Namangha sa Pag-ibig ni Jesus sa Akin
Mula sa pananalitang ibinigay sa mga manggagawa sa Salt Lake Temple noong Nobyembre 24, 1985.
Ang isa sa mga paborito nating himno ay nagsisimula sa mga salitang “Ako ay namangha.”1 Kapag iniisip natin ang buhay ni Cristo, namamangha tayo sa lahat ng paraan. Namamangha tayo sa Kanyang tungkuling ginampanan bago Siya isinilang bilang dakilang Jehova, kinatawan ng Kanyang Ama, Manlilikha ng daigdig, tagapangalaga ng buong sangkatauhan. Namamangha tayo sa pagparito Niya sa daigdig at sa mga pangyayaring nakapaligid sa Kanyang pagdating.
Namamangha tayo na 12 taong gulang pa lang Siya ay ginagawa na Niya ang gawain ng Kanyang Ama. Namamangha tayo sa pormal na pagsisimula ng Kanyang ministeryo, binyag at mga espirituwal na kaloob.
Namamangha tayong malaman na pinalayas at tinalo ni Jesus ang mga puwersa ng kasamaan saanman Siya magtungo, pinangyari pa Niyang makalakad ang lumpo, makakita ang bulag, makarinig ang bingi, makatayo ang nanghihina. Kapag pinag-iisipan ko ang ministeryo ng Tagapagligtas, iniisip ko, “Paano Niya nagawa iyon?”
Siya ay Mapagpatawad
Manghang-mangha ako nang sabihin ni Jesus, matapos buhatin ang mabigat Niyang krus patungo sa tuktok ng Kalbaryo, “Ama, patawarin mo sila; sapagka’t hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa” (Lucas 23:34).
Kung mayroon mang sandali na talagang namangha ako, ito iyon. Kapag naiisip ko na pinasan Niya ang bigat ng lahat ng kasalanan natin at pinatawad ang mga nagpako sa Kanya sa krus, hindi ko itinatanong kung “Paano Niya nagawa iyon?” kundi “Bakit Niya ginawa iyon?” Kapag inihahambing ko ang buhay ko sa Kanyang pagkamaawain, nakikita ko na bigo akong gawin ang lahat ng nararapat sa pagsunod sa Guro.
Para sa akin, mas makabuluhan ang pagkamanghang ito. Talagang nagulat ako sa kakayahan Niyang pagalingin ang maysakit at ibangon ang patay, pero may kaunting karanasan na ako sa pagpapagaling sa isang limitadong paraan. Tayong lahat ay hindi gayon kamarapat, ngunit nakita na nating naulit ang mga himala ng Panginoon sa sarili nating buhay at tahanan at sa pamamagitan ng ating priesthood. Ngunit awa? Kapatawaran? Pagbabayad-sala? Pakikipagkasundo? Kadalasan, ibang usapan na iyan.
Paano Niya napatawad ang mga nagpahirap sa Kanya sa sandaling iyon? Sa lahat ng sakit na iyon, sa dugong tumulo mula sa bawat butas ng balat, iniisip pa rin Niya ang iba. Isa pa ito sa nakamamanghang katibayan na Siya ay talagang sakdal at layon Niyang maging gayon din tayo. Sa Sermon sa Bundok, bago Niya sinabi na pagiging sakdal ang ating mithiin, may huli Siyang ipinagagawa. Sinabi niya sa lahat na “ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, [pagpalain ninyo ang sa inyo’y sumusumpa,] idalangin ninyo ang sa inyo’y [lumalait, at] nagsisiusig” (Mateo 5:44).
Isa ito sa mga pinakamahirap gawin.
Si Jesucristo ang pinakadalisay at tanging sakdal na taong nabuhay sa mundo. Siya lamang sa buong mundo mula pa kay Adan hanggang sa oras na ito ang nararapat sambahin at igalang at hangaan at mahalin, gayunpaman Siya ay inusig, tinalikuran, at pinatay. Sa kabila ng lahat ng ito, ayaw Niyang sumpain ang mga umusig sa Kanya.
Siya ang Sakdal na Sakripisyo
Nang palayasin ang una nating mga magulang, sina Adan at Eva, mula sa Halamanan ng Eden, inutusan sila ng Panginoon na “sambahin ang Panginoon nilang Diyos, at … ialay ang mga panganay ng kanilang mga kawan, bilang isang handog sa Panginoon” (Moises 5:5). Sinabi ng anghel kay Adan, “Ang bagay na ito ay kahalintulad ng sakripisyo ng Bugtong na Anak ng Ama, na puspos ng biyaya at katotohanan” (Moises 5:7).
