Isang Imbitasyonpara sa Araw ng Aktibidad
“Matipon din naman niya sa isa ang mga anak ng Dios na nagsisipangalat” (Juan 11:52).
“Tandaan ninyo na araw ng aktibidad ngayon paglabas ninyo sa eskuwela,” sabi ni Inay sa oras ng almusal.
Bumuntung-hininga si Clarissa. “Alam ko po.”
“Bakit?” tanong ni Inay. “Akala ko ba gustung-gusto mo ang araw ng aktibidad.”
“OK lang,” sabi ni Clarissa.
“Natatandaan mo ba kung gaano ka kasabik na makapunta noong mag-walong taong gulang ka na?” tanong ni Inay. “At gusto mo si Sister Cobian.”
“Magaling siya,” sabi ni Clarissa. “Mahirap lang kasi kami lang dalawa ni Ashley ang pupunta. Gusto ko si Ashley, at lagi siyang mabait sa akin. Pero halos 12 anyos na siya, at 9 pa lang ako. Hindi ko talaga alam kung ano ang sasabihin sa kanya. Hindi iyon ganoon kasaya.”
Niyakap ni Inay si Clarissa. “Sori kung mahirap kung minsan. Kakaunti ang Primary natin at iilan lang ang babae, pero tiyak ko na masisiyahan ka mamayang hapon.”
Paglabas ng eskuwela naglakad si Clarissa nang isang bloke papunta sa simbahan kung saan nila idaraos ang araw ng aktibidad. Masaya siyang binati nina Sister Cobian at Ashley. Matapos ang pambungad na panalangin sinabi ni Sister Cobian, “Tinanong ko ang Primary president tungkol sa mga batang babaeng nasa listahan ng Primary pero hindi dumadalo sa araw ng aktibidad o sa Primary. Nasa akin ang listahan ng mga bata at numero ng telepono nila. Naisip ko na kung tata-wagan natin sila bago sumapit ang bawat araw ng aktibidad, baka sumama sila sa atin.”
“Magandang ideya iyan!” bulalas ni Clarissa. “Masaya kapag mas maraming batang babae rito.”
Ngumiti si Sister Cobian. “Natutuwa ako’t nagustuhan mo ang ideya, dahil hihilingan kitang tawagan ang mga bata bago sumapit ang susunod na araw ng aktibidad natin.”
“Ako?” napalunok si Clarissa. Hindi siya sigurado roon. Iniabot ni Sister Cobian ang listahan sa kanya. Kilala niya ang lahat ng babaeng kaeskuwela niya, at nagsisimba ang ilan sa kanila paminsan-minsan. Pero baka nakakatakot silang tawagan at imbitahan.
“Gagawin mo ba?” tanong ni Sister Cobian.
Muling tiningnan ni Clarissa ang listahan. Kaedad niya ang ilan sa mga batang ito. Mas masaya ang araw ng aktibidad kung pupunta rin sila. “Sige po,” sabi niya.
Bago sumapit ang sumunod na araw ng aktibidad, tinawagan ni Clarissa ang mga batang nasa listahan. Nag-iwan siya ng mensahe o kinausap niya silang lahat. Hindi naman pala mahirap.
Sa eskuwela kinabukasan, tinanong ni Olivia, na isa sa mga batang tinawagan ni Clarissa, kung puwede silang sabay na maglakad papunta sa araw ng aktibidad. Tuwang-tuwa si Clarissa! Paglabas sa eskuwela sabay na naglakad sina Clarissa at Olivia papunta sa simbahan. Pagpasok nila sa silid ng Primary, nginitian sila nang todo ni Sister Cobian.
Bago sumapit ang sumunod na araw ng aktibidad, muling tinawagan ni Clarissa ang mga bata. Nasabik si Olivia na muling makadalo. Sinabi ni Chelsea na sasama rin siya. Kinabukasan ng hapon masayang-masaya si Clarissa habang naglalakad papunta sa meetinghouse kasama sina Olivia at Chelsea.
Noong gabing iyon ikinuwento ni Clarissa sa nanay niya kung gaano kasaya ang araw ng aktibidad na mas maraming babae ang kasama. “Sana puwedeng pumunta si Madison,” sabi ni Clarissa. “Pinakamatalik ko siyang kaibigan.”
“Eh, bakit naman hindi?” tanong ni Inay.
“Inay, wala siya sa listahan. “Hindi siya miyembro ng Simbahan.”
“Hindi mahalaga iyan,” sabi ni Inay. “Makakagawa ka ng gawaing misyonero kapag inimbitahan mo siya. Misyonera ka na nga dahil hinikayat mo sina Olivia at Chelsea.”
Pinag-isipan ito ni Clarissa. Nang tawagan niya ulit ang mga bata para sa araw ng aktibidad, tinawagan din niya si Madison. Nagpaalam si Madison sa nanay niya, at pinayagan naman siya. Hindi makapaniwala si Clarissa na gayon kadali iyon. Inisip niya kung bakit hindi niya inimbitahan si Madison noong mga nakaraang buwan!
Sa araw ng aktibidad noong linggong iyon, may masayang balita si Sister Cobian. Sa susunod nilang araw ng aktibidad, magkakaroon sila ng espesyal na panauhing magtuturo sa kanila kung paano magdekorasyon ng mga cake. Nagngitian sina Clarissa at Madison. Mukhang masaya iyon! Pag-alis nila noong hapong iyon, sabi ni Madison, “Salamat sa pag-imbita mo sa akin. Gusto kong pumunta sa susunod para magdekorasyon ng mga cake.”
Kinabukasan mismo, sinimulang kausapin ni Clarissa ang lahat ng kaibigan niya sa eskuwela tungkol sa pagdedekorasyon ng cake. Tumulong si Madison. Marami sa mga kaibigan nila ang nagsabing gusto nilang pumunta.
“Baka 15 babae ang pumunta sa susunod naming araw ng aktibidad,” sabi ni Clarissa sa nanay niya.
“Labinlima!” bulalas ni Inay. “Saan mo nakita ang gayon karaming batang babae?”
“Iniimbitahan ko ang lahat ng babae sa klase ko,” sabi ni Clarissa.
“Napakagaling niyan!” sabi ni Inay. “Pero mabuti pa ipaalam mo kay Sister Cobian para makapaghanda siya para sa gayon karami.”
Tinawagan ni Clarissa si Sister Cobian para sabihin kung ilang batang babae ang aasahan. Sa araw ng aktibidad siksikan sa silid ng Primary dahil sa mga batang babaeng nagdadaldalan at nagtatawanan habang nagdedekorasyon ng mga cake. Kinindatan ni Sister Cobian si Clarissa at nginitian ito nang todo.
Pagkaraan tinulungan ni Clarissa si Sister Cobian sa paglilinis. Lumapit ang kaibigan niyang si Emily para magpaalam. “Salamat po,” nahihiyang sabi nito kay Sister Cobian. “OK lang po ba kung imbitahan ko ang ate ko at dalawang pinsan sa susunod?”
Ngumiti si Sister Cobian. “Napakaganda niyan, Emily,” wika niya.
Hindi makapaghintay si Clarissa para sa susunod na araw ng aktibidad!