2008
Si Jesucristo ang Ilaw, Buhay, at Pag-asa ng Sanlibutan
December 2008


Mensahe sa Visiting Teaching

Si Jesucristo ang Ilaw, Buhay, at Pag-asa ng Sanlibutan

Ituro ang mga banal na kasulatan at mga siping tumutugon sa mga pangangailangan ng kababaihang inyong binibisita. Patotohanan ang doktrina. Ipabahagi sa inyong mga tinuturuan ang kanilang nadama at natutuhan.

Paano Naging Ilaw at Buhay ng Sanlibutan si Jesucristo?

1 Nephi 17:13: “Ako rin ang magiging tanglaw ninyo sa ilang; … anupa’t habang inyong sinusunod ang aking mga kautusan, kayo ay aakayin patungo sa lupang pangako; at malalaman ninyo na sa pamamagitan ko kayo ay naakay.”

Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Si Jesucristo ang ilaw at buhay ng sanlibutan. Lahat ng bagay ay nilikha niya. Sa ilalim ng pamamahala at ayon sa plano ng Diyos Ama, si Jesucristo ang Lumikha, ang pinagmulan ng liwanag at buhay ng lahat ng bagay. …

“Si Jesucristo ang ilaw ng sanlibutan dahil siya ang pinagmumulan ng liwanag na ‘nanggagaling mula sa kinaroroonan ng Diyos upang punuin ang kalakhan ng kalawakan’ (D at T 88:12). Ang Kanyang ilaw ang ‘tunay na ilaw na nagbibigay-liwanag sa bawat tao na dumarating sa daigdig’ (D at T 93:2). Ang Kanyang halimbawa at mga turo ang tumatanglaw sa landas na dapat nating tahakin. …

“Si Jesucristo ang buhay ng sanlibutan dahil sa kanyang natatanging katayuan sa tinatawag ng mga banal na kasulatan na ‘dakila at walang hanggang plano ng kaligtasan mula sa kamatayan’ (2 Nephi 11:5). Ang kanyang Pagkabuhay na Mag-uli at Pagbabayad-sala ang nagliligtas sa atin mula sa kapwa pisikal at espirituwal na kamatayan” (“The Light and the Life,” Liahona, Dis. 1997, 42–43; tingnan sa New Era, Dis. 1996, 6).

Paano Ako Makakatagpo ng Pag-asa kay Jesucristo?

Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay may banal na kapangyarihang iangat kayo sa matatayog na lugar mula sa kung minsan ay tila mabigat na pasanin o kahinaan. Alam ng Panginoon ang inyong mga sitwasyon at hamon. Sinabi Niya kay Pablo at sa ating lahat, ‘Ang aking biyaya ay sapat na sa iyo.’ At gaya ni Pablo maisasagot natin: ‘Ang aking kapangyarihan ay nagiging sakdal sa kahinaan. Kaya’t bagkus akong magmamapuri na may malaking galak sa aking kahinaan upang manahan nawa sa akin ang kapangyarihan ni Cristo’ (II Mga Taga Corinto 12:9)” (“Hindi Ba’t May Dahilan upang Tayo ay Magsaya?” Liahona at Ensign, Nob. 2007, 19).

Julie B. Beck, Relief Society general president: “Itinanong ni Mormon, ‘Ano ito … na inyong aasahan?’ Tatlong dakilang pag-asa ang sagot niya sa atin: ‘Kayo ay magkakaroon ng pag-asa sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo at sa kapangyarihan ng kanyang pagkabuhay na mag-uli, na ibabangon tungo sa buhay na walang hanggan’ (Moroni 7:41).

“Nang binyagan kayo, nakasali kayo sa unang dakilang pag-asa, ang Pagbabayad-sala ni Cristo. Tuwing marapat kayong nakikibahagi ng sakramento, may oportunidad kayong muling magsimula. … Mag-iibayo ang pag-asa at pananampalataya ninyo sa Tagapagligtas kung magsisisi kayo at magbabago. …

“Ang ikalawang dakilang pag-asa ay ang Pagkabuhay na Mag-uli. Pinangakuan kayong lahat na sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo kayo’y mabubuhay na mag-uli. …

“Sa pag-asa sa Pagbabayad-sala at sa Pagkabuhay na Mag-uli, may ikatlong dakilang pag-asa kayo, ang pag-asa ng buhay na walang-hanggan. … Dahil may Tagapagligtas kayo, naniniwala rin kayo sa maligayang buhay at walang-hanggang paglikha, paglilingkod, at pagkatuto. Kayo’y nasa makipot at makitid na landas, at may pag-asang naghihintay sa inyo. … Dapat lang kayong manatili rito at sumulong na may liwanag ng pag-asa” (“Kami ay May Pag-asang Nakikita,” Liahona at Ensign, Mayo 2003, 103–5).

Detalye mula sa Ang Nabuhay na Mag-uling Jesucristo, ni Grant Romney Clawson; border: detalye mula sa Jesucristo, ni Harry Anderson