Mga Propesiya Tungkol sa Pagparito ni Cristo
Kalendaryo Bago Sumapit ang Pasko
Makapaghahanda kayo ngayon para sa Pasko sa paggunita kung paano naghanda ang mga tao noon para sa Kanya.
Maraming propeta sa Biblia at Aklat ni Mormon ang nagpropesiya tungkol sa pagsilang at ministeryo ni Jesucristo daan-daang taon bago nangyari ito. Sa loob ng 12 araw bago sumapit ang Pasko, ang kalendaryong ito ay magsisilbing reperensya sa mga banal na kasulatan tungkol sa pagsilang at buhay ng Tagapagligtas at mga aktibidad na magagawa ninyo para maging higit na katulad ni Cristo. Basahin ang banal na kasulatan araw-araw, at kung gusto ninyo, subukan ang katugmang aktibidad. Sa pahintulot ng inyong mga magulang, magagamit ninyo sa family home evening ang mga ideya sa kalendaryong ito.
Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson: “Sa ilang sandali, nawa’y kalimutan natin ang mga katalogo ng Pasko, na may kakaibang mga regalo. Kalimutan na rin natin ang mga bulaklak para kay Inay, espesyal na kurbata para kay Itay, magandang manika, laruang tren na bumubusina, pinakahihintay na bisikleta—pati mga aklat at video—at ibaling ang ating isipan sa mga handog ng Diyos na tumatagal.”1
Pagkatapos ng Kapaskuhan, panatilihin sa inyong puso’t isipan ang natutuhan ninyo, at buong taong ipagdiwang ang Pasko sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba.
Disyembre 13
Si Isaias, isang propeta sa Lumang Tipan, ay nagpropesiya na isang birhen ang magsisilang sa Anak ng Ama sa Langit. Isinulat ang mga kuwentong ito sa mga banal na kasulatan mahigit 700 taon bago Siya isinilang.
“Narito, isang dalaga ay maglilihi, at manganganak ng isang lalake, at tatawagin ang kaniyang pangalan na Emmanuel” (Isaias 7:14; tingnan din sa 2 Nephi 17:14).
“Sapagka’t sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalake; at ang pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat: at ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamangha-mangha, Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walang hanggang Ama, Pangulo ng Kapayapaan” (Isaias 9:6; tingnan din sa 2 Nephi 19:6).
Mapanalanging pumili ng isang kaibigan, miyembro ng pamilya, o miyembro ng ward o branch. Palihim na mag-iwan ng maliit na regalo para sa kanya, gaya ng pagkain, talata mula sa mga banal na kasulatan, o Christmas card.
Disyembre 14
Nakita ni Nephi sa isang pangitain ang birheng si Maria at ang sanggol na si Jesus:
“At sinabi niya sa akin: Masdan, ang birheng iyong nakikita ang ina ng Anak ng Diyos, ayon sa laman.
“At ito ay nangyari na, na namasdan ko na siya ay natangay sa Espiritu; at matapos siyang matangay sa Espiritu ng ilang panahon, nangusap sa akin ang anghel, sinasabing: Tingnan!
“At tumingin ako at namasdang muli ang birhen, may dalang isang bata sa kanyang mga bisig.
“At sinabi sa akin ng anghel: Masdan ang Kordero ng Diyos, oo, maging ang Anak ng Walang Hanggang Ama!” 1 Nephi 11:18–21
Gumawa ng Pamaskong listahan ng mga bagay na gusto ninyong ibigay sa halip na mga bagay na gusto ninyong matanggap.
Disyembre 15
Pinatotohanan ng mga propeta ang misyon ni Cristo sa lupa. Narito ang salaysay ng propetang si Abinadi, na nabuhay noong mga 150 B.C.:
“At sa gayon ang laman ay napasakop sa Espiritu, o ang Anak sa Ama, na isang Diyos, dumanas ng tukso, at hindi nagpadaig sa tukso, kundi pinahintulutan ang kanyang sariling kutyain, at pahirapan, at ipagtabuyan, at itakwil ng kanyang sariling mga tao.
“At matapos ang lahat ng ito, matapos gumawa ng maraming makapangyarihang himala sa mga anak ng tao, …
“… siya ay dadalhin, ipapako sa krus, at papatayin, ang laman ay mapasasakop maging sa kamatayan, ang kalooban ng Anak ay mapasasakop sa kalooban ng Ama” (Mosias 15:5–7).
Maghanda ng makakain sa Pasko, at ibigay ito sa isang pamilya sa inyong ward o branch. Ang pagbibigay ay makadaragdag sa pagkakaisa at pagkakaibigan sa ward.
