2008
Ilaan ang Inyong Gawain
December 2008


Mga Klasikong Ebanghelyo

Ilaan ang Inyong Gawain

Si Neal A. Maxwell ay naglingkod nang dalawang taon bilang Assistant sa Labindalawa at limang taon sa Panguluhan ng Pitumpu bago sinang-ayunan bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol noong Oktubre 3, 1981. Pumanaw siya noong Hulyo 21, 2004, sa Salt Lake City pagkaraan ng walong-taong pakikibaka sa leukemia. Ipinahayag ni Elder Maxwell ang walang-kamatayang sermong ito tungkol sa paglalaan sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2002.

Ang mga salitang ito’y para sa mga di-perpekto ngunit nagsisikap pa rin sa sambahayan ng pananampalataya. Gaya ng dati, ang una at pangunahing tagapakinig ko ay ang aking sarili.

Iniisip natin minsan na ang paglalaan ay pagbibigay ng ating materyal na ari-arian, kapag ito ay ipinag-utos ng Diyos. Ngunit ang tunay na paglalaan ay ang pagpapasailalim natin sa Diyos. Puso, kaluluwa, at isipan ang mga bagay na binanggit ni Cristo sa paglalarawan sa unang kautusan, na umiiral sa tuwina at di lamang sa pana-panahon (tingnan sa Mateo 22:37). Kung ito’y tutuparin natin, ang ating mga gawain ay ganap na mailalaan para sa walang hanggang kapakanan ng ating kaluluwa (tingnan sa 2 Nephi 32:9).

Kabilang sa gayong kabuuan ang sama-samang pagpapasailalim ng damdamin, kaisipan, pananalita, at gawa, na taliwas sa pagtalikod: “Sapagkat paano makikilala ng isang tao ang panginoon na hindi niya pinaglingkuran, at kung sino ay dayuhan sa kanya, at malayo sa pag-iisip at mga hangarin ng kanyang puso?” (Mosias 5:13).

Binabalewala ng marami ang paglaan dahil waring napakahirap unawain o gawin nito. Gayunman, ang masisigasig sa atin na nagpapakabuti ay nababagabag dahil sa kanilang pag-unlad na may kahalong pagpapaliban. Dahil dito, magiliw na payo ang ibinibigay lakip ang katibayan ng kautusang ito, hinihikayat na patuloy na maglakbay, at inaaliw habang dumaranas ang bawat isa sa atin ng hirap.

Sumunod nang Lubusan

Hindi kaagad naisasagawa ang espirituwal na pagsunod, kundi sa paunti-unti at sunud-sunod na paghakbang. Kailangan din kasing paisa-isa ang gawing paghakbang sa mga batong tuntungan. Sa huli ang ating kalooban ay “mapasasakop sa kalooban ng Ama” habang tayo’y “handang pasakop … maging katulad ng isang batang napasasakop sa kanyang ama” (Mosias 15:7; 3:19). Kung hindi, kahit nagsisikap tayo, patuloy nating madarama na nasasayang ang oras natin sa paggawa ng mga bagay na hindi mahalaga.

Makakatulong ang ilang halimbawa ng paglalaan ng materyal na bagay ng ilang tao. Nang ipagbili nina Ananias at Safira ang kanilang ari-arian, “inilingid [nila] ang isang bahagi ng halaga” (tingnan sa Mga Gawa 5:1–11). Marami sa atin ang nagpipilit hawakan ang isang “bahagi,” at itinuturing nating sa atin ang bagay na pinagnanasaan. Kaya nga, kapag tayo’y nagbibigay, ang pagbibigay ng pinakahuling bahagi ang pinakamahirap. Tunay na ang paglalaan ng isang bahagi ay kapuri-puri, ngunit katulad nito ang katwiran na, “Nagbigay na ako sa opisina” (tingnan sa Santiago 1:7–8).

