2004
Paghahanda para sa Ikalawang Pagparito
Mayo 2004


Paghahanda para sa Ikalawang Pagparito

Dapat tayong maghanda … sa espirituwal para sa mga kaganapang ipinropesiya sa oras ng Ikalawang Pagparito.

Sa makabagong paghahayag pinangakuan tayo na kung tayo’y handa hindi tayo dapat matakot (tingnan sa D at T 38:30). Una kong nalaman ang prinsipyong ito 60 taon na ang nakararaan noong maging Boy Scout ako at natutuhan ko ang sawikain ng Scout na: “Laging handa.” Ngayo’y naudyukan akong magsalita tungkol sa halaga ng paghahanda para sa pangyayaring magaganap na napakahalaga sa atin—ang Ikalawang Pagparito ng Panginoon.

Ang mga banal na kasulatan ay hitik ng mga reperensya tungkol sa Ikalawang Pagparito, na sabik na hinihintay ng mabubuti at kinatatakutan o itinatanggi ng masasama. Pinag-isipang mabuti ng matatapat sa lahat ng panahon ang pagkakasunud-sunod at kahulugan ng maraming kaganapang ipinropesiya bago at matapos ang pinakamahalagang bahaging ito ng kasaysayan.

Apat na bagay ang tiyak sa mga Banal sa mga Huling Araw: (1) Ang Tagapagligtas ay babalik sa lupa na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian para mamuno sa milenyo ng kabutihan at kapayapaan. (2) Pagdating Niya lilipulin ang masasama at mabubuhay na mag-uli ang mabubuti. (3) Walang nakaaalam sa oras ng Kanyang pagdating, ngunit (4) tinuturuan ang matatapat na pag-aralan ang mga palatandaan nito at paghandaan ito. Nais kong magsalita tungkol sa ikaapat na katotohanang ito: ang mga palatandaan ng Ikalawang Pagparito at ano ang dapat nating gawin para paghandaan ito.

I.

Sabi ng Panginoon, “Siya na natatakot sa akin ay tatanaw sa dakilang araw ng Panginoon na dumating, maging sa mga palatandaan ng pagparito ng Anak ng Tao,” mga palatandaang makikita sa “langit sa itaas, at sa lupa sa ibaba” (D at T 45:39–40).

Itinuro ito ng Tagapagligtas sa talinghaga ng puno ng igos na ang mga bagong sanga ay tanda na malapit na ang tag-init. “Gayon din,” kapag nakita ng mga hinirang ang mga palatandaan ng Kanyang pagparito “malalaman nila na siya ay malapit na, maging nasa mga pintuan na nga” (Joseph Smith—Mateo 1:38–39; tingnan din sa Mateo 24:32–33; D at T 45:37–38).

Maraming palatandaang ibinigay sa mga propesiya sa Biblia at ngayon tungkol sa Ikalawang Pagparito. Kabilang dito ang:

  1. Kaganapan ng ebanghelyo na ibinalik at ipinangaral sa buong mundo bilang saksi sa lahat ng bansa.

  2. Mga bulaang Cristo at propeta, na ililigaw ang marami.

  3. Mga digmaan at alingawngaw ng digmaan, ang pag-aalsa ng bansa laban sa bansa.

  4. Mga lindol sa iba’t ibang dako.

  5. Pagkagutom at salot.

  6. Labis na pagpaparusa, isang mapanglaw na karamdamang babalot sa lupa.

  7. Pagsagana ng katampalasanan.

  8. Kaguluhan sa buong mundo.

  9. Panlulupaypay ng puso ng mga tao.

(Tingnan sa Mateo 24:5–15; Joseph Smith—Mateo 1:22, 28–32; D at T 45:26–33.)

Sa isa pang paghahayag sinabi ng Panginoon na ilan sa mga palatandaang ito ay Kanyang tinig na nagsasabi sa Kanyang mga tao na magsisi:

“Makinig, O kayong mga bansa sa mundo, at pakinggan ang mga salita ng yaong Diyos na lumikha sa inyo… .

