2008
Sumapat ang Kaunting Nakayanan Namin
December 2008


Sumapat ang Kaunting Nakayanan Namin

Malapit na ang Pasko, ngunit ngayong taon hindi kami magdiriwang na sagana sa pagkain at mga laruan. Pumanaw na si Papa, at dahil balo nagsimulang tumanggap ng maliit na pensyon si Mama, kasabay ang kaunting kita mula sa pagpapaupa.

Nasa sala kami ng aming apartment, sa Rio de Janeiro, Brazil. Tahimik ang silid. Nang biglang may narinig kaming ingay sa labas ng gusali na parang may taong dumating.

Tumindig ako at sumilip sa blinds ng bintana, kung saan tanaw ko ang papasok sa aming gusali. Nakita ko ang isang babaeng pulubi. May dala siyang ilang bag at gula-gulanit ang damit. Ilang sandali ko siyang pinagmasdan, para usisain kung ano ang gagawin niya. Binuksan niya ang isang maliit na balutan, inilabas ang ilang biskwit, at sinimulang kainin ito. Di nagtagal binuksan niya ang isa pang maliit na balutan na may lamang ilang barya at binilang ito.

Naantig ang batang puso ko, at pabulong kong tinawag ang aking ina, “May matandang babae sa labas. Halikayo’t tingnan ninyo.” Sumilip ang nanay ko, at naawa rin siya. Ipinakuha niya sa akin ang latang taguan namin ng kaunting pera, at tahimik na lumabas ng aming apartment at naghulog ng pera mula sa bintana ng pasilyo ng gusali.

Doon lang ako sa tabi ng bintana namin at pinanood ang pagbagsak ng pera. Nakita ng matandang babae ang pagbagsak ng isa at ng isa pa at ng isa pa. Sa pagsisikap na malaman kung saan nanggaling ang pera, tumingin siya sa mga bintana ng gusali. Sarado namang lahat. Pagkatapos ay may magandang nangyari. Tumingala siya sa langit at iniunat ang kulubot niyang mga kamay. Pagkatapos ay inilagay ang kanyang mga kamay sa kanyang dibdib at nagpasalamat sa regalong natanggap.

Sa likod ng blinds ng bintana, napaiyak kami sa pasasalamat na sumapat ang kaunting nakayanan namin para mapasaya ang isang taong kapos.