Halimbawa, maaaring mayroon tayong mga kakayahan na inaakala nating pag-aari natin. Kung patuloy tayong kakapit dito kaysa sa Diyos, mag-aatubili tayo sa lubusang pagsunod sa unang kautusan. Dahil Diyos ang nagbigay sa atin ng “hininga … sa bawat sandali,” ang paghinga nang mabilis at malalim ay hindi ipinapayo! (Mosias 2:21).

Nagkakaroon ng hadlang kapag bukas-palad tayong nagbibigay ng ating oras at salapi [sa Diyos] ngunit ipinagkakait naman ang ilang bahagi ng ating sarili, patunay na hindi pa tayo ganap na Kanya!

Ang ilan ay nahihirapan kapag nabigyan ng partikular na gawain kapag patapos na sila. Gayunman, huwaran natin si Juan Bautista, na nagsabi [tungkol] sa lumalaking kawan ni Jesus, “Siya’y kinakailangang dumakila, ngunit ako’y kinakailangang bumaba” (Juan 3:30). Ang maling pag-aakala na ang tanging sukatan ng pagmamahal sa atin ng Diyos ay ang ating kasalukuyang tungkulin ay nagdaragdag sa ating pag-aatubiling bumitaw. Mga kapatid, noon pa man “dakila” na ang tingin sa atin sa langit; hindi ito pabagu-bagong gaya ng halaga sa stock market.

Hindi natin nagagamit ang iba pang batong-tuntungan dahil, gaya ng mayaman at matapat na binata, hindi natin kayang harapin ang mga pagkukulang natin (tingnan sa Marcos 10:21). Ang nalalabing kasakiman ay nahahayag.

Ang pag-urong ay nangyayari sa maraming paraan. Ang kahariang terestriyal, halimbawa, ay kabibilangan ng mga “marangal na tao,” maliwanag na hindi mga sinungaling. Ngunit hindi pa rin sila “matatatag sa pagpapatotoo kay Jesus” (D at T 76:75, 79). Ang pinakamainam na paraan upang matatag na makapagpatotoo kay Jesus ay ang maging katulad Niya, at ito ang paglalaan na lumililok ng huwarang pagkatao (tingnan sa 3 Nephi 27:27).

Huwag Unahin ang Ibang mga Diyos sa Diyos

Sa pagharap sa nabanggit kong mga hamon, ang espirituwal na pagsunod ay talagang nakatutulong at kapaki-pakinabang—minsan tumutulong ito upang “pawalan” natin ang mga bagay, kahit ang buhay sa mundo, at minsa’y “kumapit nang mahigpit,” at may pagkakataong dapat gamitin ang kasunod na batong-tuntungan (tingnan sa 1 Nephi 8:30).

Pero kung hindi balanse ang ating pananaw, ang susunod na ilang dipa ay waring napakahirap. Bagamat batid ng mga sinaunang Israel kung paano sila pinagpala ng Diyos upang makatakas sa makapangyarihang Faraon at sa kanyang mga hukbo, sina Laman at Lemuel na may makitid na pananaw ay wala pa ring sapat na pananampalataya na tutulungan sila ng Diyos laban kay Laban.

Maaari din tayong maligaw kung labis tayong abala sa pagbibigay-kasiyahan sa mga taong mas nakatataas sa atin sa propesyon at libangan. Ang pagbibigay kasiyahan sa “ibang diyus-diyosan” sa halip na sa tunay na Diyos ay labag pa rin sa unang kautusan (Exodo 20:3).

