2008
Isang Di-Inaasahang Aral
December 2008


Isang Di-Inaasahang Aral

Matapos lumipat ng trabaho sa New York City, lumabas ako isang gabi ng Disyembre upang mamili ng mga gamit para sa bago kong apartment. Kamakailan ay binagyo ang lungsod, at hanggang tuhod ang niyebe sa mga kalye. Nakabalabal ako ng makapal na pangginaw papunta sa tren na puno ng mga taong abalang namimili para sa okasyon.

Inip akong naghintay sa pagdating ng tren, na iniisip ang listahan ng aking bibilhin. Nang dumating ang tren sa wakas, sumakay ako, at inisa-isa ang mga silya sa paghahanap ng mauupuan. Ang pinakamalapit na upuan ay sa harap mismo ng isang matandang lalaking pulubi. Wala siyang pangginaw o makapal na damit. May dala lang siyang ilang plastic bag na puno ng kung anu-ano.

Ayaw kong umupo nang malapit sa mabahong amoy niya, at dahil marumi siya ay naisip ko na baka mapanganib siya. Kadalasan, ayaw kong mahingan ng pera. Naglakad ako kaagad sa kabilang dulo ng tren at umupo. Lahat ng iba pang mga pasahero ay nagpuntahan sa dulo ng tren, at naiwang mag-isa ang lalaki.

Di nagtagal isang binata ang sumakay at naupo sa upuang kaharap mismo ng pulubi. Walang pag-aatubiling ngumiti, nakipagkamay, at masayang bumati ang binatang ito. Umaliwalas ang mukha ng lalaki, at masaya silang nag-usap. Nag-usap sila nang 15 minuto, at nasiyahan silang makasama ang isa’t isa.

Habang nakamasid ako, naalala ko ang tunay na diwa ng Kapaskuhan. Habang abala sa pakikipag-usap, tumayo ang binata at hinubad ang kanyang tsaleko, polo, at ang panloob niyang mahabang manggas. Habang nakatayo na suot ang kamiseta, iniabot niya ang mahabang manggas sa pulubi. Magiliw itong tinanggap ng matandang lalaki, at patuloy na nag-usap ang dalawa. Bumaba ako ng tren sa kasunod na istasyon, na humahanga sa kabaitan ng binatang iyon. Inusig ako ng aking budhi dahil sa aking karamutan, pero may hangarin na akong maging mas mabuting tao.

Dumating sa mundo ang Hari ng mga hari sa pinakaabang kalagayan, sa hamak na sabsaban. Ang mundo ay binigyan ng isang mahalaga at nakapagliligtas na regalo—ang Anak ng Diyos. Nagpapasalamat ako sa kaloob ng Tagapagligtas sa aking buhay at sa paalaala ng Kanyang walang hanggang pagmamahal at habag sa mga anak ng Diyos. Nang Kapaskuhang iyon, nanariwa ang hangarin kong maging mas mabait, mas mapagbigay, at mas makatulad ng aking Tagapagligtas na si Jesucristo.