“Makailan kong tinawag kayo sa pamamagitan ng bibig ng aking mga tagapaglingkod, at sa pamamagitan ng paglilingkod ng mga anghel, at sa pamamagitan ng sarili kong tinig, at sa pamamagitan ng tinig ng mga kulog, at sa pamamagitan ng tinig ng mga kidlat, at sa pamamagitan ng tinig ng mga unos, at sa pamamagitan ng tinig ng mga lindol, at matinding ulan ng yelong bato, at sa pamamagitan ng tinig ng mga taggutom at salot ng bawat uri, … at maliligtas sana kayo nang may walang hanggang kaligtasan, subalit ayaw ninyo!” (D at T 43:23, 25).

Ang mga palatandaang ito ng Ikalawang Pagparito ay nasa buong paligid natin at tila lalong dumadalas at tumitindi. Halimbawa, makikita sa listahan ng malalakas na lindol sa The World Almanac and Book of Facts 2004 na doble na ang dami ng mga lindol noong dekada 80 at 90 kumpara sa naunang dalawang dekada (pp. 189–90). Makikita rin doon ang biglang pagdami nito sa pagsisimula ng siglong ito. Makikita rin sa listahan ng matitinding pagbaha at agwahe at mga buhawi, bagyo, at pag-ulan ng yelo sa buong mundo na gayon din ang pagdami nito nitong mga huling taon (pp. 188–89). Ang pagdami kung ihahambing sa nagdaang 50 taon ay maaari pang balewalain dahil sa pagbabago sa pagrereport, pero nakakatakot ang bilis ng pagdami ng pagkasalantang dulot ng kalikasan nitong huling ilang dekada.

II.

Isa pang palatandaan ang pagtitipon ng matatapat (tingnan sa D at T 133:4). Sa simula ng huling dispensasyong ito, ang pagtitipon sa Sion ay sumasakop sa ilang lugar sa Estados Unidos: sa Kirtland, sa Missouri, sa Nauvoo, at sa taluktok ng mga bundok. Ito ay lagi nang mga pagtitipon sa pagtatayuan ng mga templo. Sa paglikha ng mga stake at pagtatayo ng mga templo sa maraming bansa na marami ang mga miyembro ng Simbahan, ang utos ngayon ay huwag magtipon sa iisang lugar lang kundi magtipon sa mga stake sa sarili nating bayan. Doo’y matatamasa ng matatapat ang buong biyaya ng kawalang-hanggan sa bahay ng Panginoon. Doon, sa sarili nilang bayan, masusunod nila ang utos ng Panginoon na lawakan ang hangganan ng Kanyang mga tao at patatagin ang kanyang mga stake (tingnan sa D at T 101:21, 133:9, 14). Sa gayon, ang mga stake ng Sion ay para maging “tanggulan, at isang kanlungan mula sa bagyo, at mula sa poot sa panahong ito [na] ibubuhos nang walang halo sa buong lupa” (D at T 115:6).

III.

Bagama’t wala tayong kapangyarihang baguhin ang katotohanan ng Ikalawang Pagparito at di natin alam ang mismong oras, mapapabilis natin ang sarili nating paghahanda at mapagsisikapang impluwensyahan ang paghahanda ng mga nasa paligid natin.

Ang talinghagang may mahalaga at mapaghamong turo sa paksang ito ay ang sampung birhen. Tungkol dito’y sinabi ng Panginoon, “At sa araw na iyon, kung kailan ako ay paparito sa aking kaluwalhatian, ay matutupad ang talinghaga na aking sinabi hinggil sa sampung birhen” (D at T 45:56).

