2004
Sa Lakas ng Panginoon
Mayo 2004


Sa Lakas ng Panginoon

Kailangan natin ng kakaibang lakas para masunod ang mga utos anuman ang mangyari sa buhay natin.

Noong kabinataan ko, naglingkod ako sa Simbahan bilang tagapayo sa isang matalinong district president. Sinubukan niya akong turuan. Isa sa mga bagay na naaalala kong pinagtakhan ko ay ang payo niyang: “Kapag may nakakilala ka, tratuhin mo sila na parang mabigat ang problema nila … at mas malamang na tama ka.”

Akala ko noon ay negatibo lang siya. Ngayon, mahigit 40 taon na ang nakararaan, nakita ko kung gaano niya lubos na naunawaan ang mundo at buhay. Sa paglipas ng panahon, nagiging mas malaking hamon ang mundo, at unti-unti tayong humihina sa ating pagtanda. Malinaw na kailangan natin ng higit pa sa lakas ng tao. Tama ang Mang-aawit: “Ngunit ang kaligtasan ng matuwid ay sa Panginoon: Siya’y ang kanilang kuta sa panahon ng kabagabagan.”1

Tinutulungan tayo ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo na malaman kung paano maging marapat sa lakas ng Panginoon sa pakikitungo natin sa kaaway. Sinasabi nito kung bakit may mga pagsubok tayo sa buhay. At, higit pa rito, sinasabi nito kung paano tayo pangangalagaan at tutulungan ng Panginoon.

May haharapin tayong mga pagsubok dahil mahal tayo ng ating Ama sa Langit. Layon Niyang tulungan tayong makamit ang biyayang makapiling Siya at ang Kanyang Anak na si Jesucristo, magpakailanman sa kaluwalhatian at kasama ang pamilya. Para maging marapat dito kinailangan nating magkatawang-tao. Sa pagkakaroon ng katawang-tao naunawaan natin na tayo’y susubukin sa mga tukso at kahirapan.

Hindi lang itinuturo sa atin ng ipinanumbalik na ebanghelyo kung bakit tayo kailangang subukin, kundi nililinaw din nito kung ano ang pagsubok. Ipinaliwanag ito sa atin ni Propetang Joseph Smith. Sa paghahayag, naitala niya ang mga salitang binigkas sa Paglikha ng mundo. Ito’y tungkol sa atin, na mga espiritung anak ng Ama sa Langit na paparito sa lupa. Narito ang mga salita:

“At susubukin natin sila upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos.”2

Ang paliwanag na iyan ay nagpapaunawa sa atin kung bakit may mga pagsubok tayo sa buhay. Dito napapatunayan ang katapatan natin sa Diyos. Maraming nagpapahirap sa atin sa buhay na parang hindi natin kayang tiisin. Iyan ang kahulugan sa akin ng mga salita sa banal na kasulatang, “Kayo ay magtiis hanggang wakas”3 nang una kong mabasa ito. Nakakatakot, na parang pag-upo at pagkapit sa silya habang binubunutan ako ng ngipin.

Maaaring ganyan ang nangyayari sa pamilyang umaasa sa mga tanim kapag walang ulan. Maaari silang mag-isip: “Gaano katagal tayo makakatiis?” Maaaring ganyan ang tingin ng kabataang umiiwas sa mabilis na paglaganap ng mga imoralidad at tukso. Maaaring ganyan ang tingin ng binatang nagsisikap pag-aralan ang kailangan niyang matutuhan para makapagtrabaho at maitaguyod ang asawa at pamilya. Maaaring ganyan ang tingin ng taong walang makitang trabaho o sunud-sunod na nawalan sa trabaho dahil bumagsak ang mga negosyo. Maaaring ganyan ang tingin ng taong maysakit at nanghihina, na maaaring dumating sa kabataan o katandaan nila o ng kanilang mga mahal sa buhay.

Ngunit ang pagsubok sa atin ng mapagmahal na Diyos ay hindi upang malaman kung matitiis natin ang hirap, kundi kung matitiis natin ito nang husto. Nalalampasan natin ang pagsubok sa pagpapakita na naaalala natin Siya at ang mga utos Niya sa atin. At ang pagtitiis nang husto ay pagsunod sa mga utos na iyon anuman ang oposisyon, tukso, at kaguluhan sa ating paligid. Malinaw natin iyang nauunawaan dahil nilinaw nang husto ng ipinanumbalik na ebanghelyo ang plano ng kaligayahan.