Ipinagtatanggol din natin kung minsan ang ating kakaibang pag-uugali, na para bang pagpapahayag lamang ito ng ating indibiduwalidad. Sabagay, ang pagkadisipulo ay isang “larong nakakasakit,” tulad ng pinatotohanan ni Propetang Joseph:

“Ako ay tulad ng isang malaki, at magaspang na bato … at ang tanging pagpapakinis na natatanggap ko ay kapag may bagay na bumabangga sa akin, na tumatama sa akin nang malakas. … Kaya nga ako’y naging makinis at makintab na puluhan sa suksukan ng Pinakamakapangyarihan.”1

Dahil mas madaling lumuhod at manalangin kaysa lubusang ilaan ang ating isipan sa Diyos, ang hindi pagbibigay ng “bahaging” ito ang dahilan kung kaya hindi makapag-ambag o makatulong ang matatalinong tao sa gawain ng Diyos. Mas mabuti pang maging mapagpakumbabang gaya ni Moises, na natuto ng mga bagay na “hindi niya inakala” (Moises 1:10). Gayunman, mga kapatid, nakalulungkot na dahil kumplikado ang kaugnayan ng karapatan sa pagpili at ng kakaiba nating identidad, nag-aatubili tayong ilaan ang ating kaisipan sa Diyos. Ang pagsuko ng isipan, sa katunayan ay isang tagumpay, dahil ipinakikilala nito sa atin ang mas malawak at “mataas” na paraan ng Diyos! (Isaias 55:9).

Sa kabaligtaran, ang labis na atensiyon, maging sa mga bagay na mabuti, ay maaaring makabawas sa ating katapatan sa Diyos. Halimbawa, maaaring maging labis na abala ang tao sa isports at sa mga uri ng pagsamba sa katawan na nakikita natin sa mga tao. Maaaring magbigay-pitagan ang tao sa kalikasan at kalimutan naman ang Diyos ng kalikasan. Ang isa nama’y maaaring nakatuon lang sa mabuting musika at gayundin sa magandang propesyon, at kalimutan na ang iba. Sa ganitong mga kalagayan, ang mga “lalong mahalagang bagay” ay madalas malimutan (Mateo 23:23; tingnan din sa I Mga Taga Corinto 2:16). Tanging ang Pinakamataas ang ganap na makagagabay sa atin sa mabubuting bagay na magagawa natin.

Mariing sinabi ni Jesus na sa dalawang dakilang kautusan nakasalalay ang lahat ng bagay, at hindi ang kabaligtaran nito (tingnan sa Mateo 22:40). Hindi dapat ipagpaliban ang unang kautusan dahil lang sa abala tayo sa mga bagay na di gaanong mabuti, dahil hindi tayo sumasamba sa mas mababang uri ng diyos.

Kilalanin ang Kamay ng Diyos

Bago natin kamtin ang ani ng mabuting gawa, kilalanin muna natin ang kamay o tulong ng Diyos. Kung hindi, magkakaroon ng mga pangangatwiran, at kabibilangan ng, “Ang aking kapangyarihan at ang lakas ng aking kamay ang siyang nagbigay sa akin ng kayamanang ito” (Deuteronomio 8:17). O “magyayabang” tayo, gaya ng sinaunang Israel (maliban sa sadyang maliit na hukbo ni Gideon), na nagmamalaking “aking kamay ang nagligtas sa akin” (Mga Hukom 7:2). Ang pagmamalaki sa sarili nating “lakas” ang dahilan kung bakit mahirap nating kilalanin ang kamay ng Diyos sa lahat ng bagay (tingnan sa Alma 14:11; D at T 59:21).

Sa lugar na tinawag na Meriba, ang isa sa mga pinakadakila, si Moises, ay napagod na sa maingay na paghingi ng mga tao ng tubig. Maya-maya, “bigla-biglang nagsabi” si Moises, “Ikukuha ba namin kayo ng tubig?” (Awit 106:33; Mga Bilang 20:10; tingnan din sa Deuteronomio 4:21). Tinuruan ng Panginoon ang magiting na si Moises sa maling paggamit ng panghalip na “namin” sa halip na sabihing “niya” at muli siyang pinagpala. Makabubuting maging mapagpakumbaba tayo gaya ni Moises (tingnan sa Mga Bilang 12:3).

