Ang Aking Kaluluwa ay Nalulugod sa mga Banal na Kasulatan
Kung hindi pa ninyo nakakagawiang mag-aral ng banal na kasulatan araw-araw, simulan ito ngayon at patuloy na mag-aral.
Noong bagong kasal ako, hiniling ko sa biyenan ko, na napakagaling magluto, na turuan niya akong gumawa ng masarap niyang dinner roll. Nangingislap ang mga matang sinabi niya na 25 taon ang gugugulin para makagawa ng masarap na roll! Tapos idinagdag niyang, “Buti pa simulan mo nang gumawa ng ilan.” Sinunod ko ang payo niya at maraming masasarap na dinner roll ang pinagsaluhan namin sa bahay.
Halos kasabay noon, naanyayahan ako sa isang tanghalian para sa mga Relief Society Sisters sa aking ward na nakabasa na ng Aklat ni Mormon o maikling aklat ng kasaysayan ng Simbahan. Paminsan-minsan lang ako magbasa ng mga banal na kasulatan, kaya para makasama sa tanghalian, nagbasa ako ng maikling aklat dahil mas madali iyon at sandali lang basahin. Habang nanananghalian ako, damang-dama ko na bagama’t magandang basahin ang aklat ng kasaysayan, dapat ay Aklat ni Mormon ang binasa ko. Hinihikayat ako ng Espiritu Santo na baguhin ang gawi ko sa pagbabasa ng banal na kasulatan. Sa mismong araw na iyon sinimulan kong basahin ang Aklat ni Mormon at hindi na tinigilan ito. Bagama’t hindi ko itinuturing ang sarili ko na dalubhasa sa banal na kasulatan, talagang gustung-gusto kong basahin ang mga ito at nagpapasalamat ako’t nasimulan ko ang panghabambuhay na gawi na basahin ito. Imposibleng matutuhan ang mga aralin sa banal na kasulatan sa minsanang pagbasa lang nito o sa pagbasa ng mga piling talata sa klase.
Magandang matutuhan ang paggawa ng roll sa bahay. Habang hinuhurno ko ito, napupuno ang bahay ng masarap na amoy nito. Naipapakita kong mahal ko ang pamilya ko sa pagbabahagi ng isang bagay na gawa ko. Kapag nag-aaral ako ng mga banal na kasulatan, napupuspos ng Espiritu ng Panginoon ang aking tahanan. Nagkakaroon ako ng mahalagang pag-unawa na ibinabahagi ko sa pamilya ko at nag-iibayo ang pagmamahal ko sa kanila. Sinabi sa atin ng Panginoon na ang ating panahon ay dapat “ilaan … sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan” (D at T 26:1) at na “ang Aklat ni Mormon at ang mga banal na kasulatan ay ibinigay … para sa [ating] ikabubuti” (D at T 33:16). Bawat babae ay maaaring magturo ng doktrina ng ebanghelyo sa kanyang tahanan at bawat kapatid na babae sa Simbahan ay nangangailangan ng kaalaman sa ebanghelyo bilang lider at guro. Kung hindi pa ninyo nakakagawiang mag-aral ng banal na kasulatan araw-araw, simulan ito ngayon at patuloy na mag-aral upang maging handa sa inyong mga responsibilidad sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.
Hindi naging laging tagumpay ang mga una kong pagtatangkang gumawa ng roll at magbasa ng banal na kasulatan, pero dumali ito sa paglipas ng panahon. Para sa dalawang mithiing ito, kailangan kong matuto ng tamang pamamaraan at malaman ang mga tamang gagawin. Ang susi ay ang simulan ito at paulit-ulit itong gawin. Isang magandang paraan para simulan ang pag-aaral ng banal na kasulatan ay “ihalintulad” ito sa ating sarili (tingnan sa 1 Nephi 19:23). Ang ilan ay nagsisimula sa pagpili ng paksang kailangan pa nilang pag-aaralan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. O kaya’y sinisimulan nila ito sa umpisa ng isang aklat sa banal na kasulatan at naghahanap ng partikular na aral habang nagbabasa sila.
