2008
Ang Pinakamagandang Pasko sa Lahat
December 2008


Mensahe ng Unang Panguluhan

Ang Pinakamagandang Pasko sa Lahat

Sa panahong ito ng taon, puro awiting Pamasko ang maririnig sa radyo. Madalas mabaling ang aking isipan sa tahanan at sa mga Paskong nagdaan habang nakikinig ako sa ilang paborito kong awiting Pamasko, tulad ng isang ito:

Walang katulad ang tahanan

Tuwing Kapaskuhan,

Nasa malayo ka man

Kung hanap mo’y kaligayahan

Di mapapantayan

Ligaya sa tahanan.1

Sabi ng isang manunulat: “Pasko na namang muli, mga tao’y magsisiuwi. Natatangi dahil sa hiwaga, nadarama at himala, ang panahong ito sa isang banda ay tila kakaiba. Lahat ng mahalaga, lahat ng tumatagal, ay nananariwa sa atin: muli tayong nakauwi.”2

Ipinahayag ni Pangulong David O. McKay (1873–1970): “Madarama lamang ang tunay na kaligayahan kapag napaligaya ang iba—ang praktikal na pagsasagawa ng doktrina ng Tagapagligtas na isakripisyo ang buhay para masumpungan ito. Sa madaling salita, ang diwa ng Pasko ay diwa ni Cristo, na nagpapainit sa pagmamahalan at pagkakaibigan natin at nag-uudyok sa ating maglingkod.

“Ito ang diwa ng ebanghelyo ni Jesucristo, na kung susundin ay maghahatid ng ‘kapayapaan sa mundo,’ dahil ang kahulugan nito’y—kapayapaan sa lahat ng tao.”3

Ang pag[bi]bigay, hindi ang pagtanggap, ang siyang tunay na nagpapamukadkad sa diwa ng Pasko. Pinatatawad ang mga kaaway, nagugunita ang mga kaibigan, at sinusunod ang Diyos. Pinagliliwanag ng diwa ng Pasko ang inyong pananaw sa mundo, at nakikita natin ang abalang takbo ng buhay sa daigdig at nagiging mas interesado tayo sa mga tao kaysa mga bagay. Para malaman ang tunay na kahulugan ng “diwa ng Pasko,” kailangan lang nating baguhin ang huling dalawang salita, at ito ay magiging “Diwa ni Cristo.”

Pag-alaala sa Kanya

Kapag nasa atin ang diwa ng Pasko, naaalala natin Siya na ang pagsilang ay ating ginugunita sa panahong ito ng taon. Naiisip nating mabuti ang unang araw na iyon ng Pasko, na ipinropesiya ng mga sinaunang propeta. Kapwa natin alalahanin ang mga salita sa Isaias: “Narito, isang dalaga ay maglilihi, at manganganak ng isang lalake, at tatawagin ang kaniyang pangalan na Emmanuel”4—na ibig sabihi’y “sumasa atin ang Diyos.”

Sa lupain ng Amerika, sinabi ng mga propeta: “Ang panahon ay darating, at hindi na nalalayo, na taglay ang kapangyarihan, ang Panginoong Makapangyarihan … [ay] mananahan sa isang katawang-lupa. … Siya ay magdaranas ng mga tukso, at sakit ng katawan. … At siya ay tatawaging Jesucristo, ang Anak ng Diyos.”5

At dumating ang gabi ng mga gabi nang nasa kaparangan ang mga pastol at nagpakita ang anghel ng Panginoon sa kanila, na ibinabalita ang pagsilang ng Tagapagligtas. Kalaunan, naglakbay ang mga Pantas mula sa Silangan patungong Jerusalem, “Nagsisipagsabi, Saan naroon ang ipinanganak na hari ng mga Judio? sapagka’t aming nakita ang kaniyang bituin sa silanganan, at naparito kami upang siya’y sambahin. …

“Nang makita nila ang bituin, ay nangagalak sila ng di kawasang galak.