Nakikita natin sa kalinawang iyan kung anong tulong ang kailangan natin. Kailangan natin ng kakaibang lakas para masunod ang mga utos anuman ang mangyari sa buhay natin. Sa ilan maaaring ito’y kahirapan, ngunit sa iba nama’y kasaganaan. Maaaring ito’y kahinaan sa pagtanda o sobrang sigla ng kabataan. Ang pinagsamang mga pagsubok at tagal ng mga ito ay magkakaibang tulad ng mga anak ng ating Ama sa Langit. Walang magkakatulad. Ngunit iisa lang ang sinusubukan, sa buong buhay natin at sa bawat tao: gagawin ba natin ang anumang iutos sa atin ng Diyos?

Ang malaman kung bakit tayo sinusubukan at kung ano ang pagsubok ay nagpapaalam kung paano tayo hihingi ng tulong. Kailangan nating lumapit sa Diyos. Siya ang nag-uutos sa atin. At kailangan natin ng kakaibang lakas para masunod ito.

Muli, nilinaw ng ipinanumbalik na ebanghelyo ang mga simpleng bagay na dapat nating gawin. At nagkakaroon tayo ng tiwala na darating ang tulong na kailangan natin kung agad at patuloy nating gagawin ang mga iyon, bago pa dumating ang krisis.

Ang una, ikalawa, at huling bagay na dapat gawin ay ang manalangin. Tinuruan tayo ng Tagapagligtas kung paano. Isa sa pinakamalilinaw na tagubilin ay nasa 3 Nephi:

“Masdan, katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na kinakailangan kayong mag-ingat at laging manalangin na baka kayo ay madala sa tukso; sapagkat nais ni Satanas na tayo ay maging kanya, upang matahip niya kayo na katulad ng trigo.

“Kaya nga, kinakailangan na lagi kayong manalangin sa Ama sa aking pangalan;

“At anuman ang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan, na tama, naniniwalang inyong tatanggapin, masdan, ipagkakaloob ito sa inyo.

“Manalangin kayo sa inyong mag-anak sa Ama, lagi sa aking pangalan, nang ang inyong mga asawa at inyong mga anak ay pagpalain.”4 Kaya, manalangin tayo tuwina.

Ang isa pang simpleng gawin para bigyan tayo ng Diyos ng lakas ay magpakabusog sa salita ng Diyos: basahin at pag-isipan ang mga aklat ng Simbahan at mga salita ng mga buhay na propeta. Nangako ng tulong ang Diyos kaakibat ng araw-araw na pagbabasa. Ang tapat na pag-aaral ng banal na kasulatan ay naglalapit sa atin sa Espiritu Santo. May pangako sa Aklat ni Mormon, ngunit angkop din ito sa lahat ng salita na bigay at ibibigay sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta.

“Masdan, nais kong ipayo sa inyo na kung inyong mababasa ang mga bagay na ito, kung karunungan sa Diyos na mabasa ninyo ang mga yaon, na inyong maalaala kung paano naging maawain ang Panginoon sa mga anak ng tao, mula sa paglikha kay Adan, maging hanggang sa panahong inyong matanggap ang mga bagay na ito, at pagbulay-bulayin ang mga yaon sa inyong mga puso.

“At kapag inyong matanggap ang mga bagay na ito, ipinapayo ko sa inyo na itanong ninyo sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo, kung ang mga bagay na ito ay hindi totoo; at kung kayo ay magtatanong nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo, kanyang ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

“At sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay.”5

Dapat nating angkinin ang pangako hindi lang minsan ni para lang sa Aklat ni Mormon. Tiyak ang pangako. Tunay na makapangyarihan ang Espiritu Santo. Paulit-ulit itong darating. At ang katotohanang lagi nitong patutunayan ay si Jesus ang Cristo.

