano ng pangangalagang nilikha ng inyong Ama sa Langit: ang Kanyang Plano ng Kaligayahan. Ito’y nasa mga banal na kasulatan at inspiradong mga pahayag ng Kanyang mga propeta. Lumikha Siya ng katawang espiritu para sa inyong intelihensya at pinapangyaring masiyahan kayo sa ganda ng inyong pisikal na katawan. Kapag ginamit ninyo ang katawang iyan sa paraang iniutos Niya, mag-iibayo ang inyong lakas at kakayahan, at makakaiwas kayo sa pagkakasala at pagpapalain kayo nang sagana.

Nang magpakita ang ating Diyos Amang Walang Hanggan at Kanyang Pinakamamahal na Anak kay Joseph Smith sa dakilang pangitaing iyon sa Sagradong Kakayuhan, muli Nilang ibinalik ang Plano ng Kaligayahan at lahat ng kailangan upang maisakatuparan ito. Bahagi ng panunumbalik na yaon ang karagdagang sagradong mga banal na kasulatan upang suportahan ang mahalagang talaan ng Biblia. Ang mahahalagang banal na kasulatang ito ay nasa Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, at Mahalagang Perlas. Batid ng ating Ama ang ating panahon. Inihanda Niya ang mga banal na kasulatan at naglaan ng patuloy na banal na patnubay upang tulungan tayo. Ang tulong na iyon ang titiyak na mabubuhay kayo nang mapayapa at maligaya sa gitna ng nag-iibayong kasamaan.

Pag-isipan ang mga talatang ito:

“Lahat ng bagay ay kinakailangang mangyari sa kanilang panahon. [Batid ng Diyos ang mga hamong haharapin natin kaya ibinigay ang payong ito.]

“Dahil dito, huwag mapagod sa paggawa ng mabuti, sapagkat kayo ay naglalagay ng saligan ng isang dakilang gawain. At mula sa maliliit na bagay nagmumula ang yaong dakila.

“Masdan, hinihingi ng Panginoon ang puso at may pagkukusang isipan; at ang may pagkukusa at ang masunurin ay kakainin ang taba ng lupain ng Sion sa mga huling araw na ito.”3

Walang katumbas ang pangakong iyan. Sa patuloy na pagtuon ng puso’t isipan ninyo sa Kanya, tutulungan Niya kayong mabuhay nang mayaman at masagana anuman ang mangyari sa inyong paligid.

Matalinong ipinayo ni Pablo, “Huwag kang padaig sa masama, kundi bagkus daigin mo ng mabuti ang masama.”4

Dapat nating tularan si Josue: “Piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran, … sa ganang akin at ng aking sangbahayan ay maglilingkod kami sa Panginoon.”5

Itinuro ni Jesus: “Maging matiisin sa mga paghihirap, sapagkat ikaw ay magdaranas ng marami; subalit tiisin ang mga ito, sapagkat, masdan, ako ay makakasama mo, maging sa katapusan ng iyong mga araw.”6 “Siya na matapat ay pagtatagumpayan ang lahat ng bagay, at dadakilain sa huling araw.”7

Sa huli ang huwarang ito ng tagumpay: “Lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya … [pagkaitan] ang sarili ng lahat ng kasamaan, at [ibigin] ang Diyos nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip at lakas … upang sa pamamagitan ng kanyang biyaya kayo ay maging ganap kay Cristo.”8

Alam ko na magpapasigla at magpapala ang plano ng kaligayahan sa mga namumuhay nito kahit saan.

Noong Bisperas ng Pasko, 37 taon na ang nakalilipas, sa liwanag ng bilog na buwan, inakyat ko ang maliit na burol sa malayong nayon ng Quiriza, Bolivia. Kami ng apat na kabataang elder ay ginugol ang buong maghapon sa paglalakad sa pagitan ng dalawang bundok sa isang mapanganib na daan. Tapos ay nagpakahirap kaming umakyat sa pampang para malaman kung makakatulong ang mga turo ng Tagapagligtas sa mga taong nagdarahop. Nakapanlulumo ang nakita namin sa maghapong iyon—payat na mga bata, matatandang nabubuhay sa kakaunting tanim, ilang taong ang mga mata’y lango sa alak at droga. Minasdan ko ang tigang na munting nayon sa ibaba; isang tumpok ng mga dampang hinagupit ng malupit na kapaligiran. Ang tanging ebidensya ng buhay dito ay ang pagtahol ng mga asong naghahanap ng pagkain. Walang kuryente, telepono, tubig, kalye, wastong kalinisan, ni mga doktor. Tila wala talagang pag-asa. Subalit isang taimtim na dasal ang tumiyak na dapat kaming maparoon. Nakatagpo kami ng mapakumbabang mga tao na yumakap sa ipinanumbalik na ebanghelyo na may determinasyong ipamuhay ito. Ginawa nila iyon sa gitna ng malulupit na kalagayan kung saan talamak ang karukhaan, alak, droga, panggagaway, at imoralidad.