“At nagsipasok sila sa bahay, at nangakita nila ang sanggol na kasama ng kaniyang inang si Maria; at nangagpatirapa sila at nangagsisamba sa kaniya; at pagkabukas nila ng kanilang mga kayamanan ay inihandog nila sa kaniya ang mga alay, na ginto at kamangyan at mira.”6

Nagbabago ang panahon; mabilis na lumilipas ang mga taon; ngunit nananatiling sagrado ang Pasko. Sa kagila-gilalas na dispensasyong ito ng kaganapan ng panahon, tunay na walang hanggan ang mga oportunidad nating maglingkod, ngunit lumilipas din ang mga ito. May mga pusong pasasayahin. May magagandang salitang sasambitin. May mga regalong ibibigay. May mga gawaing gagawin. May mga kaluluwang ililigtas.

Isang Regalo ng Pasko

Noong mga unang taon ng 1930s, namigay ng Pamaskong regalo si Margaret Kisilevich at ang kapatid niyang si Nellie sa kanilang kapitbahay, ang pamilya Kozicki, na habambuhay nilang naalaala at naging inspirasyon sa kanilang mga pamilya.

Nakatira noon si Margaret sa Two Hills, Alberta, Canada—isang sakahan na tinirhan ng mga dayuhang Ukrai-nian at Polish na karaniwan ay malalaki ang pamilya at dukhang-dukha. Panahon iyon ng Matinding Pagdarahop.

Ang pamilya ni Margaret ay binubuo ng kanyang ina at ama at 15 anak nila. Masipag ang ina ni Margaret at mahilig magnegosyo ang kanyang ama—at sa dami ng anak nila, sila-sila rin ang gumagawa. Dahil dito, laging mainit ang kanilang tahanan, at sa kabila ng abang sitwasyon nila, hindi sila ginutom kahit kailan. Sa tag-init nagtanim sila sa isang malawak na hardin, gumawa ng sauerkraut, cottage cheese, sour cream, at dill pickles para ipagpalit sa ibang kailangan nila. Nag-alaga rin sila ng mga manok, baboy, at baka. Kakaunti ang pera nila, pero ang mga produkto nila ay maipagpapalit sa iba pang mga produktong hindi nila kayang gawin.

May mga kaibigan ang ina ni Margaret na kasama niyang nandayuhan mula sa dati nilang bansa. Ang magkakaibigang ito ay nagmamay-ari ng isang tindahang sari-sari, at ang tindahan ay naging puntahan ng mga tao sa lugar para magbigay o makipagpalit ng mga lumang damit, sapatos, atbp. Marami sa mga lumang gamit na ito ang naipasa sa pamilya ni Margaret.

Ang taglamig sa Alberta ay maginaw, matagal, at mahirap, at noong minsang talagang maginaw at matindi ang taglamig, napansin ni Margaret at ng kanyang kapatid na si Nellie ang karukhaan ng kanilang kapitbahay, ang pamilya Kozicki, na ilang milya ang layo ng sakahan. Kapag inihahatid ng amang Kozicki ang kanyang mga anak sa paaralan sa karetang siya ang gumawa, lagi itong pumapasok sa paaralan para magpainit sa pabilog na kalan doon bago umuwi. Ang sapatos ng pamilya ay yari sa mga ginupit-gupit na basahan at sako at ibinalot sa mga binti at paa, pinalamanan ng dayami, at tinalian ng pisi.

Nagpasiya sina Margaret at Nellie na imbitahan ang pamilya Kozicki, sa tulong ng mga bata, sa hapunan sa Pasko. Nagpasiya rin silang huwag ipaalam sa kanilang pamilya ang imbitasyon.

Bukang-liwayway na ng Pasko, at abala ang buong pamilya ni Margaret sa paghahanda ng engrandeng tanghalian. Sa gabi bago ang Pasko ay naipasok na sa oven ang malaking baboy na lilitsunin. Maaga na ring naihanda ang mga cabbage roll, doughnut, prune bun, at espesyal na inuming gulaman. Hahaluan ng sauerkraut, dill pickles, at mga gulay ang menu. Sina Margaret at Nellie ang namahala sa paghahanda ng mga sariwang gulay, at panay ang tanong ng nanay nila kung bakit napakarami nilang binabalatang patatas, karot, at rimulatsa (beets). Pero tuloy pa rin sila sa pagbabalat.