Hindi kailanman nawala ang pokus ni Jesus! Bagamat abala Siya sa paggawa ng kabutihan, batid Niyang kailangan pa Niyang gawin ang Pagbabayad-sala, at nagsusumamo niyang sinabi, “Ama, iligtas mo ako sa oras na ito. Nguni’t dahil dito ay naparito ako sa oras na ito” (Juan 12:27; tingnan din sa 5:30; 6:38).

Habang nadaragdagan ang ating pagmamahal, pagtitiyaga, at kababaang-loob, mas higit na kailangan nating magbigay sa Diyos at sa sangkatauhan. Gayunman, walang sinuman sa atin na ilalagay sa katulad na kalagayan ng buhay natin sa mundo.

Tunay na inilalagay tayo ng mga batong-tuntungan sa bagong teritoryo na tila atubili nating puntahan. Kaya nga, ang matatagumpay na gumamit ng mga batong-tuntungang ito ang lubhang makahihikayat sa atin. Kara-niwan ay mas pinakikinggan natin ang mga taong lihim nating hinahangaan. Naalala ng gutom na alibughang anak ang mga pagkain nila sa bahay, gayon din ang tungkol sa ibang bagay, at nagsabi, “Magtitindig ako at paroroon sa aking ama” (Lucas 15:18).

Ibinabalik ng Paglalaan sa Diyos ang Ganang sa Kanya

Sa pagsisikap na lubos na makasunod, hahangarin ng kalooban natin ang lahat ng kailangan nating ibigay sa Diyos. Ang karaniwang mga kaloob at mga kagaya nito na ibinibigay natin sa Kanya ay maaaring tatakan ng “Ibalik sa Nagbigay,” na may malaking titik na N. Kahit matanggap ng Diyos ang isang kaloob na ito bilang ganti, ang matatapat ay tatanggapin ang “lahat ng mayroon [Siya]” (D at T 84:38). Napakagandang pagpapalitan!

Samantala, nariyan pa rin ang ilang katotohanan: Ibinigay ng Diyos ang ating buhay, ang ating kalayaan sa pagpili, ating mga talento, at ating mga oportunidad; ibinigay Niya sa atin ang ating mga ari-arian; ibinigay Niya sa atin ang panahon na ilalagi natin sa lupa at ang [hiram na] hininga (tingnan sa D at T 64:32). Kapag isinaisip ang mga ito, maiiwasan natin ang mabibigat na pagkakamali sa kung ano ang mahalaga at kung ano ang hindi. Ang ilan sa mga ito ay di gaanong katawa-tawang tulad ng pagkarinig sa double quartet at mapagkamalan na Tabernacle Choir ang kumakanta!

Hindi nakapagtatakang pinagdiinan ni Pangulong [Gordon B.] Hinckley … ang ating pagiging pinagtipanang tao, na binibigyang-diin ang mga tipan ng sakramento, ikapu, at templo, na sinasabing pagsasakripisyo “ang siyang diwa ng Pagbabayad-sala.”2

Halimbawa ng Pagpapakumbaba ni Jesus

Ang kahanga-hangang pagsunod ay ipinakita ng Tagapagligtas nang harapin Niya ang hirap at dusa ng Pagbabayad-sala at “nagnais na kung maaari ay hindi [Niya] lagukin ang mapait na saro at manliit” (D at T 19:18). Sa ating maliit at di perpektong timbangan, nahaharap tayo sa mga pagsubok at iniisip na sana ay alisin ang mga pagsubok na ito.

Isipin ito: Ano ang mangyayari sa ministeryo ni Jesus kung ang ginawa lang Niya ay ang ibang mga himala at hindi ang himala sa Getsemani at sa Kalbaryo? Naghatid ng karagdagang hininga at nakapawi ng paghihirap ang iba pa Niyang mga himala—para sa ilan. Ngunit paano maikukumpara ang mga himalang ito sa pinakadakilang himala ng Pagkabuhay na Mag-uli para sa lahat? (tingnan sa 1 Mga Taga Corinto 15:22). Ang pagpaparami ng tinapay at mga isda ay nagpakain ng maraming nagugutom. Gayunman, ang mga tumanggap nito ay nagutom muli, samantalang ang mga nakibahagi sa Tinapay ng Buhay ay di na muling magugutom (tingnan sa Juan 6:51, 58).