Disyembre 16
Ipinropesiya ni Alma ang sumusunod sa mga tao ni Gideon noong mga 83 B.C.:
“Ang Anak ng Diyos ay paparito sa balat ng lupa. …
“At masdan, siya ay isisilang ni Maria, … , siya na isang birhen, isang mahalaga at piniling nilikha, na lililiman at maglilihi sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, at magsisilang ng isang anak na lalaki, oo, maging ang Anak ng Diyos.
“At siya ay hahayo, magdaranas ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso; at ito ay upang matupad ang salita na nagsabing dadalhin niya sa kanyang sarili ang mga pasakit at ang mga sakit ng kanyang mga tao.
“At dadalhin niya sa kanyang sarili ang kamatayan, upang makalag niya ang mga gapos ng kamatayan na gumagapos sa kanyang mga tao; at dadalhin niya ang kanilang mga kahinaan, upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa” (Alma 7:9–12).
Regaluhan ng paglilingkod ang isang taong nangangailangan. Magpatulong sa inyong pamilya na matukoy ang paglilingkod na maaari ninyong ibigay.
Disyembre 17
Mahal ni Jesucristo ang bawat anak ng Diyos at hinding-hindi kalilimutan ang kahit sino. Ipinropesiya ni Ezekiel na ang Panginoon ay magiging pastol at titipunin ang Kanyang nawawalang mga tupa.
“Sapagka’t ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, ako, sa makatuwid baga’y ako, sisiyasat ng aking mga tupa, at aking hahanapin sila.
“Kung paanong hinanap ng pastor ang kaniyang kawan sa kaarawan na siya’y nasa gitna ng kaniyang mga tupa na nangangalat, gayon ko hahanapin ang aking mga tupa; at ililigtas ko sila sa lahat ng dako. …
“At aking ilalabas sila sa mga bayan … at dadalhin ko sila sa kanilang sariling lupain; at pasasabsabin ko sila sa mga bundok ng Israel” (Ezekiel 34:11–13).
Pag-ukulan ng oras ang isang nakababatang kapatid, kamag-anak, o kaibigan. Basahin sa kanya ang kuwento ng Pasko na nasa Lucas 2.
Disyembre 18
Bagaman perpekto si Jesucristo, kinailangan pa rin Siyang mabinyagan para maganap ang lahat ng katuwiran. Narito ang salaysay ng propesiya ni Lehi, na itinala ni Nephi:
“At sinabi ng aking ama na siya [si Juan Bautista] ay magbibinyag sa Betabara, sa kabila ng Jordan; at sinabi rin niya na siya ay magbibinyag sa pamamagitan ng tubig; maging ang Mesiyas ay bibinyagan niya sa tubig.
“At matapos niyang mabinyagan sa pamamagitan ng tubig ang Mesiyas, kanyang mamamasdan at patototohanang nabinyagan niya ang Kordero ng Diyos, na siyang mag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan” (1 Nephi 10:9–10).
Magregalo sa pamamagitan ng pag-uukol ng oras sa isang maysakit, matanda, o balo sa inyong ward o kapitbahay. Hilinging ikuwento niya sa inyo ang paborito niyang Pasko.
Disyembre 19
Si Samuel, ang Lamanita, ay nagpropesiya tungkol sa mga palatandaan ng pagsilang ng Tagapagligtas:
“Masdan, magbibigay ako sa inyo ng palatandaan; sapagkat limang taon pa ang lilipas, at masdan, pagkatapos ay paparito ang Anak ng Diyos upang tubusin ang lahat ng yaong maniniwala sa kanyang pangalan.
“… Magkakaroon ng mga dakilang liwanag sa langit, kung kaya nga’t sa gabi bago siya pumarito ay hindi magkakaroon ng kadiliman, kung kaya nga’t sa paningin ng mga tao ito ay magmimistulang araw. …
“At masdan, sisikat ang isang bagong bituin, isa na hindi pa kailanman namamasdan; at ito rin ay magiging palatandaan ninyo” (Helaman 14:2–3, 5).
Isulat sa inyong journal kung ano ang kahulugan ng Pasko sa inyo at ano ang mga tradisyon ng inyong pamilya tuwing Pasko.
Disyembre 20
Bago isinilang si Cristo, dinalaw ng anghel na si Gabriel si Maria.
“Nang ikaanim na buwan nga’y sinugo ng Dios ang anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea, ngala’y Nazaret,
“Sa isang dalagang magaasawa sa isang lalake, na ang kaniyang ngala’y Jose, sa angkan ni David; at Maria ang pangalan ng dalaga.
“At pumasok siya sa kinaroroonan niya, at sinabi, Magalak ka, ikaw na totoong pinakamamahal, ang Panginoon ay sumasa iyo[: pinagpala ka sa lahat ng babae]. …
“… Sapagka’t nakasumpong ka ng biyaya sa Dios.
“At narito, maglilihi ka sa iyong tiyan, at manganganak ka ng isang lalake, at tatawagin mo ang kaniyang pangalang Jesus” (Lucas 1:26–28, 30–31).
