2008
Mga Ideya para sa Family Home Evening
December 2008


Mga Ideya para sa Family Home Evening

Ang mga mungkahing ito sa pagtuturo ay magagamit sa klase at gayundin sa tahanan. Maaari ninyong iakma ang mga ideyang ito sa inyong pamilya o klase.

“Silid sa Bahay-Tuluyan,” p. 8: Magsiksikan sa ilalim ng kumot, na nagkukunwaring nasa isang sasakyan kayo tulad ng nasa kuwento. Isalaysay ang kuwento. Talakayin kung ano ang pakiramdam kung sa van ninyo gugugulin ang Bisperas ng Pasko. Talakayin kung paano pinaglingkuran ng tagapangalaga ng bahay-tuluyan ang pamilya. Mapanalanging magplano ng isang paraan na makapaglilingkod ang inyong pamilya sa ibang tao sa Kapaskuhang ito.

“Isang Himala sa Araw ng Pasko,” p. 12: Isalaysay ang kuwento ng mga misyonero sa inyong pamilya. Talakayin ang galak na hatid ng pagkanta sa mga tao na nasa tren. Magplano ng isang proyekto sa Pasko na magagawa ng inyong pamilya para sa isang tao.

“Lubos na Ilaan ang Inyong Gawain,” p. 20: Pumili ng limang bagay na magagamit bilang mga batong-tuntungan, tulad ng malalaking bato o papel. Isulat sa bawat aytem ang pamagat ng mga bahagi mula sa artikulo. Isa-isang hakbangan ang mga bato habang tinatalakay ninyo ang bahaging iyon. Isiping basahin ang mga banal na kasulatan mula sa artikulo. Talakayin ang mga hadlang na nakakaharap natin sa buhay. Magwakas sa pagbabasa ng huling ilang talata ng artikulo.

“Ako ay Namangha sa Pag-ibig ni Jesus,” p. 28: Basahin ang bahaging “Kagalakan sa Muling Pagkikita” hanggang sa puntong lalapitan na ng misyonero ang kanyang pamilya. Pahulaan sa inyong pamilya kung sino ang unang lalapit para salubungin ang misyonero. Pagkatapos magkuwento, talakayin ang pagmamahal ng mga magulang sa kanilang mga anak at ang pag-ibig ng Ama sa Langit sa ating lahat.

“Ang Lihim na Tagapagbigay,” p. K14: Isalaysay ang kuwento ni David sa inyong pamilya. Ano ang natutuhan ni David? Gamit ang kanyang halimbawa ng pagiging Lihim na Tagapagbigay, isiping gawin ang isa sa mga sumusunod: (1) Mapanalanging pumili ng mga tao o isang pamilya sa inyong lugar na maaaring nalulungkot o nangangailangan. Magplano ng mga angkop na paglilingkod sa kanila. (2) Isulat ang pangalan ng mga miyembro ng pamilya sa mga piraso ng papel. Pumili ng isang pangalan, at lihim na pagsilbihan ang taong iyon sa linggong ito.