2004
Kapag Ikaw ay Nagbalik-loob
Mayo 2004


Kapag Ikaw ay Nagbalik-loob

Magsumamo sa Diyos sa ngalan ni Cristo na masulat ang ebanghelyo sa inyong isipan upang maunawaan ninyo ito at sa inyong puso para naisin ninyong gawin ang Kanyang kalooban.

Ang sasabihin ko ay nakatuon lalo na sa mga kabataan, bagama’t umaasa akong makakatulong ito sa lahat.

Ilang taon na ang nakalilipas, noong stake president pa ako, ipinagtapat sa akin ng isang lalaki ang kanyang kasalanan. Nagulat ako sa ipinagtapat niya. Matagal na siyang aktibong miyembro ng Simbahan. Nagtaka ako kung paano nagawa ng isang taong tulad niya ang kasalanang iyon. Matapos magnilay-nilay, naisip ko na hindi tunay na nagbalik-loob ang kapatid na ito. Bagama’t aktibo siya sa Simbahan, hindi tumimo sa puso niya ang ebanghelyo. Panlabas lang pala ang impluwensya nito sa kanyang buhay. Kapag nasa kaaya-aya siyang kapaligiran, sinusunod niya ang mga utos, pero sa ibang lugar, ibang impluwensya na ang kumokontrol sa kanyang mga kilos.

Paano kayo makapagbabalik-loob? Paano magiging impluwensya ang ebanghelyo ni Jesucristo hindi lang sa buhay ninyo kundi impluwensyang kokontrol at magiging pinakamahalagang bahagi ng pagkatao ninyo? Binanggit ng sinaunang propetang si Jeremias na ang batas ng Diyos, ang ebanghelyo, ay nakasulat sa ating puso. Binanggit niya ang sinabi ng Panginoon tungkol sa atin, na Kanyang mga tao sa mga huling araw: “Aking itatala ang aking kautusan sa kanilang kalooban, at aking isusulat sa kanilang puso; at ako’y magiging kanilang Dios, at sila’y aking bayan.”1

Gusto ba ninyong mangyari ito sa inyo? Masasabi ko sa inyo kung paano, ngunit dapat ninyo itong naisin. Hindi masusulat ang ebanghelyo sa puso ninyo kung hindi bukas ang inyong puso. Kung hindi taos sa puso ninyo, dadalo kayo sa sakrament miting, mga klase, at aktibidad sa Simbahan, at gagawin ang sasabihin ko, pero wala itong saysay. Pero kung bukas at handa ang inyong puso, na tulad ng puso ng isang bata,2 ganito ang gawin ninyo para makapagbalik-loob.

Una, dapat ninyong isantabi ang anumang kayabangang napakalaganap sa mundo ngayon. Ang tinutukoy ko ay ang pagtanggi sa awtoridad ng Diyos na pamahalaan ang buhay natin. Inilarawan ito ng Panginoon kay Joseph Smith nang sabihin niyang: “Hindi nila hinanap ang Panginoon upang itatag ang kanyang kabutihan, kundi ang bawat tao ay lumakad sa sarili niyang paraan, at alinsunod sa larawan ng sarili niyang diyos.”3 Naririnig ninyo ito ngayon sa mga salitang tulad ng “Gawin mo ang gusto mo,” o “Ako ang nakakaalam kung tama o mali ang isang bagay para sa akin.” Ang ganitong damdamin ay paghihimagsik sa Diyos tulad ng paghihimagsik noon ni Lucifer sa Diyos. Tinanggihan niya ang karapatan ng Diyos na ipahayag ang katotohanan at itatag ang batas.4 Gusto ni Satanas, hanggang ngayon, na mapasakanya ang kapangyarihang magsabi kung ano ang tama at mali. Hindi tayo pinipilit ng mahal nating Lumikha na tanggapin ang Kanyang awtoridad, ngunit ang kahandaang magpasakop sa awtoridad na iyon ang unang hakbang sa pagbabalik-loob.