Tatay nila ang unang nakapansin sa mga kabayo at isang karetang puno ng 13 katao na pababa sa daanan nila. Dahil mahilig sa kabayo, nakilala niya ang mga ito kahit sa malayo. Tinanong niya ang kanyang asawa, “Bakit papunta rito ang mga Kozicki?” Ang sagot ng asawa sa kanya ay, “Ewan ko.”

Dumating sila, at tinulungan ng tatay ni Margaret si Mr. Kozicki na ilagay sa kuwadra ang mga kabayo. Niyakap ni Mrs. Kozicki ang nanay ni Margaret at pinasalamatan ito sa pag-imbita sa kanila sa araw ng Pasko. Pagkatapos ay nagsipasok na sila sa bahay, at nagsimula ang kainan.

Nauna ang matatanda, pagkatapos ay hinugasan ang mga pinggan at kutsara’t tinidor, at halinhinang nagsikain ang mga bata. Napakasayang kainan niyon, na mas sumaya pa dahil naibahagi nila ito. Nang makakain na ang lahat, nagkantahan sila ng mga awiting Pamasko, at nagsiupo na ang matatanda para muling magkuwentuhan.

Pagkakawanggawa

Dinala nina Margaret at Nellie ang mga bata sa silid-tulugan at hinila mula sa ilalim ng kama ang ilang kahong puno ng mga lumang damit na bigay ng mga negosyanteng kaibigan ng kanilang ina. Nakakatuwa ang naging kaguluhan, at nagkaroon ng biglaang fashion show at lahat ay pumili ng damit at sapatos na gusto nila. Napakaingay nila kaya pumasok ang tatay ni Margaret para tingnan kung bakit sila nagkakaingay. Nang makita niya ang kaligayahan at kagalakan ng mga batang Kozicki dahil sa “bago” nilang mga damit, ngumiti siya at sinabing, “Sige lang.”

Pagkadapit-hapon, bago pa guminaw at dumilim nang husto, nagpaalam na ang pamilya ni Margaret sa kanilang mga kaibigan, na lumisan nang busog, magaganda ang damit, at nakasapatos.

Hindi sinabi nina Margaret at Nellie kaninuman ang pag-imbita nila sa mga Kozicki, at nanatili itong lihim hanggang noong ika-77 Pasko ni Margaret Kisilevich Wright, noong 1998, nang ikuwento niya ito sa kanyang pamilya sa unang pagkakataon. Sinabi niyang iyon ang pinakamasaya niyang Pasko.

Kung gusto nating magkaroon ng napakasayang Pasko, dapat nating pakinggan ang tunog ng mga paang nakasandalyas. Kailangan nating abutin ang kamay ng Anluwagi. Sa bawat hakbang na sinusundan ang Kanyang mga yapak, tinatalikuran natin ang pag-aalinlangan at nagtatamo tayo ng katotohanan.

Sinabi tungkol kay Jesus ng Nazaret na Siya ay “[lumaki] sa karunungan at sa pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Dios at sa mga tao.”7 May determinasyon ba tayong gawin din ito? Isang linya sa banal na kasulatan ang may papuri sa ating Panginoon at Tagapagligtas, na sinabi nilang, Siya ay “naglilibot na gumagawa ng mabuti … ; sapagka’t sumasa kaniya ang Dios.”8

Dalangin ko na sa Kapaskuhang ito at sa lahat ng Kapaskuhang darating, nawa’y sundan natin ang Kanyang mga yapak. Sa gayon bawat Pasko ay magiging pinakamasayang Pasko sa lahat.

Ang Pagsilang ni Cristo, ni Antonio Correggio, © Superstock, hindi maaaring kopyahin

Hinila nina Margaret at Nellie mula sa ilalim ng kama ang ilang kahong puno ng mga lumang damit na bigay ng mga negosyanteng kaibigan ng kanilang ina. Napakasayang kaguluhan niyon, nang ang mga batang Kozicki ay pumili ng mga damit at sapatos na gusto nila.

Mga paglalarawan ni Daniel Lewis; kanan: z ni Harry Anderson, © Seventh-Day Adventist Church, hindi maaaring kopyahin; larawang kuha ng Busath Photography