Ang sakripisyo ay nagsilbing palagiang paalaala ng paghamak at pagdurusang ibabayad ng Anak para tubusin tayo. Isa itong palagiang paalaala ng kapakumbabaan at awa at kaamuan—oo, ng kapatawaran—na magiging bahagi ng buhay ng bawat Kristiyano. Dahil dito at sa marami pang ibang dahilan, inialay ang mga panganay na tupa, malinis at walang bahid-dungis, sakdal sa lahat ng bagay, sa mga batong altar na iyon taun-taon at sa sunud-sunod na henerasyon, na nagtuturo sa atin sa dakilang Kordero ng Diyos, na Kanyang Bugtong na Anak, Kanyang Panganay, sakdal at walang bahid-dungis.
Sa ating dispensasyon, makikibahagi tayo sa sacrament—isang simbolikong pag-aalay na nagpapakita ng ating bagbag na puso at nagsisising espiritu (tingnan sa D at T 59:8). Kapag nakikibahagi tayo, nangangako tayo na “lagi siyang aalalahanin at susundin ang kanyang mga kautusan … ; nang sa tuwina ay mapasa[atin] ang kanyang Espiritu upang makasama [natin]” (D at T 20:77).
Ang mga simbolo ng sakripisyo ng Panginoon, sa panahon man ni Adan o sa atin, ay magpapaalala sa atin na mamuhay nang payapa at masunurin at maawain. Ipapaalala sa atin ng mga ordenansang ito na ipamalas ang ebanghelyo ni Jesucristo sa mahabang pagtitiis at kabaitan natin sa isa’t isa, tulad ng ipinakita Niya sa atin sa krus na iyon.
Ngunit sa pagdaan ng mga siglo, iilan pa lang ang nakagamit ng mga ordenansang ito sa wastong paraan. Si Cain ang unang nag-alay ng di katanggap-tanggap na hain. Tulad ng itinala ni Propetang Joseph Smith: “Si Abel ay nag-alay sa Diyos ng isang hain na tinanggap, na mga panganay ng kawan. Inalay ni Cain ang bunga ng lupa, at hindi ito tinanggap, sapagkat hindi niya kayang … makapagpakita ng pananampalataya na salungat sa plano ng langit. Kailangan ay pagbuhos ng dugo ng Bugtong na Anak ang tumubos sa tao, dahil ito ang plano ng pagtubos at kung walang pagbuhos ng dugo ay walang kapatawaran [ng kasalanan]. At dahil isinagawa ang sakripisyo para pamarisan kung saan malalaman ng tao ang dakilang Sakripisyo na inihanda ng Diyos, kapag nag-alay ng sakripisyong taliwas doon ay walang pananampalatayang iiral, dahil ang pagtubos ay hindi isinagawa sa gayong paraan, ni ang kapangyarihan ng pagbabayad-sala ay hindi isinagawa sa gayong paraan. … Siyempre pa, ang pagbuhos ng dugo ng isang hayop ay walang saysay sa sinumang tao, maliban kung ginawa ito para gayahin, o kahalintulad ng, o paliwanag ng kung ano ang iaalay sa pamamagitan ng kaloob mismo ng Diyos.”2
Kaya nga ang ibang tao sa ating panahon, na medyo katulad ni Cain, ay umuuwi matapos makibahagi sa sacrament para makipagtalo sa isang kapamilya o magsinungaling o mandaya o magalit sa isang kapitbahay.
Sinabi ni Samuel, isang propeta sa Israel, na walang saysay ang mag-alay ng isang hain kung hindi igagalang ang kahulugan ng hain. Nang labagin ni Saul, hari sa Israel, ang mga bilin ng Panginoon nang kunin niya mula sa mga Amalecita ang “pinakamabuti sa mga tupa at sa mga baka, upang ihain sa Panginoon [niyang] Dios,” napabulalas si Samuel: “Nagtataglay kaya ang Panginoon ng napakadakilang pagkatuwa sa mga handog na susunugin at sa mga hain, na gaya sa pagsunod [sa] tinig ng Panginoon? Narito, ang pagsunod ay maigi kay sa hain, at ang pagdinig kay sa taba ng mga tupang lalake” (I Samuel 15:15, 22).
