Ang Lihim na Tagapagbigay
“Iniibig ng Dios ang nagbibigay na masaya” (II Mga Taga Corinto 9:7).
Gustung-gusto ko ang lahat ng tungkol sa Pasko: mga ilaw, awiting Pamasko, oras para sa pamilya—lahat ng ginagawa natin para ipagdiwang ang kapanganakan ni Jesus. Ah, at gustung-gusto kong tumanggap ng mga regalo. Setyembre pa lang ay inililista ko na ang mga hiling ko sa Pasko.
May isang taon na halos kasinghaba ng braso ko ang listahan ko. At lagi akong nag-iisip ng mga bagay na maidaragdag dito. Sabik akong ipakita ito sa tatay ko. “David, alam ko na kung ano ang gusto mong matanggap sa Pasko,” sabi niya nang mabasa ito. “Pero ano naman ang ibibigay mo?”
“Gumagawa ako ng mga regalo sa paaralan para sa inyo ni Inay. Sa Biyernes mamimili kami ni Inay ng regalo para kina Shannon at Jon. Kaya naiplano ko na ito nang husto.”
“Hmmm,” ang tanging nasabi ni Itay. Sa kung anong dahilan ay hindi niya nagustuhan ang sagot ko. Hindi ko gusto ang tunog ng “hmmm.”
Nang sumunod na family home evening, tinalakay ng mga magulang ko ang ideya ng pagbibigay at pagtanggap at ang tunay na kahulugan ng Pasko. Nakikita kong nabawasan nang nabawasan ang listahan ko sa bawat minuto. Tinanong nila kung may mga ideya kami para maalala namin na lalong maging mapagbigay. Tuwang-tuwang nagtaas ng kamay si Shannon. Napaungol kami ng kuya kong si Jon. Karaniwan ang mga ideya ni Shannon ay ang paggawa ng kung anu-ano para sa ibang tao, gaya ng pagtatabas ng damo sa hardin ng kapitbahay.
“Pumili tayo ng ilang taong malungkot o nangangailangan at mag-iwan tayo ng mga regalo sa labas ng pintuan nila nang hindi nila alam,” masayang sabi ni Shannon.
“Hindi masama,” sabi ni Jon. “Ililihim natin iyon.”
“Masaya nga yata iyon,” naisip ko.
Nagkasundo kaming lahat na magandang plano iyon. Pumili kami ng dalawang pamilya. Isa na ang pamilyang Swenson sa ward namin. Mula nang mag-aral ulit si Brother Swenson, tila lagi silang kinakapos sa pera. Marami rin silang anak, na gugustuhing makatanggap ng mga sorpresa sa Pasko. Ang isa pang pamilya ay sina Mr. at Mrs. Perez, matandang mag-asawa na nakatira sa bandang ibaba ng kalye. Tila lagi silang malungkot.
Namili kaming lahat ng mga regalo. Nagkasundo kaming bilhan sila mula sa perang ipambibili sana ng sarili naming mga regalo. Ayos na rin sa akin iyon. Tuwang-tuwa ako sa pagpili ng mga laruan para sa mga anak na lalaki ng mga Swenson. Kahit paano hindi na gaanong mahalaga ang para sa akin.
Nagpasiya kaming magbigay ng regalo tuwing gabi sa bawat pamilya simula sa ika-12 araw bago mag-Pasko. Pagsapit ng unang gabi, nagsuot ako ng itim mula ulo hanggang paa, at inihatid ako ni Jon sa kotse papunta sa bahay ng mga Swenson. Tahimik kong inilagay ang unang regalo sa balkon, pinindot ko ang doorbell, at mabilis na tumakbo papalayo. Tumalon ako at nagtago sa likod ng pader nang buksan ng isa sa mga bata ang pinto. Narinig ko ang pagkagulat nila nang matuklasan nila ang regalo. Parang sasabog ang dibdib ko sa tuwa at kasiyahan. Nagsimula na ang buhay ko bilang Lihim na Tagapagbigay.
Lalong sumaya—at humirap din ang sitwasyon. Kinailangan naming pumunta nang iba’t ibang oras gabi-gabi at kung minsan kahit sa umaga dahil nagsimulang dumungaw sa bintana ang mga batang Swenson para hulihin kami. At tuwing dahan-dahan akong pumupunta sa may pintuan ng mga Perez, naiisip kong naghihintay roon si Mrs. Perez, handang buksang bigla ang pintuan, yakapin ako, at sabihin kung gaano ako kabait. Kinailangan kong iwasan iyon. Mas masaya kung hindi nila malalaman.
Aba, simula pa lang ang taong iyon. Nang sumunod na Pasko, napili namin ang isang pamilya na ang anak na babae ay 11 beses naospital sa taong iyon at isa pang pamilya na ang ina ay may kanser. Wow—hindi ko akalaing ganoon kahirap ang situwasyon ng ilang tao. Ngayong
Pasko na naman, nagpasiya kaming tulungan ang tatlong pamilya. Ang pinakamahirap na parte ay ang pagpili sa kanila. Tila napakaraming taong kailangang pasayahin nang kaunti sa Pasko.
Ang listahan ko? Bawat taon ay paikli ito nang paikli. Abalang-abala ako sa pagpaplano para sa Lihim na Tagapagbigay kaya wala akong oras para isipin ang sarili ko. May mga regalong dapat piliin at mga estratehiyang dapat planuhin.
Isang bagay ang tiyak—masayang gumawa ng mga bagay para sa iba. Walang makakatalo sa nadarama ko kapag nakikita ko ang pagkamangha at katuwaan sa mukha ng mga taong tinutulungan namin. Ang pagbibigay ay naging isa sa mga paborito ko sa Pasko.