Sa ika-25 kabanata ng Mateo, pinagtataliwas ng talinghagang ito ang kalagayan ng limang hangal at limang matatalinong dalaga. Inanyayahan ang sampu sa kasalan, ngunit kalahati lang sa kanila ang may handang langis sa kanilang ilawan nang dumating ang kasintahang lalaki. Ang limang nakahanda ay nakapasok sa kasalan, at isinara na ang pinto. Ang limang naantala sa paghahanda ay nahuli. Sarado na ang pinto, at ayaw na silang papasukin ng Panginoon na nagsabing, “Hindi ko kayo nangakikilala” (t. 12). “Mangagpuyat nga kayo,” sabi ng Tagapagligtas, “sapagka’t hindi ninyo nalalaman ang araw ni ang oras” (t. 13).

Nakakakilabot ang mensahe ng talinghagang ito. Ang sampung dalaga ay hayagang simbolo ng mga miyembro ng Simbahan ni Cristo, dahil lahat ay inanyayahan sa kasalan at alam ng lahat kung ano ang kailangan upang makapasok pagdating ng kasintahang lalaki. Ngunit kalahati lang ang handa nang dumating ito.

Nasa makabagong paghahayag ang turong ito, na binanggit ng Panginoon sa mga unang lider ng Simbahan:

“At pagkaraan ng inyong patotoo ay sasapit ang pagkapoot at pagngingitngit sa mga tao.

“Sapagkat pagkaraan ng inyong patotoo ay sasapit ang patotoo ng mga paglindol… .

“At … ang patotoo ng tinig ng mga kulog, at ang tinig ng mga kidlat, at ang tinig ng mga unos, at ang tinig ng mga alon sa dagat na iaalon nito ang sarili na lagpas sa mga hangganan nito.

“At lahat ng bagay ay magkakagulo; at tiyak, magsisipanlupaypay ang mga puso ng tao; sapagkat ang takot ay mapapasalahat ng tao.

“At ang mga anghel ay lilipad sa gitna ng langit, sumisigaw sa malakas na tinig, pinatutunog ang pakakak ng Diyos, sinasabing: Maghanda kayo, maghanda kayo, O mga naninirahan sa mundo; sapagkat ang paghuhukom ng ating Diyos ay dumating na. Masdan, at narito, ang Lalaking kasintahan ay dumarating na; lumabas kayo upang salubungin siya” (D at T 88:88–92).

IV.

Mga kapatid, tulad ng turo sa Aklat ni Mormon, “ang buhay na ito ang panahon para sa mga tao na maghanda sa pagharap sa Diyos; … ang araw ng buhay na ito ang araw para sa mga tao na gampanan ang kanilang mga gawain” (Alma 34:32). Naghahanda ba tayo?

Sa Kanyang paunang salita sa tipon nating makabagong paghahayag, sabi ng Panginoon, “Maghanda kayo, maghanda kayo para sa yaong paparito, sapagkat ang Panginoon ay nalalapit na” (D at T 1:12).

Nagbabala rin ang Panginoon: “Oo, paratingin ang pahayag sa lahat ng tao: Gumising at magbangon at humayo upang salubungin ang Lalaking kasintahan; masdan at narito, ang Lalaking kasintahan ay dumarating; humayo kayo upang salubungin siya. Ihanda ang inyong sarili para sa dakilang araw ng Panginoon” (D at T 133:10; tingnan din sa D at T 34:6).

Lagi tayong binabalaan na hindi natin malalaman ang araw o oras ng Kanyang pagdating. Sa ika-24 na kabanata ng Mateo itinuro ni Jesus:

“Mangagpuyat nga kayo: sapagkat hindi ninyo nalalaman kung anong araw paririto ang inyong Panginoon.

“Datapuwa’t ito’y talastasin ninyo, na kung nalalaman ng puno ng sangbahayan kung anong panahon darating ang magnanakaw, ay siya’y magpupuyat, at hindi niya pababayaang tibagin ang kaniyang bahay” (Mateo 24:42–43). “Kundi magiging handa siya” (Joseph Smith— Mateo 1:47).

“Kaya nga kayo’y magsihanda naman; sapagka’t paririto ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo iniisip” (Mateo 24:44; tingnan din sa D at T 51:20).