Nag-alay ng hain si Saul nang hindi nauunawaan ang kahulugan nito. Ang mga Banal sa mga Huling Araw na tapat na dumadalo sa sacrament meeting ngunit hindi naging mas maawain o mapagpasensya o mapagpatawad dahil dito ay halos gayon din. Isinasagawa nila ang mga ordenansa nang hindi nauunawaan ang mga layunin kung bakit itinakda ang mga ito. Ang mga layuning iyon ay para tulungan tayong maging masunurin at mahinahon sa paghahangad nating mapatawad sa ating mga kasalanan.
Pag-alaala sa Kanyang Sakripisyo
Maraming taon na ang nakararaan, itinuro ni Elder Melvin J. Ballard (1873–1939) na ang Diyos “ay isang mapanibughuing Diyos—mapanibughuin [kung sakaling] balewalain at kalimutan at ituring nating hindi mahalaga ang pinakadakila Niyang regalo sa atin”3—ang buhay ng Kanyang Panganay na Anak.
Kaya paano natin matitiyak na hindi natin binabalewala o hinahamak o kinalilimutan ang pinakadakila sa lahat ng regalo Niya sa atin?
Ginagawa natin ito kapag nagpakita tayo ng hangaring mapatawad sa ating mga kasalanan at magpasalamat nang walang hanggan para sa pinakamatapang na panalanging iyon sa lahat: “Ama, patawarin mo sila; sapagka’t hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” Ginagawa natin ito kapag nagpatawad tayo ng mga kasalanan.
“‘Mangagdalahan kayo ng mga pasanin ng isa’t isa, at tuparin ninyong gayon ang kautusan ni Cristo’ (Mga Taga Galacia 6:2) [pag-uutos sa atin ni Pablo]. … Ang utos ni Cristo, na tungkulin nating sundin, ay magpasan ng krus. Ang pasanin ng aking kapatid na dapat kong pasanin ay hindi lamang ang kanyang panlabas na sitwasyon [at kalagayan], … kundi ang kanya mismong kasalanan. At ang tanging paraan para mapasan ang kasalanang iyon ay patawarin ito. … Ang pagpapatawad ay pagdurusang tulad ng kay Cristo na tungkuling pasanin ng Kristiyano.”4
Tiyak na kaya sinabi ni Cristo na, “Ama, patawarin mo sila,” ay dahil kahit sa oras ng paghihirap na iyon batid Niya na ito ang mensaheng dapat Niyang ihatid sa buong kawalang-hanggan. Nawala sana ang buong plano ng kaligtasan kung nalimutan Niya na naparito Siya hindi dahil sa kawalang-katarungan at kalupitan at kasamaan at pagsuway kundi dahil sa mga tao mismo para mapatawad ang buong sangkatauhan. Maaaring maging mabait at mapagpasensya at mapagpatawad ang sinuman kung maganda ang araw niya. Kailangang maging mabait at mapagpasensya at mapagpatawad ang isang Kristiyano sa lahat ng panahon.
Mayroon bang tao sa buhay ninyo na marahil ay kailangang patawarin? May tao ba sa inyong tahanan, sa inyong pamilya, sa mga kapitbahay ninyo na nakagawa ng isang bagay na hindi makatarungan o masama o hindi nararapat gawin ng isang Kristiyano? Lahat tayo ay nakagawa ng gayong mga paglabag, kaya tiyak na may isang taong kailangan pa ninyong patawarin.
At huwag sana ninyong itanong kung makatarungan bang patawarin ng pinagkasalahan ang nagkasala. Huwag ninyong itanong kung hindi ba hinihingi ng “katarungan” na ang nagkasala ang humingi ng tawad. Pagdating sa sarili nating mga kasalanan, hindi tayo humihingi ng katarungan. Humihingi tayo ng awa—at iyan ang nararapat nating ibigay.
Nakikita ba natin ang masamang mangyayari kapag hindi natin ipinagkaloob sa iba ang isang bagay na kailangang-kailangan natin mismo? Marahil ang pinakamataas at pinakabanal at pinakadalisay na magagawa ay sabihin sa harap ng kasamaan at kawalang-katarungan na talagang higit pang “[ma]mahalin ninyo ang inyong mga kaaway, pag[pa]palain ninyo sila na sumusumpa sa inyo, [ga]gawan ninyo ng mabuti sila na napopoot sa inyo, at ipa[na]nalangin ninyo sila na may masamang hangarin sa paggamit sa inyo at umuusig sa inyo.” Iyan ang mga ipinagagawa sa pagtahak sa landas ng kasakdalan.