Halimbawa, nang matawag ako bilang lider ng Young Women, bumili ako ng bagong set ng banal na kasulatan at habang binabasa ko at minamarkahan ang mga ito, naghanap ako ng mga bagay na makakatulong sa akin sa tungkulin ko. Kung minsan naglalagay ako ng makukulay na piraso ng papel sa mga banal na kasulatan ko kaya madali kong makita ang mga paksa o temang pinag-aaralan ko. May mga tab ako sa aking banal na kasulatan para sa maraming paborito kong talata tungkol sa pagsisisi at Pagbabayad-sala upang makita ko agad ang mga ito kapag nagninilay-nilay ako tuwing sakrament. Karaniwan ay isinusulat ko ang natututuhan ko. Kung minsan isinisingit ko ang mga sulat na iyon sa mga banal na kasulatan ko at kung minsan nama’y isinusulat ko ito sa hiwalay na kuwaderno.
Paminsan-minsan bumibili ako ng bagong kopya ng Aklat ni Mormon. Kapag sinisimulan ko nang basahin ang bagong aklat na iyon, sumusulat ako sa gilid ng pahina para may rekord ako ng mga natututuhan ko habang nag-aaral. Para maalala ko ang natututuhan ko, ginuguhitan ko ito para pag-ugnayin ang mga ideya. Kinukulayan at sinasalungguhitan ko ang mga pangunahing salita. Kapag nakakakita ako ng magkakaugnay na ideya, gumagawa ako ng scripture chain para pag-ugnay-ugnayin ang mga ideyang iyon (tingnan sa “Pag-uugnay ng mga Banal na Kasulatan,” Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [1999], 71). Gusto kong isipin na isang workbook ang aking mga banal na kasulatan, kaya minsan itinatala ko kung saan ako naroon nang magkaroon ako ng ideya o ang pangalan ng taong nagturo sa akin. Sa paraang iyon nananariwa sa alaala ko ang karanasang iyon kapag binabasa kong muli ang talatang iyon.
Marami sa inyo ang nag-aaral ng iba’t ibang wika. Baka gusto ninyong simulang basahin ang Aklat ni Mormon sa ibang wika. Kapag binabasa ninyo ang banal na kasulatan sa ibang wika, natututuhan ninyo ang ibig sabihin ng mga salita sa bagong paraan. May mga taong nagsisimula sa paghahanap ng sagot sa kanilang mga tanong. Gusto nilang malaman kung sino sila at kung ano ang dapat nilang ginagawa sa kanilang buhay. Iminungkahi ng isang kaibigan ko na simulan ko ito sa paghahanap ng mga itinatanong ng Panginoon sa atin sa mga banal na kasulatan at pag-isipan ito (tingnan sa John S. Tanner, “Responding to the Lord’s Questions,” Ensign, Abr. 2002, 26). Mula noon marami na akong natuklasang mahahalagang tanong tulad ng, “Ano ang ninanais mo?” (1 Nephi 11:2) at, “Ano ang akala ninyo tungkol kay Cristo?” (Mateo 22:42). Inilista ko ang mga tanong na iyon sa likod ng aking mga banal na kasulatan. Madalas akong pumili ng isang pag-iisipan sa mga tahimik na sandali dahil nagpapalinaw ng isipan ko ang pagninilay upang “mapagunawa [ko] ang mga kasulatan” (Lucas 24:45). Kapag wala sa tabi ko ang mga banal na kasulatan, sinisimulan ko ang pag-aaral sa pagrerebyu ng mga turong naisaulo ko. Sa pagbigkas ng Mga Saligan ng Pananampalataya o iba pang mga talata sa sarili ko, napapanatili ko ito sa isip ko.
Sa anumang paraan sinisimulan ng isang tao ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan, ang susi sa pagtuklas ng mahalagang kaalaman ay ang patuloy na pag-aaral. Hindi ako nagsasawang tuklasin ang saganang yaman ng katotohanaan sa mga banal na kasulatan dahil nagtuturo ang mga ito nang “buong linaw, maging kasinglinaw ng isang salita” (2 Nephi 32:7). Ang mga banal na kasulatan ay “nangagpapatotoo tungkol [kay Cristo]” (tingnan sa Juan 5:39). Sila ay “magsasabi sa [atin] ng lahat ng bagay na dapat [nating] gawin” (tingnan sa 2 Nephi 32:3). Ang mga ito ay “makapag[pa]padunong sa [atin tungo sa kaligtasan]” (II Kay Timoteo 3:15).