Paano kung bukas na ang dating Niya? Kung alam nating haharap tayo sa Panginoon bukas—sa maagang pagkamatay natin o sa di-inaasahang pagdating Niya—ano ang gagawin natin ngayon? Ano ang mga ipagtatapat natin? Anong mga gawi ang ititigil natin? Anong mga pagkukulang ang pagbabayaran natin? Ano ang mga patatawarin natin? Anong mga patotoo ang ibibigay natin?

Kung gagawin natin ang mga bagay na ito, bakit hindi pa ngayon? Bakit hindi hangarin ang kapayapaan hangga’t maaari pa itong matamo? Kung kinulang ang langis sa ating ilawan ng paghahanda, agad natin itong simulang palitan.

Dapat tayong maghanda kapwa sa temporal at sa espirituwal para sa mga kaganapang ipinropesiya sa oras ng Ikalawang Pagparito. At ang paghahandang mas malamang na makaligtaan ay ang hindi nakikita at mas mahirap—ang espirituwal. Ang 72-oras na sisidlan ng panustos ay maaaring mahalaga sa buhay na ito, ngunit, tulad ng malungkot na pagkaalam ng mga hangal na dalaga, ang 24-na-oras na sisidlan ng espirituwal na paghahanda ay higit na mahalaga at mas tumatagal.

V.

Nabubuhay tayo sa panahong ipinropesiya “kung kailan ang kapayapaan ay aalisin sa mundo” (D at T 1:35), at “lahat ng bagay ay magkakagulo” at “magsisipanlupaypay ang mga puso ng tao” (D at T 88:91). Maraming temporal na dahilan ng pagkakagulo, kabilang na ang mga digmaan at kapinsalaang dulot ng kalikasan, ngunit ang mas malaking dahilan ng kasalukuyang “pagkakagulo” ay espirituwal.

Sa pagmamasid sa ating paligid nang may pananampalataya at walang hanggang pananaw, nakikita natin sa paligid ang katuparan ng propesiya na “ang diyablo ay magkakaroon ng kapangyarihan sa kanyang sariling nasasakupan” (D at T 1:35). Sabi sa ating himno, “kalaban ay kayrami, / Gumon sa kasalanan” (“Pag-asa ng Israel,” Mga Himno, blg. 161), at totoo iyan.

Ang kasamaang dati’y nasa iisang lugar lang at tago ay legal na ngayon at ibinabandera. Ang pinakaugat at sandigan ng sibilisasyon ay pinag-aalinlanganan at binabatikos. Isinasantabi na ng mga bansa ang kinagisnan nilang relihiyon. Ang mga pananagutan sa asawa at pamilya ay itinuturing nang sagabal sa kasiyahan ng tao. Ang mga pelikula at magasin at telebisyon na humuhubog sa ating pag-uugali ay puno ng mga kuwento o anyo na naglalarawan sa mga anak ng Diyos bilang malulupit na halimaw, o dili kaya’y bilang simpleng mga nilikha na hangad ay medyo higit pa sa personal na kasiyahan. At libangan na ito ng marami sa atin.

Ang kalalakihan at kababaihan na nagsakripisyo nang malaki para labanan ang kasamaan noon ay nahubog sa mga katangiang papawala na sa hayagan nating pagtuturo. Ang mabuti, tunay, at maganda ay napapalitan ng walang silbi, ng “kahit ano,” at ng walang halagang kapritso. Hindi kataka-taka na marami sa ating mga kabataan at matatanda ang nalululong sa pornograpiya, sa paganong pagbubutas ng mga bahagi ng katawan, sa paghahanap ng sariling kasiyahan, sa kasinungalingan, sa masagwang pananamit, sa pagmumura, at sa pagpapasasa sa seks na nakakasirang-puri.