Kagalakan sa Muling Pagkikita
Naaalala ko na ilang taon na ang nakararaan ay nakakita ako ng isang pangyayari sa Salt Lake International Airport. Sa araw na ito mismo, bumaba ako ng eroplano at lumakad papasok sa terminal. Kitang-kita kaagad na may pauwing misyonero dahil puno ng halatang mga kaibigan at kamag-anak ng misyonero ang airport.
Sinikap kong tukuyin ang mga miyembro mismo ng pamilya. Naroon ang ama na mukhang hindi komportable sa suot na di-kasya at medyo makalumang amerikana. Tila isa siyang magsasaka, na sunog sa araw ang balat at malalaki at puro kalyo ang mga kamay.
Naroon ang ina na medyo payat, na mukhang nagtrabaho nang husto sa kanyang buhay. May hawak siyang panyo—at palagay ko panyong linen iyon dati, pero mukha na iyong tissue paper ngayon. Halos gula-gulanit na iyon sa pag-asam na tanging ina ng pauwing misyonero ang nakaaalam.
Dalawa o tatlong nakababatang mga kapatid na lalaki at babae ang naghahabulan, na walang pakialam sa nangyayari.
Inisip ko kung sino sa sumasalubong na grupo ang unang tatakbo palapit. Isang tingin ko pa lang sa panyo ng ina ay nakumbinsi na ako na malamang ay siya ang mauuna.
Habang nakaupo ako roon, nakita ko ang pagdating ng pauwing misyonero. Alam ko na siya iyon dahil nagtilian ang mga tao sa tuwa. Para siyang si Kapitan Moroni, malinis at makisig at matikas at matangkad. Walang duda na alam niya ang kahulugan ng sakripisyo ng misyong ito sa kanyang ama at ina.
Habang papalapit siya sa grupo, talagang hindi na nga nakapaghintay ang isang tao. Hindi ang ina, at hindi rin sinuman sa mga anak. Iyon ay ang Ama. Tumakbo palapit ang malaki, medyo mahiyain, tahimik, at sunog sa araw na lalaking iyon at niyapos ang kanyang anak.
Siguro mga 6′2″ (188 cm) o mahigit pa ang taas ng misyonero, pero sinunggaban siya ng malaking amang ito, inangat siya sa lupa, at niyakap siya nang napakatagal. Basta niyakap lang niya ito nang walang imik. Dalawang kamay na niyakap ng anak ang kanyang ama, at mahigpit nilang niyapos ang isa’t isa. Parang tumigil ang buong kawalang-hanggan. Tila ba natahimik ang buong mundo bilang paggalang sa gayon kasagradong sandali.
At naisip ko ang Diyos Amang Walang Hanggan na minamasdan ang Kanyang Anak na humayo para maglingkod, para magsakripisyo kahit hindi Niya iyon kailangang gawin, tinustusan ang sarili Niyang mga pangangailangan, wika nga, na nangahulugan ng lahat ng bagay na buong buhay Niyang inipon para ibigay. Sa mahalagang sandaling iyon, hindi mahirap isipin na medyo madamdamin ang pagsasalita ng Ama sa mga taong nakaririnig, “Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong lubos na kinalulugdan” (Mateo 3:17). At posible ring maisaisip ang matagumpay na pauwing Anak na iyon na nagsasabing, “Naganap na” (Juan 19:30). “Ama, sa mga kamay mo ay ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu” (Lucas 23:46).
Kahanga-hanga para sa Akin
Kahit sa limitado kong imahinasyon, nakinita ko ang muling pagkikitang iyon sa kalangitan. At dalangin ko na kapwa natin maranasan ito. Dalangin ko na magkaroon tayo ng pagkakasundo at pagpapatawad, awa, at pag-unlad at katangian ng Kristiyano na nararapat nating taglayin kung gusto nating ganap na tamasahin ang sandaling iyon.
Ako ay namamangha na kahit ang isang taong tulad ko ay may pag-asa pa. Kung tama ang pagkarinig ko sa “mabuting balita,” talagang may pag-asa—para sa akin at para sa inyo at para sa lahat na handang umasa at magsikap pa at bigyan ng gayon ding pribilehiyo ang iba.
Mula sa banal na luklukan S’ya’y bumaba
Upang iligtas ang ‘sang tulad kong may sala, …
Kamay N’ya’y pinako bilang pambayad- sala!
Malilimot ba Kanyang pag-ibig at awa?
Papuri’t pagsamba sa Kanya’y ibibigay,
Hanggang sa Kanyang paanan ay iaalay. …
O kahanga-hanga para sa akin!5