Bukod dito, para masulat sa inyong puso ang ebanghelyo, dapat ninyong malaman kung ano ito at lubos itong unawain. Ibig sabihin, pag-aralan ninyo ito.5 Kapag sinabi kong “pag-aralan,” higit pa ito sa pagbabasa. Kung minsa’y magandang basahin ang isang aklat sa banal na kasulatan sa takdang haba ng panahon para maunawaan ang buong mensahe nito, ngunit sa pagbabalik-loob, mas mahalaga dapat ang oras ninyo sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan kaysa sa dami ng nabasa ninyo sa oras na iyon. Kung minsa’y nawawari kong nagbabasa kayo ng ilang talata, tumitigil sandali para pag-isipan ito, at muling binabasa ang talata, at habang pinag-iisipan ang kahulugan nito, ay nagdarasal kayong maunawaan ito, nag-iisip ng mga tanong, naghihintay ng espirituwal na mga paramdam, at isinusulat ang damdamin at kabatirang dumarating para mas matandaan ito at matuto pa kayo. Sa ganitong pag-aaral, maaaring ilang kabanata o talata lang ang mabasa ninyo sa kalahating oras, pero bibigyan ninyo ng puwang sa inyong puso ang salita ng Diyos, at kakausapin Niya kayo. Alalahanin ang paglalarawan ni Alma nang madama niya ito: “Sinisimulan nitong palakihin ang aking kaluluwa; oo, sinisimulan nitong liwanagin ang aking pang-unawa, oo, ito ay nagsisimulang maging masarap sa akin.”6 Inyong malalaman na nasusulat sa puso ninyo ang ebanghelyo, na nagbabalik-loob na kayo, habang mas sumasarap sa inyong kaluluwa ang salita ng Panginoon mula sa Kanyang mga propeta, noon at ngayon.

Binanggit ko ang pagdarasal habang nag-aaral kayo para maunawaan ang mga banal na kasulatan, pero hindi lang iyon ang dapat ninyong ipagdasal. Sa Aklat ni Mormon, ayon kay Amulek, dapat nating ipagdasal ang lahat ng bagay sa ating buhay. Sabi niya, “ibuhos ang inyong mga kaluluwa [sa Diyos] sa inyong mga silid, at sa inyong mga lihim na lugar, at sa inyong mga ilang.”7 Gusto ng inyong Ama sa Langit na ipagdasal ninyo ang inyong mga inaasam at kinatatakutan, kaibigan at pamilya, paaralan at trabaho, at pangangailangan ng nakapaligid sa inyo. Higit sa lahat, dapat ninyong ipagdasal na mapuspos kayo ng pag-ibig ni Cristo. Ipinagkakaloob ang pag-ibig na ito sa tapat na mga tagasunod ni Jesucristo na hinihiling ito nang buong puso.8 Ito ang bunga ng puno ng buhay,9 at malaking bahagi ng pagbabalik-loob ninyo ang pagtikim nito dahil kapag nadama ninyo ang pag-ibig ng Tagapagligtas, kahit ang pinakamaliit na bahagi nito, kayo’y mapapanatag, at lalago ang pagmamahal ninyo sa Kanya at sa Ama sa Langit. Taos-puso ninyong nanaising gawin ang ipinagagawa ng mga banal na nilalang na ito. Dalasan ang pagtungo sa inyong silid, sa inyong lihim na lugar, sa inyong ilang. Pasalamatan ang Diyos sa inyong mga pagpapala; humingi ng tulong sa Kanya; hilinging pagkalooban Niya kayo ng dalisay na pag-ibig ni Cristo. Kung minsa’y makakatulong ang pag-aayuno.

Matapos banggitin ang panalangin, binanggit ni Amulek ang isa pang mahalagang sangkap sa inyong pagbabalik-loob—paglilingkod sa iba. Kung hindi, sabi niya, “ang inyong mga panalangin ay walang kabuluhan, at wala kayong pakikinabangan.”10 Sa madaling salita, para makapagbalik-loob, hindi lang ninyo dapat buksan ang inyong puso sa kaalaman ng ebanghelyo at pag-ibig ng Diyos, dapat din ninyong sundin ang batas ng ebanghelyo. Hindi ninyo lubos na mauunawaan o mapahahalagahan ito maliban kung ipamumuhay ninyo ito. Sinabi ni Jesus na naparito siya upang maglingkod, hindi upang paglingkuran.11 Gayon din ang dapat ninyong gawin. Dapat ninyong tingnan ang paligid at kalingain ang iba. Maging mahabagin; magiliw; at mapagbigay; matulungin sa iba sa maliliit na paraan. Sa gayon, magiging bahagi ninyo ang ebanghelyo ni Jesucristo.