Ang dumaraming mga bantog na lider at mga tagasunod nila ay itinatatwa ang pag-iral ng Diyos nina Abraham, Isaac, at Jacob at mga disyus-diyosan lang ang sinasamba. Maraming may kapangyarihan at impluwensya na itinatatwa ang tama at maling itinakda ng Maykapal. Maging sa mga nagsasabing naniniwala sila sa tama’t mali, sila ang mga “nagsisitawag ng mabuti [sa] masama, at ng masama [sa] mabuti” (Isaias 5:20; 2 Nephi 15:20). Marami rin ang itinatatwa ang indibidwal na responsibilidad at umaasa sa iba, na tulad ng mga hangal na dalaga ay naghahangad na mabuhay sa hiram na kabuhayan at liwanag.

Lahat ng ito’y kasuklam-suklam sa paningin ng ating Ama sa Langit, na nagmamahal sa lahat ng Kanyang mga anak at nagbabawal sa mga gawing humahadlang sa pagbabalik ng sinuman sa Kanyang piling.

Ano ang katayuan ng sarili nating paghahanda para sa buhay na walang hanggan? Ang mga tao ng Diyos ay lagi nang pinagtipanang mga tao. Ano ang sukatan ng pagsunod natin sa mga tipan, pati na sa sagradong mga pangakong ginawa natin sa tubig ng binyag, sa pagtanggap ng banal na priesthood at sa mga templo ng Diyos? Tayo ba’y mga taong mahilig mangako ngunit hindi tumutupad at mga sumasampalatayang hindi kumikilos?

Sinusunod ba natin ang utos ng Panginoon na, “Tumayo kayo sa mga banal na lugar, at huwag matinag, hanggang sa ang araw ng Panginoon ay dumating; sapagkat masdan, ito ay dagling darating”? (D at T 87:8). Ano ang “mga banal na lugar” na iyon? Tiyak na kasama rito ang templo at mga tipan dito na tapat na sinusunod. Tiyak na kasama rito ang tahanan kung saan ang mga anak ay minamahal at nirerespeto ang mga magulang. Tiyak na kasama rito ang tungkuling itinalaga sa atin ng awtoridad ng priesthood, pati na ang mga misyon at tungkuling tapat na ginagampanan sa mga branch, ward, at stake.

Tulad ng itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang propesiya hinggil sa Ikalawang Pagparito, mapalad ang “aliping tapat at matalino” na gumaganap ng kanyang tungkulin pagdating ng Panginoon (tingnan sa Mateo 24:45–46). Tulad ng itinuro ni Nephi tungkol doon, “hindi dapat matakot ang mabubuti” (1 Nephi 22:17; tingnan din sa 1 Nephi 14:14; D at T 133:44). At ipinangako sa makabagong paghahayag na “ang Panginoon ay magkakaroon ng kapangyarihan sa kanyang mga banal” (D at T 1:36).

Nalilibutan tayo ng mga hamon sa lahat ng dako (tingnan sa II Mga Taga Corinto 4:8–9). Ngunit sa pagsampalataya sa Diyos, nagtitiwala tayo sa mga biyayang pangako Niya sa tumutupad sa Kanyang mga utos. Nananalig tayo sa kinabukasan, at pinaghahandaan natin ito. Sa metapora mula sa pamilyar na daigdig ng mga atleta, hindi natin alam kung kailan matatapos ang larong ito, at hindi natin alam ang huling puntos, pero alam natin na kapag natapos ang larong ito, team natin ang panalo. Patuloy tayong susulong “hanggang sa matupad ang mga layunin ng Diyos, at sabihin ng Dakilang Jehova na tapos na ang gawain” (History of the Church, 4:540).

“Dahil dito,” sabi ng Tagapagligtas, “maging matapat, nananalangin tuwina, taglay ang inyong mga ilawan na tinabasan at nagniningas, at may langis na dala kayo, upang kayo ay maging handa sa pagparito ng Kasintahang lalaki—Sapagkat masdan, katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na ako ay madaling paparito” (D at T 33:17–18).

Nagpapatotoo ako kay Jesucristo, na darating Siya, tulad ng pangako Niya, at dalangin kong maging handa tayo sa pagharap sa Kanya, sa ngalan ni Jesucristo, amen.