Ilalapit tayo ng patotoong iyon sa Tagapagligtas at sa pagtanggap ng tulong Niya sa lahat ng sinusubukan sa buhay na ito. Ilang ulit Niyang sinabi na titipunin Niya tayo tulad ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang mga sisiw. Sinabi Niya na kailangan nating piliing lumapit sa Kanya nang may kapakumbabaan at sapat na pananampalataya sa Kanya upang magsisi nang “buong layunin ng puso.”6

Isang paraan para magawa ito ay ang makipagtipon sa mga Banal sa Kanyang Simbahan. Dumalo sa inyong mga miting, kahit parang mahirap. Kung desidido kayo, bibigyan Niya kayo ng lakas na gawin iyon.

Sumulat sa akin ang isang miyembrong taga England. Nang tanungin ng bishop niya kung tatanggap siya ng tawag na magturo ng maagang seminary, sinabi ng bishop na dapat niyang ipagdasal ito bago tanggapin. Nagdasal siya. Tinanggap niya. Nang pulungin niya ang mga magulang sa unang pagkakataon tumabi sa kanya ang bishop. Sinabi niyang baka dapat gawing limang araw sa isang linggo ang programa. Medyo duda ang ilang magulang. Sabi ng isa, “Hindi sila darating. Hindi sila dadalo.”

Medyo tama ang kutob nila. Hindi nga nagsidalo ang mga estudyante. Pero ang dumadalo ngayon sa malamig at madilim na umaga ay mahigit 90 porsiyento. Ang gurong iyon at ang bishop ay naniwala na kung dadalo ang mga estudyante magkakaroon sila ng kakaibang kapangyarihan. Totoo nga. Pangangalagaan sila ng kapangyarihang iyon kapag napunta sila sa mga lugar na sila lang ang miyembro ng Simbahan. Hindi sila mag-iisa ni mawawalan ng lakas, dahil tinanggap nila ang paanyayang makipagtipon sa mga Banal kahit mahirap iyong gawin.

Ang lakas na iyon ay ibinibigay kapwa sa matanda at bata. May kilala akong balo na mahigit 90 anyos na. Naka-wheelchair siya. Nagdarasal din siyang tulad ninyo, humihingi ng tulong para malutas ang mga problemang hindi niya kayang lutasin. Nadarama niya ang sagot sa kanyang puso. Tinuturuan siya nitong sundin ang isang utos: “At masdan, kayo ay magtipun-tipon nang madalas.”7 Kaya humanap siya ng paraan para makadalo sa kanyang mga miting. Sinabi sa akin ng mga taong dumadalo roon na, “Tuwang-tuwa kaming makita siya. Masaya siyang kasama.”

Nakikibahagi siya sa sakrament at nagpapanibago ng tipan. Inaalala niya ang Tagapagligtas at sinisikap sundin ang Kanyang mga utos. Kaya lagi niyang kasama ang Kanyang Espiritu, tuwina. Maaaring di malutas ang kanyang mga problema. Marami doo’y bunga ng pagpili ng iba, at maging ang Ama sa Langit na nakikinig sa kanyang mga dasal at nagmamahal sa kanya ay hindi mapipilit ang iba na piliin ang tama. Ngunit siya ay maihahatid Niya sa kaligtasang hatid ng Tagapagligtas at sa pangakong sasakanya ang Espiritu ng Panginoon. Kaya tiyak ko, sa lakas ng Panginoon, na malalampasan niya ang pagsubok, dahil sinusunod niya ang utos na makipagtipon sa mga Banal. Iyan ay kapwa katibayan ng pagtitiis nang husto at pinagmumulan ng kanyang lakas sa mga pagsubok na darating.

May isa pang simpleng gagawin. Ipinanumbalik na ang Simbahan ng Panginoon, kaya anumang tawag na maglingkod dito ay tawag na maglingkod sa Kanya. Ang bishop na iyon sa England ay napakatalino. Sinabi niya rito na ipagdasal ang tungkol sa tawag nitong maglingkod. Alam niya ang sagot na tatanggapin ng babae. Iyon ay paanyaya mula sa Ama at sa Kanyang Mahal na Anak. Alam niya kung ano ang natutuhan ng babae sa pagtugon sa tawag ng Guro. Sa paglilingkod sa Kanya kasama ang Espiritu Santo ng mga nagsisikap gawin ang lahat ng kaya nila. Nadama niya siguro iyon nang humarap siya sa mga magulang at makitang hindi dumadalo ang mga estudyante. Ang mukhang mahirap, at halos imposible niyang mapangyari, ay naging galak sa lakas ng Panginoon.

