2009
Walang Sinumang Makakaalam
Pebrero 2009


Walang Sinumang Makakaalam

Elder Stanley G. Ellis

Ako ay isinilang at lumaki sa Burley, Idaho, USA. May bukirin at rantso roon ang aking ama, kaya ginugol ko ang oras ko sa pagtatrabaho sa labas ng bahay. Napakatagal nang miyembro ng Simbahan ang pamilya ko, at lumaki ako sa isang tapat na tahanan. Ngunit noong nasa hayskul ako, nasubukan ang aking patotoo sa isang pagkakataong hinangad ko.

May nakilala akong exchange student sa aming paaralan sa hayskul. Naisip ko na parang nakakatuwang karanasan iyon, kaya inalam kong mabuti kung paano maging exchange student, inalam ko ang pamamaraan, at nag-aplay ako. Natanggap ako. Noon ay 16 anyos ako. May isang taon na ako ng wikang Aleman, kaya akala ko, at pati na adviser ko, na sa Germany ako ipadadala. Kinukuha ng exchange program na ito ang lahat ng impormasyon tungkol sa iyo, itutugma sa mga pamilyang handang tumangkilik sa iyo, at saka ka itatalaga sa isang bansa.

Nang matanggap ako, sa Brazil ako itinalaga, at pumayag ako. Nakitira ako sa isang kahanga-hangang pamilya sa São Paulo. Anim na lalaki at isang babae ang anak nila, tulad sa pamilya ko. Mabuti na lang, nagsasalita sila ng Ingles. Naging napakagandang karanasan iyon, kahit na panahon ng tag-init lang ako naroon.

Noong nasa Brazil ako, nagkaroon ako ng ilang kaibigang nasa yugto ng buhay na sinusubukan nila ang mga bagay-bagay. Sinimulan nilang yayain akong lumabas para magkatuwaan kasama ang ilang babaing nakilala nila.

Libu-libong milya ang layo ko sa bahay sa isang bansang walang nakakakilala sa akin maliban sa pamilyang tumangkilik sa akin. Ang mga kaibigang nagyaya sa aking lumabas ay gumamit ng mga katagang “Walang sinumang makakaalam.” Sa maraming paraa’y totoo iyon. Tiyak nga namang walang makakaalam sa pamilya kong nasa Amerika. Tinedyer ako, malayo sa tahanan, may paanyayang gumawa ng mali, at walang sinumang makakaalam.

Pero alam kong malalaman ko. Alam kong malalaman ng Panginoon, kaya humindi ako sa kanilang mga paanyaya at patuloy akong humindi. Paulit-ulit silang nagyaya, natitiyak na makukumbinsi nila ako. Hindi lang minsan ang hamong iyon, kundi tuwing tatanggi ako, lalong tumatag ang pasiya kong manindigan.

Pangangatwiran ni Satanas

“Walang sinumang makakaalam” ang pangangatwirang gamit ni Satanas laban sa atin sa ating buhay. Ito ay kasinungalingan. Natuklasan ko iyan sa sarili ko noong tag-init na nasa Brazil ako. Ang naniniwala sa kasinungalingan ni Satanas, katunayan, ay kung ilan ang nakikisangkot sa mga bagay na tulad ng pornograpiya sa Internet. Akala nila magagawa nila ito sa paraang walang sinumang makakaalam. Ngunit sa bawat sitwasyon, alam nila at alam ng Diyos.

Sana’y huwag na huwag kayong maniwala sa kasinungalingang iyon sa anumang bahagi ng inyong buhay. Nagpapasalamat ako na nakita ko ang maling pangangatwiran nito at hindi ako nagpatangay. Tinulungan ako ng Espiritu na madama ang katotohanan. Umasa rin ako sa katotohanan na dahil sa natutuhan ko sa aking pamilya, alam ko kung ano ang tama. Itinuro sa akin ng mga magulang ko ang katotohanan. Natutuhan ko ang katotohanan sa Primary, Sunday School, Aaronic Priesthood, at seminary. Ang pundasyong iyon ng ebanghelyo ay nasa aking tahanan, sa pagpapalaki sa akin ng aking mga magulang, at sa mga aralin sa Simbahan.

Ang naranasan kong tukso bilang exchange student ay nagmula sa labas, mula sa makukulit na kaibigan. Iyon ay hamon mula sa labas sa mga bagay na pinaniniwalaan ko, at nagawa kong manindigan. Ngunit pagdating ng karagdagang mga karanasan, nalaman ko na susubukin tayo sa lahat ng dako. Ang ilan sa pinakamahihirap na hamon ay mula sa loob, kapag ang mga tuksong kailangang labanan ay nangyayari sa kaibuturan ng ating puso’t isipan.