Sa patnubay ng napakagagaling na misyonero, natutong magsikap ang mga tao na pagyamanin ang kabukiran. Nakapag-ani sila ng masusustansyang gulay at nag-alaga ng mga kuneho para pagkunan ng protina. Ngunit ang pinakamagandang aral ay nagmula sa minamahal na mga misyonero at tinuruan nila ang mga ito tungkol sa isang Diyos na nagmamahal sa kanila, isang Tagapagligtas na nagbuwis ng buhay upang sila’y magtagumpay. Nagsimulang magbago ang kanilang pisikal na anyo. Ang liwanag ng katotohanan ay makikita sa kanilang masasayang mukha. Matiyagang itinuro ng mga tapat na sugo ng Panginoon ang katotohanan sa mga handang tao. Ang mga mag-asawa ay natutong magkasundo, magturo ng katotohanan sa kanilang mga anak, magdasal at madama ang patnubay ng Espiritu.

Pinanood ko ang isang anim-na- taong-gulang na batang lalaking matamang inobserbahan ang aming serbisyo sa binyag at inakto sa nakababata niyang kapatid na babae ang nakita niya. Maingat niyang inayos ang mga kamay nito, itinaas nang paparisukat ang munti niyang braso, umusal ng mga salita, marahang ibinaba nang patihaya ang kapatid sa mainit na lupa, inakay ito sa isang malaking bato kung saan niya ito kinumpirma, at kinamayan ito. Napakabilis matuto ng kabataan. Naging masunurin sila sa liwanag ng katotohanang itinuro ng mga misyonero at pagkaraa’y ng sarili nilang mga magulang. Sa pamamagitan ng pananampalataya at pagsunod, nakita ko kung paano dinaig ng henerasyon ng mga kabataang bininyagan sa nayong iyon ang kawalang-pag-asa. Ang ilan ay naging mga misyonero pa, nagtapos sa mga unibersidad, at nabuklod sa templo. Sa kanilang kasipagan at pagsunod, nagkaroon sila ng layunin at tagumpay sa buhay sa kabila ng dating malupit at masamang kapaligiran. Kung magagawa ito sa Quiriza, Bolivia, magagawa ito saanman.

Napuna ba ninyo kung paano gumagawa si Satanas upang mabihag ang isipan at damdamin sa pamamagitan ng labis na mararangyang larawan, maingay na musika, at pagpukaw sa damdamin. Sinisikap niyang mabuti na punuin ang buhay ng aksyon, libangan, at pagpukaw upang hindi mapag-isipan ninuman ang mga ibubunga ng kanyang mapanuksong paanyaya. Isipin ninyo ito. Ang iba ay natutuksong labagin ang pinakapangunahing mga utos ng Diyos dahil sa mga mapang-akit na kilos na ipinakikitang katanggap- tanggap. Ginagawang kaakit-akit ang mga ito, at kahali-halina. Para bang wala namang ibubungang masama, bagkus ito’y tila walang katapusang kagalakan at kaligayahan. Ngunit dapat ninyong malaman na ang mga pagtatanghal na iyon ay kontrolado ng mga skrip at aktor. Ang kahihinatnan ng mga desisyong ginawa ay kontrolado rin ayon sa nais ng prodyuser.

Hindi ganyan ang buhay. Oo nga’t hinahayaan ng konsiyensya na piliin ninyo ang gusto ninyo, ngunit hindi ninyo makokontrol ang kahihinatnan ng mga pagpiling iyon. Di gaya ng mga bulaang likha ng tao, nalalaman ng ating Ama sa Langit ang mga kahihinatnan ng inyong mga pagpili. Ang pagsunod ay magdudulot ng kaligayahan samantalang ang paglabag sa Kanyang mga utos ay hindi.

