Oras ng Pagbabahagi
Mga Kuwento kay Jesus, Isalaysay sa Akin
“At nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, nangangaral tayo tungkol kay Cristo, nagpopropesiya tayo tungkol kay Cristo, at sumusulat tayo alinsunod sa ating mga propesiya” (2 Nephi 25:26).
Ang mga k’wento kay Jesus na gusto ko,
Isalaysay po sa akin lahat ito.
K’wento habang s’ya’y naglalakad,
K’wento habang S’ya’y naglalayag.
(“Ang mga K’wento kay Jesus,” Aklat ng mga Awit Pambata, 36)
Ano ang paborito ninyong mga kuwento tungkol kay Jesus? Gusto ba ninyo ang kuwento ng Kanyang pagsilang? Nabasa na ba ninyo kung paano Niya pinapaya ang nagngangalit na karagatan? Alam ba ninyo na pinagaling Niya ang bulag at ibinangon ang kaibigan Niyang si Lazaro mula sa mga patay? Nabasa na ba ninyo kung paano Niya minahal ang mga bata?
Ang mga kuwento tungkol kay Jesus ay matatagpuan sa mga banal na kasulatan. Isinulat ni Nephi, isang propeta sa Aklat ni Mormon, “At nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, nangangaral tayo tungkol kay Cristo, nagpopropesiya tayo tungkol kay Cristo, at sumusulat tayo alinsunod sa ating mga propesiya” (2 Nephi 25:26). Inutusan ng Ama sa Langit ang Kanyang mga propeta na magpatotoo tungkol sa Kanyang Anak na si Jesucristo, at mag-ingat ng sagradong mga talaan para malaman natin ang tungkol kay Jesus.
Sinabihan kayo ng mga propeta na basahin ang mga banal na kasulatan araw-araw. Sa buwan ng Disyembre, basahin ang tungkol sa pagsilang ni Jesus at ang mga himalang isinagawa Niya. Kausapin ang inyong pamilya tungkol sa mahalagang kaloob ng Pagbabayad-sala. Kapag nalaman ninyo ang mga kuwento tungkol kay Jesus, pagpapalain kayong madama ang pagmamahal Niya sa inyo, at lalago ang inyong patotoo sa Kanyang ebanghelyo.
Aktibidad
Bawat araw sa buwan ng Disyembre hanapin ang talatang tumutukoy sa araw na iyon sa mumunting banal na kasulatan na nasa pahina K4 at basahin ang mga kuwento tungkol kay Jesus. Pagkatapos ay kulayan ang mga talata para sa araw na iyon. Sa bawat araw ay may nakalista ring larawan mula sa Gospel Art Picture Kit (GAK) na kasama ng kuwento. Ibahagi sa inyong pamilya ang paborito ninyong mga kuwento tungkol kay Jesus.
Mga Ideya sa Oras ng Pagbabahagi
-
Bago ang oras ng pagbabahagi, palakihan ang larawan mula sa Primarya 6, aralin 46, p. 253. Simulan ang oras ng pagbabahagi sa pamamagitan ng pagtataas ng Biblia at ng Aklat ni Mormon. Ipatukoy sa mga bata ang dalawang aklat. Maglaro ng isang simpleng hulaan sa pamamagitan ng pagbanggit ng pangalan ng isang propeta at pagpapatukoy sa mga bata kung saang banal na kasulatan makikita ang mga turo ng propetang iyon. Ilagay sa pisara ang pinalakihang kopya ng pahina 253. Basahin ang lingguhang alituntunin ng ebanghelyo: “Sinabi ng mga propeta na darating si Jesucristo sa mundo.” Basahin ang mga pangalan ng limang propeta sa pinalakihang kopya, at sabihin kung kailan sila nabuhay sa daigdig. Ipatukoy sa mga bata kung saang aklat ng banal na kasulatan nagmula ang bawat propeta. Anyayahan ang mga bata o atasan ang mga klase na hanapin ang nakalistang mga banal na kasulatan: Isaias 7:14; 9:6; Mikas 5:2; 1 Nephi 11:18–21; Alma 7:9–10; at Helaman 14:1–6. Bigyan ang bawat bata ng kopya ng handout na kukulayan. Magpatotoo na ang mga banal na kasulatan ay salita ng Diyos at nagpapatotoo ang mga ito tungkol sa pagsilang ni Jesucristo.
-
Isulat sa pisara ang lingguhang alituntunin ng ebanghelyo, at basahin ito nang sabay-sabay: “Ang mga propesiya ay natupad. Si Jesucristo ay isinilang at nagalak ang mabubuti.” Bigyang-kahulugan ang salitang propesiya.Gumamit ng mga pagsasadula para maisali ang mga bata sa pagkatuto tungkol sa mga nangyari sa Biblia at sa Aklat ni Mormon nang isilang si Jesus (tingnan sa “Mga Pagsasadula,” Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [1999], 219–20). Magbahagi ng mga talata mula sa Lucas 2 at 3 Nephi 1:8–21. Muling basahin ang lingguhang alituntunin ng ebanghelyo. Ipaisip sa mga bata ang mga kuwento ng pagsilang ni Jesus mula sa Biblia at sa Aklat ni Mormon. Banggitin ang pangalan ng ilang mabubuti na nagalak sa Kanyang pagsilang. Tulungan ang mga bata na maunawaan na ang mabubuti ay nagagalak ngayon sa pagdiriwang natin sa pagsilang ni Jesus. Pag-usapan ang mga paraan kung paano tayo makapagsasaya sa pagdiriwang ng Kanyang pagsilang. Ituro ang koro ng “Halina, Magdiwang” (Mga Himno, blg. 122). Magpatotoo tungkol sa mga kuwento ng pagsilang ni Jesus sa banal na kasulatan.