May isa pa akong babanggitin. Noong unang panahon kapag gustong sumamba ng mga tao at humingi ng biyaya sa Panginoon, kadalasa’y nagdadala sila ng handog. Halimbawa, kapag pupunta sila sa templo, nagdadala sila ng hain sa altar. Makaraang Magbayad-sala at Mabuhay na Mag-uli, sinabi ng Tagapagligtas na hindi na Siya tatanggap pa ng mga haing hayop na susunugin. Ang handog o haing tatanggapin Niya ngayon ay “bagbag na puso at nagsisising espiritu.”12 Sa paghahangad ninyong makapagbalik-loob, maihahandog ninyo sa Panginoon ang inyong bagbag o nagsisising puso at ang inyong nagsisisi o masunuring espiritu. Ang totoo, paghahandog ito ng inyong sarili—kung ano kayo ngayon at kung ano ang inyong kahihinatnan.

Mayroon bang marumi o hindi marapat sa pagkatao ninyo o sa inyong buhay? Kapag inalis ninyo ito, iyan ay handog sa Tagapagligtas. May magandang ugali o katangian bang kulang sa buhay ninyo? Kapag tinaglay at ginawa ninyo itong bahagi ng inyong pagkatao, naghahandog kayo sa Panginoon.13 Kung minsa’y mahirap itong gawin, ngunit ang mga handog bang pagsisisi at pagsunod ay marapat ihandog kung hindi ninyo pinaghirapan?14 Huwag katakutan ang hinihinging pagsisikap. At tandaan, hindi ninyo kailangang gawin itong mag-isa. Tutulungan kayo ni Jesucristo na gawing marapat na handog ang inyong sarili. Lilinisin at pababanalin kayo ng Kanyang biyaya. Sa huli’y magiging tulad Niya kayo na “ganap kay Cristo.”15

Sa pagbabalik-loob, magsusuot kayo ng kagayakang magliligtas sa inyo, ang “buong kagayakan ng Dios,”16 at ang mga salita ni Cristo, na dumarating sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, ay “sasabihin sa inyo ang lahat ng bagay” na dapat ninyong gawin.17

Noong 1992, dalawang misyonera sa Zagreb, Croatia, ang pabalik na sa kanilang apartment isang gabi. Medyo malayo ang huling pinagturuan nila, at dumidilim na. Ilang lalaki sa bus ang nagsalita nang magaspang at nanggulo. Dahil sa takot, bumaba ng bus ang mga misyonera sa sumunod na istasyon nang papasara na ang pinto para walang makasunod sa kanila. Matapos takasan ang problemang ito, natuklasan nilang hindi na nila alam kung nasaan sila. Sa paghahanap ng tulong, nakita nila ang isang babae. Ipinaliwang ng mga misyonera na naligaw sila at nakiusap sa babae na ituro sa kanila ang daan. Alam nito kung saan sila makakasakay ulit ng bus at pinasunod sila sa kanya. Nadaan sila sa isang bar na may mga nag-iinumang nakaupo sa bangketa sa dilim. Nakakatakot din ang hitsura ng mga lalaking ito. Gayunpaman, malinaw na pumasok sa isipan ng dalawang dalagang ito na hindi sila nakikita ng mga lalaki. Dumaan sila, na tila nga hindi sila napansin ng mga lalaking gugustuhing saktan sila. Nang makarating sa istasyon ang mga misyonera at kasama nila, paparating pa lang ang bus na sasakyan nila. Lumingon sila para magpasalamat sa babae, pero hindi na nila ito makita.18

Binigyan ng giya at iba pang mga biyaya ang mga misyonerang ito upang pisikal silang mapangalagaan. Kapag nagbalik-loob na kayo, magkakaroon kayo ng gayunding pangangalaga upang ilayo kayo sa tukso at iwaksi sa kasamaan.19 Kung minsan hindi kayo makikita ng kasamaan. Kung minsan pangangalagaan kayo kapag hindi ninyo nakita ang kasamaan. Kahit kailangan ninyo itong harapin, magagawa ninyo ito nang may pananampalataya, at walang takot.