Isipin ang buhay ng mga taong lumilikha ng mga bagay na para sa iba ay nakabibihag na mga larawan ng buhay. Karaniwa’y bumabaling sila sa pinakamasama sa nakapipinsalang mga impluwensyang mapang-akit nilang ipinakikita sa media. Maaaring mayaman sila, ngunit sila ay miserable at walang konsiyensya. Tunay na ang pahayag ni Alma, na inspiradong propeta at mahabaging ama, ay may kaugnayan sa kanilang buhay: “ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan.”9

Kung natutukso kayo na sumubok ng nakaaakit na mga handog ni Lucifer, tahimik munang suriin ang di-maiiwasang kahihinatnan ng gayong mga pagpili at hindi kayo mapapariwara. Kailanma’y hindi ninyo matitikman ang mga bagay na ipinagbawal ng Diyos, na wawasak sa kaligayahan at magpapaagnas sa espirituwal na patnubay, nang hindi napapahamak.

Kung nagkamali kayo sa pagpili, magpasiya sana kayong magbalik-loob sa Panginoon ngayon. Alam ninyo kung paano magsimula. Gawin ito ngayon. Mahal namin kayo. Kailangan namin kayo. Tutulungan kayo ng Diyos.

Habang bata pa kayo, bagama’t mukhang mahirap ang buhay ngayon, manangan sa gabay na bakal na iyon ng katotohanan. Umuunlad kayo nang higit kaysa akala ninyo. Nagpapatibay ng pagkatao, disiplina, at tiwala sa mga pangako ng inyong Ama sa Langit at sa Tagapagligtas ang inyong mga pagpupunyagi habang patuloy ninyong sinusunod ang Kanilang mga utos. Napakahalaga ninyo. Kailangang-kailangan kayo. Kakaunti ang handang magsakripisyong tulad ninyo para mamuhay nang matwid. Maaari kayong magkaroon ng sensitibong pakiramdam, pagmamahal, at kabaitan upang matamo ang ibayong kaligayahan sa loob ng tipan ng walang hanggang kasal. Pagpapalain ninyo ang inyong mga anak ng kaalamang hindi maibibigay sa kanila ng mundo. Itatakda ng inyong halimbawa ang landas tungo sa matagumpay nilang buhay habang mas humihirap ang mundo. Kailangan kayo upang palakasin ang lumalaking kaharian ng Panginoon at maging uliran ng marami na salat sa liwanag ng katotohanang taglay ninyo.

Iwasan ang kasamaan ng mundo. Dapat ninyong malaman na ang Diyos ang namamahala. Darating ang panahon, ganap na mabibigo si Satanas at parurusahan sa kanyang kasamaan. May natatanging plano ang Diyos sa inyong buhay. Ihahayag Niya ang mga bahagi ng planong iyon sa inyo habang hinahanap ninyo ito nang may pananampalataya at patuloy na tatalima. Pinalaya kayo ng Kanyang Anak—hindi mula sa mga ibubunga ng inyong mga kilos, kundi upang malayang makapili. Ang walang hanggang layunin ng Diyos ay para sa inyo upang magtagumpay kayo sa buhay na ito. Gaano man kasama ang mundo, matatamo ninyo ang pagpapalang iyon. Hangarin at pakinggan ang personal na patnubay na hatid sa inyo ng Banal na Espiritu. Patuloy na mamuhay nang marapat para matanggap ito. Tulungan ang ibang nadarapa, at nalilito, na di tiyak kung anong landas ang tatahakin.

Ang kapanatagan ninyo ay nasa inyong Diyos Ama at sa Kanyang Mahal na Anak na si Jesucristo. Bilang isa sa Kanyang mga Apostol na binigyang-karapatang sumaksi sa Kanya, taimtim kong pinatototohanan na alam ko na ang Tagapagligtas ay buhay, na Siya ay isang niluwalhating katauhang ganap ang pag-ibig na nabuhay na mag-uli. Siya ang inyong pag-asa, inyong Tagapamagitan, at inyong Manunubos. Sa inyong pagsunod, hayaang gabayan Niya kayo tungo sa kapayapaan at kaligayahan sa gitna ng nag-iibayong kasamaan sa mundo, sa ngalan ni Jesucristo, amen.

Mga tala

  1. “Pananatiling Matatag at Di Natitinag,” Pandaigdigang Pulong sa Pagsasanay sa Pamumuno; 10 Ene. 2004, 20.

  2. “Ang Katayuan ng Simbahan,” Liahona, Nob. 2003, 4, 7.

  3. D at T 64:32–34.

  4. Mga Taga Roma 12:21.

  5. Josue 24:15.

  6. D at T 24:8.

  7. D at T 75:16.

  8. Moroni 10:32.

  9. Alma 41:10.