2008
Mga Awiting Pamasko mula sa Ibang Panig ng Bansa
December 2008


Mga Awiting Pamasko mula sa Ibang Panig ng Bansa

Ang musika at pagkanta ay napakahalaga na sa aking pamilya noon pa. Habang lumalaki ako, tumutugtog ng piano ang kapatid ko habang nakapaligid kaming anim na magkakapatid at kumakanta ng paborito naming mga awitin sa Simbahan. Kabilang sa masasaya kong alaala ang mga panahong ito.

Pagkatapos ng hayskul, tumira ako malapit sa aking pamilya hanggang sa mapangasawa ko ang isang mabait na binatang nakadestino sa aming bayan at nagtatrabaho sa U.S. Air Force. Makalipas ang isa’t kalahating taon, nalipat kaming mag-asawa, kasama ang dalawang-buwang anak naming babae, sa isang base militar sa bansa. Nagkaroon kami ng isang anak, at dahil sa gastusing kaakibat ng dalawang sanggol, hindi kami makabalik para mabisita ang aming mga pamilya. Dahil anim na anak pa ang nasa bahay, hindi rin kami mabisita ng mga magulang ko. Dahil napakalayo namin sa pamilya ko at nangungulila ako sa asawa ko na madalas madestino sa ibang lugar, kadalasan ay malungkot ako. Lalong mahirap kapag pista-opisyal.

Noong Bisperas ng Pasko ng 1996, habang abala kaming mag-asawa sa tradisyonal naming mga aktibidad sa Bisperas ng Pasko kasama ang dalawa naming musmos na anak, laging sumasagi sa isipan ko ang mga magulang ko at kapatid. Sinulyapan ko ang orasan at alam kong sa oras na iyon ay nakaupo na sila sa kumot na nakalatag nang maayos sa sahig at kumakain ng “handa sa Pasko” na mga prutas, maliliit na longganisa, keso, at biskwit habang binabasa ni Itay ang kuwento ng pagsilang ni Cristo mula sa banal na kasulatan. Inilarawan ko sa aking isipan ang kanilang mga mukha. Mukha ko lang ang wala roon.

Habang nagmumuni-muni, ipinagdasal ko na mas makaugnay ko ang pamilya ko. Biglang tumunog ang telepono, at nakausap ko ang nanay ko. Sabi niya may gusto daw siyang iparinig sa amin. Binuksan ko ang speaker phone, at nakinig kami habang nakapaligid ang tatlong bunso kong kapatid na babae sa piyano at kinanta ang pinakamagandang bersyon ng “Do You Hear What I Hear?” Napuno ng luha ang mga mata naming mag-asawa habang pinakikinggan ang tatluhang-tinig mula sa aming telepono. Halos dama namin na kasama namin sa silid ang aking pamilya.

Ang simpleng awitin nila ay naghatid ng saya sa aming tahanan noong Bisperas ng Paskong iyon na lalagi sa aking alaala. Sa lahat ng regalong natanggap namin sa Paskong iyon, na marami ay binili sa tindahan at maingat na ibinalot at sinulatan ng pangalan, ang matamis na awiting iyon ang pinakamahalaga sa amin.