Sa pag-aaral ko ng banal na kasulatan at sa mga panalanging kaakibat nito, nagtamo ako ng kaalamang nagbibigay sa akin ng kapayapaan at tumutulong sa aking mapanatiling nakatuon ang aking lakas sa walang hanggang mga priyoridad. Dahil sinimulan kong magbasa ng mga banal na kasulatan araw-araw, natuto ako tungkol sa aking Ama sa Langit, sa Kanyang Anak na si Jesucristo, at tungkol sa kailangan kong gawin upang maging tulad Nila. Natuto ako tungkol sa Espiritu Santo at kung paano maging marapat na makapiling Siya. Natuto ako tungkol sa naiiba kong katangian bilang anak ng Diyos. Higit sa lahat, nalaman ko kung sino ako, bakit ako narito sa mundo, at ano ang dapat kong gawin sa buhay ko.
Noong bata pa si Propetang Joseph Smith may malaking tanong na bumagabag sa kanya. Sinimulan niyang magbasa ng mga banal na kasulatan at nakakita ng kalutasan sa Biblia (tingnan sa Santiago 1:5). Sabi niya, “Wala sa alinmang sipi sa banal na kasulatan ang nakapukaw nang may higit na kapangyarihan sa puso ng tao kaysa sa nagawa nito sa akin sa oras na ito.” Pinag-isipan niya ito nang “paulit-ulit” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:12). Dahil tumalima si Joseph sa nabasa niya sa mga banal na kasulatan, nalaman niya ang tungkol sa Ama sa Langit, sa Kanyang Anak na si Jesucristo, sa Espiritu Santo, at sa naiiba niyang katangian bilang anak ng Diyos. Nalaman ni Joseph kung sino siya, bakit siya narito sa mundo, at ano ang kailangan niyang gawin sa buhay na ito.
Napakahalaga ng mga banal na kasulatan kaya isinapalaran ni Nephi ang buhay niya para makakuha ng kopya nito. Gusto niyang “makita, marinig, at malaman” ito (1 Nephi 10:17). Kanyang “sinaliksik [ang mga banal na kasulatan] at natuklasan na ang mga iyon ay kanais-nais … [at] napakahalaga” (1 Nephi 5:21). Sa mga banal na kasulatan nalaman niya ang tungkol “sa mga gawain ng Panginoon sa ibang lupain, sa mga tao noon” (1 Nephi 19:22). Sinimulan niyang pag-aralan ang mga banal na kasulatan at nalaman ang tungkol sa Ama sa Langit, sa Kanyang Anak na si Jesucristo, sa Espiritu Santo, at ang kanyang naiibang katangian bilang anak ng Diyos. Nalaman niya kung sino siya at kung ano ang dapat gawin.
Malaki ang tiwala ko sa mga kabataang babae ng Simbahan. Sa pamamagitan ng inyong nakagawiang araw-araw na pagbabasa ng banal na kasulatan, kayo ay “naakay na maniwala sa mga banal na kasulatan, oo, sa mga propesiya ng mga banal na propeta, na nasusulat” (Helaman 15:7). Kayo ang magiging mga ina at lider na tutulong na ihanda ang susunod na henerasyon sa kaalaman at patotoo sa ebanghelyo. Ang inyong mga anak ay magiging kalalakihan at kababaihan ng pananampalataya na patuloy na magtatayo ng kaharian ng Diyos sa lupa dahil sa naituro ninyo sa kanila mula sa mga banal na kasulatan.
Kung hindi pa ninyo nakakagawian ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan, ngayon ang magandang araw para magsimula. Hindi naman gumugol ng 25 taon para matutong gumawa ng masasarap na roll. Kinailangan ko lang mahikayat para makapagsimula. Ang mga roll na gawang-bahay ay nagpasaya nang labis sa pamilya ko. Ngunit ang higit na saya ay nagmula sa nakagawiang araw-araw na pagbabasa ng banal na kasulatan na sinimulan ko maraming taon na ang nakalipas. Kung minsan nagbubuhos ako ng oras sa pagninilay-nilay ng mga banal na kasulatan. Kung magkaminsan naman ay ilang talata lang ang pinag-iisipan ko. Tulad ng pagbibigay-buhay ng pagkain at paghinga sa aking katawan, ang mga banal na kasulatan ang nagpapakain at nagbibigay-buhay sa aking espiritu. Masasabi ko na ang sinabi ni Nephi, “Ang aking kaluluwa ay nalulugod sa mga banal na kasulatan, at ang aking puso ay nagbubulay sa mga yaon… . Masdan, ang aking kaluluwa ay nalulugod sa mga bagay ng Panginoon; at ang aking puso ay patuloy na nagbubulay sa mga bagay na aking nakita at narinig” (2 Nephi 4:15–16). Sa ngalan ni Jesucristo, amen.