Magtipon ng mga miyembro ng pamilya at kaibigan na magkakaroling sa inyong lugar, o kumanta ng mga Pamaskong awitin sa sarili ninyong tahanan.
Disyembre 21
Tapat na hinintay ni Nephi, na apo ni Helaman, ang pagparito ng Panginoon. Ngunit sinabi sa kanya ng mga hindi naniniwala, “Ang panahon ay lumipas na, at ang mga salita ni Samuel ay hindi natupad; anupa’t ang inyong kagalakan at ang inyong pananampalataya hinggil sa bagay na ito ay nawalang-saysay” (3 Nephi 1:6).
Pagkatapos si Nephi ay “lumabas at iniyukod ang sarili sa lupa, at nagsumamo nang buong taimtim sa kanyang Diyos para sa kapakanan ng kanyang mga tao” (t. 11).
Sinabi ng Panginoon kay Nephi, “Itaas mo ang iyong ulo at magalak; sapagkat masdan, dumating na ang panahon, at sa gabing ito ang palatandaan ay makikita, at kinabukasan, paparito ako sa daigdig, upang ipakita sa sanlibutan na tutuparin ko ang lahat ng aking pinapangyaring sabihin ng bibig ng aking mga banal na propeta” (t. 13).
Sa inyong mga dalangin, magpasalamat sa Ama sa Langit para sa kaloob na Kanyang Anak.
Disyembre 22
Sa wakas, ang mga propesiya tungkol sa pagsilang ni Cristo ay natupad.
“At ito ay nangyari na, na ang mga salitang sinabi kay Nephi ay natupad, alinsunod sa pagkakasabi sa mga yaon. …
“At marami sa hindi nagsipaniwala sa mga salita ng mga propeta, ang nangabuwal sa lupa at nagmistulang mga patay, … sapagkat ang palatandaang ibinigay ay dumating na. …
“At ito ay nangyari na, na hindi nagkaroon ng kadiliman sa buong gabing yaon, kundi ito ay katulad ng liwanag ng katanghaliang-tapat. …
“At ito rin ay nangyari na, na isang bagong bituin ang lumitaw, alinsunod sa salita” (3 Nephi 1:15–16, 19, 21).
Ibinigay sa atin ni Jesucristo ang pinakadakilang regalo sa lahat, ang Kanyang buhay. Ipakita ang inyong pasasalamat sa inyong mga magulang sa pamamagitan ng pagsulat ng isang liham at pasalamatan sila sa mabubuting bagay na nagawa nila para sa inyo.
Disyembre 23
Sa gabi ng pagsilang ni Cristo, isang anghel ang nagpakita sa matwid na mga pastol sa Bet-lehem para ibalita ang pagsilang ni Cristo.
“At kaniyang ipinanganak ang panganay niyang anak na lalake; at ito’y binalot niya ng mga lampin, at inihiga sa isang pasabsaban, sapagka’t wala nang lugar para [sa] kanila sa tuluyan.
“At may mga pastor ng tupa sa lupain ding yaon na nangasa parang, na pinagpupuyatan sa gabi ang kanilang kawan.
“At tumayo sa tabi nila ang isang anghel ng Panginoon, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nagliwanag sa palibot nila: at sila’y totoong nangatakot.
“At sinabi sa kanila ng anghel, Huwag kayong mangatakot; sapagka’t narito, dinadalhan ko kayo ng mabubuting balita ng malaking kagalakan, na siyang sasa buong bayan:
“Sapagka’t ipinanganak sa inyo ngayon sa bayan ni David ang isang Tagapagligtas, na siya ang Cristo ang Panginoon” (Lucas 2:7–11).
Magpasiya na maging mas maligaya at mabait na tao.
Disyembre 24
Tayo, bilang mga Kristiyano, ay tumatayong mga saksi ni Jesucristo sa bawat araw ng taon sa pamamagitan ng pananampalataya at mabubuting gawa. Ito ang patotoong ibinigay nina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon:
“At ngayon, matapos ang maraming patotoo na ibinigay hinggil sa kanya, ito ang patotoo, na pinakahuli sa lahat, na aming ibibigay tungkol sa kanya: Na siya ay buhay!
“Sapagkat siya ay aming nakita, maging sa kanang kamay ng Diyos; at aming narinig ang tinig na nagpapatotoo na siya ang Bugtong na Anak ng Ama—
“Na sa kanya, at sa pamamagitan niya, at mula sa kanya, ang mga daigdig ay nililikha at nalikha, at ang mga naninirahan dito ay mga isinilang na anak na lalaki at babae ng Diyos” (D at T 76:22–24).
Ibahagi ang inyong patotoo tungkol sa Tagapagligtas sa susunod na angkop na okasyon, tulad ng fast at testimony meeting.