Pagsubok sa Panginoon

Isa sa mga hamong ito ang dumating nang ipasiya kong magbayad ng tapat na ikapu noong malayo ako sa aming tahanan. Taun-taon isinasama kami ni Itay sa tithing settlement. Tinutulungan niya kaming magkuwenta ng aming ikapu, at binabayaran namin ito. Habang lumalaki ako, nakaugalian ko na ang magbayad ng ikapu. Kung tinanong ninyo ako noon, sinabi ko sana sa inyo na may patotoo na ako tungkol sa ikapu.

Nang magtapos ako ng hayskul, natanggap ako sa Harvard University, kaya nagtrabaho ako sa tag-init na iyon at kumita ng pambayad sa mga gastusin na hindi sakop ng scholarship ko. Sa pagtatapos ng unang semestre, nagastos ko sa walang katuturan ang lahat ng perang kinita ko na panggastos ko sana sa buong taon.

Sa simula ng ikalawang semestre, nagkatrabaho ako. Hindi ako makapagtrabahong mabuti dahil full-time student ako, pero nagtrabaho ako nang ilang oras sa isang linggo at tinanggap ko ang una kong suweldo. Siyempre, hindi naman iyon kalakihan, pero iyon lang ang pera ko hanggang sa susunod na suweldo.

At pumasok sa isipan ko ang tanong na, “Paano ang ikapu?” Nakasanayan ko nang magbayad ng aking ikapu pero laging sapat ang perang pambayad ko ng ikapu noon. Heto ako’t nahaharap sa hamon: babayaran ko ba ang aking ikapu samantalang hindi ko alam kung sasapat ang pera ko para sa susunod na dalawang linggo?

Habang iniisip ito, naalala ko ang talata sa Malakias 3:10, kung saan nangako ang Panginoon, “Subukan ninyo ako ngayon sa bagay na ito, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, kung hindi ko bubuksan sa inyo ang mga dungawan sa langit, at ihuhulog ko sa inyo ang isang pagpapala, na walang sapat na silid na kalalagyan.”

Kaya natanto kong iyon ang sagot sa akin. Bahala na ang Panginoon. Binayaran ko ang aking ikapu, na di tiyak kung sasapat ang pera ko para ako makaraos hanggang sa susunod na suweldo. At isang himala ang nangyari. Nakaraos ako sa dalawang linggong iyon.

Naunawaan ko nang husto na tinutupad ng Panginoon ang Kanyang sinabi. Tinupad ng Panginoon ang Kanyang pangako. Sabi nga sa mga banal na kasulatan, kung magbabayad tayo ng ating ikapu, pagpapalain Niya tayo. Nangyari ang himalang iyon tuwing ikalawang linggo sa buong semestre. Dati, akala ko’y may patotoo ako tungkol sa ikapu, pero ngayon, dahil sa tamang pasiya ko, nagkaroon ako ng malakas na patotoo tungkol sa ikapu. Laging tinutupad ng Panginoon ang Kanyang sinasabi, kaya patuloy na lumago ang aking patotoo, nang paunti-unti.

Paniwalaan ang Panginoon

Hihikayatin ko kayo, habang kayo ay tinedyer pa at pinalalago ang sarili ninyong patotoo, na kailangan ninyong paniwalaan ang sinabi ng Panginoon. Kapag may ipinangako ang Panginoon, maaasahan natin ito dahil, ayon sa turo ng mga banal na kasulatan sa atin, hindi makapagsisinungaling ang Diyos. Tinutupad ng Panginoon ang Kanyang sinabi. Tuwing mangangako ang Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang propeta o tuwiran sa Kanyang mga banal na kasulatan, maaasahan natin ito.

Sa mga banal na kasulatan hinihikayat tayong bumaling sa Panginoon. “Humingi, at kayo ay makatatanggap; kumatok, at kayo ay pagbubuksan; sapagkat siya na humihingi ay tumatanggap; at siya na kumakatok ay pagbubuksan” (3 Nephi 27:29).

Natutuhan ko sa mga ito at sa iba pang mga karanasan na totoo ang banal na kasulatang ito. Ang Ama sa Langit ay laging nariyan para sa atin. Sa loob man o sa labas nagmula ang ating hamon, ang Kanyang plano, Kanyang mga banal na kasulatan, Kanyang pagmamahal, at Kanyang kaloob na Espiritu Santo ang gagabay sa atin.

Nalaman ko na susubukan tayo sa lahat ng dako. Ang ilan sa pinakamahihirap na hamon ay nagmumula sa loob, sa kaibuturan ng ating puso’t isipan.

Binayaran ko ang aking ikapu, na di tiyak kung sasapat ang pera ko para makaraos hanggang sa susunod na suweldo. At isang himala ang nangyari. Nakaraos ako sa dalawang linggong iyon.

Mga paglalarawan ni Dan Burr