2008
Mga Tanong at mga Sagot
December 2008


Mga Tanong at mga Sagot

“Ano ang magagawa ko para di gaanong paulit-ulit at maging mas makabuluhan ang mga panalangin ko?”

Niliwanag ng mga banal na kasulatan na ang walang kabuluhang pag-uulit-ulit ang problema (tingnan sa Mateo 6:7). Kung minsan kailangan mong ulitin ang mahahalagang bagay sa mga panalangin mo. Ngunit kung uulitin mo ang mga salita nang hindi nag-iisip, hindi ka talaga nakikipag-usap sa Ama sa Langit. Para maiwasan ang walang kabuluhang pag-uulit-ulit, matutong manalangin nang may “tunay na hangarin” (tingnan sa 2 Nephi 31:13; Moroni 7:9; 10:4)–ibig sabihin, manalangin nang taimtim at may hangaring kumilos nang may pananampalataya.

Sa 3 Nephi nanalangin ang mga disipulo ng Tagapagligtas “nang walang humpay,” subalit “hindi sila nagparami ng mga salita, sapagkat ipinagkaloob sa kanila ang nararapat nilang idalangin” (3 Nephi 19:24). Magagabayan ng Espiritu Santo ang mga panalangin mo at magagawa itong mas makabuluhan (tingnan sa Mga Taga Roma 8:26). Nakakatulong ding mag-ukol ng oras na manalangin sa isang tahimik na lugar kapag hindi ka nagmamadali.

Sa huli, isipin ang maraming iba’t ibang bagay na ipagdarasal mo. Nagtatamasa ka ng maraming biyaya bawat araw, at kailangan mo ang tulong ng langit sa maraming sitwasyon. Pasalamatan ang Ama sa Langit para sa iyong mga biyaya, at ipagdasal ang mga bagay na kailangan mo. Maipagdarasal mong ikaw ay patawarin, tulungan sa mga pagsubok, magkaroon ng mas matibay na patotoo, at mapangalagaan laban sa tukso.

Di-makasariling mga Panalangin

Kung minsan kapag nagdarasal tayo, palagay ko’y makasarili tayo dahil—iniisip lang natin ang ating sarili at ang gusto natin. Isipin natin ang iba at ang mga pangangailangan nila. Bilangin ang bawat pagpapala, at pasalamatan ang Ama sa Langit para sa mga ito. Nagdarasal tayo hindi lang para makinig ang Ama sa Langit sa ating mga gusto at reklamo kundi para makinig din tayo sa Kanya. Paano tayo tatanggap ng paghahayag kung magmamadali tayong sabihin ang gusto natin at pagkatapos ay hihiga na? Tanungin Siya kung ano ang gusto Niyang ipagawa sa iyo. Magiging mas mabuti kang tao.

Rebecah W., 16, Idaho, USA

Hayaang Gabayan Ka ng Espiritu Santo

Pagnilay-nilayin kung aling mga bagay ang lubos mong pinasasalamatan at mga bagay na kailangang-kailangan mo sa buhay. Gagabayan ka ng Espiritu at bibigyan ka ng mga sagot at mungkahi na darating bilang mga ideya, kaisipan, panghihikayat. Maaari ka ring mag-ingat ng journal na mapagtatalaan mo ng mga kaisipan at ideyang ito para masangguni sa hinaharap.

Elder Sebo, 21, Texas Houston Mission

Alalahanin ang mga Ginawa Mo sa Maghapon

Tuwing magdarasal ako sa gabi, iniisip ko ang nabasa ko sa mga banal na kasulatan. Sinisikap kong alalahanin kung ano ang nagawa kong tama at ano ang kailangan ko pang pagbutihin. Makakahingi ako ng tulong sa Ama sa Langit sa mga pagsubok sa araw na iyon. Hinihiling ko sa Kanya na palagi akong tulungan na maalala ang Kanyang payo at bigyan ako ng lakas na sundin iyon. Dahil kakaiba ang bawat araw, kahit may pang-araw-araw tayong gawain, iba-iba lagi ang mangyayari. Dahil dito, habang pinag-iisipan natin ang mga ginawa natin sa maghapon, lagi tayong may iba’t ibang bagay na hihilingin at pasasalamatan.

Kétia F., 20, Palmas, Brazil

Manalangin nang Malakas

Humanap ng oras at lugar kung saan maaari kang mapag-isa at manalangin nang malakas. Kapag nanalangin ka nang malakas, madarama mo na mas personal at makahulugan ito. Mas madaling iwasan ang walang kabuluhang pag-uulit-ulit at di malilihis ang iyong isipan. Parang nakikipag-usap ka talaga sa Ama sa Langit.

Elder Marra, 20, Colorado Colorado Springs Mission

Manalangin at Pagkatapos ay Makinig

Kapag nadama mo na kailangan mong magtiwala sa Panginoon at pagbutihin ang iyong ugnayan sa Kanya, isipin kung ano ang gusto mo at lumuhod sa panalangin. Isipin ang Ama sa Langit, at kausapin Siya na parang Ama mo, na Siya naman talaga. Sabihin sa kanya ang lahat ng nadarama mo. Makipag-usap nang taimtim, masinsinan. Magtiwala sa Kanya, pasalamatan Siya, humingi ng tawad sa Kanya, masiyahan sa Kanyang pagpiling, ipadama ang pagmamahal mo sa Kanya, at pagkatapos ay pakinggang mabuti ang mga sagot.

Raúl A., 20, Mexico City, Mexico

Ipagdasal ang Partikular na mga Bagay

Ang paghahanda nang maaga, kahit ilang minuto lang para buuin ang iyong mga ideya at pinakamarubdob na mga hangarin, ay tumitiyak na mas magtutuon ka sa mga sinasabi mo sa iyong Ama sa Langit. Isipin ang iyong pamilya, kamag-anak, at iba pang nangangailangan ng iyong mga dalangin. Napakaraming nangangailangan ng tulong, patnubay, at proteksyon.

Mababago ng pagtutuon sa partikular na mga pagpapala at pagdarasal nang detalyado ang karaniwang pagsambit ng “Biyayaan po sana Ninyo ako ng magandang araw” at gagawin itong “Patnubayan po sana Ninyo ako sa aking mga desisyon para maging magandang halimbawa ako sa iba.” Iyon ang mga dalanging pahahalagahan mo sa puso mo dahil higit itong katulad ng kay Cristo—na siya namang nararapat.

Hannah T., 14, Maryland, USA

Larawan ni Pangulong Monson na kuha ng Busath Photography