Sa pagmumuni-muni at pagsunod natin sa paglalaan, hindi kataka-taka na matakot tayo sa maaaring hilingin sa atin. Gayunman sinabi sa atin ng Panginoon, “Ang aking biyaya ay sapat para sa inyo” (D at T 17:8). Naniniwala ba tayo talaga sa Kanya? Nangako rin Siya na palalakasin Niya ang mahihinang bagay (tingnan sa Eter 12:27). Handa ba talaga tayong gawin ang prosesong ito? Ngunit kung naghahangad tayo ng kaganapan, hindi natin dapat ilingid ang anumang bahagi gaano man kaliit ito!

Ang pagpapasakop sa kalooban ng Ama ay nangangahulugan ng pag-unlad ng pagkatao, paglaki at pagkakaroon ng higit na kakayahang makatanggap ng “lahat ng mayroon [ang Diyos]” (D at T 84:38). Bukod dito, paano ipagkakatiwala sa atin ang “lahat” ng mayroon Siya kung ang ating kalooban ay di tulad ng sa Kanya? At paano ganap na mapahahalagahan ang “lahat” ng Kanya kung hindi tayo ganap na magpapailalim sa Kanya.

Ang totoo, ipinagkakanulo natin ang ating sarili sa pamamagitan ng paglilingid ng kahit na maliit na “bahagi.” Hindi na kailangan pang itanong, “Ako baga, Panginoon?” (Mateo 26:22). Sa halip, magtanong tayo tungkol sa humahadlang sa atin, “Ito po ba, Panginoon?” Maaaring matagal na nating alam ito at mas kailangan na lang natin itong lutasin sa halip na alamin ang sagot mula sa Kanya.

Ang pinakamatamis na kaligayahan sa plano ng Diyos ay nakalaan sa mga handang gumawa at magbayad ng halaga sa pagtungo sa Kanyang maluwalhating kaharian. Mga kapatid, “halina, tayo’y magpatuloy sa paglalakbay [na ito].”3

Sa pangalan ng Panginoon na nakaunat ang bisig (tingnan sa D at T 103:17; 136:22), maging si Jesucristo, amen.Idinagdag ang mga subhead; ang ispeling, estilo, at mga binanggit na sanggunian ay pinagpare-pareho.

Mga Tala

  1. Sa James R. Clark, nagtipon, Messages of the First Presidency of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 6 na tomo. (1965–75), 1:185.

  2. Teachings of Gordon B. Hinckley (1997), 147.

  3. “Come, Let Us Anew,” Hymns, blg. 217.

Detalye mula sa Si Cristo at ang Mayamang Binatang Pinuno, ni Heinrich Hofmann, sa kagandahang-loob ng C. Harrison Conroy Co.

Huwag Mangyari ang Aking Kalooban, Kundi ang Iyo, ni Harry Anderson, © Seventh-Day Adventist Church, hindi maaaring kopyahin

Ang kahanga-hangang pagsunod ay ipinakita ng Tagapagligtas nang harapin Niya ang hirap at dusa ng Pagbabayad-sala at “nagnais na kung maaari ay hindi [Niya] lagukin ang mapait na saro at manliit.”

Larawan ng sacrament na kuha ni Grant Heaton; BUHAY NI CRISTO, NI ROBERT T. BARRETT, HINDI MAAARING KOPYAHIN

Ang pagpaparami ng tinapay at mga isda ay nagpakain ng maraming nagugutom. Magkagayunman, ang mga tumanggap nito ay nagutom muli, samantalang ang mga nakibahagi sa Tinapay ng Buhay ay di na muling magugutom.