Binanggit natin ang hangarin, pagpapasakop sa Diyos, pag-aaral, pagdarasal, paglilingkod, pagsisisi, at pagsunod. Sa mga ito, kasabay ng pagsamba at pagkaaktibo ninyo sa Simbahan, darating ang patotoo at pagbabalik-loob. Ang ebanghelyo’y hindi lang impluwensya sa inyong buhay—magiging buhay ninyo ito. Magsumamo sa Diyos sa ngalan ni Cristo na masulat ang ebanghelyo sa inyong isipan upang maunawaan ninyo ito at sa inyong puso para naisin ninyong gawin ang Kanyang kalooban.20 Hangarin ang biyayang ito nang buong sigasig at tiyaga, at tatanggapin ninyo ito dahil ang Diyos ay “maawain at puspos ng kahabagan, … at sagana sa kagandahang-loob.”21 Ito ang aking patotoo, sa ngalan ni Jesucristo, amen.

Mga tala

  1. Jeremias 31:33. Sinabi ni Ezekiel na ang pagbabalik-loob ay tulad ng pag-aalis ng Panginoon ng ating “batong puso” at pagbibigay sa atin ng pusong nagmamahal sa Kanya at sa Kanyang ebanghelyo (tingnan sa Ezekiel 11:19–20). Tiyak na ganito ang nangyari sa mga tao ni Haring Benjamin nang sabihin nila na nagbago ang kanilang puso at ni ayaw na nilang gumawa ng masama, “kundi ang patuloy na gumawa ng mabuti” (Mosias 5:2).

  2. Tingnan sa Mateo 8:3–4.

  3. D at T 1:16; tingnan din sa Helaman 12:6.

  4. Tingnan sa D at T 76:25–29.

  5. Napakapalad natin dahil nasa atin ang nakatalang salita ng Diyos. Noong unang panahon ng kasaysayan ng mundo, iilan lang ang mga taong may kopya ng banal na kasulatan. Kailangan nilang tandaan ang kaya nilang tandaan tuwing makakarinig sila ng banal na kasulatang binabasa sa mga sermon. Tunay na walang katumbas na biyaya ang magkaroon ng sarili mong kopya na mababasa mo kung kailan mo gusto. Makikita ninyo ang nagagawa ng ebanghelyo sa buhay ng mga taong nagbalik-loob, mula noong panahon ni Adan hanggang ngayon.

  6. Alma 32:28.

  7. Alma 34:26.

  8. Tingnan sa Moroni 7:47–48.

  9. Tingnan sa 1 Nephi 11:21–23.

  10. Alma 34:28.

  11. Tingnan sa Marcos 10:45. Sinabi ni Cristo kay Pedro na kapag nagbalik-loob na siya, dapat niyang pagtibayin ang kanyang mga kapatid (tingnan sa Lucas 22:32).

  12. 3 Nephi 9:20.

  13. Kasama ng mga banal na kasulatan, magagabayan kayo ng polyetong Para sa Lakas ng mga Kabataan (2001).

  14. Nang minsang maghanda si Haring David ng iaalay na hain sa Panginoon, isang tapat na tagasunod ang nagsabing ibibigay niya sa hari ang lugar, mga hayop, at panggatong para makapag-alay. Ngunit tumanggi si David at nagsabing, “Bibilhin ko sa iyo sa halaga: hindi nga ako maghahandog ng mga handog na susunugin sa Panginoon kong Dios na hindi nagkahalaga sa akin ng anoman” (II Samuel 24:24).

  15. Tingnan sa Moroni 10:32–33.

  16. Tingnan sa Mga Taga Efeso 6:13–17.

  17. Tingnan sa 2 Nephi 32:3.

  18. Ayon sa pagkakasalaysay ni Sister Nicole Christofferson Miller.

  19. Tingnan sa Mateo 6:13.

  20. Tingnan sa Mga Hebreo 8:10; 10:16.

  21. Joel 2:13. “Magsilapit sa akin at ako ay lalapit sa inyo; masigasig akong hanapin at inyo akong matatagpuan; humingi, at kayo ay makatatanggap; kumatok, at kayo ay pagbubuksan” (D at T 88:63).