Kapag binabasa at pinagninilay niya ang mga banal na kasulatan at nagdarasal upang makapaghanda sa mga klaseng iyon, alam niyang hiniling ng Tagapagligtas sa Ama na isugo sa kanya ang Espiritu Santo, tulad ng pangako Niya sa Kanyang mga disipulo sa Huling Hapunan, nang malaman Niya ang mga pagsubok na haharapin nila at na iiwan Niya sila. Hindi Niya sila iniwang nag-iisa. Ipinangako Niya ang Espiritu Santo, at ipinangako Niya ito sa paglilingkod natin sa Kanya. Sa gayon, tuwing aanyayahan kayong maglingkod, tanggapin ito. Hatid nito ang tulong na malampasan ang mga pagsubok na higit pa sa kailangan ng tungkuling yaon.

Hindi lahat ngayon ay tinatawag maglingkod. Ngunit naglilingkod sa Guro ang bawat disipulo sa pagpapatotoo at kabaitan sa mga taong nakapaligid sa kanila. Lahat ng nabinyagan ay nangakong gagawin iyon. At kakamtin ng lahat ang pagsama ng Espiritu sa pagsisikap nilang tuparin ang pangako nila sa Diyos.

Sa paglilingkod sa Guro, makikilala ninyo Siya at mamahalin. Kung matiyaga kayong manalangin at tapat na maglilingkod, madarama ninyong kapiling ninyo ang Espiritu Santo. Marami sa atin ang matagal nang tapat na nakapaglingkod at nadama ito. Kung iisipin ninyo ang nakaraan, maaalala ninyo na may mga nagbago sa inyo. Ang tuksong gumawa ng masama ay tila nabawasan. Ang hangaring gumawa ng mabuti ay nag-ibayo. Masasabi siguro ng mga lubos na nakakakilala at nagmamahal sa inyo na: “Mas mabait ka na, at mas matiyaga. Parang hindi ka na tulad ng dati.”

Hindi ka na tulad ng dati dahil tunay ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. At tunay ang pangako na maaari tayong mapanibago, magbago, at magpakabuti. At mas tatatag tayo sa mga pagsubok ng buhay. Hahayo tayo ngayon sa lakas ng Panginoon, lakas na dulot ng paglilingkod sa Kanya. Kasama natin Siya. At darating ang oras na tayo ay magiging subok at mas matatag na mga disipulo.

At mapupuna ninyo ang pagbabago sa inyong mga dalangin. Mas magiging taimtim at madalas ito. Iba ang magiging kahulugan sa inyo ng mga salitang binibigkas ninyo. Sa utos, lagi tayong nagdarasal sa Ama sa ngalan ni Jesucristo. Ngunit madaragdagan ang tiwala ninyo habang nagdarasal kayo sa Ama, dahil alam ninyo na kayo’y pinagtitiwalaan at subok na disipulo ni Jesucristo. Bibigyan kayo ng Ama ng dagdag na kapayapaan at lakas sa buhay na ito kasama ang maligayang pag-asam na marinig ang mga salita, kapag tapos na ang pagsubok, “Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin.”8

Alam kong buhay ang Diyos Ama. Pinatototohanan ko na dinidinig at sinasagot Niya ang bawat dasal natin. Alam ko na binayaran ng Kanyang Anak na si Jesucristo ang ating mga sala at gusto Niyang lumapit tayo sa Kanya. Alam ko na gusto ng Ama at ng Anak na malampasan natin ang mga pagsubok sa buhay. Pinatototohanan ko na inihanda Nila ang daan para sa atin. Sa Panunumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw, naging malinaw sa atin ang daan. Malalaman natin ang mga utos. May karapatan tayong kamtin ang pangakong makasama ang Espiritu Santo sa tunay na Simbahan ni Jesucristo. At makapagtitiis tayo nang husto. Sa ngalan ni Jesucristo, amen.

Mga tala

  1. Mga Awit 37:39.

  2. Abraham 3:25.

  3. 2 Nephi 31:20.

  4. 3 Nephi 18:18–21.

  5. Moroni 10:3–5.

  6. 3 Nephi 10:6.

  7. 3 Nephi 18:22.

  8. Mateo 25:21.